Nakahinga na sana ng maluwag si Luningning matapos ang trahedya sa almusal at ang "aksidenteng" paghaplos sa abs ng kanyang amo. Akala niya ay tapos na ang kanyang kalbaryo sa umagang iyon, hanggang sa hilahin siya ni Butler Alfonso sa gitna ng malawak na sala.
Sa harap nila ay isang makinang kulay pilak, hugis bilog, at may mga kumukutitap na asul na ilaw.
"Miss Dimalanta, ito ang Robo-Butler 9000," pormal na pakilala ni Alfonso. "Siya ang maglilinis ng sahig habang nagluluto ka. High-tech ito, kaya pakiusap, huwag mong kakausapin na parang tao."
Nanlaki ang mga mata ni Ning. Lumapit siya at sinundot ang bakal na katawan ng makina. "Hala! Ser Alfonso, sigurado po kayo? Baka naman po spy ito ng mga dayuhan? O kaya baka biglang mag-transform na parang Optimus Prime at kainin ako?"
"It’s just a vacuum, Luningning," buntong-hininga ng Butler. "Pindutin mo lang itong 'ON' button."
Pagpindot ni Ning, biglang umugong ang makina at mabilis na uminog. Sa sobrang gulat ng dalaga, napatalon siya sa likod ni Alfonso. "Ayan na! Lalaban na po siya! Ser, bakit po siya humihinga nang malakas?!"
"Bumabakiyum lang 'yan, Miss Dimalanta! Bitawan mo ang tuxedo ko!" asik ni Alfonso.
Dahil sa kuryosidad, sinubukang harangan ni Ning ang daan ng Robo-Butler gamit ang kanyang paa. Ang resulta? Biglang nag-error ang makina, umikot nang mabilis na parang trumpo, at nagsimulang magbuga ng alikabok imbes na humigop.
"Ay, kabayo! Ser, nagagalit po yata! Nasaktan ko yata ang damdamin niya!" tili ni Ning habang hinahabol ang makina na parang nagwawalang aso sa sala. "Hoy, Robot! Sorry na! Huwag mo akong bugahan ng dumi, bago itong apron ko!"
Sa gitna ng kaguluhan—kung saan si Ning ay tumatakbo paikot sa sofa habang hinahabol ng nagwawalang robot at si Alfonso naman ay halos himatayin sa kaba—biglang bumukas ang pinto.
BLAG!
Napatigil ang lahat. Nakatayo sa pinto si Sir Raxon, suot pa rin ang kanyang basang t-shirt mula sa almusal, pero may hawak na itong susi ng sasakyan. Tiningnan niya ang nagkakalat na alikabok at si Ning na kasalukuyang nakasakay sa ibabaw ng Robo-Butler para pigilan ito.
"Dimalanta. What in the world are you doing to my floor manager?" malamig na tanong ni Raxon.
"A-ano po, Sir... sinusubukan ko lang pong makipag-kaibigan! Pero mukhang suplado po itong de-kuryente niyo!" hingal na sagot ni Ning habang dahan-dahang bumababa sa makina.
Tumaas ang isa sa mga makakapal na kilay ni Raxon. Sumandal siya sa hamba ng pinto at tinitigan ang dalagang puno ng abubot sa buhok dahil sa alikabok. "Stop what you’re doing. Get ready. We’re leaving in ten minutes."
Napatigil si Ning, hawak-hawak pa rin ang "leeg" ng robot. "Po? Saan po tayo pupunta, Sir? May itatapon po ba tayong basura? O ililigaw niyo na po ba ako sa Cavite dahil sa dami ng atraso ko sa inyo kanina?"
"We’re going to the mall," matigas na sagot ni Rax. "I can’t have a maid who looks like she just survived a landslide every time I see her. You need new uniforms. Professional ones."
"Ha?! Pero Sir, sayang naman po 'yung gasolina niyo! At saka, nakakahiya naman po na bilyonaryo kayo tapos ako lang ang kasama niyo sa mall. Baka isipin ng mga tao, bodyguard niyo ako o kaya... naliligaw na katulong niyo."
"I don't care what people think. And you're not going to commute. Sasabay ka sa akin," pagmamatigas ng bilyonaryo.
"Ay, Sir! 'Wag na po! Nakakahiya talaga! Baka mahawaan pa ng pagka-clumsy ko 'yung mamahalin niyong kotse. Baka biglang mag-self-destruct 'yun pag-upo ko!" pangangatwiran pa ni Ning. Halos magmakaawa na siya dahil alam niyang sa mall, bawat hakbang niya ay potensyal na sakuna.
Lumapit si Rax sa kanya sa gitna ng sala. Dahil sa liit ng espasyo at sa tangkad nito, mas lalong naramdaman ni Ning ang presensya ng amo. Amoy peppermint ito na hinaluan ng kaguwapuhan at awtoridad.
"Dimalanta, it’s not a request. It’s an order," bulong ni Rax habang nakatitig sa kanyang mga mata. "Unless you want to be fired before you can even send money for your father’s surgery?"
Napayuko si Ning, tila natalo sa titigan. "Opo na po... Boss. Sabi ko nga po, magbibihis na ako. Pero Sir, 'wag niyo po akong sisihin kapag biglang tumunog ang alarm sa mall dahil sa ganda ko... este, dahil sa kamalasan ko."
Ngumisi nang bahagya si Rax—isang ngising hindi nakita ni Ning dahil nakayuko ito. "Just get dressed, Ning. Ten minutes. No more, no less."
Nang makaalis na si Ning patungo sa kanyang kwarto para magbihis, naiwan si Rax at si Butler Alfonso sa gitna ng sala. Nanatiling nakatayo si Rax malapit sa bintana, pinagmamasdan ang kanyang relo, habang si Alfonso naman ay abala sa pag-aayos ng nagulong Robo-Butler 9000.
"Alfonso," tawag ni Rax nang hindi lumingon.
"Yes, Sir Raxon?" agad na sagot ng Butler sabay tayo nang tuwid.
"How’s the... new recruit?" tanong ni Rax. Sinubukan niyang gawing pormal ang boses, pero may bahid ito ng kakaibang interes. "Anong update sa kanya simula nang dumating siya dito?"
Napabuntong-hininga si Alfonso, tila inaalala ang lahat ng sakunang nangyari sa loob ng bente-kuwatro oras. "Kung pag-uusapan po ang efficiency sa gawaing bahay, Sir... masasabi kong isa siyang walking natural disaster. Nakabasag na siya ng dalawang baso, muntik nang masunog ang kawali dahil kumakanta siya habang nagpiprito, at kanina lang po, sinubukan niyang makipag-debate sa Robo-Butler dahil akala niya ay minumura siya nito."
Bahagyang kumitid ang mga mata ni Rax. "And?"
"And... she’s surprisingly persistent, Sir," pagpapatuloy ni Alfonso. "Kahit ilang beses siyang magkamali, hindi siya nawawalan ng ngiti. At sa totoo lang po, simula nang dumating siya, parang nabawasan ang lamig ng mansyong ito. Maingay nga lang po talaga siya."
"Maingay," ulit ni Rax, habang muling sumisilay ang maliit na ngiti sa kanyang mga labi. "She has a way of... disrupting the silence. Sometimes, it’s annoying. But most of the time, it’s... different."
"Sir, may itatanong po sana ako," seryosong sabi ni Alfonso. "Bakit po kailangang kayo pa ang magdala sa kanya sa mall? Pwede ko naman po siyang pasamahan sa driver o kaya ay ako na lang ang bumili ng kailangan niya."
Humarap si Rax sa Butler, muling ibinalik ang kanyang seryosong mukha. "Dimalanta is... unique, Alfonso. Kung papabayaan mo siyang mag-isa sa mall, baka pagbalik niya rito ay nabili na niya ang buong stock ng langonisa sa mall o kaya ay nakipag-away na siya sa mga mannequin. I need to make sure she picks something that won't embarrass the Vantress name."
"O baka naman po gusto niyo lang siyang makasama?" pabulong na biro ni Alfonso na sapat na para marinig ni Rax.
"What did you say?" matalim ang tingin ni Rax.
"Ang sabi ko po, Sir... mukhang matatagalan pa ang dalaga dahil malamang ay namimili pa 'yun ng isusuot na hindi butas ang kilikili," bawi agad ni Alfonso.
~ITUTULOY