Life Could Have Been Better

1137 Words
Hindi nagrereklamo si Chas sa pagsalo ng lahat ng pinansiyal na problema ng kanilang pamilya dahil alam niyang mabuting mga magulang ang kanyang ina at ama. Alam din niya na hindi naman ginusto ng mga ito ang kinalalagyan at estado ng buhay nila sa ngayon. Kailan kaya niya maipapatikim ang ginhawa sa mga magulang at kapatid? Sinabi niya sa mga ito na kay Madam Cecilia siya nakautang ng pera. Pero ang totoo, halos araw-araw na siyang tinatawagan ng collection officer para i-follow up ang payment niya. Napapatalon pa nga siya minsan kapag nagri-ring ang kanyang cellphone. Akala niya, empleyado ng Upper Hand Sharing Capital at maniningil na naman. Pasalamat na lang siya na nagagawa pa niyang makatulog nang mahimbing sa kabila ng problema at hindi pa siya nababaliw sa lahat ng isipin. Isa pa si Angelo. Boyfriend pa lang ni Cathy ang kababata, halata na ang inis ng babae sa kanya. Nagseselos siguro dahil napapansing malapit si Angelo sa kanya at sa pamilya niya. Hindi pumapalya si Angelo sa pagdalaw sa kanila kahit na kasal na ito kay Cathy. Sila lang kasi ang kakilala ni Angelo sa Maynila, lahat ng kamag-anak ng lalaki ay naiwan sa probinsiya nila sa Ilocos. Kaya sila magkasama ni Angelo noong isang gabi ay dahil hihilingin sana niyang i-extend ang deadline ng payment sa kanyang loan. Pero hindi pa nga umiinit ang puwit niya sa kinauupuan ay sumugod na agad ang angry wife ng kababata at ipinahiya pa siya sa harap ng maraming tao. inuhusan na nga siya ng tubig sa ulo, kinainisan pa. Siguradong na kay Cathy na ang lahat ng simpatya ng mga tao sa loob ng restaurant. Ganoon naman ang mga tao, ang dadaling manghusga. Kung may maganda mang nangyari nang araw na iyon, iyon ay nang hindi sinasadyang magkita sila nina Ryley at Mrs. Luissa Rebollado sa restroom. May instant trabaho siya na malaki ang suweldo, mapapalapit pa siya kay Denver na matagal na niyang hinahangaan. Kaya nagkakamali si Madam Cecilia kung iniisip nitong maglulumuhod siya sa increase na ilang buwan din niyang pinangarap matanggap. Bahala na si Madam Cecilia sa buhay nito, basta hindi na siya magtitiis pa sa trabahong ito. Bukas na ang umpisa niya bilang yaya ni Ryley at kailangan na niyang makabalik nang maaga sa bahay nila para makapag-impake. Nabanggit na niya sa mga magulang ang tungkol sa bagong trabaho at amo... "Guwapo ba 'ika mo ang amo mo at may asawa at anak na? Mag-ingat ka at baka mademanda ka pa ng libelo," paalala ng tatay niya. "Alienation of affection po," natatawang pagtatama ni Chas. "Single si Sir Denver, Tatang. Wala akong aagawan." "Ko, tumigil ka sa pagiging kerengkeng mo, Chastity. Wala sa lahi natin ang ganyan," nanunulis pa ang ngusong sita ng nanay niya. "Resign?" bulalas ni Madam Cecilia nang sabihin niya ang totoong sadya. "Eh, kayo ho, eh, hindi n'yo man lang ako pina-experience ng salary increase. May nakuha na akong ibang trabaho, kaya nagpapaalam na ako ng maayos sa inyo." "At anong trabaho naman iyang nahanap mo, aber?" singit ni Josabel, ang malditang anak ni Madam Cecilia. "Call girl?" Umismid ito at nandidiring tumingin sa kanya. "OMG, paano mo nalaman?" tanging maapang-asar na sagot niya. "Yuck." Tinawanan lang niya ang babe at saka binitbit ang kanyang bag. "Chas..." habol ni Madam Cecilia nang tumalikod na siya. "May mga for delivery tayo ngayon,eh. Hindi ka puwedeng mag-resign! Wala si Antonio! Sino'ng magde-deliver ng mga iyon?" Pamangkin nito si Antonio, florist