"Mrs. Rebollado?" hindi makapaniwalang sabi ni Chas.
Kumunot naman ang noo ng ginang, pilit siyang inaalala.
"Miss... Tiu? Ikaw ba 'yan?"
"Yes, ma'am!"
Ngumiti ito at lumapit sa kanila. "Kumusta ka na, hija? At bakit basa ka? Anong nangyari sa'yo?"
"Katatapos ko lang pong maligo... Dito sa lababo." Ngumiti siya.
Teka, lababo ba ang tawag doon?
Natawa naman si Mrs. Rebollado. "Hindi ka pa rin nagbabago, palabiro ka pa ring bata ka. Kumusta ka na? Long time no see. Ilang taon na ba since huli tayong nagkita? Lima? Anim? Ang ganda mo pa rin, hija."
"Ayos naman ho, ma'am. Salamat ho do'n sa maganda pa rin ako."
Natawa ito. "Hindi kana ba nakabalik sa pag-aaral? Sayang naman, hindi ba at dalawang taon na lang, ga-graduate ka na?"
"Financial problem po, ma'am, eh."
"Eh, saan ka na ngayon? Are you working? Huwag mong sabihin na may asawa ka na?"
"Nako, single na single pa po ako. Call center agent po ako dati, graveyard. Nakatulog ho ako one time sa restroom, nahuli ng supervisor. Na-late nang dalawang beses. Napagalitan at nireklamo ng client kaya fired na po three months ago. Pero nag-a-apply na po uli ako. Pansamantala, nagtatrabaho po ako bilang florist malapit sa bahay namin habang hinihintay 'yong tawag ng mga in-apply-an ko.”
"Ah." Tumango ang matandang babae habang nakangiti sa pagka-aliw sa kanya.
"Magkano naman ang sinusuweldo mo sa pagiging florist?"
"Naku, ma'am, hindi po ako nagpapautang."
Napahalakhak na si Mrs. Rebollado. "Sira."
Natawa na rin si Chas. "Two fifty po per day ang usapan namin ng may-ari."
Nang maospital kasi ang nanay niya, kakatanggal pa lang niya sa trabaho kaya kahit maliit ang kita bilang florist, tinanggap na niya. Pero wala naman siyang balak magtagal sa trabahong iyon, kailangan lang talaga muna niyang pagtiisan habang hindi pa natatanggap sa ibang trabaho.
"Anyway, hija naghahanap nga din ang anak ko, si Denver, ng yaya para dito sa apo ko. 'Yong dati kasing yaya, umuwi na sa probinsiya nila kasama 'yong napangasawa. Baka may kakilala kang naghahanap ng trabaho?"
Na-curious siya bigla. "Magkano po ba ang suweldo?"
"Well, twenty thousand a month plus benefits. Stay in. Every Sunday lang ang day off."
"Twenty, ma'am, as in twenty K? Plus benefits pa?" ulit niya na bahagya pang napalaki ang mata sa sinabi ng ginang.
'"Nako, ako na lang, ma'am!" Kulang na lang ay magtaas si Chas ng kamay sa eagerness na magprisinta kay Mrs. Rebollado.
Tinalo pa niyon ang suweldo niya bilang call center agent. Kung stay-in siya at libre ang pagkain, makakatipid siya ng sobra at makakaipon pa siya.
"Okay lang ba sa 'yo na maging yaya? Kaya mo ba?"
"Naku, no sweat ho! Maning-mani lang 'yong dalawa ko hong nakababatang kapatid, ako ang nag-alaga n'ong mga bata pa sila. May experience na rin ako sa pagiging yaya n'ong high school ako, ma'am. Kambal pa. Hayun ho, mga dalagita na. Close pa nga kami hanggang ngayon, eh."
Patawarin sana si Chas ng Diyos sa mga kasinungalingang sinasabi. Pero madali lang naman ang pag-aalaga ng bata, hindi ba? Ano ba ang ipinagkaiba niyon sa pag-aalaga sa nanay niyang bagong opera? Isa pa, mukha namang mabait si Ryley. Hindi siya mahihirapan sa bata, may libreng sulyap pa siya araw-araw sa tatay nito.
Kinilig siya sa naisip. Na-excite bigla. Pero ang tanong, tatanggapin ba siya ni Denver bilang yaya ni Ryley kung nasaksihan nito ang eskandalo kanina?
"Kailan ka puwedeng nang magsimula, hija?" tanong ni Mrs. Rebollado.
"ASAP, ma'am. Puwedeng puwede ho ako anytime."
Iniabot nito ang isang calling card. "I-text mo na lang sa akin ang address mo, ipapasundo kita sa driver ko para hindi ka na mahirapang mag-commute papunta sa bahay.
"Thank you, ma'am. Pero si Denver po, okay lang kaya sa kanya na kuhain niyo akong yaya?"
"Well, he badly needs a nanny for his son. Kung personal kitang irerekomenda, hindi na 'yon makakatanggi pa."
Tumango si Chas. "Sana nga po, magtetext na lamang po ako sa inyo ma'am."
"O, siya, mauna na kami."
"Maam..." tawag niya sa ginang nang nasa may pinto na ng restroom at naglalakad palabas.
Lumingon naman ito agad at tumingin sa kanya.
"Puwede na pong mag... cash advance?"
"Totoo na ba 'yan o joke pa rin?" nakangiting tanong nito.
Nag-peace sign si Chas kasabay ng ngiting may halong ngiwi.
“Joke lang po. He-he.”
“See you, Chastity.”
Ibinaba niya ang kamay na naka-peace sign at kumaway.
"Bye, Ryley..."
Totoo ang cash advance. Walang-wala na siyang pera para panggastos ng mga magulang sa loob ng isang linggo. Pero hindi bale na, maghahanap na lang siya ng mahihiraman. Ang mahalaga, may bago na siyang trabaho at medyo may kataasan pa ang sweldo. Malaki na ang suweldo, makakasama at makikita pa niya lagi ang kanyang longtime crush na si Denver Roi.
Kung ganoon sana siya kasuwerte lagi, kahit ilang drum ng malamig na tubig ang ibuhos sa kanya ni Cathy ay okay lang. Magpapasalamat pa siya nang bongga.
"Thank You, Lord!" pasasalamat niya na itinaas pa ang mga kamay.
"Puwede bang i-deliver mo muna nga 'yang mga bulaklak na 'yan bago mo ako hiritan na naman ng salary increase, Chastity? Aba, halos linggo-linggo ka kung mag-demand ng umento,ah? Namimihasa kana. Wala kang kapagod-pagod."
Sumimangot si Chas. Wow. Ang lupit talaga ng amo niyang si Madam Cecilia, ang may-ari ng pinagtatrabahuhan ngayong 'Flowers For Her'. Kung makapagreklamo ay para namang may itinaas ito kahit piso sa kanyang suweldo. Linggo-linggo nga siyang nagre-request ng increase pero linggo-linggo rin ang pag-iwas ng amo.
Florist ang trabahong in-apply-an niya pero dalawang araw pa lang mula nang matanggap, promoted na agad siya bilang cashier, accountant, florist, delivery girl, at janitress. Pero wala siyang natikmang increase sa dami ng trabaho niya. Wala pang overtime pay o double pay.
Nasubukan naman ni Chas na mag-apply sa mga fast-food chain pero dahil contractual, nawalan din siya ng trabaho pagkalipas ng ilang buwan. Ang pagko-call center lang sana ang pag-asa niya kaso, sumusuko naman ang kanyang katawan sa pagod, sa haba ng biyahe, at puyat.
Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Mas bata sa kanya nang tatlong taon ang sumunod sa kanya na si Kelvin. Samantalang labinlimang taong gulang pa lang ang bunso nilang si Jessa.
Si Chas na ang tumayong breadwinner ng pamilya sa loob ng nakalipas na limang taon. Dating taxi driver ang tatay nila. Pauwi na sana ito sa magdamag na pamamasada nang tambangan ng mga holdupper sa daan. Nag-ala action star ang tatay niya, nanlaban. Nanghinayang kasi ito na mapupunta lang sa mga taong halang ang kaluluwa ang pinagpagurang pera.
Nabaril ang tatay niya ng isa sa mga holdupper at saka iniwang nag-aagaw buhay sa daan. Mabuti na lang at may tulong na dumating at naisugod agad ito sa ospital. Pagkatapos niyon ay hindi na pumayag si Chas na bumalik pa ang ama sa trabaho. Bukod kasi sa delikado at natatakot siyang maulit ang nangyari, matanda na rin ito. Sampung taon nang senior citizen ang tatay niya na may ten-year age gap sa Nanang Rebecca niya.
Siya na mismo ang nagdesisyong huminto muna sa pag-aaral sa kabila ng pagkakaroon ng full scholarship. Accountancy sana ang kursong kinukuha niva sa KLM University at nasa second year na noon. Pero sinipag yata si Lord na hamunin ang katatagan ng pamilya nila.
Isinugod nila sa ospital ang nanay niya ilang buwan na ang nakararaan dahil sa p*******t ng tiyan. Na-diagnose ito ng cancer sa bituka, stage two. Nangailangan sila ng malaking halaga para maoperahan ito sa lalong madaling panahon. Kaya naman nakapag-loan si Chas sa Upper Hand Sharing Capital, isang lending company na pag-aari ng kababata at dati niyang manliligaw na si Angelo.
Nahihirapan siyang bayaran kahit ang interes lang ng perang nautang dahil sa gastos nila sa bahay, gamot, at chemotherapy ng ina.
Habang tumatagal, ay lalo tuloy siyang nababaon sa utang. Kinakabahan na nga siyang malaman ng mga magulang ang tungkol sa utang niya sa lending. Sigurado kasi siyang mag-aalala ang mga ito nang husto. Mahabang drama at explanation 'yon kapag nagkataong malaman nila ito.
"Hayaan na 'nyo na lang akong mamatay kaysa mamroblema pa tayo sa pera, Chastity. Saang kamay ng Diyos tayo hahanap ng malaking pera pang-pa-ospital? 'Di bale na lang, kaya ko pa naman." naalala niyang sabi ng nanay niya nang hindi sinasadyang marinig nito ang pag-uusap nila ng kanyang ama.
"Inang, hindi puwede 'yang sinasabi niyong 'di bale na lang, papabayaan ko ba naman kayo? Basta, magapagaling kayo at kumain ng maayos. Gagawan ko ng paraan ang pang-opeta ninyo."
"Saka Inang anong pang ginagawa ng mga government agencies kung hindi nila tayo matutulungan kapag kailangang kailangan natin 'di ba?"
"Kung bakit kasi hindi man lang namin kayo nabigyan ng magandang buhay. Ikaw pa ang nagtatrabaho para buhayin kami at ang mga kapatid mo. Tapos ngayon, nagka-cancer pa ako." Napansin niya ang pagtulo ng luha ng Inang niya.
Mag-uumpisa na ang drama kaya pinilit ni Chas na tumawa. Bibigat lang din kasi ang loob niya kapag ganyang nag-emote na ang nanay niya. Naaawa siya sa kalagayan nito. At nahihirapan din siyang makita itong umiiyak.
"Inang, kailangan mong mabuhay pa. Magkakaapo ka pa sa akin. Sayang pag hindi mo na sila naabutan." Tiningnan siya nito nang masama.
"Mag-aasawa ka na ba, Chastity? Bakit, may nagkagusto pa ba sa 'yo maliban kay Angelo at doon kay Joselito na sunog-baga at manginginom?"
At sisimangot siya kunwari. Aasarin naman siya ng dalawang kapatid hanggang sa makalimutan na nila ang problema.