Ang nakaraan...
Walang patid ang pagbuhos ng luha sa mga mata ng katorse anyos na si Isabelle habang pagal na pagal ang katawan at tumatakbo sa masukal na kakahuyan.
Sa isip niya ay hindi mawaglit ang nakadudurog ng pusong tagpo sa loob ng kanilang bahay.
Galing siya noon sa paaralan at tulad ng nakagawian ay dumiretso agad siya sa kanilang tahanan.
Ang kanyang mama at papa.. Habang nakahandusay sa sahig at naliligo sa sarili nilang dugo. Wala ng buhay ang kanyang ama.
Naghihingalo pa ang kanyang ina nang makita niya at agad niya iyong nilapitan at niyakap ngunit nagmakaawa ito sa kanya at sinabing kailangan na niyang umalis dahil papatayin din siya.
At ang masakit pa nga ay nalaman niyang ang kanyang tito Albert ang may kagagawan niyon sa kanyang mga magulang.
"Lumayo ka dito, anak. Hindi ka titigilan ng tito Albert mo hangga't hindi ka niya napapatay! Dalhin mo ito anak, kakailanganin mo ito balang araw." umiiyak at nahihirapang sabi ng kanyang ina at pilit na isiniksik sa palad niya ang pulang tela ng maliit na supot.
May kabigatan iyon pero wala siyang oras upang tingnan ang laman niyon.
Ayaw niyang iwan ang kanyang mga magulang ngunit nalalaman niya ang maaaring mangyari kapag hindi siya sumunod sa pinakikiusap ng kanyang ina.
"Tumakbo ka na, anak! Hinahanap ka na nila pakiusap mag-ingat ka, sa likod ka dumaan!" sa huling pagkakataon ay niyakap at hinagkan niya ang kanyang mama at papa bago tumakbo patungo sa pinto na siyang daanan papunta sa likod ng kanilang bakuran.
Ngunit bago siya tuluyang makalabas ng pinto ay narinig pa niya ang boses ng kanyang tito Albert.
"Aba tingnan mo nga naman at buhay ka pa?" humalakhak ito na parang demonyo.
Nakakapanindig balahibo ang dating sa kanya ng mga tawa na iyon ng kanyang tito Albert na sinundan pa ng mga tauhan nito.
Kasunod ng tawanan na iyon ay narinig ni Isabelle ang pagmamakaawa ng kanyang ina.
Pero tila walang narinig ang mga ito. Dahil dalawang magkasunod na putok ang narinig ni Isabelle.
"Mama!" ngunit sa isip lamang siya nakasigaw.
Natakpan na lamang niya ang kanyang bibig upang pigilan ang paggawa ng anumang ingay.
Sobrang sakit ng nararamdaman niya sa kanyang kalooban.
"Hanapin ang bata!" utos ng tito Albert niya sa mga tauhan nito.
Nang marinig naman iyon ni Isabelle ay nagtatakbo siya patungo sa kakahuyan sa likod ng kanilang bakuran.
Pagod na pagod na ang kanyang murang katawan ngunit pinipilit pa rin niyang tumakbo.
Naririnig niya sa hindi kalayuan ang pagtawag ng tito Albert niya sa kanyang pangalan. Tanging pagtatakip na lamang sa kanyang bibig ang nagagawa niya upang hindi maging matunog ang kanyang pag-iyak.
"Isabelle!"
"Alam kong nariyan ka lamang bata ka!"
"Lumabas ka na!"
Napatakip na lamang ulit sa kanyang bibig si Isabelle at muling nag-unahan ang masaganang luha sa mga mata niya.
Takot na takot siya. Pero higit sa takot na nararamdaman niya ay ang matinding galit at pagkapoot sa kanyang tiyuhin na tinuring niyang pangalawang ama. Sa pagkakaalam niya ay matalik na kaibigan ito ng kanyang ama kaya labis siyang nagtataka kung bakit nagawa nito ang ganoong bagay sa mama at papa niya.
Nagdidilim na ang paningin ni Isabelle dahil sa matinding pagod.
Alam niyang ilang saglit na lamang ay papanawan na siya ng ulirat kung kaya dali-dali siyang naghanap ng pwedeng taguan.
At tila nagkaroon siya ng pag-asa ng makakita siya ng maliit na guwang sa gitna ng dalawang puno, may kalaliman ang guwang na iyon at hindi mahahalata dahil sa kasukalan.
Agad siyang nagtago doon at nagtakip muli ng bibig.
Naririnig na niya ang mga yabag ng tauhan ni Albert.
Tanda pa niyang mahahaba at malalaki ang mga baril ng mga ito bagay na lalong nagbigay sa kanya ng kilabot sa buong katawan.
Sa mura niyang edad at katawan ay hindi niya alam kung paano haharapin ang tila bangungot na iyon sa kanyang buhay.
Wala na ang kanyang mama at papa. Mag-isa na lamang siya. Paano na siya ngayon? Paano na ang pag-aaral niya?
"Mama, papa, pangako ko po na gagawin ko ang lahat upang makamit ang hustisya ng pagkamatay ninyo!"
Umiiyak na sabi ni Isabelle sa kanyang isip.
Patuloy ang paghahanap sa kanya ng kanyang tito Albert at mga tauhan nito.
Nagsisimula nang dumilim ang paligid, takot pa naman siya sa dilim at ngayon ay inaalala rin niya na baka may ahas na biglang sumulpot at tuklawin siya.
Nanginig sa takot ang dalagita at napapikit. Paulit-ulit siyang umusal ng panalangin sa Itaas na sana ay huwag siyang pabayaan at iligtas siya sa matinding panganib na iyon sa kamay ng kanyang malupit na tiyuhin!