din katulad niya. Nagkibit-balikat si Chas. "Bakit hindi n'yo ho utusan 'yong si senorita Josabel?" sagot niya, kinindatan pa si Josabel na nanlaki naman ang mata dahil sa sinabi niya. Gumanti pa ito ng irap. "Arte-arte, wala namang pera." Nagpigil siya na hambalusin ng bag ang atrebidang babae. Pero hindi puwede. Good vibes lang. Hindi nakagaganda ang inis. Mean na kung mean pero hindi niya pagbibigyan ang utos ni Madam Cecilia na i-deliver pa niya ang mga bulaklak. Ano iyon, magre-resign na nga siya, uutusan pa ng mag-ina? Maiintindihan naman siguro siya ni Lord. Saka ilang beses siyang lumapit kay Madam Cecilia noon para humingi ng tulong sa operasyon ng nanay niya pero lagi lang siyang tinanggihan nito at may kasama pang panlilibak at masasakit na salita. Lahat iyon ay tiniis niya, kahit siguro umiyak pa siya ng dugo ay hindi siya makakatikim ng matamis na 'oo' mula sa ginang. Pumara si Chas ng tricycle at nagpahatid sa bahay na inuupahan nila sa Pembo, Makati. Napansin agad niya ang nakaparadang kotse ni Angelo sa harap ng bahay nila hindi pa man siya nakakababa ng tricycle. Naabutan niyang kakuwentuhan ng kaibigan ang tatay niya sa sala. "Magandang gabi, Chas." bati ni Angelo, sabay tayo sa kinauupuan nang makita siya. Nginitian niya ito. "Magandang gabi din, Angelo." Lumapit siya sa ama at nagmano. "Kumain ka na ba?" tanong ng kanyang ama. "Mamaya na ho, Tang." "Oh, paano 'yan. Maiwan ko muna kayo. Aayusin ko lang ang higaan ni Rebecca." "Sige ho, Tang," halos magkasabay nilang sabi ni Angelo. Tatang at Nanang din ang tawag ng kaibigan sa mga magulang niya, nakasanayan na iyon binatilyo pa lang ito. Niyaya ni Chas si Angelo sa balkonahe. Naupo sila sa monobloc na nakaharap sa kinakalawang nilang gate. "Pasensiya kana talaga sa nangyari kagabi, Chas." "Ako nga ang dapat humingi ng pasensiya kung tutuusin, Angelo. Nag-aaway na naman kayo ni Cathy dahil sa 'kin." Nagkibit-balikat ito. "Ikaw lang ang nag-iisang babaeng pinagseselosan n'on." "Eh, kasi nga, maganda ako. Height lang ang lamang n'on sa akin, eh." Natawa siya, nag-change topic. "Next month makakapaghulog na ako sa nahiram kong pera sa inyo." Inalok siya noon ni Angelo na sariling pera nito ang ipahiram sa kanya. Pero dahil tinamaan talaga siya ng hiya ng mga panahong iyon, tumanggi siya. Mas pinili niyang magpatanong na lang kay Angelo na mangutang sa lending company ng mga ito nang maubusan siya ng pwede pang mauutangan. Mabilis na naaprubahan at na-release ang kanyang loan. Alam niyang dahil iyon sa tulong ni Angelo kaya may utang-na-loob siya sa kababata. "Nabanggit ni Tatang na nag-resign ka na daw sa flower shop ni Mrs. Cecilia." Ngumiti siya sa kababata. "Nahihirapan din kasi ako doon. Sa ngayon ay magya-yaya naman ako this time, para maiba naman. Saka na ako mag-a-apply sa iba 'pag nakaipon na ako ng sapat." Tumango-tango si Angelo. Katahimikan ang sumunod. Mayamaya pa ay tumayo na ito sa kinauupuan at tinitigan siya nang matagal. Kumunot naman ang kanyang noo. "Anong klaseng tingin yan?" naaasiwa niyang tanong. "Bakit kasi hindi kita nahintay, Chas? Life could have been better..." Sinadya nitong putulin ang sinasabi. Bumuntong-hininga ito. "Mauna na ako. Baka matagal-taga bago tayo magkita uli. Kung may problema, tawagan mo na lang ako agad." Tumango si Chas. Sinundan niya ng tingin ang kababata habang nagpapaalam sa tatay niya. May gusto pa ba si Angelo sa kanya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD