GULAT na gulat si Antonia nang pagbalik niya sa silid kung saan naroon si Miss Melendez ay nakita niya si Clara na kinakain ang espesyal na putahe! Kinamay na nito iyon at akala mo ay gutom at hayok na kinakain iyon. Hindi na nito napansin ang pagdating niya dahil sa abala ito sa pagkain. Ang mas lalong nagpagimbal sa kaniya ay ang duguang katawan ni Miss Melendez na nakahandusay sa sahig. Nanginig ang buong katawan niya sa galit. Hindi pa rin pala tumigil si Clara sa pagiging matigas ang ulo.
Hayop ka, Clara! Sinira mo ang aking Big Event. Hindi kita mapapatawad! Pagbabayaran mo ito! Gigil niyang sigaw sa kaniyang utak.
Tahimik at malalaki ang hakbang na nilapitan niya si Clara. Walang pagdadalawang isip na ipinukpok niya sa ulo nito ang dala niyang bluetooth speaker. Pumutok ang ulo nito at may dugong umagos sa ulo nito. Tila nahihilong natumba ito sa sahig.
Ubos na ang utak ng sanggol at may malaki nang uka sa pisngi nito. Wala na ang isang mata habang ang special sauce na gawa sa dugo at tae ay halos masimot na. Ito lang pala ang makikinabang ng ibinayad na twenty million pesos ni Miss Melendez. Ano na lang ang sasabihin ng iba niyang customer kapag nalaman ng mga ito ang pangyayaring ito? Baka mawalan ang mga ito ng tiwala sa kaniya o masira ang kredibilidad niya dahil namatay sa mismong Big Event ang nakakuha ng espesyal na putahe.
Humawak sa may gilid ng lamesa si Clara at tumayo ito. Kinuha nito ang ulo ng sanggol at kumagat doon. Hindi man lang nito iniinda ang dumudugong ulo.
“Putang ina ka! Sinira mo ang Big Event ko! Akin na `yan!” Hinawakan niya ang ulo ng sanggol at pilit iyong kinuha kay Clara.
“Akin na ito! Uubusin ko ito! Ang sarap-sarap nito! Hayaan mo na lang akong ubusin ito!” sigaw ni Clara sa kaniya na ayaw bitawan ang ulo. Parang nawala na ito sa sarili dahil sa labis na pagkahayok sa mga pagkain na niluluto niya.
Marahas niyang binitawan ang ulo at napaupo si Clara sa semento dahil doon. “O, `ayan! Sa iyo na lahat!” gigil niyang bulalas.
Nabitawan nito ang ulo ng sanggol at gumulong iyon sa paanan niya. Nagmamadaling gumapang ang babae palapit sa ulo pero mabilis niyang tinapakan iyon gamit ang isa niyang paa. Sa lambot ng bungo ng ulo ay nadurog niya iyon nang walang kahirap-hirap. Makailang-beses niya rin iyon tinapakan upang wala nang mapakinabangan doon si Clara.
“Hindi!!!” Palahaw nito na akala mo ay namatayan. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkabigo.
“Masyado kang gahaman, Clara! Hindi ka marunong umintindi sa mga panuntuan ko. Hindi ka marunong sumunod! Marahil ay mas mabuting mapakinabangan kita…” Ngumisi si Antonia at kinuha niya ang kutsilyo na nakapatong sa lamesa. Tiningnan niya iyon at iniisip na niya kung ano ba ang magandang gawin sa bawat parte ng katawan ni Clara.
“Sinira mo ang espesyal na putahe!” Nanlaki ang mata ni Antonia sa gulat nang makitang pasugod sa kaniya si Clara. Hindi niya inaasahan ang pagsugod nito kaya napatulala siya at hindi na nagawa pang depensahan ang sarili.
Dinambahan siya nito na nagresulta ng pagkatumba nilang dalawa. Nasa ibabaw niya si Clara habang siya ay sumisigaw ng tulong. Akala mo ay isang nauulol na hayop na naglalaway si Clara at pagkatapos ay mariin nitong kinagat ang kaniyang ilong! Dama niya ang pagbaon ng ngipin nito hanggang sa hiklasin nito ang ilong niya. Nahihindik siyang napasigaw dahil sa sakit at takot. Parang ngumunguya lang ng bubble gum si Clara nang kainin nito ang kaniyang ilong.
Upang makaligtas sa nagwawalang babae ay inundayan niya ito ng saksak sa tagiliran. Napaigtad ito at umalis sa pagkakaibabaw sa kaniya. Patagilid itong humiga sa sahig habang sapo ang nagdurugong sugat sa gilid. Walang tigil din ang pagdurugo ng kaniyang ilong.
“Papatayin na talaga kita!” Itinihaya niya si Clara at itinaas sa ere ang kutsilyo. Hinawakan niya iyon ng dalawa niyang kamay habang nanlilisik ang mga matang nakatingin sa nahihirapang babae na sumira sa kaniyang Big Event. “Mamatay ka naaa!!!”
Akmang itatarak na niya sa dibdib ni Clara ang matalim na kutsilyo nang isang putok ng baril ang umalingawngaw sa silid na iyon…
BUMALIK na si Ethan sa sasakyan pagkatapos ng Big Event. Inaasahan na niya na hindi siya ang makakakuha ng espesyal na putahe ni Antonia kaya walang panghihinayang ang namamayani sa kaniyang puso dahil sa pagkatalo.
Inayos niya ang rearview mirror at mula doon ay nakita niya si Clara na nakahiga sa backseat suot ang gown nito. “Pasensiya ka na kung hindi kita naipagtanggol kanina. Ayoko lang na dalawa tayong mapapaalis ni Antonia. Sana ay hindi ka nagtatampo sa akin,” aniya sa kaniyang asawa.
Wala siyang sagot na narinig mula dito.
Napailing siya. “Galit ka ba? Bakit hindi ka nagsasalita?” Wala pa rin itong sagot.
“Clara, kung galit o nagtatampo ka ay sabihin mo. Ayokong kapag kinakausap kita ay hindi ka nagsasalita!” Kahit medyo itinaas na niya ang boses ay hindi pa rin talaga ito sumasagot. Iyon pa naman ang ayaw niya sa lahat. Iyong parang walang naririnig kapag kinakausap niya.
Nag-init na ang ulo ni Ethan sa pambabalewala ni Clara sa kaniya. Lumingon na siya sa may backseat at inabot ito. “Bakit ba hindi ka—” Natigilan siya nang wala siyang nahawakan na katawan ni Clara. Gown lang pala ang naroon at wala ang mismong asawa niya.
“f**k!” Mariing mura niya nang maisip niya kung nasaan ngayon si Clara.
Kinuha niya sa compartment sa dashboard ang isang handgun na palaging nakatago doon upang magamit niya kapag kailangan. Agad siyang lumabas ng sasakyan at diretsong bumalik sa restaurant ni Antonia. Nagawa niyang makapasok sa entrance dahil hindi iyon naka-lock.
“Clara! Antonia!” Malakas niyang tawag. Wala siyang nakikitang kahit na sino sa loob ng restaurant. Nagtungo siya sa kusina pero hindi din niya nakita doon ang dalawang hinahanap.
Nasa may pasilyo na siya nang mapansin niya na may nakabukas na tila pinto sa sahig sa counter. Nahinuha niyang isa iyong lagusan kaya bumaba siya doon. Namangha siya sa dami ng perang naroon. Ngayon ay alam na niya kung saan itinatago ni Antonia ang perang kinikita nito sa pagluluto ng mga pagkain na may kakaibang sangkap.
Hanggang isang nakabukas na pinto ang pumukaw sa kaniyang atensiyon. Tila may naririnig siyang nag-sisigawan sa loob niyon at agad niyang nakilala ang boses ng kaniyang asawa.
