EAT 02

2311 Words
       “PARANG awa niyo na! Nagugutom na po ako! Gutom na gutom na ako! Pakawalan niyo na po ako dito!” Umiiyak na pakiusap ni Clara. Naghalo na ang luha at uhog sa mukha niya dahil sa kakaiyak. Nasa isang maliit, mabaho, mainit at maduming silid siya. Ang tanging nagbibigay ng liwanag sa silid na iyon ay ang maliit na bintana na kahit ang ulo niya ay hindi kasya. Ilang araw na siyang nakakulong doon at wala man lang nagbibigay ng pagkain sa kaniya kaya talagang gutom na gutom na siya. Hanggang sa gitna ng pagsigaw niya ay bumukas ang pinto at isang lalaki ang pumasok. Natuwa siya dahil meron itong dalang pinggan na sa hula niya ay pagkain ang nakalagay. Inilagay ng lalaki ang isa nitong hintuturo sa tapat ng bibig. Senyales na huwag siyang maingay. “Tumahimik ka lang. Kapag narinig ka nila, papatayin ka nila. Pasensiya ka na kung ngayon lang kita napuntahan dito, ha. Hindi kasi ako makatakas sa kanila.” Halos pabulong lang ang pagsasalita nito. Hindi niya makita masyado ang mukha ng lalaki dahil natatakpan iyong ng kadiliman kaya hindi niya mawari kung sino ba ito. Pero nararamdaman niyang mabait ang naturang lalaki. “G-gusto ko nang umalis dito. Gusto ko nang umuwi!” Hihikbi-hikbing sabi niya. “Ikinalulungkot ko pero hindi pa pwede. Delikado. Pero kapag nagkaroon ng pagkakataon ay itatakas kita. Pangako ko iyan sa iyo. Oo nga pala, dinalhan kita ng pagkain. `Eto…” Yumukod ang lalaki at inilagay sa sahig ang pinggan. Nagpaalam na ito sa kaniya at muling isinara ang pinto. Pagapang na nilapitan ni Clara ang pinggan. Halos hindi na kasi niya kaya ang maglakad dahil sa sobrang panghihina dulot ng gutom. Agad niyang dinakma ang nakalagay sa pinggan. Malamig iyon, medyo malambot, malagkit at basa. Pahaba ang pagkain na nasa pinggan. Kahit hindi niya alam kung ano ba iyon ay isinubo pa rin niya iyon. Kinagat niya iyon. Medyo makunat pero ayos lang. Ang importante ay makakakain na siya sa wakas. Hindi magawang maputol ni Clara ang pagkain kaya nguya lang siya nang nguya. Hanggang sa nagtaka na siya dahil ayaw talaga niyong maputol. Kaya ang ginawa niya ay nagtungo siya sa katapat ng bintana kung saan may kaunting liwanag upang makita niya kung ano ba ang kinakain niya. At ganoon na lang ang pagkahindik niya nang malaman niya na ang kinakain niya pala ay ang sariling bituka niya! Nakakonekta pa iyon sa tiyan niyang may malaking sugat at doon nakalabas ang kaniyang bituka!   ISANG malakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Clara nang magising siya mula sa panaginip na iyon. Nagpupumiglas siya at panay ang hampas sa sariling bibig dahil pakiramdam niya ay nginunguya pa rin niya ang sariling bituka. “Ayoko niyan! Ayoko!” sigaw pa niya dahil pakiramdam niya ay totoo ang masamang panaginip na iyon. Maya maya ay tumigil siya sa pagsigaw nang mapagtanto niya na may mga tao sa paligid niya. May matatanda at ang iba ay kaedad niya lang siguro. Nakatingin ang lahat sa kaniya. Doon niya lang nalaman na nasa isang malaking silid siya at nakahiga siya sa banig. Ganoon din ang mga taong nandoon. Sa hula niya ay nagising ang mga ito dahil sa pagsigaw niya. Madilim kasi ang buong silid pero nakikita niya ang kaniyang kinaroroonan dahil sa liwanag mula sa labas. Nakabukas kasi ang mga bintana ng silid na kinaroroonan niya kaya naglalagos doon ang liwanag mula sa poste ng ilaw. “P-pasensiya na po.” Nahihiyang tumalikod ng higa si Clara sa lahat at niyakap ang sarili. Nasaan ba siya? Anong lugar ito? Sino ang mga taong kasama niya? Ang huli niyang natatandaan ay may tinulungan siyang babae nang manakawan ito. Pagkatapos ay nawalan siya ng ulirat dahil sa sobrang gutom. Wala na siyang naaalala simula niyon. Ang babaeng iyon kaya ang nagdala sa akin dito? Iyon ang naging hinala ni Clara. Napahawak siya sa kaniyang tiyan nang tumunog iyon. Nagugutom pa rin siya ngunit hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pagkain dahil hindi niya alam kung nasaan siya. Kaya ang ginawa na lang niya ay ang piliting matulog upang hindi na niya maramdaman ang pagkalam ng kaniyang sikmura.   AGAD na sumarado ang mga mata ni Clara nang ibukas niya ang mga iyon dahil sa labis na liwanag na sumalubong sa kaniya. Umaga na pala. Nag-inat siya nang kaunti at marahang binuksan ang mga mata hanggang sa masanay na iyon sa liwanag. Bumangon siya. Mag-isa na lang siya sa silid na iyon. Itiniklop niya ng maayos ang banig at unan na ginamit niya sa pagtulog. May pag-aalinlangan pa siya kung lalabas ba siya o hindi. Pero nanalo ang kagustuhan niyang lumabas. Napanganga siya nang paglabas niya ng kwartong iyon ay nakita niya ang mga taong kasama niyang matulog kagabi. Maiingay ang mga ito habang kumakain. Maraming lamesa doon. Parang isang kantina pero hindi. “Gising ka na pala!” Nagulat siya nang may biglang magsalita sa gilid niya. Pagtingin niya ay nakita niya ang babaeng tinulungan niya. Malaki ang pagkakangiti nito. “Thank you nga pala kasi tinulungan mo ako. Importante kasi ang laman ng bag na iyon. Perang pampasahod sa mga trabahador ng boss namin dito. Ang tapang mo rin kahit bata ka pa, ha! Salamat talaga!” Medyo mataba ang babae. Maraming tigyawat sa mukha at kayumanggi ang balat. Meron itong bangs at tuwid ang buhok nito na kulay brown. Hanggang balikat ang haba ng buhok nito. Nakasuot ito ng fit na t-shirt at leggings na kulay brown kaya sa unang tingin ay mukha itong walang suot na pang-ibaba. Tango na lang ang naisagot ni Clara. Hindi niya kasi alam ang kaniyang sasabihin. “Ako si Ate Chanda. Anong palangalan mo?” “Clara.” “Ay, ako nga pala ang nagdala dito sa iyo. E, alam ko na pulubi ka at wala kang matitirahan. Ganti ko na rin sa tulong mo kasi ang bait mong bata!” Napamaang siya. “Dito na ako nakatira?” Hindi makapaniwala si Clara. “Oo. Ay, hindi!” Tumawa ang babae. “Ang ibig kong sabihin ay oo. Dito ka nakatira kung gusto mo. Iyon nga lang, kailangan mong magtrabaho dito.” “Anong trabaho?” “Magtatahi at magbuburda lang. Simple lang iyon. Madali lang. Tuturuan ka naman. Gusto mo ba? Kung ayaw mo, walang problema. Pero aalis ka nga lang dito. Tirahan kasi ito ng mga trabahador ni boss kaya bawal ang saling-pusa.” “May sweldo ba?” tanong ni Clara. “Siyempre, meron! One hundred fifty kada araw. Maliit pero libre naman ang tirahan, pagkain at sabon at shampoo. May tubig din at kuryente kaya—” “Pagkain!” Biglang sumaya si Clara nang marinig ang salitang iyon. “Ha?” Maang na react ng babae. “N-nagugutom ako. Gusto kong kumain.” “Tinatanggap mo na ba ang trabaho?” Mabilis na tumango si Clara. “Sige. Tanggap ka na. Mamaya pagdating ni boss ay ipapakilala kita sa kaniya. Ay! Nagugutom ka nga pala. Halika at sumunod ka sa akin.” Nagpatiuna ang babae sa paglalakad at sumunod siya dito. Panay ang linga ni Clara sa kaniyang paligid. Ang ibang kumakain ay napapatingin sa kaniya dahil siguro sa bagong mukha siya doon. Napansin niya na mabilis kumain ang mga tao na parang may hinahabol at nagmamadali. “Ay!” Gulat na sabi niya nang bumangga siya sa likod ng babae. Hindi na kasi siya tumitingin sa kaniyang unahan habang naglalakad. Napaatras siya at muntik pang matumba. Humarap ang babae sa kaniya. Nasa may harapan sila ng counter at meron doon nakapuwesto na matandang lalaki na puro kulay puti na ang balbas at bigote. Manipis ang buhok nito. Matangkad at payat ang katawan. “Ito nga pala si Manong Bangs. Siya ang cook ang nagse-serve ng pagkain dito,” pagpapakilala ng babae sa lalaking iyon. “Manong Bangs? Bakit Bangs? Wala naman siyang bangs, Ate Chanda.” Bahagyang natawa si Chanda. “Hindi bangs na buhok. Bangs as in bangkay! Ang payat kasi niya saka mukhang mamamatay na. Kesa sa tawagin siyang Bangkay mas pinaganda namin. O, `di ba?” “Rock and roll!!!” Nag-head bang pa si Manong Bangs at tumalon-talon. Medyo nabahala si Clara sa ginawa ng matanda dahil tila makakalas ang mga buto nito sa katawan. “O, sige na. Kumuha ka na ng pagkain kay Manong Bangs at may gagawin pa ako. Pagkatapos mong kumain, maligo ka na at magpalit ng damit. May mga lumang damit na kasya sa iyon doon sa aparador sa kwartong tinulugan mo. Kumuha ka na lang at para naman sa lahat ang mga damit na nadoon.” Tumango si Clara at iniwan na siya nito doon. Kumuha siya ng tray at nilagyan iyon ni Manong Bangs ng isang mangkok ng umuusok na goto. Nakikita pa niya ang mga nakalutang na lamang-loob kaya mas lalo siyang nagutom. Nakahanap naman agad siya ng bakanteng lamesa at upuan at doon siya pumwesto para kumain. Nanginginig pa talaga ang kamay niya nang hawakan niya ang kutsara at sumandok sa goto. Nagugutom na talaga siya. Hinipan niya ng tatlong beses ang umuusok na goto sa kutsara bago niya dinala sa loob ng bibig. Paglunok niya ay naramdaman niya ang mainit-init na paggapang niyon sa kaniyang lalamunan papunta sa kaniyang tiyan. Para sa kaniya ay masarap ang goto ni Manong Bangs. May tamang alat at linamnam. Lalo na ang mga lamang-loob na nandoon—hindi makunat at malambot talaga!   MAGKAKASAMANG naligo ang lahat ng babae sa isang malaking banyo. Meron silang kaniya-kaniyang timba at tabo. Nagpapasahan sila ng sabon at shampoo. Pagkatapos ng isa ay ang isa naman. Isang hose ng tubig ang siyang pinagsasahuran nila ng tubig. Nakita ni Clara ang pagbibigayan ng mga naroon. Walang agawan kaya naisip niyang hindi siya nagkamali sa pagtanggap ng trabahong inialok ni Chanda sa kaniya. Matapos maligo ay lumabas siya ng banyo na nakatapis ng tuwalya. Nagpunta siya sa tinulugang silid at binuksan ang nag-iisang aparador na naroon. Sumalubong sa kaniya ang amoy ng mga damit na matagal nang nakatago. Isa-isa niyang inilabas ang mga damit na naroon hanggang sa makakita siya ng t-shirt at shorts na kasya sa kaniya. Wala siyang nakitang panty at bra pero ayos lang iyon. Nasanay nga siya na hindi nagsusuot ng ganoon noong nasa lansangan siya, e. Pagkasara niya ng aparador ay doon lang niya nakita ang malaking salamin na nasa harapan ng pinto niyon. Natigilan siya nang makita ang sariling repleksiyon sa salamin. Parang ngayon lang niya nakita ang sarili na malinis. Hindi pala siya ganoon kaitim. Mapusyaw ng bahagya ang kulay ng balat niya. Dahil lang siguro sa dumi kaya ang akala niya ay maitim siya. Hinawakan niya ang kaniyang buhok at hindi na iyon gaanong matigas. Mabango na iyon. Hinaplos niya ang mukha at napangiti siya. Kapag siguro nakita siya mga tao sa labas ay hindi na siya pandidirihan at kakatakutan. “Hoy! Huwag ka nang magpaganda diyan. Simula na ng trabaho!” Isang babaeng may edad ang biglang nagsalita. Nakadungaw ito sa pinto at umalis din. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan ni Clara ang sarili sa salamin at sumunod na siya sa mga tao papunta sa lugar kung saan sila magtatrabaho. Kalapit lang pala ng bahay na iyon ang patahian. Ang ginagawa doon ay mga basahan, table cloth at mga panyo na binuburdahan. Natoka siya sa pagbuburda ng mga panyo. Isang babae na siguro ay ilang taon lang ang tanda sa kaniya ang nagtuturo sa kaniya. “Parang mahirap po pala,” ani Clara. “Sa una lang mahirap pero kapag nasanay ka na parang wala na. Ganiyan din ako noong una.” Naantala ang pagbuburda nila nang lumapit sa kanila si Chanda. “Kumusta na? Ayos ka lang ba, Clara?” Nakangiti nitong tanong. “Medyo mahirap po pero tinuturuan naman po ako ni ate.” Magalang niyang sagot. Medyo nahihiya pa rin siya dito. “Oo nga pala. Ipapakilala na kita kay boss.” Doon lang napansin ni Clara ang isang matangkad na lalaki na nasa likuran ni Chanda. Pagtingin niya dito ay tila tumigil ng ilang segundo ang paghinga niya. Hindi pamilyar sa kaniya ang nararamdaman niya nang makita niya ang lalaking iyon. Meron itong tamang pangangatawan at maputing balat. Sa tingin niya ay may lahi itong banyaga dahil sa features ng mukha nito. Matangos ang ilong at maganda ang hugis ng labi. Ang kulay ng buhok nito ay medyo brown. Sa madaling salita ay gwapo ang lalaking iyon! Binitiwan muna ni Clara ang kaniyang binuburda. Nilapitan niya ang lalaki at si Chanda. “Boss, siya po iyong tumulong sa akin. Si Clara. Clara, siya naman ang boss natin dito. Siya si Mr. Ethan dela Merced,” pagpapakilala ni Chanda sa kanilang dalawa ng lalaki. “Maraming salamat sa iyo, Clara. Alam mo bang malaking halaga ng pera ang mawawala kung hindi mo tinulungan si Chanda?” Maganda ang boses ni Ethan. Malalim at buo. Noong sinabi sa kaniya ni Chanda na ipapakilala siya sa boss nila, inisip niya na matandang lalaki na ang boss. Nagkamali pala siya. Sa hula niya ay nasa bente hanggang treinta anyos lang ito. Tapos ubod pa ng gwapo at tikas. “W-walang anuman din po, boss.” At nagulat siya nang ilahad nito ang isang kamay. Napatingin siya sa kamay ni Ethan at hindi niya alam kung makikipag-kamay siya dito o hindi. Nahihiya siya dahil madumi yata ang kamay niya. “Clara…” Pinanlakihan siya ni Chanda ng mata at inginuso ang kamay ni Ethan. Natatarantang ipinunas niya ang kamay sa gilid ng suot na damit bago niya abutin ang kamay ng kanilang boss. Mainit ang kamay nito at may kakaibigang kiliting hatid ang pagkakadikit ng mga kamay nila. Titig na titig pa sa kaniya si Ethan. Seryoso ang mukha nito ngunit ang mata nito ay parang may ibig sabihin. Kaya nag-init ng husto ang magkabilang pisngi ni Clara. Sa pagkailang ni Clara ay siya na ang mismong bumawi sa kamay niya. Malambot ang kamay ni Ethan habang ang kaniya ay puno ng kalyo. Nakakahiya naman dito. Umalis na rin sina Chanda at Ethan matapos siyang maipakilala sa huli. Hindi niya napigilang ang sarili nang sundan niya ng tingin si Ethan. Kahit nakatalikod ito at malayo ay talagang ang gwapo pa rin nitong tingnan. Bigla siyang siniko ng babaeng nagtuturo sa kaniya na magburda sa braso. “Uy! Grabe ka naman makatingin kay boss! Parang kakainin mo siya ng buo, ha!” Ngingiti-ngiti nitong sabi. “Kakainin ng buo?” hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Kakain siya ng tao, ganoon ba? “Oo! Parang bet na bet mo siya! Sabagay, gwapo naman talaga si boss!” Kinikilig pa nitong sabi. Sa sinabi nito ay agad niyang binawi ang tingin niya sa kanilang amo para tumigil na ito sa panunukso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD