CHAPTER 14

2137 Words
       GANDANG-GANDA si Kenzo kay Rhian ng gabing iyon. Hindi niya inaasahan na magiging ganoon kaganda ang gown na nabili nila sa ukay-ukay sa halagang isang libong piso. Nagbayad lang sila ng seven hundred pesos para sa pagpapa-repair. Nakipagtawaran pa kasi si Rhian sa nagtahi kaya naibaba iyon sa ganoong presyo. Sinong mag-aakala na ganoon ang presyo ng suot ng kaniyang girlfriend? Sabagay, hindi na nakakapagtaka kung maging maganda ang gown dahil maganda ang nagsuot. Kahit nga yata pagsuotin ng basahan at sira-sira si Rhian ay magiging maganda pa rin ito. Napakaswerte niya talaga sa kaniyang nobya. Wala na siyang hahanapin pa rito. Nakaharap si Rhian sa salamin nila na nakasabit sa dingding at seryosong naglalagay ng lipstick. Hindi talaga ito nakakasawang tingnan. Sa tagal na nilang magkasama sa iisang bubong ay hindi siya nakaramdam kay Rhian ng pagkasawa kahit isang segundo. “Kung makatingin ka sa akin parang kakainin mo ako ng buo!” untag ni Rhian. Sa sobrang pagkatulala niya rito ay hindi na niya namalayan na tapos na ito sa ginagawa at nakatingin na sa kaniya. Tila nagising sa isang magandang panaginip na napakurap-kurap si Kenzo. “Ang ganda mo kasi lalo! Nakakagigil ka!” Kung hindi lang masisira ang make up nito ay baka kanina pa niya ito pinugpog ng halik. “Matagal ko nang alam iyan! Teka, siguro naman ay may susundo sa atin, `no? Ayokong mag-commute kahit GRAB o taxi pa iyan nang ganito ang suot ko. Ang ganda-ganda ko kaya huwag mo akong pagko-commute-in!” “Siyempre, may susundo sa atin. Ang totoo niyan ay naroon na nga sa labasan at kanina pa tayo hinihintay.” “Hala ka! Bakit hindi mo sinabi sa akin?” Nagmamadaling kinuha ni Rhian ang handbag nito na kulay itim na kumikinang kapag tinatamaan ng ilaw. “Ayoko kasi na magmadali ka. Ayokong ma-stress ka.” “Maganda na ba talaga ako? Sa tingin mo, makakabingwit ako ng sugar daddy na walang sabit ngayong gabi?” “Ikaw ang pinaka maganda! Wala nang mas gaganda sa iyo, Rhian Jacinto. At sinasabi ko sa iyo na pag-aagawan ka ng matatandang mayayaman sa party na iyon. Magkakandarapa silang lahat para lang makuha ang atensiyon mo!” “`Ayan! Kagaling mambola. Kaya mo ako napasagot kasi bolero ka!” “Hoy, `di kita binobola. Maganda ka naman talaga!” “`Sus! Oo na. Pero tara na. Baka kanina pa naghihintay `yong susundo sa atin sa labasan. Nakakahiya!” At nagmamadali siyang hinila ni Rhian palabas ng kanilang bahay.   ISANG puting van ang nag-iisang nakaparada sa labasan ng squatter’s area. May ilang tricycle roon pero imposibleng iyon ang susundo sa kanila. Natawa tuloy si Rhian dahil ang naisip niya ay nangunguha ng tao ang puting van tapos ibebenta ang lamang-loob. Ganoon kasi iyong kumakalat na tsismis dati sa lugar nila. “Iyon ba ang susundo sa atin?” Inginuso niya kay Kenzo ang van. “Oo. Mukhang hindi available ang mga luxury cars ni Mathilda. Pero ayos na iyan. Atleast, hindi tayo magko-commute.” Isang may edad na lalaki ang lumabas mula sa unahan ng van at sinalubong sila. Bahagya pa itong nagulat nang makita siya. “May kasama po pala kayo, Sir Kenzo, na napakagandang binibini! Hindi nabanggit sa akin ni Senyora Mathilda iyan,” ani ng matanda. “Hindi pa nga po ito alam ni Mathilda, Manong Vince. Pero sasabihin ko sa kaniya kapag nasa biyahe na tayo. Pinsan ko po pala—si Rhian. Rhian, si Manong Vince. Isa siya sa mga driver ni Mathilda.” “Good evening po, Manong Vince!” Magiliw siya kumaway sa matanda. “Good evening din sa iyo, ma’am. Aba’y napakaganda pala ng pinsan nitong si Sir Kenzo! Tunay na magaganda at gwapo ang inyong lahi!” “Naku, Manong Vince, tama na ang bolahan. Umalis na tayo at ayaw ni Mathilda ng late!” Natatawang singit ni Kenzo. Sumakay na sila ni Kenzo sa likuran. Pinanlakihan niya ito ng mata dahil sa kinabahan siya. Baka kasi hindi maniwala na magpinsan silang dalawa. E, hindi naman sila magkamukha ng kaniyang boyfriend. Pero sabagay, karamihan sa magpipinsan ay hindi magkakamukha. Habang nasa biyahe ay tinawagan ni Kenzo si Mathilda. Sinabi nito na