Dzyre Alonzo's POV
Habang binabaybay namin ang daan patungo sa restaurant, siguro oras na para magpakilala ako nang maayos.
Ako nga pala si Dzyre Alonzo. Anak nina Denzel Alonzo at Maegan Alonzo. Hindi tulad ng mga kaibigan ko, hindi ako pinanganak na may gintong kutsara sa bibig. Wala kaming malaking bahay, wala kaming sariling driver, at lalong wala kaming apelyidong kilala sa business world.
Isa lang akong ordinaryong tao na nakatira sa Maynila. Oo, tiga Maynila ako. Pero hindi doon sa mayayamang subdivision na may guard sa gate at CCTV sa bawat sulok. Sa gilid kami ng dagat nakatira. Yung tipong kapag high tide, kabado kami kung aabot ba ang tubig sa sahig namin. Squatter kung tawagin ng iba.
Lumaki ako sa amoy ng alat ng dagat at tunog ng alon tuwing madaling araw. Kapag alas tres pa lang ng umaga, gising na si Papa para pumalaot. Madalas ako ang nagbubukas ng ilaw sa maliit naming kusina habang nagtitimpla si mama ng kape para sa kaniya. Ganun umiikot ang mundo ko noon. Simple lang pero ang hirap.
At kung tatanungin niyo kung paano ako nakapasok sa ekslusibong kolehiyo ng mayayaman, hindi iyon dahil sa koneksyon. Kundi dahil sa katalinuhan, kasipagan at sa kakapalan ng mukha kong mangarap ng malaki.
Hindi man kami biniyayaan ng yaman, pero biniyayaan naman ako ng kasipagan. Nag exam ako sa iba’t ibang kolehiyo. Scholar exam dito, entrance exam doon. Pinagpuyatan ko lahat. Minsan nag-aaral ako sa ilalim ng ilaw sa labas ng bahay namin dahil kapag talagang walang wala na kami, napuputulan kami ng kuryente. Minsan naman sa palengke na ako nagpapatuloy ng pag-aaral habang nag aantay ng pagdating ng isda.
At sa lahat naman ng pinag-applyan kong kolehiyo, sa awa ng diyos ay naipasa ko naman lahat.
Kaya tinake ko ang pagkakataon. Pinili kong pasukin ang paaralan ng mga may ginintuang kutsara sa bibig. Syempre, kung mangangarap ka na lang din, lakihan mo na. Hindi ako pwedeng manatili kung saan ako nagsimula.
Ang mga magulang ko ang nagpaaral sa akin nung elementary, pero nang makagraduate ako, sila na mismo ang nagsabi sa akin na hindi na nila kayang ipagpatuloy pa ang pag-aaral ko. Hindi ko sila masisisi. Kita ko naman ang paghihirap nila sa pang araw-araw para lang mayroon kaming mapambili ng makakain.
Kaya ako na mismo ang gumawa ng paraan.
Sa batang edad, naghanap ako ng trabaho. Mahirap. Sobrang hirap. Ilang beses akong tinanggihan dahil masyado pa daw akong bata. Pero hindi ako huminto. Hanggang sa may tumanggap sa akin sa palengke.
Taga benta ng isda. Taga kaliskis. Taga tanggal ng hasang.
Unang araw ko pa lang, nasugatan na ang daliri ko sa talim ng kutsilyo. Sumakit ang likod ko sa kakayuko. Hindi ko halos maabot ang lamesang bato na ginagamit ng mga nakakatanda kong kasama pero kahit na ganoon, ginawan ko pa rin ng paraan. Ayun lang talaga, dahil sa trabaho ko, kahit ilang beses akong maghugas ng kamay, parang nakadikit na ang amoy sa akin.
Pero tiniis ko. Para sa pangarap, lahat ay kakayanin ko.
Limang taon akong nagtrabaho doon. Limang taon akong gumising ng madaling araw para tumulong mag-ayos ng paninda bago pumasok sa eskuwela. Limang taon na basa ang tsinelas ko sa tubig na may halong dugo at kaliskis.
At limang taon din akong tinawag na daing.
Kasi kahit anong sabon ang gamitin ko, kahit anong pabango ang ilagay ko, hindi talaga nawawala ang lansa sa buong katawan ko. Minsan naririnig ko silang bumubulong habang dumadaan ako.
"Amoy palengke."
"Daing."
Noong una, nahihiya ako. Ayokong pumasok. May mga araw na gusto ko na lang umiyak sa CR at umuwi. Pero wala akong choice. Mas mahalaga ang pangarap ko kaysa sa opinyon nila.
Kaya natuto akong magpanggap na walang naririnig. Natuto akong yumuko at dumiretso lang sa klasrum naming maliit. Wala akong naging kaibigan noon. Pero para sa akin, mas okay na yun. Mas tahimik. Mas nakakapag focus ako sa mas importanteng bagay.
Sa mga bayarin na kailangan ko para sa pag-aaral ko.
Nakakatulong din ako kahit papaano sa bahay. Si Papa ay mangingisda. Si Mama naman ang naglalako ng mga nahuli ni Papa. Madalas kulang pa rin ang kinikita nila para sa kuryente at tubig. Kaya kahit maliit ang sweldo ko, masaya ako kapag may naiaabot ako sa kanila.
Ayaw pa nga nila Mama tanggapin ang kinikita ko noon. Sinasabi nila na itabi ko na lang para sa pag-aaral ko. Pero matigas ang ulo ko. Hindi ko kayang panoorin silang nahihirapan habang may kaya naman akong gawin.
Pero matapos ang limang taon na iyun, biglang nagbago ang lahat.
Namatay ang may-ari ng pwesto na pinagtatrabahuhan ko. Isang araw bukas pa ang tindahan, kinabukasan sarado na. Ganoon lang kadali mawala ang pinagkukunan ko ng pera.
