"Drino!"
Napalingon siya sa kaibigang si Aniyah na kakalabas lang sa kainan ni Aling Esther. Mga dalawang oras na siyang nakaupo sa harap ng kainan habang hinintay na lumabas ang kaibigan. Nasa balikat niya si Patat at tahimik na natutulog sa sobrang kabusugan. Naubos nito ang malaking patatas na nakuha nito kanina.
"Naku! Ito lang ang ibinigay ni Aling Esther pagkatapos nang ilang oras kong paghuhugas. Mga tutong lang ito at isang piraso ng isda. Ito lang daw kasi ang naiwan sa tinda niya dahil maraming dumagsang kustomer. Kung alam ko lang, eh, di sana siya na lang ang naghugas du'n sa tambak na mga pinggan sa kusina," tuluy-tuloy na reklamo ni Aniyah na umiingos pa habang nagsasalita.
Tumayo na siya at kinuha ang supot na hawak nito.
"Halika na at gagabihin pa tayo sa daan. Mahihirapan na naman tayong makahanap ng kalesa na dadaan sa atin."
"Eh, ikaw, ano ang nakuha mo ngayong araw? May nakuha ka bang mga barya?" Saka lang ito tumingin sa mukha niya.
Ngumiti siya at tiningnan ang munting dagang himbing na himbing pa ring natutulog sa balikat niya.
Nanlaki ang mga mata ni Aniyah nang mapansin ang daga.
"Iyan lang ang ibinayad sa'yo? Ano'ng klaseng luto ang magagawa natin diyan sa sobrang liit? Hindi aabot sa bituka natin ang laman ng dagang iyan."
Biglang dumilat ang daga at agad na tumingin sa kaibigan na lalong napamulagat sa bubuwit.
"Aba! Nakakaintindi yata siya," dugtong pa ni Aniyah.
Marahang kinuha niya ang daga sa balikat at hinawakan.
"Sino naman ang may sabing uulamin natin ang dagang ito?" Natatawang tanong niya sa kababata.
"Ano palang plano mong gawin diyan?"
"Ibinigay kasi siya sa akin ng matandang natulungan ko kanina. Wala raw kasi siyang maibigay na bayad kaya't ito na lang. Hindi ko sana tatanggapin dahil kawawa naman pero bigla na lang siyang naglaho," kumunot na uli ang noo niya nang maalala ang matanda.
"Talaga? Baka naman maligno iyon? Marami pa naman ang bali-balita sa kainan na may gumagalang maligno sa gabi," sabi ng kaibigan na kinuha na ang bubuwit sa kamay niya.
"Saka na tayo maniwala sa maligno kung nakikita na natin. Halika na at gagabihin na nga tayo," aya niya sa kaibigan.
Sumunod naman ang kaibigan sa kanya na tuwang-tuwang hinihimas ng mga daliri ang dagang hawak nito.
"Ano'ng pangalan niya?" Tanong pa nito.
"Patat," maikling sagot niya.
"Bakit patat?" Nagtatakang tanong ni Aniyah.
"Kasi mahilig siya sa patatas," natatawang sagot niya.
Naglalakad na sila sa isang masukal na daan. Palingon-lingon sila sa likod nila at umaasang may maliligaw na kalesa para makasakay uli sila sa likod. Pababa na ang araw at kung maglalakad lang sila pauwi ay tiyak na aabutin sila ng gabi sa daan. Malalagot na naman sila sa mga magulang niya. Nasa kabilang lugar kasi nagtitinda ang mga ito at sinadya nilang sa bayan pumunta para maghanap ng mapagkakakitaan para hindi sila mahuli ng mga magulang niya.
Ayaw na ayaw kasi ng mga ito na pumupunta sila ng bayan na sila lang. Ang gusto ng mga matanda ay maging seryoso sila sa libreng pagtuturong inaalok ni Maestro.
Malapit isang oras na silang naglalakad pero wala pa ring naligaw na kalesa sa daan. Nagsimula na rin siyang mabahala dahil papawala na ang araw.
"Aniyah, bilisan na natin dahil parang walang dadaang kalesa dahil papadilim na," hinawakan niya ang kamay ng kaibigan at malalaki ang mga hakbang na nagpatuloy sa paglakad.
Lakad-takbo na ang ginawa nilang dalawa. Magtatakip-silim na at nasa daan na sila kung saan napupuno ito ng mahahabang talahiban. Malamang maraming mga ahas sa bahaging iyon dahil sa mga naglalakihang damo. Hindi niya binibitawan ang kamay ni Aniyah. Kahit sabihin kasing lampa siya ay hindi niya naman hahayaang malagay sa panganib ang kaibigan.
Nasa balikat na nito si Patat na mukhang alerto rin dahil panay ang galaw ng ulo ng daga. Gumagalaw-galaw pa ang mga tenga nito na para bang may naririnig na kung ano maliban sa ingay ng mga kulisap.
Sabay pa silang natigilan ni Aniyah at muntik pang matumba dahil nagkabungguan sila sa sobrang gulat nang biglang may malakas na ungol silang narinig. Tila galing iyon sa isang malaking hayop na parang nasasaktan. Hindi sila kumikilos sa kinatatayuan at pinapakiramdaman ang paligid. Muli ay narinig nila ang malakas na sigaw na maging si Patat ay biglang tumalon sa damuhan.
"Pat!" sumigaw man siya ay pinilit niya pa ring huwag iyong palakasin masyado dahil sa takot na baka marinig sila ng hayop na umungol kanina. Baka kasi isa iyong mabangis na hayop.
Nakita nila si Patat na tumalon patungo sa pinanggalingan ng boses. Nagkatinginan sila ni Aniyah at walang nagawang sinundan na lang din ang bubuwit. Dahan-dahan ang bawat hakbang nila. Hinahawi nila ang mga damo para makita ang daan.
Napatakip pa sa dalawang tenga si Aniyah nang biglang umungol nang napakalakas ang hayop. Napaawang ang bibig niya habang napatakip naman sa bibig nito si Aniyah para pagtakpan ang pagsinghap nang tumambad sa harap nila ang isang napakalaking aso na nanlilisik ang mga mata.
Nakatunghay ang aso sa babaeng nakahiga sa damuhan na nakabuka ang dalawang hita at parang walang malay. Lalo pa silang nagulat nang makita ang tila isang sanggol sa gitna ng mga hita ng babae. Maya-maya ay umiyak ang sanggol.
Pipigilan niya sana ang aso nang makitang yumuko ito sa sanggol. Baka kasi kainin nito iyon o kagatin. Natigil lang siya sa pagkilos nang biglang may kumagat sa paa niya. Napatingin siya sa kung ano'ng kumagat sa kanya at nakita niya si Pat.
"Pat," may diin ang pagkakabigkas niya ng pangalan ng daga pero mahina pa rin ang boses.
Susugod sana siya uli nang pigilan naman siya sa braso ni Aniyah.
"Huwag. Tingnan mo. Hindi niya naman inaano ang sanggol," pabulong na sabi ni Aniyah.
Kinuskos pa niya ang mga mata ng mga kamay nang makitang parang tumayo ang aso habang hawak ang sanggol.
Paano'ng nagagawa nito iyon na parang isang taong karga ang bagong silang na bata?
"A-anak ko..." nanghihinang sabi ng babaeng nakahiga sa damuhan. Itinaas nito ang isang kamay na parang inaabot ang sanggol na hawak ng malaking asong nanlilisik ang mga mata.
Lumapit ang aso sa babae at akala nila ay ilalapit nito ang sanggol. Nabigla na lang sila nang biglang daklutin ng aso ang dibdib ng babae.
"Ahhh!" Bigla niyang itinakip ang kamay sa bibig ni Aniyah bago pa lumakas ang sigaw nito.
Parehong nandidilat ang mga mata nila nang duguang inalis ng aso ang kamay sa dibdib ng babae. May hawak na ito sa kamay na para bang... PUSO!
Dinaklot nito ang puso ng babaeng kapapanganak lang!
"Ang sanggol," mahinang sabi niya.
Kahit bata pa siya ay hindi niya naman maaatim na huwag subukang ipagtanggol ang walang muwang na sanggol.
"Drino!" Hinawakan ni Aniyah ang damit niya dahil sumugod na siya palapit sa asong halimaw.
Pinulot niya ang isang sanga na nasa tabi at ihahampas sana iyon sa hayop pero natigilan din nang makitang inilapit ng aso ang pusong dinaklot nito sa ina ng bata sa bibig ng sanggol.
Bigla ay nagkulay pula ang mga mata ng bata. Unti-unti ay may tumubo ring mga balahibo sa buong katawan nito. Umawang ang bibig ng sanggol at biglang nagsilabasan ang matutulis na ngipin.
"D-drino..." Narinig niya ang nahihintakutang boses ng kaibigan sa tabi niya.
Nakita nila pareho nang lamunin ng sanggol ang puso ng sariling ina nito.
Saka lang siya parang natauhan nang kagatin siya uli ni Patat pero sa tenga na dahil nasa balikat na niya pala ang bubuwit. Wala sa loob na nabitiwan niya ang hawak na sanga ng kahoy na ipapalo niya sana sa halimaw.
Biglang lumingon sa kanila ang malaking aso dahil sa nilikhang ingay ng pagbagsak ng sanga. Mabilis na nahila niya si Aniyah padapa. Mabuti na lang at matataas ang talahib at naikubli sila nito sa nanlilisik na mga mata ng aso.
Pareho silang pigil ang hininga habang tahimik na nakadapa sa lupa. Nagkakatinginan lang sila ni Aniyah na parehong nanlalaki ang mga mata.
Maya-maya ay narinig nila ang papalayong mga yabag. Hindi muna sila kumilos ng ilang minuto. Nang sa tingin nila ay nakaalis na ang halimaw na may bitbit na sanggol ay mabilis na tumayo siya at inalalayan si Aniyah na tumayo na rin.
Walang lingon-likod na tumakbo sila pareho sa gitna ng daanan. Laking pasasalamat nila nang makarinig sila ng papalapit na kalesa. Inihanda nila ang mga sarili para makasampa sa likod nu'n kapag dumaan na sa harap nila.
Mabilis na nakasampa sila. Sabay pa nilang nilingon ang lugar na pinanggalingan nila.
"A-aniyah..."
"D-Drino..."
Magkapanabay pa nilang sambit ng mga pangalan nila nang biglang sumulpot doon ang isang malaking lalaking may bitbit na sanggol. Hindi nila masyadong maaninag na ang mukha ng lalaki dahil malayo na ang kalesang sinasakyan nila nang tumayo ang lalaki sa gitna ng daan sa likuran nila.
Kahit hindi nila nakikita ang pagmumukha nito ay alam nilang nakatingin ang lalaki sa kanilang dalawa ni Aniyah.
Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ng kaibigan dahil alam niyang gaya niya ay takot na takot din ito. Si Patat naman ay hinawakan pa ang tenga niya na parang doon din yumakap.