meron itong kasamang pinsan at sana ay magawan ng paraan na makapasok siya. Matapos ang pag-uusap ay sinabi sa kaniya ni Kenzo na wala na silang problema. Si Mathilda na raw ang bahala para makapasok siya kahit wala siyang invitation. Ang totoo ay kinakabahan si Rhian na makaharap si Mathilda. Nakita na niya ito sa picture at sa personal pero malayo. Masasabi niya na isa itong matalinong babae. Kahit may edad na ay sopistikada at fashionista pa rin. Alam niya rin kung gaano ito kayaman. Bata at maganda man siya ay baka ma-intimidate siya kapag kaharap na ito. Marami na siyang nakaharap na mayayamang tao pero mukhang kakaiba ang sugar mommy ni Kenzo. Malakas ang personality nito na para bang nangangain. Tahimik lang silang dalawa ni Kenzo sa may likuran. Sinadya nila na huwag mag-usap at baka kung ano ang masabi nila. Nag-iingat sila upang kahit si Manong Vince ay hindi makahalata na hindi sila magpinsan. Siyempre, amo nito si Mathilda at magsusumbong ito sa matandang iyon kung sakali. Makalipas ang halos isang oras ay huminto na ang van sa tapat ng isang 5-star hotel. Naunang bumaba si Kenzo upang alalayan siya sa pagbaba. Umalis na rin ang van upang mag-park sa kung saan pwede. “Mukhang mayaman nga `yong may birthday!” pakli ni Rhian habang naglalakad siya papunta sa hotel. “Lahat ng kaibigan ni Mathilda ay mayaman kaya huwag ka nang magtaka kung sa ganito iyon nag-celebrate.” Pagdating sa entrance ng function room. Sinabi lang ni Kenzo ang pangalan nito at pinapasok na silang dalawa. Sobrang engrande ng ayos ng function room. Silver yata ang theme dahil iyon ang kulay na halos nakikita niya. Ang mga balloons na nakapalamuti ay silver at ganoon rin ang mga lamesa. May mga naglalakihang chandelier na nakasabit sa mataas na ceiling. May mga mahahabang lamesa sa gilid kung saan nakahanay ang napakaraming pagkain. Food station yata ang tawag sa ganoon. Iba’t ibang klase ng pagkain ang naroon at alam niyang mamahalin ang mga iyon. Halos lahat ng mga naroon ay matatanda na at sila lang yata ni Kenzo ang bata. Dinala siya ni Kenzo sa isang table sa gilid. “Rhian, umupo ka muna dito at hahanapin ko si Mathilda. Ipapakilala kita sa kaniya,” anito. “Kinakabahan ako, Kenzo. Umalis na lang kaya ako?” “Ha? Hindi ka pwedeng umalis. Nasabi ko na kay Mathilda na kasama kita. Saka bakit ka ba kinakabahan?” “B-baka makahalata si Mathilda sa atin.” “Hindi niya malalaman kung gagalingan natin ang pagpapanggap. Si Manong Vince nga, naniwala sa atin, e. Basta, magpinsan tayong dalawa. Magkapatid ang nanay ko at tatay mo. Magkasama tayo sa bahay at galing ka sa probinsiya. Naghahanap ka ng trabaho. Okay?” “Sige na nga. Para sa future!” “Para sa future!” sang-ayon ni Kenzo. “Nagugutom na ako. Pwede naman siguro akong kumain, `no?” “Oo naman. Kuha ka lang ng pagkain mo. Hahanapin ko lang si Mathilda.” Isang matamis na ngiti ang iniwan ni Kenzo bago siya nito tuluyang iwanan sa table na iyon. Kumuha na si Rhian ng pinggan at nagpunta sa isang station. May mga nagse-serve sa bawat pagkain kaya hindi na siya nahirapan na kumuha. Ang una niyang kinuhang pagkain ay iyong alam niya na hindi niya nakakain sa araw-araw. Sa carving station siya unang pumunta. Rib eye steak at angus chuck eye steak ang inuna niya. Pagkakuha ng kubyertos at wine ay bumalik na siya sa table kung saan siya iniwan ni Kenzo. Agad niyang nilantakan ang steak at hindi niya napigilan ang mapailing at palatak sa sarap niyon. Isa iyon sa mga pagkain na hindi nila afford ni Kenzo sa pangkaraniwang araw kaya susulitin niya ng husto. Mamaya ay doon naman siya sa seafood station. Ang tataba ng crabs at sugpo! Ewan ba niya kung bakit mga ganoon ang handa sa birthday party na ito ng matatanda. Mga malakas maka-high blood. `Di ba, dapat ay iyong healthy foods? Pero ayos na rin ito dahil talagang mag-e-enjoy siya. Sa pagkain na lang din niya itutuon ang pansin para makalimutan niya kahit paano ang kaba sa dibdib. Isang malaking subo ang ginawa niya. “Hmm... Ang sarap talaga nito—” Napahinto sa pagsasalita si Rhian nang pag-angat niya ng mukha ay nasa harapan na pala niya sina Kenzo at Mathilda. Hindi niya alam kung gaano na katagal ang mga ito roon dahil masyado siyang nadala sa pagkain ng masarap na steak. Mabilis na nginuya niya ang pagkain at tumayo. Inilahad niya ang isang kamay kay Mathilda. “Good evening po! Ako po si Rhian Ja—Maranan po pala!” Muntik na niyang makalimutan na dapat ay parehas sila ni Kenzo ng apelyido. Magpinsan nga kasi sila, `di ba? Napaka eleganteng tingnan ni Mathilda. Akala mo ay isang primera kontrabida na palaging nananampal. Black gown din ang suot nito na bias cut. Off shoulder ang atake nito. Meron itong white fur na nakabalabal dito. Tiningnan lang ni Mathilda ang kamay niyang nakalahad. “It’s better if you clean your hand first, young lady!” Mababa ang boses nito pero tila naninindak. “Ay, sorry po!” Nagmamadaling kinuha ni Rhian ang table napkin at ipinunas ang kamay na may bahid ng sauce ng steak. Nang masigurong malinis na ay muli niya itong inilahad. “`Ayan, pwede na po tayong mag-shake hands!” “Don’t bother,” anito na ikinangiwi niya. “By the way, ikaw pala ang cousin ng boyfriend ko. Welcome to this party! Enjoy the night.” Ako ang totoong girlfriend niyan! Naiinis na sigaw ng utak ni Rhian. Mainit agad ang dugo niya kay Mathilda. Sinasabi na nga ba niya na hindi niya ito makakasundo. Isang pekeng ngiti ang pinakawalan ni Rhian. “Opo. Ako nga po. Kayo po pala si Miss Mathilda. Ang ganda-ganda niyo po pala sa personal. Nakikita ko po kasi pictures ninyo sa cellphone ng pinsan ko. Saka ikinukwento ka po niya sa amin ni tatay!” Mabilis silang nagkatinginan ni Kenzo. “I’m hoping na hindi kung anu-ano ang sinasabi ni Kenzo sa iyo tungkol sa akin.” “Ay, hindi naman po. Teka, ilang taon na po ba kayo?” “Sixty one.” Nanlaki ang mata ni Rhian at nagkunwaring nagulat. “Hala! Totoo po ba? Hindi po kayo mukhang sixty one. Parang sixty years old lang po!” Sinubukan niyang magbiro at baka mahuli niya ang loob ni Mathilda. “Komedyante pala ang pinsan mo, Kenzo.” Hindi man lang ito natawa. Habang si Kenzo ay alam niyang pinipigilan ang pagtawa. “Oo nga pala, kumusta na ang tatay mo? Nakalabas na ba siya ng hospital?” Ha? Ano raw? Bakit may ospital na sinabi si Mathilda? Muling tumingin si Rhian kay Kenzo. Nagpapasaklolo siya kasi wala siyang alam sa pinagsasabi ng girlfriend-kuno nito. “Ah, n-nakalabas na si tito. Noong isang araw pa. Nagpapahinga na siya sa bahay.” Mabuti at naintindihan ni Kenzo ang ibig niyang sabihin sa pagtingin niya rito. Hindi kasi siya masyadong na-orient ni Kenzo. Kulang-kulang ang details! “O-opo! Nakalabas na si tatay sa hospital, Miss Mathilda.” “Maraming salamat sa ibinigay mong pera. Nakatulong sa bills sa ospital,” dugtong pa ni Kenzo. Hinaplos nito sa likod si Mathilda. “Don’t mention it. It’s my pleasure to help. Uhm, Kenzo, gusto ka palang makilala ni Ramona—the celebrant.” Nakuha agad ni Rhian ang ibig sabihin ni Mathilda. “Sige po, kunin niyo po muna ang pinsan ko,” aniya. “Sigurado ka, Rhian? Mag-iisa ka sa table mo.” “Ano ka ba? Ayos lang! Masarap ang food. Na-e-enjoy ko.” Labas sa ilong na turan niya. “Shall we?” Inangkla na ni Mathilda ang kamay sa braso ni Kenzo. “Bye, Rhian. See you later!” Kumaway pa ito bago siya iniwan. Busangot ang mukha na bumalik sa pagkakaupo si Rhian. Hindi niya gusto si Mathilda. Ang taray nito at halatang mababa ang tingin sa mahihirap. Kung tingnan nga siya nito ay para siyang isang basura. Alam kaya nito na mumurahin ang gown niya? Siguro. Mayaman ito kaya malaki ang tyansang mahusay ito tumingin ng cheap at expensive na gamit. “E, ano naman kung mumurahin ang suot ko? Mas maganda pa rin naman ako sa kaniya, `no!” Nguyngoy ni Rhian. Nakakainis talaga! Kung hilahin nito si Kenzo ay para bang nabili na nito ang buong pagkatao ng boyfriend niya! “Can I sit here?” Isang malalim at baritonong boses ng lalaki ang gumulat kay Rhian. Napapitlag siya at napatingin sa matangkad na lalaking nakatayo sa kaniyang harapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD