Hindi pa rin mawala sa isip nila ni Aniyah ang nasaksihan nila kahapon kaya't natakot silang lumabas ng bahay pagkatapos ng malalakas na kidlat nang sumigaw ang babaeng nagngangalang Nimwe.
Hindi rin naalis sa isip niya ang magandang mukha ng batang prinsesa. Kahit kasi may pagkamaldita ito ay nanatiling maamo ang mukha ng prinsesa sa isip niya.
Kinabukasan na sila pumunta ng bayan ng kaibigan niyang si Aniyah pagkatapos ng pagsasanay nila sa bahay ni Maestro.
"Maglakad na lang muna tayo hanggang sa may dumaan na kalesa," ani Aniyah.
"Sige," sang-ayon niya.
Nagsimula na nga silang maglakad papuntang bayan.
"Naiisip mo ba iyong babae kahapon?" panimula ni Aniyah.
Sinisipa niya ang mga bato sa daan at tahimik na nagpatuloy sa paglakad.
"Hoy, Drino! Ang sabi ko, hindi ba naalis sa utak mo iyong babae kahapon? Alam mo ba'ng hindi ako nakatulog agad? Nakadikit sa utak ko iyong mukha niya tapos tumatayo ang mga balahibo ko."
"Hayaan mo na lang iyon, Aniyah. Hindi na rin naman yata natin makikita iyong babae," inangat na niya ang tingin sa mukha ng kaibigan at nginitian ito para maalis ang takot nito.
"Iyong prinsesa..."
"Ang ganda niya, di ba, Aniyah?" Nangingislap pa ang mga matang dugtong niya sa sasabihin sana ng kaibigan niya.
Natigilan ang kaibigan niya saka pinagmasdan nang maigi ang mukha niya. Iniiwas niya naman ang mukha sa mapanuring tingin ng kaibigan.
"Hala, Drino... Bakit parang namumula ang mukha mo? Naku..."
"Halika na, Aniyah! May paparating nang kalesa," agad na sabi niya saka hinila ang kamay ng kaibigan para salubungin ang paparating na kalesa.
Hindi na nangulit pa si Aniyah dahil pumuwesto na sila sa gilid ng kalsada para makasakay dito habang tumatakbo ang kalesa. Ilang beses na nilang ginagawa iyon kaya't hindi na sila kinakabahan kahit medyo delikado ang pagsampa sa kalesa habang tumatakbo ito. Siyempre, hindi iyon alam ng mga magulang niya. Siguradong malalagot sila kung sakali mang makita sila ng mga ito.
Nagtatawanang humawak agad silang dalawa sa likod ng tumatakbong kalesa. Hindi na sila nag-usap pa at nalilibang na silang pareho sa tanawin sa paligid. Nililipad-lipad ng hangin ang mahabang buhok ng kaibigan papunta sa mukha niya.
"Hindi ka na naman nagtali ng buhok mo, Aniyah," reklamo niya habang hinahawi ang buhok nitong pumapalo sa mukha niya.
Tawa lang ang isinagot ng kaibigan na parang nang-aasar pa na iginalaw ang ulo para humampas uli ang mga hibla ng buhok nito sa kanya. Natatawang naiiling na lang din siya sa pagkapilya nito.
Nang malapit na sila sa bayan ay sabay pa silang tumalon ni Aniyah. Hindi maalis-alis ang mga ngiti sa mga labi nila. Nasisiyahang napapatingin sila sa maraming taong bumibili nang araw na iyon.
Hindi pa rin maiiwasang pagtitinginan siya ng mga tao sa bayan. Minsan ay nakakalimutan niyang kakaiba pala ang hitsura niya kaya't nagtataka pa siya kapag may mga tumititig sa kanya at pagkatapos ay parang takot o kaya nama'y nandidiring umiiwas sa kanya.
Ang batang puso niya ay nasasaktan sa mga ganu'ng reaksiyon ng mga tao kaya't yumuyuko na lang siya. Napapansin naman iyon ni Aniyah pero hindi ito nagsasalita. Inaakbayan lang siya nito saka minsan ay tinitingnan nito ng masama ang mga nagtatawanan o nagpaparinig sa kanya.
"Inang, may halimaw po," nanghilakbot na sigaw ng isang bata na akay ng isang babae.
