"Sigurado ka ba na hindi na kita ihahatid?" Tanong ni Christian kay ate Bianca.
"Yes, kaya ko na. Susunduin naman ako ni Gianna dahil nandito rin siya para magbakasyon. Tatawagan na lang kita kung magpapasundo man ako," sagot ni ate Bianca habang may hinahanap sa loob ng bag niya. Tumango lang si Christian kahit na hindi naman ata yun nakita ni ate Bianca.
May bumusina mula sa labas ng apartment. Napaayos ng tayo si ate Bianca at nagmamadaling nang umalis. Pero bago siya lumabas, kinintalan pa niya ng mabilis na halik sa labi si Christian. Agad akong nag-iwas ng tingin. Pinagpatuloy ko na lang ang pagliligpit ng mga pinagkainan namin.
Biglang lumapit si Christian sa ‘king habang naghuhugas ako ng mga plato. Tumayo siya sa gilid ko at inagaw niya ang platong hinuhugasan ko. "Ako na d’yan. Palagi mo na lang ginagawa ya..." mas lumapit pa siya sa ‘kin kaya naman napalayo ako.
"Okay lang naman. Sanay naman ako sa mga ganitong Gawain," tinangka kong kunin ang plato sa kanya ngunit hindi ko nagawa.
Napabuntong hininga na lang ako. Hinugasan ko na ang kamay ko na puno ng bula. Nanatili lang akong nakatayo sa gilid niya. Hindi na naman siya nagsasalita kaya pinanuod ko na lang siya sa kanyang ginagawa. Seryoso lang siya sa paghuhugas ng mga pinggan at baso.
"Aalis nga pala ako mamaya," paalam ko. Naalala ko ang usapan naming ni Ryan.
Natigilan siya sa pagbabanlaw ng mga plato. Kunot noo siyang tumingin sa ‘kin. "Saan ka pupunta?"
"Makikipagkita ako sa kaibigan ko. Yung kasama ko kahapon. D’yan lang naman sa may kapitolyo. Malapit lang yun dito. Babalik din naman agad ako."
Tinuloy na niya ulit ang ginagawa. "Bakit kayo magkikita? Sigurado ka bang ligtas ka d’yan sa sinasabi mong kaibigan?" Mapanuring tanong niya. Binilisan niya ang ginagawa. Parang hindi na nga niya masyadong nabanlawan ang mga plato at baso. Basta na lang niya nilagay ang mga iyon sa lalagyan.
"Oo naman," sagot ko sa tanong niya. "Mabait yun. Tsaka ligtas ako. Kababata ko 'yong si Ryan kaya hindi ako mapapahamak."
Bigla ulit siyang tumingin sa akin. Pinatay niya ang gripo at pinunasan ang mga kamay gamit ang kanyang damit. "Ryan? Lalaki ba?"
"Uhm, hindi ba obvious sa pangalan niya?" Natatawang biro ko ngunit hindi niya ata ‘yun nagustuhan. Seryoso pa rin an tingin niya sa akin. Tumikhim ako at tumayo ng tuwid. "Oo. Lalaki siya..."
"Sasama ako," natulala ako sa sinabi niya. Tinalikuran niya ako.
Agad kong binawi ang gulat ko at hinabol si Christian. Hinawakan ko siya sa balikat. Muli siyang tumingin sa akin. "Wag na. Tsaka ano, may trabaho ka, ‘di ba?"
"Wala akong trabaho ngayong araw, Hazel. Kaya sasamahan kita…" tinalikuran na niya ako at tuluyan na siyang pumasok sa kwarto.
Paano ba 'to?
Malalaman ni Ryan kung saan ako tumutuloy. Nakakahiya naman. Paano ko ba hindi mapapasama si Christian? Eh kung tumakas na lang kaya ako? Pero alam pala niya na sa kapitolyo lang kami magkikita ni Ryan. Masusundan niya ako doon. Hindi ko naman ma-contact si Ryan na magpalit na lang kami ng lugar na pagtatagpuan dahil wala akong cellphone.
Bahala na nga…
Wala na rin naman akong magagawa. Magtatapat na ako kay Ryan kung saan nga ba ako tumutuloy ngayon.
Muling lumabas sa kwarto si Christian. Umupo siya sa tabi ko at tanging malalalim lang na paghinga ang naririnig ko mula sa kanya. Hindi naman ako makatingin ng maayos sa kanya. Galit ba siya?
"I'm sorry. I'm being over protective. Ayaw ko lang mapahamak ka," mahinang sabi niya.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Bakit ba ang hirap pakalmahin nito sa tuwing malapit ako kay Christian? Para itong palaging pagod. Mabilis ang pintig nito.
"Huwag mong isipin na responsibilidad mo ako," sabi ko. "Darating din naman ang araw na aalis ako dito."
Nagkatinginan kami dahil sa huling sinabi ko. "Iiwan mo ‘ko?"
Tumango ako. "Kailangan. Hindi ko naman pwedeng taguan si nanay habang buhay. Kailangan din ako ni tatay at ng mga kapatid ko…"
"I'll help you. Kung gusto mo, dito mo na lang din sila patirahin.."
Umiling ako. "Ano ka ba, sobra sobra na nga ang tulong na ginagawa mo para sa akin, eh. Tsaka nandyan si ate Bianca. Hindi naman pwede na pati kami ay makisiksik pa sa apartment mo..."
Hindi na sumagot si Christian. Nag baba lang siya ng tingin at bumuntong hininga.
