BLACK 10

3586 Words
        “MISS! Bumaba ka diyan! Kung ano man ang problema mo ay pwede nating pag-usapan!” sigaw ng isang pulis kay Angel habang nasa gilid siya ng rooftop. Halos sampung hakbang na lang siguro at mararating na niya ang itim na ekis nang biglang dumating ang isang pulis sa rooftop at ilang mga tao na nakikiusyuso lang. Ang iba ay kinukunan pa siya ng video at picture gamit ang cellphone. Akala yata ng mga ito ay magpapakamatay siya kaya siya nasa gilid ng rooftop. “Hindi mo pwedeng sabihin sa kanila ang tunay na dahilan kung bakit ka nandiyan, Angel…” ani Black sa kaniya. “P-pero paano ko sila papaalisin?” Halos pabulong na siyang magsalita dahil baka isipin pang nababaliw na siya. Iyong pulubi ay bigla siyang iniwan nang dumating ang mga tao. Kitang-kita niya ang pagtakas nito. Hindi man lang siya nito tinulungan sa mga taong ngayon ay inaakalang magpapakamatay siya. “Naku, baliw yata iyan, sir! Nagsasalita mag-isa saka ang dumi at baho pa!” sabi ng isang ginang. “Baka nalipasan ng gutom kaya magpapakamatay!” susog ng isang lalaki. “Napag-tripan pa yata iyan at puro sugat! Kawawa!” ani ng isa pang babae. Napatingin si Angel sa itim na ekis. Kaunti na lang at mararating na niya iyon at matatapos na niya ang pangatlong pagsubok. “Miss!” tawag sa kaniya ng pulis. Mabilis na lumingon si Angel. “H-hindi ako baliw. Hindi ako magpapakamatay! Umalis na kayo. Hayaan niyo lang ako dito!” sigaw niya. Humakbang siya ng isa at nagsigawan ang lahat na parang akala ay tatalon siya. Napapikit siya dahil mas masakit na ang talampakan niya ngayon. Medyo nahihilo na rin siya dahil sa tindi ng sikat ng araw. Dagdag pa na hindi pa siya kumakain at hindi niya alam kung gaano na katagal simula nang huling beses siyang kumain. Gusto na niyang matapos ang paglalakad sa gilid ng rooftop para maalis na niya ang mga push pins sa talampakan niya at para makausad na siya sa susunod na pagsubok. Dalawang hakbang ang ginawa niya. “Tatalon na siya!!!” OA na sigaw ng isang babaeng teenager. Nang makita niyang papalapit na ang pulis sa kaniya ay sumigaw siya. “`Wag kang lalapit! Tatalon talaga ako!” Iyon na lang ang paraan na naiisip niya para takutin ang mga ito at hayaan na lang siya sa dapat niyang gawin. Hindi niya gagawin iyon. Pananakot lang ang sinabi niya. “Iwanan ninyo ako a-at hindi ako tatalon. Pangako!” Hindi na itinuloy ng pulis ang paglapit. “Ano bang gusto mo? Pagkain? Pera ba? Sabihin mo at ibibigay namin. Huwag ka lang tumalon diyan!” Umiling siya. “Ayoko ng mga iyan. Basta iwanan niyo na lang ako dito at hindi na ako tatalon!” Sa paghakbang niya ng isa at nagsigawan na naman ang lahat ng tao na nasa rooftop. Marami na rin ang nasa ibaba at nakatingala sa kaniya. Bakit ba hindi na lang umalis ang mga ito? Nakakaloka! Tili ng utak ni Angel. Kung pwede nga lang niyang sabihin na kapag nagawa niyang makatapak sa itim na ekis ay magkakaroon siya ng three million pesos ay ginawa na niya. Tapos sasabihin niya na kung sino ang iiwanan siya sa rooftop ay babalatuhan niya ng tig-five thousand pesos ay baka magpaunahan pa ang mga ito sa pagbaba. “Hindi ka namin pwedeng iwanan, miss! Bumaba ka muna at pag-usapan natin kung anong problema mo.” “Wala akong problema. Baka kayo ang meron! Ang kulit ninyo! Umalis na kayo!” Itinuro niya ang itim na ekis. “K-kailangan ko lang makapunta doon. Hayaan niyo na lang ako, please!” Kahit anong sabihin ni Angel ay pinipilit ng pulis na bumaba na siya. Sa tingin niya ay walang mangyayari kung makikipag-usap lang siya dito. Nauubusan na siya ng lakas at baka kapag tumagal pa siya na nakatayo ay mawalan na siya ng malay. Kailangan na niyang tapusin ang pangatlong pagsubok! Matamang tiningnan ni Angel ang itim na ekis. Hinayaan lang niya ang mga sigawan ng mga tao at sinasabi ng pulis. Doon lang niya ipinokus ang atensiyon. Tatakbo na lang ako ng mabilis. Titiisin ko ang sakit… aniya sa sarili. Isang malalim na paghinga ang pinakawalan niya at tinakbo niya ang kinaroroonan ng itim na ekis. Kasabay ng pagtakbo niya ay siya ring pagtakbo ng pulis palapit sa kaniya. Parang bumagal ang pagkilos ng lahat. Isang hakbang na lang at tuluyan na niyang natapakan ang itim na ekis. Nagawa na niya ang pangatlong pagsubok! Ngunit eksaktong pagtapak niya sa ekis ay nahawakan siya ng pulis sa kaniyang binti. Nawalan siya ng balanse nang maitulak siya nito. Nanlaki ang mga mata niya sa sobrang takot nang maramdaman niyang mahuhulog siya mula sa kaniyang kinatatayuan!   NAKAHIGA sa isang hospital bed si Angel nang bumalik ang malay niya. Napahawak siya sa kaniyang ulo nang bumangon siya. Malinis na siya at hindi na siya amoy dumi ng tao. Pati ang damit niya ay malinis na rin. Nararamdaman niyang may benda siya sa kaniyang tagiliran at mga paa. Ang huli niyang natatandaan ay muntik na siyang mahulog sa rooftop. Mabuti na lang at nagawa siyang hawakan ng pulis sa isa niyang paa at hinila siya nito pabalik. Matapos iyon ay bumigay na ang katawan niya at nawalan siya ng ulirat. Biglang kinabahan si Angel nang maalala niya ang earphone. Wala na iyon sa kaniyang tenga. Pagtingin niya sa lamesa sa tabi ng higaan niya ay nakita niyang nandoon ang earphone at cellphone. Kasama din doon ang personal cellphone niya. Agad niyang kinuha ang earphone at cellphone na bigay ni Black sa kaniya. Eksaktong pagkakuha niya ay tumawag si Black. Inilagay niya sa isang tenga ang earphone at sinagot ang tawag. “Black! S-sabihin mo, nagtagumpay ba ako sa pangatlong pagsubok?!” Tanong niya agad. Kinakabahan siya na baka nabigo siya at wala na ang lahat ng pera sa account niya. “Bakit hindi mo i-check ang bank account mo sa cellphone mo?” “Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin?!” “Para ma-surprise ka…” Minura niya ito sa utak niya at kinuha niya ang cellphone niya. Habang binubuksan niya ang app ng banko kung saan idine-deposit ni Black ang pera ay kinakabahan siya. “Puta!” Malutong na mura ni Angel nang makita niyang may tatlong milyon piso na siya sa kaniyang account. “Congratulations, Angel! Dalawang pagsubok na lang at makukuha mo na ang ten million pesos. Handa ka na ba sa pang-apat?” Natigalgal siya. “A-agad na?” “Last day na ng pagsubok ko sa iyo, Angel. Alas tres na ng hapon at dapat ay magawa mo na ang pang-apat at panghuling pagsubok bago sumapit ang hatinggabi. Ngayong araw na natin malalaman kung makukuha mo ba ang grand prize!” Wala na rin namang magagawa si Angel kundi ang pumayag. “Ano ba ang pang-apat na ipapagawa mo sa akin?” Gusto sana niyang magpahinga muna pero hindi na niya iyon magagawa. Nakaka-excite din dahil alam niyang malapit na niyang makuha ang sampung milyon. “Letter C… C as in CHARITY! Sa pagkakataon na ito ay tutulong ka sa mga taong kinaiinisan mo—ang mga pulubi. Gusto kong magbigay ka ng pagkain sa kanila na ikaw mismo ang magluluto.” Natawa siya. “Iyan lang? Sobrang dali naman, Black! Nag-e-expect pa naman ako ng mas intense na challenge! Katulad ng ikukulong mo ako sa drum na puno ng ahas o kaya ay papakainin mo ako ng tao!” Patuloy siya sa pagtawa. Isinilid na niya ang dalawang cellphone sa bulsa ng shorts niya at lumabas na ng kwartong iyon sa ospital. Patingin-tingin siya sa paligid at baka may pulis o nurse na pumigil sa kaniya. Mabuti na lang at wala. “Hindi ikaw ang kakain ng tao kundi ang mga papakainin mong pulubi.” Natigilan siya sa sinabi ni Black. “A-anong sabi mo?”   ALAS TRES Y MEDIA ay nasa harapan na si Angel ng karinderya kung saan siya dati nagtatrabaho. Nakasarado iyon. Nag-umpisa na siyang maglakad papunta doon. Pumasok siya sa loob. Nagawa niya iyon dahil hindi naka-lock ang pinto. Dumiretso siya sa lutuan at muli niyang narinig sa loob ng ulo niya ang sinabi ni Black kung ano ang gagawin niya sa pang-apat na pagsubok… “Pumunta ka sa dati mong pinagtrabahuhan na karinderya. Doon ka magluluto ng ipapakain mo sa mga pulubi. May makikita kang malaking freezer kung saan naroon ang main ingredient sa lulutuin mo. Ikaw na ang bahala kung ilang putahe ang magagawa mo. Wala ka nang dapat isipin sa mga ibang sangkap dahil kumpleto na. Pati ang mga lalagyan mo ng lulutin mo ay meron na rin. Ngunit kailangan mong gawin ang lahat ng iyan nang ikaw lang. Walang dapat na tumulong sa iyo… Five million pesos—ganiyan ang magiging pera mo kapag nagtagumpay ka!” Nasa harapan na siya ng freezer na sinasabi ni Black. Hindi niya alam pero hindi maganda ang pakiramdam niya sa laman niyon. Hinawakan niya ang takip ng freezer at marahan iyong binuksan. Impit siyang napasigaw nang makita niya ang dati niyang amo na si Aling Sandy doon. Naliligo ito sa sarili nitong dugo at wala nang buhay. Hindi naman nakasaksak ang freezer kaya may kakaibang amoy na ang katawan nito. Napaatras siya habang nakalagay ang dalawang kamay sa bibig. “Aling Sandy!” Napaiyak siya nang malamang patay na ito. “Hayop ka, Black! Anong ginawa mo sa kaniya?!” Alam niyang naririnig siya nito dahil sa earphone. “Magpasalamat ka dahil ipinagawa ko sa iba ang pagpatay sa kaniya at hindi ko sa iyo ipinagawa! Siguro ay natatandaan mo pa ang sinabi ko sa iyo. Nasa freezer na iyan ang main ingredient. Goodluck, Angel!” At naputol na ang tawag nito. Umiling-iling. Parang hindi niya kayang lutuin ang isang tao kahit patay na ito. Sumuko na lang kaya ako? Tanong niya sa sarili. “H-hindi! Hindi ako pwedeng sumuko! Marami na akong tiniis para lang makarating dito! Hindi ako susuko!” sagot niya sa sariling tanong. “Tandaan mo, dalawang pagsubok na lang ang kailangan mong gawin, Angel, at tapos na! Nagawa mo nga iyong tatlo, e. Ito pa kaya? S-saka patay na si Aling Sandy. Wala na siyang mararamdaman. Okay lang iyan. Okay lang!” Para na siyang nasisiraan ng ulo na kinakausap ang sarili. Paulit-ulit siyang huminga nang malalim hanggang sa nakumbinse na niya ang sarili na gawin ang pinapagawa ni Black! May nakita siyang electric knife at iyon ang ginamit niya para putulin ang mga kamay at binti nito habang nasa freezer. Inisip na lang niya na baboy lang ang kinakatay niya at hindi isang tao. Matapos iyon ay kutsilyo naman ang hinawakan niya. Winakwak niya ang tiyan nito para makuha ang lamang loob. Pakiramdam niya ay wala na siya sa sarili. Nababaliw na siya para sa pera! Ngunit masisisi ba niya ang kaniyang sarili? Kailangan niya ng pera at isang magandang opurtunidan ang lumapit sa kaniya. Sawa na siyang maging mahirap. Gusto na niyang maranasan ang ginhawa sa buhay. Ayaw niyang mawala sa mundo na hindi man lang nakakaranas kung paano maging mayaman. Mabilis na lumipas ang isang oras. Nagawa nang hiwain ni Angel ang mga parte ng katawan ni Aling Sandy sa laki na gusto niya. Naisip niyang magluto ng adobo. Ang dugo at lamang loob ay gagawin niyang dinuguan. Sinimulan na niya ang pagluluto. Naghahabol na kasi siya ng oras dahil dapat daw ay matapos na rin niya ang huling pagsubok bago matapos ang araw na ito. Maya maya pa ay abala na siya sa pagluluto. Dalawa naman ang lutuan doon kaya pinagsabay na niya ang pagluluto ng adobo at dinuguan. Nakatulala lang siya habang nakatingin sa kaldero. Napangiti siya nang maalala ang panaginip niya noon. Iyong ipinagluto siya ng nanay niya ng pagkain tapos ulo pala nito ang niluto nito. Ngayon ay alam na niya ang ibig sabihin ng panaginip na iyon. Ito na `yon. Siya pala ang magluluto ng tao. Mahigit isang oras pa ang lumipas at natapos na siya sa pagluluto. Kinuha na niya ang mga disposable na lalagyan ng pagkain na yari sa styro at pinaglalagyan niya iyon ng niluto niya. Kada isang pulubi ay bibigyan niya ng tig-isang adobo at dinuguan na yari sa tao. Tig-treinta na adobo at dinuguan ang nagawa niya kaya treintang pulubi din ang mabibigyan niya niyon! Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras. Inilagay niya sa malaking plastik ang mga ipamimigay at lumabas na ng karinderya. Medyo madilim na sa labas ng oras na iyon. May tricyle na padaan sa tapat niya na agad niyang pinara. Nagpahatid siya sa lugar kung saan alam niyang marami siyang makikitang pulubi…   NAKASIMANGOT na iniabot ni Angel ang huling adobo at dinuguan sa isang lalaking pulubi. Tuwang-tuwa itong tumakbo na para bang isang milyong piso ang ibinigay niya. Nawala din naman ang gusto ng mukha niya nang mapagtanto na wala nang laman ang plastik na dala niya. Naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone sa bulsa niya na agad niyang sinagot dahil tumatawag na si Black sa kaniya. “Binabati kita, Angel! Ngayon ay limang milyon na ang nasa account mo! Sa pagkakataon na ito ay tatanungin kita kung tutuloy ka pa ba sa huling pagsubok… Kapag hindi ka tumuloy ay makukuha mo pa rin ang limang milyon pero wala ka nang pag-asa na makuha ang sampung milyon. Hindi mo na rin makukuha ang magandang trabaho na iaalok ko sa iyo. Pero kung tutuloy ka ay may pag-asa ka pa rin na makuha ang sampung milyon. Iyon ay kapag nagwagi ka. Ngunit kapag nabigo ka ay wala kang makukuha kahit piso. Pag-isipan mo ng mabuti…” “Akala ko ba ay bawal na akong umatras dahil kapag ginawa ko iyon ay wala akong makukuha?” “Ang rules na iyon ay para sa una hanggang pang-apat na pagsubok. Iba na sa panglima.” “Tutuloy ako!” Walang gatol na sagot ni Angel. “Sigurado ka ba? May pagkakataon ka pa para umatras.” “Tuloy sabi ako! Ano ba ang huling ipapagawa mo?” “Hmm… Humahanga talaga ako sa iyo dahil matapang ka. Kung gayon ay sisimulan na natin ang huling pagsubok ko sa iyo, Angel. Ngunit umuwi ka muna sa apartment kung saan ka tumutuloy. Doon ko sasabihin kung ano ang gagawin mo. Doon din magaganap ang huling pagsubok.” Wala nang narinig na kung ano si Black sa kaniya. Naglakad na siya pabalik sa apartment niya. Malalaki ang mga hakbang niya at paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na kung ano man ang ipapagaw ni Black sa kaniya ay gagawin na lang niya ng walang pagdadalawang-isip. Nasa dulo na siya at wala nang dahilan para umatras pa siya! Mabilis na nakarating si Angel sa apartment. Nasa salas siya nang muling magsalita si Black. “Pumunta ka sa kwarto mo,” utos nito. Sinunod niya ang sinabi ni Black. Ngunit pagpasok siya sa kwarto ay nagulantang siya nang makita ang kaibigan niya na si Cecilla na nakatali sa isang upuan na yari sa kahoy! Nakatali ang katawan nito doon at may nakataling panyo sa bibig. Nakalaylay ang ulo nito at halatang walang malay. “Cecilla!” Hindi makapaniwalang bulalas ni Angel. Nilapitan niya ang kaibigan at inangat ang mukha. Napaiyak siya nang makitang puro pasa ang mukha ni Cecilla. Wala itong malay pero sigurado siya na buhay pa ito dahil nakikita niyang humihinga pa ito. “Hayop ka! Anong ginawa mo sa kaibigan ko?! Hindi mo na siya dapat isinali dito!” Galit na galit siya kay Black sa pagkakataon na iyon. Kung nasa harapan lang niya ito ay baka napatay na niya ito dahil sa p*******t nito kay Cecilla. Si Cecilla na lang ang meron siya ngayon. Ito na lang ang masasabi niyang pamilya niya. Kaya nga isinasama niya ito sa pangarap niya kapag nakuha niya ang sampung milyong piso kay Black. “Ang huling letra sa BLACK ay letter K…” Imbes na sagutin nito ang galit niya ay iyon ang sinabi nito. “Wala kang puso!!!” “Letter K na ang ibig sabihin ay… KILL!” Hindi tanga si Angel para hindi agad makuha ang gustong ipagawa ni Black sa kaniya. Gusto nitong patayin niya ang kaibigan niya! “Hindi!!! Ayoko—” “Ang gagawin mo ay simple lang. Patayin mo si Cecilla na iyong matalik na kaibigan gamit ang kutsilyo na nasa ibabaw ng kama! Kapag nagawa mo ay sampung milyong piso ang makukuha mo at—” “Kahit ano na lang! Ipagawa mo na sa akin ang lahat pero huwag lang iyan, Black! Nakikiusap ako! Huwag mong idamay ang kaibigan ko!” “Iyan ang huling pagsubok ko sa iyo. Pwede ka namang umatras ngunit wala kang makukuhang pera. Papatayin mo ba ang kaibigan mo o magpapaalam ka na sa ten million pesos?” Umiiyak na siya nang tingnan si Cecilla. Lumipat ang tingin niya sa kutsilyo na nasa ibabaw ng kama. Kinuha niya iyon at muling bumalik sa harapan ng kaibigan. Habang lumuluha at nagpapalipat-lipat ang tingin niya sa kutsilyo at kay Cecilla ay bumalik sa alaala niya ang lahat ng pinagdaanan niya kay Black. Simula sa pagbugbog niya sa pulubi, sa pagbitin niya ng ilang oras sa bakal, nasugatan pa siya nang malaki sa tagiliran niya gamit ang blade, ang paglalakad niya sa gilid ng building habang may nakatusok na push pins sa kaniyang talampakan at ang pagluluto niya ng tao tapos pagpapakain niyon sa mga pulubi. At ang kapalit ng lahat ng iyon ay sampung milyong piso basta patayin lang niya si Cecilla. Hindi lang iyon, nangako din si Black ng isang trabaho na kikita siya ng limpak-limpak na salapi! Itinaas na ni Angel ang kutsilyo at nang akmang sasaksakin na niya sa leeg ang kaibigan ay natigilan siya. Paano ay ang mga masasayang alaala naman nila ni Cecilla ang bumalik sa kaniyang isipan. Noong magkakilala sila, hanggang sa mga kalokohan nila. Iyong kahit wala silang makain ay tumatawa lang sila. Iyong mga pagtulong nito sa kaniya kapag siya ay kinakapos. Ah! Hindi niya kayang patayin ang isang tao na parang pamilya na ang turing niya. Napahagulhol si Angel. Imbes na saksakin sa leeg si Cecilla ay ginamit niya ang kutsilyo para putulin ang lubid sa katawan nito. “Ayoko na, Black! Sa iyo na ang sampung milyon mo pero hindi ko papatayin ang kaibigan ko!” Malakas niyang sabi habang maingat na inihihiga sa sahig si Cecilla. Inilapag niya ang kutsilyo sa tabi niya at tinapik-tapik sa pisngi ang kaibigan sa pag-asang magigising ito. “Kung ganoon ay ikinalulungkot kong sabihin na ikaw ay nabigo sa huling pagsubok. Babawiin ko na rin ang lahat ng perang nasa account mo, Angel. Binigo mo ako. Akala ko ay kaya mong gawin ang lahat!” May lungkot sa pagsasalita ni Black. Nagulat din siya na wala na ang effect sa boses nito kaya sigurado na siya na isa itong lalaki! Aanhin naman niya ang sampung milyon kung mawawala ang kaibigan niya? Inalis na niya ang earphone sa kaniyang tenga. Hudyat iyon na tinatanggap niya ang kaniyang pagkatalo. Makalipas ang ilang sandali ay nagising na si Cecilla. Nagtataka ito nang makita siyang umiiyak. Buong saya na niyakap niya ito. “A-anong