Napatingin naman agad sa kanya ang ina ng bata at walang imik na kinarga nito ang anak at nagmamadaling lumayo sa kanila. Kunyari ay hindi niya iyon napansin pero narinig niya ang pag-ingos ni Aniyah sa tabi niya.
"Tsk! Ang mga tao talaga! Akala mo naman ang ganda ng lahi nila," inis na sabi ng kaibigan.
Imbes na yumuko uli dahil sa reaksiyon ng bata at ng ina nito ay inangat na niya ang mukha at nakangiting napatingin sa kaibigan. Ito lang talaga ang nagpapalakas ng loob niya.
"Puntahan mo na si Aling Ester at baka tambak na ang mga huhugasan mo du'n."
Kapag nasa bayan kasi sila ay tumatambay si Aniyah sa kainan ni Aling Ester. Hinuhugasan nito ang mga pinggan at bibigyan naman ito ng mga tirang ulam ni Aling Ester na dinadala nila sa kanila para makain sa hapunan.
"Sige. Kita na lang tayo mamaya," agad na tumakbo na ang kaibigan papunta sa kainan ng matabang babae.
Siya naman ay inilibot ang mga mata sa mga nagtitinda roon. Naghahanap pa siya nang pwedeng malapitan para maalok ng kaniyang serbisyo. Medyo hirap siyang maghanap ng pwede niyang maalok ng serbisyo niya dahil madalas ay pinagtatabuyan siya dahil sa hitsura niya lalo na sa mga kainan.
Pinuntahan niya ang isang lalaki na nagtitinda ng mga prutas.
"Baka ho may mga basura kayong gusto ninyong itapon ko kapalit ng konting barya."
Agad na bumaling sa kanya ang lalaki. Nakita niya ang pagngiwi ng mukha nito nang makita siya.
"Umalis ka rito. Nakakamalas ka lang sa mga tinda ko," matigas na sabi nito na iwinasiwas pa ang mga kamay na para bang nagtataboy ng mga langaw.
Walang imik na umalis nga siya agad. Lumapit siya sa katabing tindahan pero bago pa siya makapagsalita ay itinulak na siya ng matabang lalaki.
"Alis! Matatakot ang mga kustomer ko sa'yo."
Laglag ang mga balikat na lumayo nga siya. Pagtalikod niya ay nabunggo siya sa isang matigas na bagay. Nakita niya ang isang maliit na kariton na tinutulak ng isang matandang babaeng kuba.
"Pasensiya na po. Hindi ko po nakita agad," hinging paumanhin ng batang si Selendrino.
"Okay lang, apo," tanging sabi ng matandang babae na ipinagpatuloy ang pagtulak sa kariton.
Nakikita niya na hirap ito sa pagkilos. Agad na tumabi siya sa matanda at humawak na rin sa kariton.
"Tulungan ko na po kayo, lola." Tumulong na nga siya sa pagtutulak ng kariton.
Mabigat nga iyon kahit maliit lang dahil maraming laman ang kariton na iba't-ibang gamit.
"Salamat, apo. Kanina pa talaga ako nahihirapan sa bigat nito. Wala man lang kasing isang tumulong sa akin," mahinang-mahina ang boses ng matanda dahil parang hinihingal ito.
"Sumakay na lang kayo sa kariton, la, at ako na ang bahalang magtulak kung saan ninyo ito ipupuwesto."
"Kakayanin mo ba ito? Matangkad ka nga na bata pero maliit ang pangangatawan mo. Baka mahirapan ka masyado."
"Kaya ko po, la. Huwag kayong mag-alala."
Ngumiti ang matanda bilang sagot. Tinulungan niya itong umakyat ng kariton at pinaupo doon. Nang maayos na ang pwesto ng matanda ay sinimulan na niyang itulak ang kariton.
Muntik pa siyang mapasigaw nang tumunog ang buto niya sa pagtulak ng mabigat na kariton.
"Okay ka lang, iho?" Nag-aalalang tanong ng matanda nang makita ang reaksiyon ng mukha niya.
"O-okay lang po, lola..." sabi niya habang ibinuhos niya ang lakas sa pagtulak sa kariton. Gumalaw naman iyon nang konting-konti.
"Saan po tayo papunta, la?" Tanong niya kahit hirap pa rin sa pagtulak.
"Doon sana." Itinuro ng matanda ang daan sa kalayuan papunta sa kagubatan.
Medyo malayo-layo pala ang pupuntahan nila. Napasubo yata siya. Baka mamaya ay hihimatayin na naman siya. Alam niya kasing walang lakas talaga ang katawan niya at madali siyang mahimatay kapag napagod nang husto.
"Sige po."
Ubod lakas na itinulak niya uli ang kariton. Halos madulas na ang dalawang paa niya nang ibuhos niya ang lakas doon para makatulong sa pagtulak. Nakita niyang pumikit pa ang matanda na parang matutulog pa yata.
Hingal-kabayo na siya pero parang hindi pa rin sila nakakaalis sa pwesto nila kanina.
"Accelerare sine difficultate actio..."
"Ho?" Natigil siya sa pagtulak nang parang nagsalita ang matanda kahit nakapikit.
Hindi na ito nagsalita pa kaya sa tingin niya ay nakatulog na nga ito at nagsalita habang tulog. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang matandang tahimik sa loob ng kariton. Sa tingin niya ay napagod nga talaga ito kaya't naidlip agad.
Itinulak niya uli ang kariton at nabigla pa siya dahil parang gumaan iyon. Itinulak pa niya uli at mabilis na kumilos ang mga gulong nu'n. Napakunot-noo siya dahil sa sobrang gaan na ng kariton. Nagtataka man ay ipinagpatuloy na niya ang pagtutulak. Agad na narating nila ang b****a ng gubat.
Ipinasok na niya sa gubat ang kariton. Masyadong masukal iyon at hindi iyon pinupuntahan ng mga tao. Tumigil siya dahil nagdadalawang-isip siya kung tama nga ba ang pinuntahan niya. Hindi niya kasi maisip na ang matandang kubang katulad nito ay doon nakatira. Masyadong mapanganib.
Inilibot pa niya ang tingin sa naglalakihang puno na punong-puno ng mga ligaw na halaman at mga dahon. Pakiramdam pa nga niya ay may malalaking ahas na nakatira sa gubat na iyon. Hindi pa sila nakakalayo sa b****a ng gubat pero iyon na agad ang sumalubong sa kanya.
Kahit maliwanang pa ang araw ay biglang parang dumilim doon dahil natatabunan ng mga malalaking kahoy ang buong kagubatan. Natatabunan ng mga iyon ang sinag ng araw. Napapitlag pa siya nang biglang may umungol sa di kalayuan. Sa tingin niya ay galing iyon sa isang mabangis na hayop.
Nanghilakbot siya pero naisip niya ang matandang nasa kariton.
"Maraming salamat, apo. Hanggang dito na lang pala ako. Malapit na lang din naman ang tinitirhan ko."
Hindi niya namalayang nagising na pala ang matanda.
"Lola, masyadong nakakatakot ang lugar na ito. Bakit dito po kayo nakatira? Baka mapa'no pa kayo. Asa'n po ang bahay ninyo nang maihatid ko kayo hanggang doon?"
"Huwag na apo. Isang hakbang na lang din naman ang bahay ko."
"Ho?" Tiningan niya ang nasa harapan. Wala naman siyang nakikitang bahay na nasa malapit.
"Sa likod ng malaking punong iyan. Andiyan ang bahay ko," itinuro pa ng matanda ang isang napakalaking puno sa harap.
"Eh, sige po. Itutulak ko po hanggang doon ang kariton," akmang kikilos nga siya uli pero pinigilan siya ng matanda.
"Sige na. Umuwi ka na, apo."
Tinulungan niyang bumaba ang matanda sa kariton.
"Wala akong ibang maibabayad sa'yo. Mamili ka na lang sa mga gamit sa kariton na gusto mo."
"Ay, huwag na ho, lola. Kagustuhan ko po ang matulungan kayo," magalang na tanggi niya.
"May makakain po ba kayo rito?" Nag-aalala pa rin siya sa matanda.
"Sa laki nitong gubat, andito na lahat ng kailangan ko," nakangiting sagot nito.
Napakamot siya sa ulo. Hindi siya mapalagay na iwan ang matanda doon.
"Sumama na lang po kayo sa akin. May espasyo pa kami para sa isang tao sa bahay. Doon makakasama mo ang mga magulang ko po. Mababait po sila," alok niya sa matanda.
Kinuha ng matanda ang isang kamay niya at nginitian siya lalo.
"Isa kang mabuting bata, Selendrino. Balang araw ay makukuha mo rin ang nararapat sa'yo."
Napakunot-noo siya sa narinig.
"Paano ninyo po nalaman ang..."
"Bubuwit!" Natigil ang pagtatanong niya sana kung paano nitong nalaman ang pangalan niya nang parang may tinawag ang matandang babae.
Nagulat na lang siya nang biglang may lumundag na isang maliit na daga papunta sa kamay nito.
"Lola! May daga!" Agad niya sanang dadakmain ang maliit na daga dahil baka makagat nito ang kamay ng matanda.
Natatawang iniiwas lang ng matanda ang kamay nito.
"Siya ang kasa-kasama ko sa mga lakad ko. Ibibigay ko siya sa'yo bilang pasasalamat ko."
Natigilan siya. Napatitig sa maliit na dagang kulay ginto sa kamay ng matanda na nakatingin din sa kanya. Ngayon pa lang siya nakakakita ng dagang ganu'n ang kulay.
Napaatras pa siya sa gulat nang ilapit ng matanda ang kamay nito na may daga sa mukha niya.
"Sa'yo na. Ikaw na ang bahalang magbigay ng pangalan sa kanya. Tanging bubuwit lang kasi ang tawag ko sa kanya. Hindi kasi ako mapakali kung wala akong maibigay sa'yo bilang pasasalamat."
Tatanggihan niya sana pero ayaw niya namang sumama ang loob ng matanda dahil iyon lang ang tanging maialok nito sa kanya. Atubiling kinuha niya ang daga sa kamay nito. Nagulat pa siya nang bago pa niya makuha ang daga ay tumalon na ito at lumipat sa kamay niya.
"Nagustuhan ka niya agad, Selendrino," nakangiting sabi ng matanda.
Hindi niya alam pero nangingiti na rin siya nang pagmasdan ang munting bubuwit. Ano kaya ang ipapangalan niya rito?
Tatanungin niya sana ang matanda pero laking gulat niya nang wala na ito sa harap niya. Wala na rin ang kariton na itinulak niya kanina. Umikot-ikot pa siya para siguraduhing wala na nga ito. Tinakbo niya ang malaking puno na itinuro ng matanda kanina pero wala ito roon at wala rin siyang makitang bahay.
"Nasaan na si lola?" Tanong niya sa sarili.
"Skwik, skwik," tumunog ang daga na para bang gustong sagutin ang katanungan niya.
Napatingin siya sa dagang hawak.
Alanganing naglakad na siya palabas ng gubat dahil nagsimula na rin siyang matakot. Lumalakas na kasi ang tunog ng ibat-ibang hayop. Lumilingon-lingon pa rin siya at nagbabakasakaling makikita ang matandang babae pero wala.
Nasilaw pa ang mga mata niya nang tuluyang makalabas sa gubat. Tirk pa rin pala talaga ang araw sa labas ng gubat dahil nu'ng nasa loob siya ay parang papadilim na.
Nabigla siya nang biglang tumalon ang daga galing sa kamay niya at mabilis na tumakbo.
"Hoy!"
Napatakbo na rin siya para sundan ang bubuwit. Papunta ito sa bayan. Hindi niya inaalis ang tingin sa maliit na daga dahil ilang beses na itong muntik maapakan ng mga tao. Hinihingal na siya pero mabilis pa rin ang takbo ng daga.
Bigla itong tumigil sa isang tindahan. Tumalon ito sa umpok ng patatas. Agad na kumagat ito sa isang patatas. Nanlaki ang mga mata niya sa ginawa ng daga. Napatingin siya sa tindero na abala sa mga kustomer na bumibili.
Mabilis na nilapitan niya ang daga at dinakma iyon. Agad na inilagay niya sa bulsa ang maliit na daga at nagmamadaling umalis sa tindahan bago pa sila mapansin ng tindero.
Nang makalayo-layo na ay kinuha niya uli ito sa bulsa niya. Nagulat uli siya nang pagkuha niya ay bitbit pa rin ng daga ang patatas na kinagat nito kanina. Sa sobrang liit nito ay nakaya nitong bitbitin ang isang buong patatas?!
"Ah, alam ko na kung ano ang itatawag ko sa'yo. Magmula ngayon ay ikaw na si Patat. Paborito mo yata kasi ang patatas," nakangiting sabi niya na pinagmamasdan ang bubuwit na hindi tumitigil sa kakakagat sa patatas.