Sinubukan kong maghanap ulit ng trabaho sa loob ng palengke. Lumapit ako sa ibang stall. Nakiusap. Nag apply. Pero wala nang tumanggap sa akin. Hindi na nila kailangan ng trabahador. May iba naman na ayaw tumanggap ng estudyante.
At sa unang pagkakataon matapos ang ilang taon, naramdaman ko ulit ang takot.
Takot na baka hanggang doon na lang ako.
Takot na baka hindi ko na maipagpatuloy ang pag-aaral ko.
At higit sa lahat, takot na baka tama sila. Na hanggang daing lang talaga ako.
Ilang linggo din ang lumipas na wala akong trabaho, pero buti na lang at nung nag apply ako sa isang convenience store na may pangalang DashMart, agad din akong natanggap. Since then, ayun na ang naging trabaho ko. Cashier sa isang convenience store.
"Oh! Em! Gi! We're here!" ani ni Carl kaya nagising bigla ang utak ko. Hindi ko na napansin na nakatulala pala ako sa buong byahe papunta dito.
Inantay ko lang na mag park ang sasakyan ni Carl at nang makababa na kami, bumungad sa amin ang napakalaki at napakagandang restaurant. Hanggang 2nd floor ito at talaga namang ang daming kumakain sa loob. Ang daming iba't ibang magagarang sasakyan ang naka park sa parking lot nila.
Sobrang ibang iba ito sa mga nakakainan ko. Isang tingin pa lang, alam ko na na mahal ang mga pagkain na hinahain nila dito. "Excited na ba kayo?" tanong ni Carl habang ang mga ngiti ay umabot na sa kaniyang tainga.
"Yes! Yes! Yes! Lalo na at libre!" agad naman na sagot ni Josephine kaya natawa ako.
"Yes na yes!" sabi ko naman bago kami naglakad papasok ng magarang restaurant.
Sa pagbukas ng guwardiya sanbabasaging pintuan, agad na bumungad sa amin ang kapansin-pansing dekorasyon nito sa dingding. May mural ng barko at pirata na nakapinta sa pader. Sa gitna ay may malaking chandelier at ang mga nakasabit na kristal ay hugis patak ng mga ulan. Sa isang sulok ay may nag peperform na banda at tumutugtog ito ng nakaka relax na kanta.
Halo-halo ang usapan, tawanan, at kalansing ng mga kubyertos sa buong paligid. Amoy sa hangin ang mga nalutong pagkain, halo sa kaaya-ayang amoy ng garlic at butter na dumadaloy sa buong restaurant. “Dine in?” tanong ng isang nakaunipormeng babae ng makalapit ito sa amin. Kitang kita sa galawan niya, pati na rin sa pagsasalita niya ang pagiging propesyonal.
“Yes, Dine in for three people,” sagot naman ni Carl. Agad kaming pinapili kung saang floor namin mas prefer kumain. “May available ba sa third floor?” dagdag pa ni Carl, halata mong bihasa na sa mga ganitong lugar.
“Yes sir!” malambing na sagot ng babae, at agad din kaming pinasunod pataas ng hagdan. Habang umaakyat kami, hindi nakaligtas sa mapanuri kong mga mata ang maliliit na lamang tubig na dekorasyong pumapalibot sa iba't ibang parte ng hagdan. Kumikislap ang mga ito sa liwanag ng ilaw kaya talaga namang kapansin-pansin ang mga ito. Ang ganda.
“Here’s your table, sir,” sabi ng waitress nang maipwesto na kami sa isang talaga namang nakakarelax na pwesto ng third floor. Sa pwesto namin, kitang-kita ang kalawakan ng dagat. Ang araw na unti-unti ng lumulubog ay nagrereplek sa buong kapaligiran. It's quite relaxing kung ako ang tatanungin.
Ngunit bago pa ako tuluyang makapag relax, ito talagang tadhana na ito ay mapaglaro. Isang pamilyar na boses ang bumungad sa amin.
"Waiter!" ani nito kaya pati kaming tatlong magkakaibigan ay napatingin sa kung saan nanggagaling ang boses, at bago pa ako makapag-reak, nagkasalubong ang mga mata namin ni Anthony.
"No! No! No!" bulong ko sa hangin sabay nagmadaling tumayo at mabilis na tumungo sa hagdan,
"Dzyre wait lang." maahina namang sabi ng mga kaibigan ko, pero bago pa nila ako naabutan, naunahan na sila ni Anthony. Ang malaki niyang kamay ay naka-kapit ng mahigpit sa braso ko kaya napapigil ako sa pagbaba.
No! No! I can't make a scene here. Napabuntong hininga ako bago ko ikinompos ang katawan ko.
Agad kong pinigilan ang mga kaibigan ko na mag eskandalo. May mga nakatingin na sa amin at ayoko pang madagdagan ang kahihiyan na 'to. If I just do what he wants, there would be no trouble.
"Okay lang ako. Mag-uusap lang kami." paniniguro ko kina Josephine,
"You heard her!" mayabang at may ngising wika naman ni Anthony. Nakakabwisit talaga!
Napansin ko naman na nainis si Josephine sa sinabi ni Anthony, "Just make sure na hindi mo sasaktan ang kaibigan ko." mahina ngunit may halong pagbabanta naman na sinabi ni Josephine.
Si Anthony naman ay parang nagtindig ang tainga dahil sa tono ng kaibigan ko, "And if I did? What are you gonna do about it?" sagot naman nito sabay ngisi.
"Shh! Wag na tayong mag eskandalo dito. Nakakahiya." pakiusap ko sa kanila bago kami bumaba at lumabas ng restaurant.