nangyari?” Nagtatakang tanong ng kaibigan niya. “Saka na ako magpapaliwanag. Ang importante ay madala muna kita sa ospital. Dito ka lang, ha. Tatawag lang ako ng maghahatid sa atin doon.” Hindi na hinintay ni Angel na magsalita si Cecilla. Tumayo na siya upang lumabas ng kwarto. “Angel!” tawag ni Cecilla nang ilang hakbang na lang ay nasa pintuan na siya. Paglingon niya ay nagulat siya nang bigla siyang saksakin ni Cecilla ng kutsilyo sa leeg. Hinugot nito iyon para muli siyang saksakin. Tatlong saksak sa leeg ang tinamo niya at tatlo din sa dibdib. Bakit? Hindi na niya iyon naisatinig dahil bumagsak na siya sa sahig nang nakadapa at naliligo sa sariling dugo. Unti-unti niyang naramdaman ang pagyakap ng kamatayan sa kaniya habang hinihila siya niyon sa walang hanggang kadiliman…   GAMIT ang isang kamay ay pinunasan ni Cecilla ang dugong tumalsik sa pisngi niya nang saksakin niya si Angel. Sigurado na siyang wala na itong buhay kaya binitiwan na niya ang kutsilyo. Hinawakan niya ang earphone na nasa isang tenga niya at nagsalita. “Black, nagawa ko na ang huling pagsubok mo sa akin…” aniya. Wala siyang nakuhang sagot mula sa earphone bagkus ay isang lalaki na nakasuot ng itim na tuxedo, itim na pantalon at itim na sapatos ang pumasok sa kwarto. Nakasuot din ito ng kulay itim na maskara at ang bibig lang ang nakikita niya dito. “I-ikaw ba si Black? Lalaki ka?” Hindi makapaniwala si Cecilla. “Ako nga. Ako si Mr. Black! Binabati kita dahil natagumpay ka sa limang pagsubok na ipinagawa ko sa iyo, Cecilla!” anito. Malaking ngiti ang sumilay sa labi niya. Tama si Mr. Black. Limang pagsubok ang ginawa niya para magkaroon ng limang milyong piso. Ang unang pinagawa sa kaniya ay ang pananatili sa isang butas na puno ng tae na nasa isang silid. Dapat ay sumisid siya doon para makuha ang mga letra sa salitang BLACK. Pangalawa, pagpapanggap na pulubi at hayaan na bugbugin ni Angel. Dapat ay hindi siya nito makilala. Kasunod ay ang pambubwisit kay Angel sa pangalawa at pangatlong pagsubok na ginagawa nito. Iyon ay iyong nakabitin ito sa bakal at paglakad nito sa gilid ng rooftop. Ang pang-apat ay ang pagpatay kay Aling Sally at paghahanda ng mga gagamitin ni Angel para sa pang-apat na pagsubok ni Black para dito. At ang panglima ay ang pagpapanggap na wala siyang malay habang nagdedesisyon si Angel kung papatayin ba siya nito o hindi. Kapag pinatay siya nito, ibig sabihin ay siya ang talo. Pero kapag hindi siya pinatay nito ay kailangan niya itong patayin para siya ang manalo. Hindi siya nagdalawang-isip na patayin si Angel dahil sa pera. Gusto na rin niyang makawala sa impyernong buhay na meron siya at ngayon ay magagawa na niya iyon dahil sa pera at trabaho na makukuha niya kay Mr. Black. Lahat ng ito ay nagsimula nang may napulot siyang itim na attache case sa daan na may laman na cellphone, earphone at isang ATM card… Hindi rin totoo na kaya siya may pera ay dahil may mayaman siyang kliyente. Lahat ng pera niya noon ay galing sa paunang bayad ni Mr. Black sa kaniya. “May ten million pesos na ako?!” Hindi makapaniwalang tanong ni Cecilla. “Oo. Nakadeposit na sa account mo.” “Teka! Ano nga pala iyong trabaho na ibibigay mo sa akin? Don’t tell me… s*x slave mo?” Umiling ito. “Simula ngayon ay ikaw na ang secretary ko, Cecilla. Sa iyo ko ipagkakatiwala ang lahat ng tungkol sa negosyong kakabuo ko pa lamang!” anito sabay talikod. Naglakad si Mr. Black palabas ng silid na iyon. “Wow! Secretary? Bet!” Excited siyang pumalakpak at sumunod na kay Mr. Black. “Mr. Black, wait for me!!!”   THE END  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD