Elena's POV
"Elena… Elena," nagising ako nang marinig ang paulit-ulit na tawag sa akin ng pamilyar na boses. Nangunot ang aking noo nang makitang nasa loob na naman ako ng simbahan. Kaagad akong bumangon sa pagkakahiga at nilingon ang paligid. Walang tao doon kundi ako at yung lalakeng naglalakad papunta sa akin.
Hindi ako nakagalaw nang makalapit ito sa akin. Sobrang linaw ng mukha niya. Pero alam kong hindi ko rin naman ito matatandaan pagkagising ko. Bigla niyang hinawakan ang mukha ko at doon, hindi ko namalayan, tumulo na pala ang mga luha ko.
"Patawad… patawarin mo ako, Elena," pagsasalita niya bigla. Hinawakan ko ang kamay niya ng sobrang higpit.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
"Patawarin mo ako kung hindi kita naipaglaban. Patawarin mo ako, Elena," dugtong nito. Binitawan niya ang mukha ko saka naglakad palayo.
"Hindi. Huwag kang umalis! Sandali! Huwag kang umalis!" sigaw ko. Susundan ko na sana ito nang may mga kamay na humawak sa katawan ko. Parang pinipigilan ako nitong gumalaw palayo.
"Hindi. Bumalik ka! Bumalik ka! Pakiusap!"
Nagising ako bigla sa sala ng bahay ni Carlos. Napahawak ako sa mukha ko. Basa ito ng luha. Naramdaman kong nanghihina ang tuhod ko kaya hinayaan ko na lang ang sarili kong mapa-upo sa sahig. Sobrang lungkot at sakit ng nararamdaman ko ngayon. Walang salita ang kayang ihambing.
Hindi ko na namalayan na humahagulhol na pala ako.
---
Carlos' POV
Nagising ako bigla nang makarinig ng iyak ng babae. Nagsitayuan kaagad ang balahibo ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nakitang alas tres pa lang ng madaling araw. Ano ba ‘yan? Minumulto na naman ba ako?
Lumalakas lalo ang iyak na dumagdag ng kaba sa dibdib ko. Napalunok pa ako bago maisip kung bumangon. Si Elena ba iyon? May nagawa na naman ba ako na ikinagagalit niya? Parang wala naman ah.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan at ginamitan ng flashlight ng cellphone ko. Naglakad ako papunta sa sala. Napalunok ako nang may makita akong babaeng mahaba ang buhok na umiiyak sa gitna ng sala.
Sh*t naman. Si Elena ba iyon? Lalapitan ko ba? Nakakatakot kasi.
"Elena?" tawag ko.
"Psst! Babae!" mahina ang tawag ko rito. Pero patuloy lang siya sa pag-iyak.
Lumapit pa ako ng dahan-dahan. Tinutuyo ba siya? Ano ang ginagawa niya sa ganitong oras? At tsaka, bakit ba siya umiiyak?
Nilakasan ko na ang loob ko saka lumapit dito. Hinawakan ko ang balikat niya. Mabuti na lang at napansin niya ako. Napatingin siya sa akin at napatigil ako nang makita ang malumanay niyang mga mata, puno ng hinanakit at luha.
"Anong… anong nangyari?" mahina ang tanong niya. Umupo ako para pantayan siya. Tumulo ang mga luha niya at hindi ko na napigilan pa ang sarili ko kung punasan ito ng mga kamay ko. Maski ako ay nagulat rin sa ginawa ko, pero hindi ko iyon pinansin. Umiiyak na naman siya kaya minabuti kong yakapin siya.
Walang nagsalita sa aming dalawa. Nanatili kami sa ganoong posisyon sa mahabang minuto bago ako kumalas ng yakap.
"Ok ka na ba?" tanong ko.
Natigilan siya at tumingin sa akin.
"Bakit…" tiningnan niya ang mga mata ko.
"Bakit parang…"
Nanlaki ang mga mata niya saka tumayo at lumayo sa akin. Takang tumayo naman ako.
"Anong problema?" tanong ko.
Umiiling siya saka tumakbo papalabas ng pinto at lumusot dito. Tiningnan ko kung sinundan siya. Anong nangyari doon? Napapa-iling na lang ako at bumalik nalang sa kwarto.
Kinaumagahan, walang imik na sumunod sa akin si Elena sa trabaho. Hindi siya nagsalita kahit ano. Nakatayo lang siya sa gilid ko at hinihintay ako. Ewan ko ba kung may nasabi akong mali kagabi na naging dahilan kung bakit ganito na siya.
"Sir!" sumaludo kaming lahat nang pumasok ang chief namin. Sumaludo naman siya pabalik.
"Sumunod kayong lahat sa akin," utos nito at nauna nang pumasok sa opisina niya. Nagsitinginan kaming lahat at sumunod sa opisina.
"Congratulations, Santiago. You are now part of Team B," panimula ng chief namin. Pilit na ngiti lang ang tinugon ko.
"Ok, now. Nakatanggap ang team natin ng tip tungkol sa bagong patayong ilegal na pasugalan ng mga sindikato. Ayon sa nakalap na impormasyon, sinisimulan na nilang magbenta dito ng pinagbabawal na gamot sa bawat bisita na papasok. Ang goal ng team ninyo ay makapasok sa lugar na iyon at kumuha ng ebidensya. Sa operasyon na ito, kakailanganin ko ang apat na tao. Luis, ikaw ang mag-lead ng team. Isama mo na rin si Vergo at Fable," mahabang lintanya nito.
"Eh sir… paano si Santiago?" tanong ni Jam.
Seryoso akong tiningnan nito.
"Isama niyo na rin. That's all. Dismissed," ani nito.
Lumabas kami ng room, tapikin ako sa balikat ni Luis.
"Welcome sa team ko," ani niya sabay ngiti. Ngumiti na lang ako bilang tugon.
Kinahapunan, nasa rooftop ako ng stasyon namin, nagpapahangin lang nang biglang sumunod si Jam.
"Pre, yung ex mo… este, si Jessy," ani niya.
"Ano na naman?" bagot kong tanong.
"Pamangkin daw yun ni chief," kuwento niya na kumuha ng atensyon ko. Humarap ako dito.
"Balita ko kakabalik niya lang galing US. Single pa daw hanggang ngayon. May pag-asa ka pa dun," ani niya.
Napailing na lang ako.
"Pag-asa mo, mukha mo," sagot ko.
"Sus. Eh alam ko namang tumitibok pa yang puso mo ng makita ulit siya eh. Aminin mo na kasi," udyok niya sabay siko sa akin ng pabiro.
Nakangiting umiling na lang ako.
"Ewan ko sayo," tawa ko. Napatigil ako sa pagtawa nang makita si Elena na nakatayo malapit sa amin. Nakatitig na naman siya sa akin.
"Pre… bumalik ka na," sabi ko.
Tiningnan niya ako.
"Kakarating ko pa lang--" tinulak ko siya palayo.
"Sige na. Alis na."
Wala na siyang nagawa kundi kamot ulo at umalis na lang. Nang makaalis siya kaagad, nilapitan si Elena. Nakabusangot na naman ito.
"Papanget ka nyan," biro ko.
"Ano bang problema mo? Kanina ka pang walang imik--" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang magsalita siya.
"Gusto mo pa ba siya?" tanong niya.
Kumunot ang noo ko.
"Ha?" takang tanong.
"Kasi kung oo…" Hindi na niya naituloy ang sinabi niya, at umiyak na naman siya.
Nainis tuloy ako. Ano bang iniisip niya?
"Pwede ba wag ka ngang mag-isip ng kung ano-ano," inis kong saway.
"Ipaglaban mo siya kung gusto mo siya. Huwag mong gawin yung ginawa sa akin," pagsasalita niya habang tumutulo ang luha.
Pakiramdam ko may pinaghuhugutan siya mula sa sinabi niya.
"Elena…" tawag ko rito at aktong lalapitan siya, ngunit naglaho na lang ito sa paningin ko.
"Elena?" tawag ko muli.
"Hoy! Asan ka?" ulit.
"Elena!"
Ilang ulit ko pa siyang tinawag pero parang wala na siya doon. Ano ba talagang nangyayari sa kanya?
---
Someone's POV
Napahawak ako sa litrato ng isa sa pinaka-importanteng babae sa buhay ko. It's been 3 years since she passed away. I missed her. Marami akong pinagsisihan simula nang mawala siya sa akin.
"I'm sorry for everything… Elena."