Napangiti si Lolo Danilo nang marinig niya ang tunog ng ice cream. Alam niya na paborito iyon ni Kenne na ngayon ay malungkot na sumisilip sa labas mula sa maliit na bintana ng kanilang bahay.
Maingat siyang naglakad palabas at nilapitan ang apo. "Kennen!" pabulong na tawa niya dito. Agad naman na tumayo si Kennen para tulungan siya.
"Po? Lolo? May kailangan po kayo?" mas lalong lumapad ang ngiti ni Lolo Danilo habang nakatingin sa inosenteng mukha ng apo niya habang nakatanga sa kaniya. Mabait na bata si Kennen, ni hindi nga ito makulit. Marunong siyang umintindi at makiramdam sa mga kailangan sa bahay. Minsan nga ay hindi na ito lumalabas para makipaglaro sa mga kaibigan niya dahil palagi itong pinagagalitan ni Jasmin.
Sinigurado muna ni Lolo Danilo na wala si Jasmin sa paligid bago muling nagsalita. "Gusto mo bang kumain niyan?" namilog ang mata ni Kennen sa saya sa narinig pero agad rin iyong napawi nang maalala ang kabilin-bilinan sa kaniya ni Jasmin.
"Hindi po ako pwedeng lumabas sabi ni Mama, Lolo." malumanay ang boses na sabi nito. "Pero okay lang po! Pwede naman po sa susunod na lang!" pilit nitong pinasaya ang boses para hindi na mag-alala ang kaniyang Lolo.
"Sigurado ka ba diyan? pwede naman-"
"Ay, magsasaing pa po pala ako, Lolo. Saglit lang po!" putol ni Kennen sa Lolo niya. Malalim na napabuntong hininga na lamang si Lolo Danilo habang nakasunod ang tingin kay Kennen na nagmamadali nang pumunta sa kusina. Makakatanggap na naman kasi siya ng matinding pananakit mula kay Jasmin kung umuwi ito at malaman na hindi pa siya nakasaing.
Lumingon si Lolo Danilo sa labas ng bahay at nakita na papaalis na ang nagtitinda ng icecream. Walang ingay na lumabas siya ng bahay at sinubukang habulin ang nagbebenta ng icecream.
Sa kabilang dako naman ay busy si Jasmin sa paglalaro ng bilyard kasama ang mga kalalakihan at iba niyang kaibigan. Malapas siyang napangiti nang maramdaman niya ang makulit na kamay na dinama ang gilid ng bewang niya pababa sa hita niya. "Kelan ka ulit pupunta sa bahay?" pabulong na tanong ni Rigo. Isa itong call center agent na nakilala niya dati noong kabataan niya. Nagkita sila nitong huli at agad nakaramdam ng atraksyon sa isa't-isa.
"Mahirap na ngayon na pumuslit sa bahay mo dahil wala nang trabaho ang asawa ko kaya palagi na siyang nasa bahay," Mariing napapikit si Jasmin at lihim na napaungol nang tuluyang sinapo ni Rigo ang pagitan ng hita niya. Napangisi naman ang mga kasamahan nila na alam kung ano ang ginagawa nila.
"Hmm?" malanding dinilaan ni Rigo ang gilid ng leeg niya at hinalikhalikan ito. Pareho silang hayok sa init ng katawan na wala na silang pakealam kung may ibang tao man na nakakakita sa kanilang dalawa. "Paano kaya kung iwan mo na lang ang asawa mo at sa akin ka na lang sumama?"
Natulak nang wala sa oras ni Jasmin si Rigo sa narinig. Ilang segundong nagtagpo ang titig nilang dalawa bago ngumisi si Rigo. "Gutso mo?"
"May anak ako. Hindi ko pwedeng basta na lamang iwan iyon," matigas na sabi ni Jasmin at akmang tatalikod nang mabilis siyang pinigilan ni Rigo.
"Mas marami ang pera ko sa kaniya. Mataas na ang posisyon ko sa opisina. Mas kaya kitang buhayin at ang anak mo," seryoso na sabi nito habang mapanukso na nilapit ang mukha kay Jasmin. "Gusto kita, Jasmin. Gusto mo rin ba ako?"