Clara! Sigaw ng utak ni Ethan at malalaki ang hakbang na tinungo niya ang nakabukas na pinto.
Pagpasok niya ay nakita niya si Antonia na akmang sasaksakin ang kaniyang asawa. Kusang kumilos ang katawan ni Ethan. Bago pa man magawang saktan ni Antonia si Clara ay itinutok na niya dito ang baril. Walang pagdadalawang-isip na pinaputok niya iyon at nasapulan si Antonia sa sentido nito.
Wala nang buhay ang katawan ni Antonia nang bumagsak ito sa ibabaw ni Clara.
WALANG pwedeng makaalam sa nangyari. Walang maaaring makaalam sa ginawa ni Clara. Isang paraan lang ang naiisip ni Ethan para maibaon nila sa impyerno ang lahat at iyon ay ang palabasing aksidente ang lahat. Kinuha niya ang lahat ng kerosene meron sa kusina ng restaurant ni Antonia. Ikinalat niya iyon sa lahat ng bahagi ng restaurant at saka niya sinindihan gamit ang posporo.
Mabilis na kumalat ang apoy. Sa loob lang ng ilang segundo ay tinupok na ng apoy ang buong restaurant ni Antonia. Kasama na doon ang katawan nito at ni Miss Melendez.
Pagdating sa kanilang bahay ay ipinasok na niya si Clara sa loob ng kanilang kwarto. Inutusan niyang maligo ito dahil puno ng dugo ang katawan nito. Habang nasa banyo ang kaniyang asawa ay kumuha siya ng mga garbage bag at bumalik sa sasakyan.
Isang malaking ngiti ang sumilay sa labi ni Ethan nang pagbukas niya sa pinto ng backseat ay tumambad sa kaniya ang limpak-limpak na salapi. Maging sa compartment sa likod ay pinuno din niya ng pera. Bago niya kasi sunugin ang restaurant ni Antonia ay hinakot muna niya ang mga pera nito. Hindi siya tumigil hangga’t hindi niya napupuno ang backseat at compartment ng kaniyang sasakyan!
Siyempre, hindi na niya sinayang ang pagkakataon na magkaroon ng maraming pera. Hindi siya tanga para hayaan na lang na masunog ang mga perang iyon kasama sina Antonia. Gumawa na rin siya ng krimen ay nilubos na niya talaga.
Malaking bagay para sa kanila ni Clara ang perang iyon. Magagamit nila iyon para mas lalong mapalaki ang negosyo nila o kaya ay magtayo ng panibagong negosyo.
“Hmm… Ano kaya ang magandang negosyo?” tanong ni Ethan habang nakatingin sa mga pera.
MABILIS na lumipas ang ilang buwan at ngayon ay kabuwanan na ni Clara. Labis ang saya ni Ethan dahil ang sabi ng doktor na tumingin sa kaniyang asawa ay kambal ang kanilang magiging anak. Kambal na babae at malulusog naman daw ang mga ito. Excited na rin siya dahil ngayong linggo na manganganak si Clara. Kaya palagi siyang nasa tabi nito. Hindi muna siya nagtutungo sa kanilang patahian upang matutukan niya ang kaniyang asawa lalo na sa mga kinakain nito.
Kahit papaano ay bumalik na sa dati ang pagkain ni Clara. Normal na itong kumakain at hindi na naghahanap ng luto ni Antonia. Marahil ay natanggap na nito sa sarili na kailan man ay hindi na ito makakakain ng luto ni Antonia dahil ito mismo ang pumatay sa babae.
“Ang sabi ng doktor ay anumang araw ngayong linggo ay manganganak ka na. Kaya dapat ay kumain ka ng maraming masusustansiyang pagkain para meron kang lakas!” Kasalukuyan silang nag-aalmusal ni Clara.
Itinapat niya sa bibig nito ang tinapay para subuan ito pero ipinaling nito sa ibang direksiyon ang mukha at umiling. “Ayokong kumain. Busog pa ako…” Matamlay nitong sabi.
“Busog? E, kagabi pa ang huling kain mo, `di ba?”
“Busog pa nga ako.” At tumayo ito. Hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya.
Ipinagkibit-balikat na lang ni Ethan ang inasal ni Clara. Baka nga naman busog pa talaga ito. Hinayaan na lang niya ang kaniyang asawa. Sigurado siya na mamayang tanghalian ay babawi ito. Kaya inutusan niya ang kanilang kasambahay na magluto ng may sabaw na ulam.
Tinola at pritong tilapya ang naging ulam nila sa tanghalian. Ngunit gaya ng sa almusal ay hindi rin kumain si Clara. Nanatili lang ito sa kwarto nila. Nang dalhan niya ito doon ng pagkain ay tumanggi ito. Busog pa rin daw ito.
“Hindi na ako naniniwala sa iyo, Clara. Ginugutom mo ba ang sarili mo? Tandaan mo, hindi lang ikaw ang nagugutom kundi pati iyang dalawang anak natin na dinadala mo! Kaya kumain ka!” singhal niya dito pero nanatili pa rin itong nakahiga sa kama.
Walang imik si Clara at nakatingin lang sa kaniya. Walang emosyon ang mukha.
Matagal silang nagtitigan pero siya din ang sumuko.
“Ano ba, Clara?! Kumain ka na!” sigaw ni Ethan.
“Ayoko nga—”
“Ayaw mo?!” Nilapitan niya si Clara. Inilapag niya ang tray ng pagkain sa side table at dumakot ng kanin gamit ang mga kamay. Pilit niyang ipinasok ang kanin sa bibig ng kaniyang asawa. “Kumain ka na! Papatayin mo ba ang mga anak natin?!”
Malakas na napasigaw sa sakit si Ethan nang kagatin nito ang kamay niya. Natigilan siya nang makitang lumuluha si Clara habang nakatingin sa kaniya. Mabilis siyang kinain ng konsensiya at natauhan din siya na mali ang kaniyang ginawa dito. Hindi niya dapat idinaan sa dahas ang pagpapakain sa kaniyang asawa. Buntis ito at maselan ang kalagayan. Paano kung sa ginawa niya ay may hindi magandang mangyari dito at sa mga anak nila? Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag nagkataon!
“C-clara… I’m sorry…” May pag-aalinlangan na hinawakan niya ito sa mga kamay. “N-nabigla lang ako. Nag-aalala lang ako sa iyo at sa mga anak natin. Hindi ko na uulitin. Kumain ka na kasi—”
“Hindi ka ba marunong umintindi? Busog pa ako! Kakain ako kapag gutom na ako!” asik nito.
Tumango siya. “Okay. Naiintindihan ko na. Basta kapag nagugutom ka ay bumaba ka lang. Maraming pagkain sa kusina. Kumain ka doon.” Hindi na siya sinagot ni Clara.
Bumalik na ito sa pagkakahiga at tumagilid. Ibinalot nito ang sarili sa kumot. Alam na niya ang ibig nitong sabihin—nais nitong mapag-isa. Kaya kahit hindi siya nito pinapaalis ay lumabas na lang siya pagkatapos niyang linisin ang kalat na nilikha niya doon.
HINAYAAN lang ni Ethan na huwag kumain si Clara ng araw na iyon. Ngunit lumipas pa ang dalawa, tatlo at apat na araw ay hindi pa rin talaga kumakain si Clara. Puro tubig lang ang ipinapasok nito sa bibig at hindi iyon sapat para mabigyan ito ng enerhiya. Kailangan nito ng lakas dahil malapit na itong manganak at hindi ito magkakaroon niyon kung hindi ito kakain ng tamang pagkain.
Nababahala na siya dahil nakakulong na lang ito palagi sa kwarto. Kahit siya ay hindi kinakausap. Nagpapa-akyat na lang ito ng tubig sa mga kasambahay nila kapag gusto nito.
Apat na araw na itong hindi kumakain at hindi na iyon hahayaan ni Ethan. Kaya pumasok siya sa kwarto nila. Pipilitin niya itong kumain kahit pa magalit ito sa kaniya. Hindi na kasi tama ang ginagawa nito. Para bang nagpapakamatay ito nang hindi niya maintindihan.
Naabutan niyang nakahiga si Clara sa kama at mukhang natutulog. Nilapitan niya ito at ginising. “Bumaba ka sa kusina. Kumain ka doon. Apat na araw ka nang puro tubig ang inilalaman mo sa tiyan mo, Clara!” Agad na bumakas ang gulat sa mukha ni Clara.
“Ayoko sabi—”
“Hindi pwedeng ayaw mo. Tingnan mo ang sarili mo! Halatang nanghihina ka na! Kumain ka ngayon at hindi ako papayag na hindi ka kakain. Isipin mo ang mga anak natin. Dalawa iyang nasa tiyan mo, Clara! Hindi lang sarili mo ang pinapahirapan mo kundi iyang dalawang buhay na nasa loob mo!”
Parang nasisiraan ng ulo na ngumiti si Clara nang malaki. “Nagkakamali ka, Ethan…” iling nito. “Inihahanda ko lang ang sarili ko para sa isang bagay.”
“Saan?” nagtataka niyang tanong.
Nawala ang ngiti ni Clara. “H-hindi mo ako maintindihan. Lumabas ka na. Hindi mo ako mapapakain—”
“Hindi ako papayag! Halika na!” Hinawakan niya ang isang braso ng kaniyang asawa at malakas itong hinila pababa ng kama.
Sa lakas ng pagkakahila ni Ethan ay nagawa niyang mapaalis si Clara sa kama at nahulog ito doon. Unang tumama sa sahig ang puwitan nito at napasigaw ito dahil sa sakit. Nakangiwi ito at tila nahihirapan. Kinabahan nang husto si Ethan nang may makita siyang dugong umaagos sa sahig kung saan ito nakaupo. Kung hindi siya nagkakamali ay galing iyon sa p********e ng kaniyang asawa.
“Anong ginawa mo?! Hindi kita mapapatawad kapag may nangyari sa mga anak ko!” Galit na sigaw ni Clara habang hindi maipinta ang mukha dahil sa sakit.
Sandaling natigilan si Ethan nang bigla siyang may mapagtanto sa mga kinikilos ni Clara. Naalala niya iyong mga panahon na halos magpakamatay si Clara para sa meat balls soup ni Antonia hanggang sa pagpatay nito sa babaeng nakakuha ng espesyal na putahe noong Big Event para lang ito ang makakain niyon. At dahil doon ay nalaman na rin nito ang tunay na sangkap ng mga niluluto ni Antonia. Ngayon ay ginugutom nito ang sarili. Para saan?
“Inihahanda ko lang ang sarili ko para sa isang bagay.” Paulit-ulit na umaalingawngaw sa loob ng ulo niya ang mga salitang iyon ni Clara.
Bigla siyang kinilabutan sa kaniyang naiisip. Hindi kaya…
Ang malakas na pagsigaw ni Clara na akala mo ay baboy ito na kinakatay ang nagpabalik ng huwisyo sa kaniya. “Manganganak na ako!!!” Aray ko!!!” hawak nito ang tiyan habang patuloy ang pagbulwak ng buo-buong dugo sa p********e nito.
Mabilis na kumilos si Ethan. Tinawagan niya agad ang kakilalang doktor at pinapunta niya iyon sa kanilang bahay. Sa ospital talaga nila balak paanakin si Clara ngunit dahil sa kaniyang naisip na maaaring gawin ni Clara ay nagbago na ang kaniyang isip. Mas makakabuting dito sa bahay ito manganak upang matutukan niya ito nang husto.
ISA pang mahabang pag-ire ay tuluyan nang nailabas ni Clara ang pangalawa niyang anak. Parang hinahati sa gitna ang katawan niya habang pilit niyang inilalabas ang kaniyang kambal. Hinang-hina na siya kanina pa. Kaya naman nang mailabas na niya ang pangalawa ay tuluyan na siyang bumigay. Nawalan siya ng ulirat at wala na siyang naalala pa sa mga sumunod na nangyari.
Nang bumalik ang kaniyang malay ay nakahiga pa rin siya sa kama nila ni Ethan. Nakita niya ang kaniyang asawa na nakatayo sa may gilid ng kama habang karga ang isa sa mga anak nila. Ang isa ay nasa kasambahay.
“E-ethan…” Paos pa ang boses niya. “A-ang mga anak ko…”
“Ligtas sila at malusog. Babae sila at may naisip na ako kung ano ang ipapangalan ko sa kanilang dalawa,” sabi ni Ethan.
Itataas niya sana ang kaniyang kamay nang may pumigil doon. Pagtingin niya doon ay saka lang niya nalaman na nakatali ang mga kamay niya sa headboard ng kama. “Bakit ako nakatali? Ano ito? Pakawalan mo ako, Ethan!” Nalilito niyang turan.
Hindi na lang nagsalita si Ethan at lumabas na ito kasama ang kasambahay na may dala pa ng isa niyang anak.
“Ethaaan!!! Ibalik mo sa akin ang mga anak ko! Nagugutom na ako!!!” Palahaw ni Clara.
SANDALING umalis si Ethan sa bahay dahil nagkaroon ng problema sa patahian. Nang maayos na ay bumalik din siya at dumiretso sa kwarto nila ni Clara. Ikalawang araw na simula nang manganak ang kaniyang asawa at hanggang ngayon ay nakatali pa rin ito. Kung may ibang tao na makakakita o makakaalam sa ginawa niya sa sarili niyang asawa ay iisipin na nababaliw na siya. Ngunit may dahilan siya kung bakit niya iyon ginawa. Hindi man siya sigurado pero mas mabuti na ang handa siya kesa sa huli ay magsisi siya dahil wala siyang ginawa.
Ganoon na lang ang gulat niya nang malaman na wala si Clara sa kama. Ang natira lang doon ay ang lubid na pantali sa kamay nito.
Bigla siyang kinabahan. Mabilis siyang bumaba at tinawag ang mga kasambahay nila.
Pagdating niya sa salas ay doon lang niya napansin ang bakas ng dugo sa sahig. Hindi niya iyon nakita kanina dahil sa pagmamadali niyang umakyat sa kwarto. Sinundan niya ang bakas ng dugo at doon niya nakita ang katawan ng dalawa nilang kasambahay na tadtad ng saksak at naliligo sa dugo!
Hanggang sa narinig niya ang pag-iyak ng isa sa mga anak niya. “Ang kambal!” Kinakabahan niyang bulalas at tumakbo siya sa kusina. Doon niya narinig ang pag-iyak.
Hindi nga siya nagkamali dahil naroon ang kambal. Nakahiga sa lamesa at umiiyak ang isa. Naroon din si Clara. Nakaharap ito sa lutuan at mukhang nagpapakulo ito ng tubig.
“Clara! Paano ka nakatakas?!” tanong niya. Gusto niya itong libangin upang makuha niya ang kambal sa lamesa.
Humagikhik ito na parang bata. “Inuto ko iyong mga bobong kasambahay. Ang sabi ko ay nagugutom ako at kakain na ako. Pinakawalan nila ako tapos pinatay ko silang lahat…” Humarap si Clara sa kaniya. Nakakatakot ang malaking ngiti nito sa labi. Mukhang wala na talaga ito sa katinuan.
“At ang mga anak natin… ano ang gagawin mo sa kanila?!”
Tumingin ito sa kambal. “Ang mga anak natin? Ilang araw akong hindi kumain para kapag nailabas ko na sila ay makain ko silang dalawa. Para gutom na gutom ako! Mabilis ko silang makakain, Ethan!” sagot nito.
“Nababaliw ka na! Sinasabi ko na nga ba, tama ang hinala ko. Kakainin mo sila kapag naipanganak mo na. Kaya itinali kita para hindi mo iyon magawa!”
Marahang naglakad palapit si Clara sa kambal. “Hindi ko makalimutan iyong espesyal na putahe ni Antonia. Iyong utak, iyong special sauce… hanggang ngayon ay nalalasahan ko pa rin ang mga iyon, Ethan! At kahit magbuntis at manganak ako nang ilang ulit ay gagawin ko para lang makain ko ulit iyon!” Naging mabalasik ang mukha ni Clara. “Huwag kang mag-alala dahil bibigyan naman kita, Ethan. Hindi ako madamot!” Dinampot nito ang isang matalim na kutsilyo na nasa tabi ng kambal at itinaas iyon sa ere.
Bago pa man maitarak ni Clara ang kutsilyo sa katawan ng isa sa kambal ay mabilis na siyang kumilos. Iniharang niya ang isang kamay at doon tumusok ang kutsilyo. Napangiwi siya sa sakit at hapdi nang maramdaman niya ang pagtarak ng talim ng kutsilyo sa kaniyang laman.
“Anong ginagawa mo?!” Nahihintakutang tanong ni Clara. Napaatras ito matapos bitawan ang kutsilyo.
Hinawakan ni Ethan ang tanganan ng kutsilyo at hinila iyon. Napasigaw siya sa sakit at matalim ang mata na tiningnan ang asawa. “Hindi mo dapat ito ginagawa sa mga anak natin, Clara!” sigaw niya dito. Nilapitan niya si Clara ay itinulak ito palayo sa kambal.
“P-pero nagugutom ako… Hindi ako kumain ng ilang araw para—”
“Hindi mo dapat kakainin ang sarili mong anak! Clara, laman at dugo mo sila.” Itinapon ni Ethan ang kutsilyo sa kung saan. Hinawakan niya si Clara sa magkabilang pisngi at tiningnan nang diretso sa mata. “Anak natin sila, Clara. Magulang nila tayo at hindi natin sila dapat saktan. Tayo ang dapat nagpo-protekta sa kanila. Sana ay magising ka na!”
Natigalgal ito sa sinabi niya. “A-anak ko sila…” Nangingilid ang luha na sabi nito.
“Oo. Anak mo. Anak natin sila. Parang awa mo na, Clara… Gumising ka na!” Ngayon ay labis na ang pagsisisi ni Ethan dahil sinuportahan niya ang pagkahilig ng asawa niya sa mga niluluto ni Antonia. Dapat pala ay inilayo na niya ito noon habang maaga pa. “Clara, hindi mo ito dapat ginagawa sa sarili nating mga anak!” Hindi na napigilan ni Ethan ang mapaiyak.
Maya maya ay tila naguguluhang napaluha si Clara. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mata nito hanggang sa tuluyan na itong napahagulhol. Parang nauupos na kandila na napaupo ito sa sahig. Doon ito umiyak nang umiyak. Niyakap naman niya si Clara upang kahit papaano ay kumalma ito.
“Patawarin ninyo ako, mga anak ko!” Palahaw ni Clara.
MAKALIPAS ang ilang taon…
Bumaba ng magarang sasakyan niya si Clara. Nasa isang sementeryo siya kung saan nakalibing ang kaniyang asawa na si Ethan. May bitbit siyang isang basket ng iba’t ibang klase ng mga bulaklak. Wala kasing paboritong bulaklak si Ethan kaya kung anu-anong bulaklak na lang ang dinadala niya sa tuwing dinadalaw niya ang puntod nito.
Noong nakaraang taon ay isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Namatay sa atake sa puso si Ethan. Dead on arrival. Hindi na ito nakaabot na buhay sa ospital. Pakiramdam niya ay huminto na ang pag-inog ng mundo niya. Para siyang napilayan ng isang paa sa pagkawala ng kaniyang mahal na asawa. Ngunit hindi siya maaaring panghinaan ng loob dahil meron pa silang dalawang anak. Ang kambal nila na sina Cruzita at Chabelita.
Malaki ang utang na loob niya kay Ethan. Bukod sa ito ang nag-ahon sa kaniya sa lusak ay ito rin ang nagpalinaw sa utak niya noong muntik na niyang patayin at kainin ang sarili nilang mga anak. Dahil sa mga salita nito ay naliwanagan siya.
Maraming salamat, Ethan… bulong ni Clara sa hangin.
Matapos mailagay sa tabi ng puntod ni Ethan ang basket ng mga bulaklak ay umalis na rin doon si Clara. May lakad pa kasi siya at medyo late na siya. Kaya naman pagkasakay niya ng kaniyang sasakyan ay mabilis niya iyong pinaandar.
ANG akala ni Clara ay nawala na ang pagkatakam niya sa laman ng kapwa niya tao pero hindi pa pala. Hanggang sa madiskubre nila ni Ethan noong nabubuhay pa ito ang Human Auction ni Mr. Black. Doon ay nagpapataasan ng presyo ang mga mayayamang tao para mabili ang isang parte ng katawan ng isang tao o kaya ay ang mismong tao na talaga. Iyon ang naging paraan niya upang makabili ng parte ng katawan ng tao para lutuin. Ngunit sa paglipas ng araw ay nagsawa na rin siya.
Akala niya ay hindi na niya kailangan pa ang Human Auction ngunit nagkamali siya. Oo, hindi na niya kailangan ang Human Auction ngunit kailangan iyon ng kaniyang kambal. Dahil habang nagkakaroon ng isip ang dalawa ay tila nagkakaroon ang mga ito ng kakaibang gawain…
“GISING ka na pala…” ani Clara nang pagpasok niya sa guest room ay gising na ang babaeng nakuha niya sa Human Auction. Nabili niya ang buhok nito sa halagang apat na milyon. Doon siya nagtungo matapos niyang dalawin sa sementeryo ang kaniyang asawa. “Ako nga pala si Mrs. dela Merced, thirty years old. Ako ang nakabili sa buhok mo.” Pagpapakilala niya nang nasa gilid na siya ng malaking kama kung saan ito naroon.
Bakas sa mukha nito ang takot. “Ganoon po ba? Sige po, k-kunin niyo na ang buhok ko…”
“Pasensiya ka na pero hindi ako ang kukuha ng buhok mo.”
“Ha? Sino? Kayo ang nakabili sa akin, `di ba?”
“Tama ka. Ako nga. Pero binili kita hindi para sa akin but para sa anak kong si Cruzita…” Inalis niya ang kaniyang suot na wig para ipakita kay Ruth na kalbo na siya. “Si Cruzita ang dahilan kung bakit ako kalbo. At ganito rin ang gagawin niya sa’yo… She loves hair so much!”
“A-anong ibig ninyong sabihin?”
Hindi niya sinagot si Ruth bagkus ay kumuha siya ng dalawang posas sa drawer at ipinosas niya ang magkabilang kamay nito sa headboard ng kama.
“Anong ginagawa ninyo?! Ano ba? Pakawalan niyo ako!”
“Hindi kita papakawalan. Diyan ka lang at tatawagin ko na si Cruzita!” At isang nakakapangilabot na halakhak ang pinakawalan ni Clara.
THE END