CHAPTER-1
"Anak ng pambihira naman oh," sambit ni Gab nang makapasok siya sa loob ng kanilang bahay, sabay hilot sa kanyang batok.
Kakauwi lang din niya galing sa trabaho bilang isang security guard. Naabutan lang naman niya ang kanyang papa na nakahiga at mahimbing na natutulog sa lumang long couch nila. Nagkalat din ang mga bote ng alak na puro wala nang laman. Agad na hinubad ni Gab ang suot niyang backpack at isinabit ito sa likod ng pintuan. Nagtungo siya sa kusina at doon ay kumuha ng plastic garbage bag. Isa-isa niyang pinupulot ang mga bote ng alak na wala nang laman. Maya-maya pa ay napako ang mata niya sa ilalim ng maliit na mesa sa harap ng long couch.
"Panty?" Sambit niya nang mapagtanto niyang underwear iyon ng babae. Bigla niyang nabitawan ito, sabay punas niya ng kanyang palad sa likod ng suot niyang white t-shirt. Pinulot kasi niya ito at bahagya pa niyang itinaas sa harap niya para suriin kung ano iyon.
"Pambihira ka naman, Papa. Kaninong panty naman kaya ito?" wika ni Gab sa natutulog niyang ama.
Maya-maya pa ay napalingon siya sa kanyang likod nang lumabas ang isang babaeng ginang mula sa kanilang banyo.
"Anak ng mani, Aling Marites?" gulat niyang wika, sabay harap rito.
"Anong ginagawa n'yo dito?" takang tanong niya sa ginang.
"Eh, yang papa mo eh, inalok ako," tugon nito, sabay turo sa papa ni Gab na mahimbing na natutulog dahil sa kalasingan.
"Inalok ng ano?" tanong pa muli ni Gab rito.
"Siyempre, inuman at trabaho na rin," turan nito, sabay ayos sa suot niyang blue tube dress na hapit sa payat nitong katawan at hanggang baba ng tuhod ang haba.
"Pambihira kayo, Aling Marites. Magretiro na kayo sa gawain n'yong 'yan at hindi na bagay sa inyo. Tignan mo nga 'yang balat mo, masagwa na tignan dahil kulubot na rin," madiing wika ni Gab, sabay turo sa ginang.
"Grabe ka naman sa akin, Gab. 53 years old pa lang ako kaya puwede pa 'yan. Tignan mo nga, nagamit pa ako ng papa mo," turan nito, sabay irap kay Gab.
Wow, 53 years old pa lang daw siya. Ano bang akala nitong si Aling Marites sa edad niya? teenager lang? Ani ng utak ni Gab. Napabuga na lang siya ng hangin, sabay hilot sa kanyang noo.
"Aling Marites," tawag ni Gab rito nang palabas na ito sa bahay nila. Agad na kumuha si Gab ng malinis na tissue sa ibabaw ng mesa at pinulot ang underwear na kulay asul sa sahig.
"Oh, panty n'yo, dalhin n'yo at baka dito pa mangamoy 'yan. Mukhang kinakalawang na rin," turan ni Gab, sabay hagis niya sa panty sa harap nito. Agad na itinapon ni Gab ang tissue na ginamit niya sa pagpulot sa underwear ng ginang.
"Hoy! Gab, walang amoy itong panty ko, noh! At para sabihin ko sa'yo, lalong walang kalawang 'to, branded 'to at sa Avon ko pa nabili," asik ng ginang sa kanya, sabay pulot sa kanyang panty na inihagis ni Gab malapit sa kanya, bago ito tuluyang lumabas ng kanilang bahay.
"Wala kayo sa hulog, Papa. Malala na ata 'yang pagiging babaero n'yo. Pati ba naman si Aling Marites na kulubot na at wala nang tubig sa katawan, pinatulan n'yo pa," pailing-iling na turan ni Gab at ipinagpatuloy na niya ang pagliligpit sa nagkalat na bote ng alak sa sahig.
"Pa... Papa!" paggising ni Gab sa kanyang ama habang tinatapik niya ang balikat nito.
"Pa, gising! Doon kayo matulog sa kuwarto n'yo," dagdag pa niya. Pero umiling at umungol lang ang kanyang ama, sabay talikod sa kanya. Napabuga na lang ng hangin si Gab.
Nagtungo na lang si Gab sa silid ng kanyang ama at kumuha siya roon ng kumot at unan. Habang kinukumotan ni Gab ang kanyang ama, siya namang may kumatok sa pintuan.
"Oh, Dude," sambit ni Gab nang mapagbuksan niya ng pinto ang kaibigan niyang si Jass.
"Sino 'yon, dude?" seryosong tanong ni Jass habang nakatanaw sa papalayong babae.
"Sino?" takang tanong naman ni Gab, sabay silip kung saan nakatanaw si Jass. Saktong pagsilip ni Gab ay siya namang liko ng babae sa hagdan na kanina lang ay tanaw pa ni Jass. Kaya hindi na ito nakita ni Gab.
"May babae akong natanaw dito sa tapat ng pintuan n'yo habang papunta ako dito, dude," turan ni Jass sa kanya.
"Naku, baka si Aling Marites lang ang nakita mo, dude. Ewan ko ba d'yan kay Papa. Akalain mong pati si Aling Marites na menopause na, nakuha pa niyang tirahin," wika ni Gab, sabay iling dahil sa pinaggagawa ng kanyang ama.
Mula kasi nang iwan sila ng kanyang ina noong bata pa lang siya ay naging lasenggo at babaero ang kanyang ama. Hindi rin niya alam kung ano ang naging dahilan kung bakit sila iniwan. Sa tuwing magtatanong si Gab tungkol doon, wala naman siyang nakukuhang sagot sa kanyang ama. Kaya minabuti na lang niyang huwag na lang alamin dahil iniisip din niya na baka masakit para sa kanyang ama ang pag-iwan nito sa kanila. Nasa limang taon gulang lamang si Gab noon kaya malabo na rin sa alaala niya ang mukha ng kanyang ina. Wala rin siyang nakikitang litrato nito kaya wala talaga siyang ideya kung ano ang pagkakakilanlan niya sa kanyang ina.
Natawa na lang si Jass nang sabihin 'yon ni Gab na pati si Aling Marites, na kilala sa tenement bilang matandang pokpok, ay pinatos rin ng ama ni Gab.
"Dude, hindi si Aling Marites 'yon. Sigurado ako dahil ngayon ko lang 'yon nakita dito sa tenement. Isa pa, di hamak na mas maayos ang postura n'on. Mukhang mayaman nga," turan ni Jass na ikinataka naman ni Gab.
"Baka isa lang 'yon sa mga babae ni Papa, dude. Nga pala, bakit ka nandito?" pag-iiba ni Gab sa kanilang usapan.
"Tara sa tambayan," yaya ni Jass sa kanya. Ang tinutukoy nitong tambayan ay sa rooftop ng tenement kung saan din sila nakatira.
"Sige, dude. Sunod ako. Magpapalit lang ako," wika ni Gab rito.
"Sige, bilisan mo. Anong oras na rin," wika naman nito bago naglakad palayo kay Gab.
Mabilis na naligo si Gab at nagbihis para samahan ang kaibigan niya sa kanilang tambayan.