Nagtagis ang bagang ni Jasmin habang nakatingin sa mukha ni Rigo na nagmamakaawa sa sagot niya. Mahirap ang pinagdadaanan nila nitong huli ng asawa niya at unti-unti na ring nawawala ang pagmamahal na nararamdaman niya dito. Kung wala lang siguro silang anak ay baka matagal na niya itong iniwan.
Tumaas ang gilid ng labi ni Jasmin na ikinangiti ni Rigo. Bago pa man sumagot si Jasmin ay mabilis nang hinila ni Rigo si Jasmin sa isang pribadong kwarto sa gilid at gumawa ng milagro. Ilang oras pang nanatili si Jasmin kasama si Rigo nang maisipan niyang umuwi na dahil malapit na ang tanghali.
"Hatid na kita," babangon na sana si Rigo sa kama nang mabilis siyang pinigilan ni Jasmin.
"Huwag. Kaya kong umuwi na mag-isa."
Biglang sumama ang timpla ni Rigo sa narinig. "Bakit ayaw mong ihatid kita?" mariing tanong niya na ikinagulat naman ni Jasmin. Mariin niyang hinawakan ang palapulsuhan ni Jasmin at hinila ito paupo sa kama.
"Aray! Ano ba? Rigo!" galit nang sabi ni Jasmin at sinubukang muling tumayo pero hindi siya binitawan ni Rigo.
"Kinahihiya mo akong makita ano? bakit? takot ka ba na mahuli tayo ng asawa mo?!" galit na bulyaw nito sa kaniya.
"Ano bang problema mo?!" hindi makapaniwalang tanong ni Jasmin sa bigla na lamang panunumbat sa kaniya ni Rigo. Unang-una sa lahat ay alam nito na may asawa at anak siya kaya hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganito ito ngayon.
"Nagseselos ka ba?"
"Ewan ko sa iyo! Magsama kayo ng pulubi mong asawa!" Padabog na umalis na si Rigo at iniwan si Jasmin na tulala.
Iyon ang unang pagkakataon na nagalit si Rigo sa pagtanggi ni Jasmin na ihatid siya nito. Ayaw kasi ni Jasmin na malaman ng anak niya ang pinanggagawa niya. Kahit naman ganoon siya ay mahal niya ang anak niya. "Tangina non!" inis na sambit niya sa sarili habang hinihimas ang palapulsuhan niya na ngayon ay namumula na mula sa bakas ng hawak ni Rigo.
Asar na lumabas na siya ng bilyaran at umuwi. Nasa kanto pa lang siya ng bahay nila nang makita niya na marami ang mga tao na nagkukumpulan sa bandang labas ng bahay nila. "Anong meron?" tanong niya sa sarili at binilisan ang paglalakad. Nanlaki ang mata ni Jasmin nang mula sa malayo ay nakita niya ang Ama ng kaniyang asawa na nakahandusay sa sahig.
"Tay!" nagmamadaling isinugod sa hospital si Lolo Danilo. Ilang oras lang naman ang lumipas at nagising na ito.
Takang nilibot ni Lolo Danilo ang paningin niya sa paligid at napakunot noo nang mapansin na hindi niya ito kwarto. "Tay. Gising ka na pala," napunta ang tingin niya kay Leonor na nakaupo sa tabi niya at hawak ang kamay niya.
"Anak. Nasaan tayo?" naguguluhang tanong niya.
"Nandito ho tayo sa hospital, Tay. Hindi mo ba naaalala kung ano ang nangyari sa iyo?" tanong nito. Bigla namang napaisip si Lolo Danilo kung ano ang huling naaalala niya bago siya napadpad dito sa hospital.
Bigla niyang naalala ang nangyari kaninang bandan tanghali na lumabas siya ng bahay para sana bilhin ang ice cream na gusto ni Kennen. Sa sobrang pagmamadali niya ay namali ang pagkaka-apak niya ng paa niya at bigla na lamang siyang natumba at nabagok ang ulo niya. Mabuti na lang at hindi iyon dumugo pero hinihintay pa ang resulta ng CT-Scan.
"Oh! Tay, bakit ka umiiyak?" natatarantang tanong ni Leonor nang makita ang luha na tumulo mula sa mata ng ama niya.
"Nak, pasensya ka na. Hindi ko talaga sinasadya," napagtanto kasi ni Lolo Danilo kung gaano kamahal ang possibleng gagastusin sa kaniya gayong nasa hospital siya. Kung may nararamdaman nga siya at tinatago na lang niya para hindi siya dalhin sa hospital tapos ganito pa ang nangyari.
"Tay, huwag kang humingi ng patawad. Hindi mo sinasadya ang nangyari. Walang may gusto na ma-aksidente kaya huwag kang umiyak. May ipon naman po ako para sa iyo. Alam ko kasi na dadating talaga ang araw na ito." pagpapakalma sa kaniya ng anak at niyakap siya.
Ilang minuto rin ang dumaan bago siya tumahan at nakatulog. Habang tulog siya ay dumating naman si Jasmin na may dalang pagkain para sa asawa.
"Kumain ka na, meron akong dala na pag-"
"Nasaan ka nang nangyari ang aksidente?" malamig na tanong ni Leonor sa asawa.
Agad na nagsalubong ang kilay ni Jasmin sa narinig. "Sinasabi mo bang kasalanan ko ang nangyari sa tatay mo?" mariing tanong niya at namewang.
"Hindi ko sinabi na kasalanan mo, Jasmin. Nagtatanong lang ako kung nasaan ka nung nangyari ang aksidente?"
"Bakit ka pa nagtatanong? hindi ba at ako naman ang naghatid sa tatay mo sa hospital!" galit nang sagot ni Jasmin.
Napaatras siya nang bigla na lang tumayo ang asawa at marahas na lumapit sa kaniya. "Ang tinatanong ko ay kung nasaan ka at bakit nangyari iyon? kasalanan mo ba? siguro! hindi naman mangayayari ito kung binantayan mo ng maayos si Tatay imbis unahin ang panlalandi mo sa kabit mo!" mababa ang boses na sabi ni Leonor pero puno ng pagtitimpi. Pinipigilan lamang nito ang sarili niya na huwag bulyawan ang asawa kahit na matagal na niyang gustong gawin iyon.
Umawang ang labi ni Jasmin sa narinig. Hindi niya inaasahan na alam ng asawa niya ang kaniyang ginagawa. "Gulat ka dahil alam ko?" napangisi si Leonor. "Matagal ko nang alam, Jasmin. Kung hindi lang ako nag-aalala na walang Nanay na lalakihan ang anak ko ay matagal na sana kitang iniwan!" malamig na sabi ni Leonor at iniwan si Jasmin na tulala at nanghihina. Hindi niya napansin na umiiyak na pala siya.
Lumipas ang mga araw at nakalabas rin si Lolo Danilo mula sa hospital at umuwi sa bahay nila. Mabuti na lang at sapat ang pera na naipon ni Leonor para lang mailabas sila sa hospital. Ang problema naman nila ay kung paano ang mga gamot ni Lolo Danilo.
Habang nakaupo sa hapagkainan ay hindi maiwasang mapansin ni Lolo Danilo ang anak at asawa nito na hindi nagpapansinan. Si Kennen naman ay malungkot lang rin na sinusubaybayan ang mga magulang niya na parang hindi magkakilala ang turingan. Tumagala ng ganoong pakikitungo nila sa isa't-isa at palagi na rin itong nag-aaway. Walang alam si Lolo Danilo sa totoong dahilan ng pinag-awayan ng dalawa at akala niya ay dahil sa pera na ginastos sa kaniya kaya isang gabi ay naisipan niya na umalis na lang.
Nilagay niya ang passbook na may laman ng pera na inipon nila para kay Leonor sa taas ng kama niya at nag-iwan ng maikling sulat para dito tsaka tuluyan nang umalis pagkatapos halikan sa huling pagkakataon sa noo ang apo niya na mahimbing nang natutulog. Hindi niya alam kung saan siya pupunta, hindi na rin naman siya makakahanap ng trabaho dahil wala nang tatanggap sa kaniya sa edad niya. Naglakad siya nang walang direksyon na papupuntahan hanggang sa isang gabi ay may nakita siyang grupo ng sindikato.
Imbis na tumakbo ay lumapit siya dito.
Kasalukuyan...
"Binenta ko ang sarili ko sa mga sindikato sa pag-asa na bigyan nila ng kahit kaunting pera ang anak ko na naiwan sa Pilipinas." pagtatapos ni Lolo Danilo sa kwento niya. Mugto ang mga mata ni Krystina nang marinig ang buong kwento ni Lolo Danilo. Hindi niya inaasahan na ganoon pala ang kalbaryo na dinanas nito.