"Aba, ngayon ko lang yata nakita ang anak mo, Sonia!' bulalas ng suki nila sa kanilang tindahan.
Ngumiti si Sylvia, at ipinagpatuloy ang paglalagay sa plastic ng mga binili nitong sinaing na tulingan. Inabot niya rito habang may matamis pa rin ngiting sa labi.
"Oo, huwag kang mag-alala. Madalas mo na 'yang makikita rito sa tindahan."
Lumapit ang kaniyang ina sa tindahan. At sinuklian ang kaibigan nitong costumer. Pinagmamasdan pa rin siya ng ginang, tila ba pinag-aaralan ang mukha niya.
"May asawa na ba siya?" mahinang usisa nito kay Sonia, at lumapit pa sa kaniyang ina para siguro hindi niya marining ang tinatanong.
"Wala pa."
"Bakit? Hindi ba, pangalawa sa panganay 'yan."
"E, 'di may edad na 'yan. At pwedeng-pwede na mag-asawa," patuloy na sundot nito habang parang hahalikan na ang kaniyang ina sa sobrang lapit nito.
Nagkatinginan si Slyvia, at Sonia. May kahulugan ang tingin nito dahilan para iiwas niya ang mga mata.
"Sige na, Sonia. Mauna na ako, at kakain pa nang pananghalian 'yong mga anak ko!" kaswal na saad ng costumer na para bang hindi nanghinamasok sa may buhay ng may buhay.
"Iha, mauna na ako!"
Isang naiinis na ngiti ang binigay ni Slyvia sa ginang nang magpaalam din ito sa kaniya. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa kanilang gate. Padabog niyang itinakip ang takip ng kaldero nang tuluyang mawala sa paningin niya ang echuserang kapit-bahay.
"Huwag mo ng pansinin."
Napalinga siya sa hipag na umupo sa tapat ng counter, at tumingala sa kaniya. Umasim na tuluyan ang mukha niya, kahit anong pilit niyang kontrolin iyon.
"Tsimosa talaga 'yon si Aling Goria," nakairap na aniya ni Jellie.
"Ano nga pala ang naging reaksyon no'ng boss mong bagito?"
Itunuon ni Sylvia ang mga matang blangko sa emosyon. Naalala niya ang naging hitsura ng kaniyang boss, dating boss.
"For sure, masaya 'yon?"
Nagtatakang anyo siyang tumingin dito. Hindi niya alam ang ibig-sabihin ng hipag. Tuluyang na siyang umupo sa isang silya para magpatulong na estimahin ang naging reaksyon ng amo.
"Hindi nga 'e."
"Ha?" natatawang tanong ni Jellie habang naguguluhan ang imahe.
"Nagalit siya, at binato pa 'yong resignation letter na ibinigay ko."
"Wait, bakit?" Napasandal pa ang hipag niya sa kinauupuan habang may ngiting malawak.
Nagkibit-balikat balikat si Sylvia, nagtataka rin siya sa naging dating kay Troye na pag-re-resign niya sa trabaho.
Bakit big-deal na big-deal, at parang hindi nito matanggap na hindi na siya magtatrabaho sa ilalim nito?
"Ito lang, baka naman ayaw kang mag-resign ng bagito na 'yon-"
"Bakit?" naiirita niyang agap.
"Oo nga 'no. Kasi dapat magtatalon 'yon sa tuwa. Pwede siyang mag-hire ng mas bata, bago, at talagang gusto niya, 'di ba?" malalim na nag-iisip si Jellie habang seryosong-seryoso ang mukha.
"You're right. Hindi sila mahihirapang makahanap ng bagong secretary. Pila ang mga nag-a-apply sa isa sa pinakasikat ng kumpanya dito sa Pilipinas."
"Bakit kaya?" sabay na wika ni Jellie at Sylvia habang mga nakatitig sa kawalan.
Nakatayo, at nakahalukipkip siya habang pinagmamasdan ang ilang gamit na nasa ibabaw ng kama. Naroon ang ilang gamit at damit na sinusuot niya sa trabaho.
Kung ipagkukumpara ang naging araw niya ngayon kaysa sa araw na nakasanayan niya noon.
Malaki ang pagkakaiba!