Hindi ko maiwasan na hindi mapangiti sa sinabi niya. Mas lalo akong nahuhulog sa kabaitan niya. Kung tutuusin, hindi naman niya ako kailangan tulungan. Siya pa talaga ang nagmagandang loob na tumuloy ako rito. Ngunit… kailangan ilugar ko pa rin ang sarili ko. Hindi naman pwede na sa tuwing nag aalok siya ng tulong, tatanggapin ko na ito agad.
Ano na lang ang iisipin ni ate Bianca? Ayokong masira sila nang dahil lang sa kabaitan sa akin ni Christian.
Hindi na kami muling nag imikan. Parang hindi nga namin nakikita ang isa't isa kahit na nasa iisang lugar lang naman kami. Gusto ko man siyang kausapin, batid kong umiiwas siya sa ‘kin. Hindi ko tuloy alam kung may problema ba siya o nagalit siya dahil hindi ko tinanggap ang alok niya.
Kumatok ako sa kwarto niya. Agad naman niya itong binuksan. "Uhm. Kukuha lang ako ng damit..." sabi ko. Hindi pa rin siya umimik. Nilakihan lang niya ang bukas ng pinto para papasukin ako.
Agad akong nagtungo sa kama at kinuha sa ilalim nun ang bag na lalagyan ng mga damit ko. Ramdam ko na nakatayo si Christian sa likuran ko. Pinilit kong wag bigyan ng pansin ang presensya niya. Hindi ako sanay na nandito kami sa kwarto niya na kami lang dalawa. Nakakailang.
Nang makuha ko na lahat ng kailangan ko ay tumayo na ako. Pagharap ko naman, nakatayo pa rin si Christian sa harapan ko. Nakatapat ang mukha ko sa dibdib niya dahil mas matangkad siya sa akin. Nataranta ako at nagmamadaling lumabas ng kwarto. Agad akong pumasok sa banyo. Napasandal ako sa likuran ng pintuan.
Ano bang ginagawa niya sa akin? Nagwawala ang puso ko.
Naligo na ‘ko para bawasan ang kabang nararamdaman. Paglabas ko, naka upo na si Christian sa sofa. Sa banyo na ako nagbihis. Nang mapansin niya ako ay tumayo na siya. Naglakad siya palapit sa akin. Ang akala ko ay may sasabihin siya, pero wala naman pala. Nilampasan lang niya ako at pumasok na banyo. Do’n ko lang napansin na may towel palang nakalagay sa balikat nya.
Umupo muna ako para patuyuin ang buhok ko. Hindi na ako nag-abalang ayusin pa ang sarili ko dahil hindi rin naman ako sanay maglagay ng kung anuman sa mukha ko. Tsaka, hindi naman date ang pupuntahan ko. Makikipagkita lang naman ako kay Ryan… na kasama si Christian.
Napatingin ako sa pintuan ng banyo nang bumukas ito. Halos mapanganga ako nang makita na tanging puting twalya lang ang tumatakip sa ibabang parte ng katawan ni Christian. Basa ang kanyang katawan, at ang mga butil ng tibug ay tumutulo sa hulmado niyang dibdib pababa sa tiyan. Napalunok ako. Pakiramdam ko’y uminit ang pisngi ko dahil sa nakikita ko ngayon.
Kumurap ako ng ilang beses at tinanggal na ang tingin sa kanya. Mabuti na lang at hindi niya nahuli ang mga mata kong nakatitig sa katawan niya. Pumasok siya sa loob ng kwarto para magbihis na. Pinagpatuloy ko na lang din ang ginagawa kong pagpapatuyo ng buhok.
Nakabihis na si Christian nang lumabas siya sa kwarto. Medyo magulo ang ayos ng buhok niya. Tila hindi na siya nag-abalang suklayan pa ito. Pero isang hawi lamang niya nito hamit ang mga daliri niya ay naging maayos na kaagad.
Tapos na rin ako sa ginagawa ko. Nag ayos ako ng upo nang lampasan niya ako. Amoy na amoy ko ang pabango niya. Kakausapin sana niya ako ngunit bigla na lang tumunog ang cellphone niya. Mabilis niyang sinagot ang tawag. Nanatili naman akong nakaupo habang nilalaro ang mga daliri. Hinihintay ko na lang na dumating ang alas kwatro.
"Inah!" Masayang bungad ni Christian sa kausap niya. Palihim akong sumulyap sa kanya.
Nakangiti siya. Ayan na naman ang puso ko…
"I can't. Nandito ako sa Ilocos…" aniya sabay tawa. "Yeah. May ipapakilala ako sa ‘yo pag uwi ko d’yan," bigla siyang tumingin sa direksyon ko. Sa sobrang gulat ko ay napayuko ako. Nahuli niya ako!
Pero… bakit siya tumingin sa akin? Dahil ba ako ang ipapakilala niya? Hindi… hindi ako aasa dahil malabong mangyari ‘yon. Malamang, si ate Bianca ang ipapakilala niya. Tumingin lang siguro siya sa ‘kin dahil napansin niyang nakatingin ako sa kanya.
"Sure. Bye, Inah," huling sabi niya at ibinaba ang tawag.
"T-tara na…" aya ko sa kanya para mabawasan ang pagkailang ko. Mauuna na sana akong lumabas sa kanya, pero hinawakan niya ang braso ko. "Hazel.." sambit niya sa pangalan ko.
"B-bakit?" ang mga mata ko’y naglalaro kung saan-saan.
Nang sulyapan ko siya, malalim na tingin ang ipinupukol siya sa ‘kin. Bumaba ang tingin niya sa labi ko.
"Wala... tara na," nag-iwas siya ng tingin at nauna nang lumabas sa ‘kin.