Umalis si Christian at ate Bianca ngayong araw. Hindi ko alam kung saan sila pumunta. Kaya naman naisipan kong lumabas na rin muna. Gusto ko ring mamasyal dahil nami-miss ko na ang labas. Siguro naman ay hindi ako makikita ni nanay.
Isa pa, gusto kong mag isip isip tungkol sa nararamdaman ko kay Christian. Medyo nasasanay na akong makita siya na kasama si ate Bianca. Wala naman akong magagawa kundi tanggapin ‘yun. Hindi ko naman siya pag aari. Wala akong karapatang ipagdamot sa kanya ang kasiyahan na nararanasan niya ngayon. Ang importante, nagagawa na niyang ngumiti ulit.
"Hazel?" Tawag ng isang pamilyar na boses mula sa likuran ko. Tumigil ako sa paglalakad upang lingunin ang pinanggalingan ng boses. Nanlaki ang mga mata ko at napangiti nang makumpirma kung sino nga ba ang tumawag sa ‘kin.
"Ryan!" Masayang sabi ko. Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
"Kumusta ka na? Hinanap kita sa inyo, pero ang sabi ng tatay mo hindi ka na raw nakatira sa bahay niyo. Saan ka tumutuloy ngayon? Ayos ka lang ba? Kasama mo ba ang nanay mo?" sunud-sunod na tanong niya nang magbitiw kami sa yakap. "Nabalitaan ko ang nangyari…"
"Ayos lang ako. Hindi ko kasama si nanay," nag iwas ako ng tingin. Kung maaari sana, ayokong napupunta ang usapan namin sa kanya.
"Saan ka tumutuloy ngayon? Kailan ka babalik sa inyo?"
"Sa bahay ng isang kaibigan," sagot ko. "Hindi ko pa alam kung kailan ako babalik sa amin. Ayaw kong mapahamak sina tatay. Baka kasi makita ako ni nanay na pumunta do’n at sila naman ang guluhin niya."
"Huwag kang mag alala, ako muna ang bahala sa kanila habang wala ka..." aniya sabay hawak sa mga mata ko.
Nginitian ko siya. "Salamat," sabay bawi ng mga kamay ko.
Kababata ko si Ryan. Anak siya ng kasamahan ni tatay na magsasaka. Sa Maynila na siya nag aaral ng kolehiyo kaya hindi na kami masyadong nagkikita. Pero…. hindi niya tinago ang nararamdaman niya para sa akin. Noong high school kami, ilang beses siyang nagtangkang ligawan ako ngunit hindi ako pumayag. Bata pa kami noon. Hindi pa ako handa at wala pa sa isip ko ang bagay na ‘yun. At noong bago siya umalis para mag aral ng kolehiyo, tinanong niya ulit ako. Hindi na naman ako pumayag dahil mag aaral na siya sa Maynila. Anong saysay ng panliligaw niya kung magkalayo naman kami.
"Tara, meryenda muna tayo. Libre kita…" Sabi niya nang mapansin ang pananahimik ko. Muli niyang hinawakan ang kamay ko at hinila ako sa kung saan man. "Alam ko gusto mo yung mga ganitong pagkain."
Binitawan ko ang kamay niya at nilingon ang paligid. "Kilala mo talaga ako..." iling ko.
"Ako pa," sabay turo sa sarili.
Bumili na kami ng kung anu-anong pagkain na nakahilera sa gilid ng daan. Tanda ko pa, noong high school kami, mahilig talaga kaming kumain ni Ryan sa mga turo-turo. Bukod sa mura, masarap at nakakabusog pa.
"Ayan, oh. Gusto mo 'yang isaw, ‘di ba?" Aniya sabay abot sa akin ng isaw.
"Salamat," kinuha ko ito. Tumusok naman ako ng maraming fishball at inabot ‘yun kay Ryan. "Oh, ayan. Baka kulang pa sa ‘yo yan dahil alam kong paborito mo ‘yan…" biro ko. Natawa lang siya at kinuha ang stick na puno ng fishball.
Bumili pa kami ni Ryan ng kung anu ano. Busog na busog ako. Ang dami rin namin napagkwentuhan habang kumakain. Ang tagal din kasi naming hindi nagkikita. Umuuwi lang kasi siya tuwing pasko o bagong taon dahil malayo ang byahe.
"Ikaw naman ang magkwento. Sabihin mo na kung kanino ka nakatira ngayon," tanong niya. Napabuntong hininga nalang ako. Kanina pa niya ako kinukulit kung saan nga ba ako tumutuloy ngayon.
"Basta…" nag iwas ako ng tingin. "Uhm, Ryan. Dumidilim na. Kailangan ko ng umuwi."
"Hatid na kita," alok nya.
"H’wag na. Kaya ko naman."
Bumuntong hininga sya. "Ganito na lang. Sasamahan kitang maglakad kahit hanggang kapitolyo lang. Ano, okay ba ‘yun?"
Wala na akong nagawa kaya pumayag na ako. Hindi kasi ito titigil hangga't hindi ako pumapayag. Kung ihahatid nya ako sa kapitolyo, mas mapapalapit ako.
Inilahad niya ang kanyang kamay. Tinignan ko siya ng may pagtataka. "Hawakan mo lang para alam mong nandito lang ako..." nakaramdam ako ng hiya nang sabihin niya ‘yun pero hinawakan ko pa rin naman ito. "Na-miss kong hawakan ang kamay mo..." dagdag pa niya habang naglalakad na kami.
Hindi ako nagsalita. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Naiilang ako pero ayaw kong ipakita ‘yun kay Ryan.
"Oo nga pala… titigil na muna ako sa pag-aaral sa susunod na sem,” aniya makalpias ng ilang sandali.
Nagulat ako sa sinabi niya kaya napalingon ako sa kanya. Tuwid lang ang tingin niya sa daan habang naglalakad kami.
"B-bakit naman?"
"Alam mo na… kapos sa pera. Nagba-banda na ‘ko ngayon. Nandito rin ang mga kasamahan ko, sumama sila sa ‘kin," tiningnan ako ni Ryan kaya naman ibinalik ko ang tingin sa daan. "Tsaka mas mabuti na rin ‘yun. Mababantayan ko ang nanay at tatay ko. Mababantayan ko rin ang tatay at mga kapatid mo. At higit sa lahat… mababantayan kita."
Binitawan ko ang kamay niya. Tumigil ako sa paglalakad kaya natigilan din siya. Hinarap ko si Ryan. "Ikaw na ang bahala sa kanila. Kahit wag na ako… basta ikaw na ang bahala kay tatay at sa mga kapatid ko. Pakisabi rin sakanila na okay lang ako..." kumawala mga luha sa mga mata ko. Walang alinlangan naman akong niyakap ni Ryan.
Gumaan ang pakiramdam ko dahil sa yakap niya. Ganito ang kailangan ko ngayon. Karamay sa mga problema ko. At alam kong si Ryan ang nakakaalam sa lahat ng sakit at hirap na pinagdaanan namin sa buhay.
Hinaplos niya ang likuran ko para pakalmahin ako. "Ako nang bahala sa kanila. Hindi ko sila papabayaan..." bumitiw siya sa yakap. Hinugot niya ang panyo sa bulsa ng shorts niya. Pinunasan niya ang basang pisngi ko. "Huwag ka ng umiyak."
Kinuha ko ang panyo para ako na mismo ang magpahid ng mga luha ko. "Salamat, Ryan... S-salamat talaga."
Naglakad na ulit kami nang kumalma na ako. Tahimik na kami hanggang makadating sa kapitolyo.
"Dito na lang..."
"Hazel, magkita ulit tayo bukas dito. Alas kwatro ng hapon…" aniya. Tumango na lang ako sa kanya. Ibinulsa ko ang panyo niya at nagsimila ng maglakad ulit.
Pagdating ko sa apartment ni Christian ay nakabukas ang lahat ng ilaw. Siguro ay nandito na sila. Tahimik sa loob pagpasok ko pa lang. Pumunta ako sa kusina at nakita si Christian na nakaupo habang nakatakip ang mga palad niya sa mukha.
"Christian…" tawag ko. Lumapit ako sa kanya at umupo sa tabi niya. Tinanggal niya ang mga kamay na nasa mukha at nilingon ako.
"Nandito ka na pala."
Tumango naman ako. "Si ate Bianca?"
"She's with her friends. Ikaw saan ka galing?"
"Naglakad lakad lang," sagot ko. "Ayos ka lang ba?" pansin ko kasi na hinahaplos niya ang gilid ng kanyang ulo.
"I'm fine. Medyo masakit lang ang ulo ko."
"Uhmm, matulog ka muna kaya? Baka dahil yan sa pagod."
Tumango naman siya. Tatayo na sana siya pero muntik na siyang mapaupo ulit kaya mabilis ko siyang inalalayan. Hinawakan ko siya sa balikat habang ang kanang kamay niya’y nasa baywang ko naman. Bumilis ang kabog ng dibdib ko nang maramdaman ang paghinga niya sa leeg ko. Hindi ko siya nilingon. Inalalayan ko lang siya para makatayo ulit.
"K-kaya mo bang maglakad?"
"Y-yeah. I-I'm sorry. Nahilo kang ako sa biglaang pagtayo ko. Pero ayos na ako. Kaya ko na," tinanggal na niya ang kanyang kamay sa baywang ko. Tinanggal ko rin ang kamay ko sa balikat niya.
Hindi ko inalis ang tingin sa kanya hanggang sa humiga na siya sa sofa. Ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Ilang sandali pa ay banayad na ang kanyang paghinga. Mukhang tuluyan na siyang nakatulod. Marahil ay napagod siya sa mga ginawa niya ngayong araw.
Tumalikod na ako. Sumandal ako pader at ipinikit ang mga mata ko. Kinapa ko ang dibdib ko. Bumilis na naman ang t***k ng puso ko.