Tumayo lang siya, at nagbenta sa tindahan nila. May pagkakataon pa siyang kahit papaano ay tulungan ang hipag na alagaan ang pamangkin.
Sabay-sabay pa silang kumain ng pananghalian na hindi niya nagagawa noong sekretarya pa siya ng binata.
Hind rin pagod ang katawan, isip at hindi nabawasan ng kahit katiting ang pasensiya niya.
Isang mabigat na paghinga ang ginawa ni Sylvia. Sa lahat ng mga napagtanto sa buong araw na ito.
Isa lang ang masasabi niya, masaya siya pero bakit parang may kulang?
Pinilig agad niya nang mabilis ang ulo. Hinawi niya ang buhok, at itinali nang mataas.
"Baka hindi lang ako sanay."
"Oo!"
"Tama, baka nanininbago lang ako!" kausap ni Slyvia sa sarili.
Kinuha niya ang mga gamit na nasa ibabaw at nagtungo sa kabinet. Determinado niyang itinago roon ang mga bagay na sigurado siyang hindi na niya gagamitin.
"Spike!"
Sinulyapan lang ni Spike ang ate na palapit sa kaniya. Hinagod ng tingin ni Sylvia ang bunso, bihis na bihis ito habang nililinis ang upuan ng motor.
"Bihis na bihis, ha?"
"Saan lakad?" dugtong niya rito habang nakangisi.
"Diyan lang," supladong anas nito, at kaswal na sumakay sa motor.
"Gagala ka?"
"Sama ako?" parang isang batang saad ni Slyvia.
Isang nakapanliliit na tingin ang ipinukol sa kaniya ni Spike, tingin na nagpa-dirty look sa kaniya.
"Joke ba 'yon?"
"Mukha ba?" pikon at nanlalaking mga matang asik niya sa bunsong kapatid.
Umiling ito sandali, at pinainit ang makina ng motor. Binalikan siya ng tingin habang may naglalarong mayabang na ngiti sa labi.
"Bakit hindi ka mag-boyfriend para may samahan ka sa paggagala?" pagkatapos no'n ay kaswal na umalis ito.
Naiwang tulala si Sylvia, awang ang mga labi niya habang nag-aapoy ang mga matang nakatitig pa rin sa 'di-kalayuan.
"Patay ka sa akin, 'pag uwi mo!" tili niya, tumalon dahil sa sobrang inis.
Patamad na naglalakad siyang pabalik sa lamesa. Ibinagsak niya ang sarili, hapon na, at wala ng gaanong namimili. Tulog naman ang hipag, at pamangkin niya.
"Hay, nakatatamad!" Idunukdok ni Sylvia ang mukha sa mesa.
Inangat niya ang mukha nang tumunog ang kaniyang cellphone. Hinugot niya iyon mula sa bulsa ng malambot na short.
"Putik," usal niya nang rumehistro ang pangalan ni Lorie.
Nilinis niya muna ang lalamunan, at inayos ang buhok na para bang makikita siya nito kung sasagutin niya.
"He-hello?" nagkaswal-kaswalan niyang tugon.
"What's up, my girl, Sylvia?!"
Hindi man niya nakikita ito ay nanalo sa himig ng kaibigan ang kasiyahan sa boses.
"Anong pinagkaabalahan mo ngayon tanghali?" usisa ni Lorie.
"Just chilling in my house," pinatili niya ang pagiging natural ng boses. Para makumbinsi pa ang sarili ay isinandal niya ang likod sa silya.
"E 'di sana all!"
Sa pagkakataong iyon ay narinig niya rin ang boses ni Gabe, at ibang kasamahan. Sigurado siyang naka-speaker phone ang kabigan.
"Kayo ba?"
"Ito sinasalo ang anger issue ng ex-boss mo!"
Natawa si Sylvia, na imagine niya ang hitsura ng mga ka-trabaho, at kung gaano kasama ang mga iyon.
"Tapos, ikaw pa-chilling, keme ka lang sa bahay ninyo!"
"Gano'n talaga, you know what, I've never imagined na magiging ganito ka-low-key ang magiging araw ko," Dumekwatro siya at tumanaw sa kaharap na kapit-bahay.