“KAYA lang ay wala akong isusuot. Paano ba `yon? Talaga? Ikaw na ang bahala? Wow! The best ka talaga, Mathilda!”
Naabutan ni Rhian si Kenzo na nakaupo sa sahig. Boxers shorts ang suot nito na black. Buhay ang maliit na TV pero naka-mute. Kausap nito si Mathilda dahil narinig niya ang pangalan ng sugar mommy nito.
May dala siyang banana cue para pang-meryenda nila ni Kenzo. Hindi kasi siya masyadong nakakain nang kasama si Mariposa dahil sa wala siyang gana. Iminuwestra niya sa nobyo ang dalang pagkain at nakangiti itong tumango bilang pagsagot.
Kapag kausap ni Kenzo si Mathilda ay hinahayaan niya lang ito. Sanay na siya. Saka pagkakaperahan iyon. Kung wala si Mathilda ay matagal na sana nilang nagalaw ang savings nila. Nakapangalan iyon sa kaniya dahil noong sinubukan nila na mag-open ng joint account ay naguluhan sila. Ang daming requirements kaya naisipan nila na isa na lang sa kanila ang magbukas ng account sa banko.
Nangako sila na kahit anong mangyari ay hinding-hindi nila iyon gagalawin o babawasan dahil ang perang iyon ay nakalaan para sa bahay, lupa at negosyo. Ganoon sila ka-determinado na makaahon sa kahirapan upang huminto na rin sila sa panloloko ng ibang tao para lamang magkaroon ng pera.
Ipinatong niya sa tabi ni Kenzo ang banana cue. Nagpunta siya sa maliit na kusina at nagtimpla ng orange juice sa plastik na pitsel. Lumabas siya saglit para bumili ng ice tube sa kapitbahay. Pagbalik ay kumuha siya ng dalawang baso at pinuno iyon ng yelo. Dinala niya iyon kay Kenzo. Kausap pa rin nito si Mathilda.
“Oo. Paghahandaan ko iyan. Hindi ka mapapahiya sa akin. Promise!” Tumango-tango ito. “Sige. Ba-bye! Choppy ka na, e. Bye!” Mabilis nitong in-end ang tawag sabay tawa.
“Bakit?” Nakakunot-noong tanong niya kay Kenzo. Nagtataka siya kung bakit ito natatawa. Magkaharap na silang nakaupo sa sahig. Kumuha siya ng isang banana cue at kinagatan. Pinili niya iyong maraming asukal. Ganoon kasi ang gusto niya sa banana cue.
“Nag-i love you kasi si Mathilda. Pinipilit niya ako na mag-i love you rin kaya sabi ko ay choppy!” Kinuha na nito ang nag-iisang banana cue. Sa isang stick ay dalawa’t kalahating saging kaya busog na sila.
“Hmm... Kahit mag-i love you too ka sa kaniya hindi ako magseselos! Alam ko na ako lang mahal mo, e!” Nakalabi niyang turan sabay kurot sa asukal sa banana cue.
“Siyempre, gusto ko ay sa mahal ko lang ako magsasabi ng ganoon. Sa iyo lang. I love you!” Ngumuso si Kenzo. Nanghihingi ng halik.
Ngumuso rin si Rhian at inilapat ang labi sa labi ni Kenzo. “I love you more!” sagot niya. “Ano nga pala iyong pupuntahan ninyo ni Mathilda?”
“Birthday party ng kaibigan niya na gaganapin sa isang 5-star hotel. 70th birthday. Mayaman ang celebrant kaya kailangan na pumorma. Ayaw kasi ni Mathilda na magmumukha akong basahan kapag kasama niya.” Biglang pumitik sa hangin si Kenzo. “May naisip ako! Ano kaya kung sumama ka sa akin?”
“Ha? Party ng matatanda iyon. Ayoko! Saka bakit ako sasama? Edi, nagselos pa sugar mommy mo!”
“Sasama ka sa akin as a cousin! May nabanggit kasi ako sa kaniya na meron akong pinsan na kasama sa bahay at hindi ko nasabi kung babae o lalaki. Magpapanggap kang pinsan ko para hindi siya magselos o maghinala.”
“At bakit ako magpapanggap na pinsan mo para pumarty?”
“`Di ba, kahapon ang sabi mo ay ready ka na ulit na magkaroon ng sugar daddy?”
“Oo. Basta walang sabit at ayoko nang maulit iyong... alam mo na. Anong konek ng pagpunta ko sa party na pupuntahan ninyo ni Mathilda?”
“Party kasi iyon ng matatanda at malaki ang chance na meron ka roon na pwedeng maging sugar daddy. Kasama ko si Mathilda kaya maitatanong natin sa kaniya kung may kilala siya na pwedeng ireto sa iyo. O, `di ba? Bright idea! Iyon ay kung handa ka na nga talaga.”
“Oo nga, `no. May point ka...”
Napaisip si Rhian sa sinabi ni Kenzo. Maganda nga na naroon si Mathilda. Matutulungan sila nito sa paghahanap ng bago niyang sugar daddy. Ayaw na niya ang kagaya ni Gener kaya dapat sa susunod ay iyong sigurado na siya na walang sabit.
“Kailan nga pala iyang party na sinasabi mo?”
“Sa susunod na Sabado. Gabi.”
Tumango-tango siya. “Sige. Sasama ako sa iyo. Ipagpaalam mo muna kay Mathilda para hindi siya magulat. Saka ibili mo ako ng magandang damit, ha! May nakita ako sa ukay-ukay na gown. Kahit iyon na lang tapos ipapa-repair ko!” Nakikita na ni Rhian ang magiging hitsura niya kapag suot ang tinutukoy na gown at napakaganda niya.
“Hindi na. Baka mamaya hindi iyon pumayag. Maganda iyong kasama na kita para hindi na siya makapalag. Magagawan niya iyon ng paraan na mapapasok ka. Ako ang bahala! Saka sa damit mo, ako rin ang bahala!” May pagmamalaking turan ni Kenzo sabay kagat ng malaki sa banana cue.
ISANG umaga, tinamad na magluto ng almusal si Rhian kaya naisipan niyang bumili ng lutong pagkain sa tindahan ni Mariposa. In all fairness, masarap magluto ang kaibigan niya kaya marami ang bumibili rito. Ang sabi nga niya kay Mariposa ay magluto na rin ito ng ulam para hanggang tanghali o gabi ay nagbebenta ito pero ayaw nito. Mawawalan na raw ito ng oras sa jowa nitong bagets.
Nanlaki ang mata ni Mariposa nang makita siya. “Rhian!!!” Sa lakas ng pagtawag nito ay alam niya na meron itong sasabihin na importanteng bagay.
“Bakit? Kung tsismis iyan ay pass ako. `Di ako mahilig sa mga ganiyan!”
“Gaga! Hindi tsismis! Ay, wait. May ipapakita ako sa iyo!”
Mula sa lalagyan nito ng mga pera na arinolang pula ay kinuha nito ang isang cellphone. Ipinakita nito sa kaniya ang laman ng bank account nito at kahit siya ay nagulat. Tumataginting na twenty thousand pesos ang nasa account ni Mariposa!
“Bakla ka! Manlibre ka naman kahit Jollibee!” Hinampas niya ito sa braso. “Ang dami mo palang pera, ha! Saan iyan galing?”
“Shhh! Huwag ka nga maingay at baka bigla akong pagnakawan. Char! Ito iyong in-invest ko sa investment company na sinasabi ko sa iyo. Wala pang one week yata ay naging twenty thousand na agad iyong five thousand ko! O, `di ba? Ang bongga!”
“Hala. Oo nga. Ang bilis lumaki ng pera mo. Baka pwedeng pautang, bakla!”
“Gaga! Hindi ko ito gagalawin. Hahayaan ko lang sa account ko hanggang sa lumaki nang lumaki at maibili ko na ng motor at bagong phone si Frances. Matagal na kasi niyang nilalambing sa akin iyon. Hindi ko maibigay kasi wala akong pera. Pero ngayon, mukha maibibili ko na siya ng mga gusto niya!” Kinikilig na tumirik ang mata ni Mariposa na akala mo ay nagdedeliryo.
Napapailing na lamang si Rhian. Bulag na bulag talaga ang kaibigan niya sa boyfriend nitong si Francis. Ilang beses na kasi niyang nakikita si Francis na may ibang kasamang babae at palagi niya iyong sinasabi kay Mariposa pero hindi naniniwala ito. Anito, mismong si Francis ang nagsabi na kapatid nito ang babaeng nakikita niya na kasama nito. Imposible naman yata dahil sweet na sweet ang dalawa. Nagki-kiss pa sa lips at dalawang beses na nga yata niyang nakita na pumasok sa motel ang mga iyon.
Ang hinala niya kasi ay takot si Mariposa na mawala si Francis. Natatakot mag-isa si bakla kaya kahit niloloko na ay binabalewala na lang.
“Francis ka na naman! Pwede bang itabi mo pera mo para sa sarili mo? Para sa future mo, bakla, at hindi para sa ibang tao!”
“Hindi na ibang tao si Francis! Jowa ko siya. He is my life!”
“Gaga! Bahala ka kapag iniwan ka niyan!”
“Hmp! Hayaan mo nga ako. Ang importante ay happy ako. Saka huwag si Francis ko ang pag-usapan natin kundi ang desisyon mo kung gogora ka na ba sa Rise And Shine Investment Company! Aba, Rhian, kapag mas malaki ang in-invest mo ay mas malaki ang babalik sa iyo. Nakita mo `yong five kyaw ko, `di ba? Siguro naman ay hindi mo na iniisip na scam itong sinalihan ko, `no?”
“Oo nga. Hindi nga scam. Pero wala kasi akong pera na sarili. Meron pero ipon namin iyon ni Kenzo para sa future namin.”
“Magkano ba saving ninyo?”
“Siguro nasa kalahating milyon na!”
“Ang laki na pala! Diyos ko, Rhian! Kung ako sa iyo, iinvest ko iyan lahat sa Rise And Shine. Dodoble o titriple iyan sa loob ng isang linggo. Baka makabili na nga kayo ng house and lot sa loob ng isang buwan, e. Sige na, Rhian. May prosiyento rin kasi ako kapag may naipasok akong tao...”
“Ayon... Kaya naman pala taeng-tae ka na sumali ako sa Rise And Shine kemerut mo na iyan kasi may porsiyento ka!”
“Ito naman... Minsan na nga lang kumita sa iyo, e. Sige na, join force ka na!”
“Pag-iisipan ko pa rin pero `wag kang mag-alala kasi naniniwala na ako na hindi nga iyan scam. Tatanungin ko rin muna si Kenzo kung gusto niya para dalawa kaming sasali.”
Tuwang-tuwa na napapalakpak si Mariposa. “Ay, bet ko iyan! Para dalawa ang ma-recruit ko! Asahan ko iyan, ha!” anito sabay kalabit sa kaniyang tagiliran.
“Bigyan mo ako ng isang linggo para makapag-isip. Saka magiging busy ako ngayong week gawa ng may raket kami ni Kenzo sa Sabado.”
“Wow! Magkasama yata kayo for the first time in forever sa iisang raket. Pero kung ano man iyan, good luck sa inyong dalawa. Nawa’y maambunan ninyo ako ng grasya!”
“Sira ka!” Natatawang saad ni Rhian. “Tama na nga iyan! Pabili ako ng almusal. Ano bang niluto mo ngayon?”
“Oh! Meron akong spaghetti with glutathione and pancit bihon with vitamin-C!”
SINAMAHAN si Rhian ni Kenzo sa ukay-ukay sa bayan kung saan niya nakita ang isang gown na kaniyang nagustuhan. Isa iyong black long gown na mermaid cut at malalim ang neckline. Kaya kapag sinuot niya iyon ay talagang luluwa ang kaniyang dibdib. Kailangan iyon para marami ang maakit sa kaniya sa party sa Sabado.
“Hindi ba masyadong sexy `yan?” tanong ni Kenzo nang ituro niya ang nakasabit na gown sa gilid.
“Ganoon talaga. Dapat ay sexy para hindi na ako mahirapan na umawra. Sila na mismo ang lalapit sa akin!” Mataman siyang tiningnan ni Kenzo na para bang may lungkot sa mata nito. “Bakit ganiyan ka makatingin sa akin? Ayaw mo ba na magsuot ako ng sobrang sexy? Palitan ko ba ng medyo hindi sexy?”
Umiling si Kenzo. “Sure ka ba na ready ka na ulit na magkaroon ng sugar daddy? Baka kasi pinipilit mo ang sarili mo kasi nape-pressure ka na na makaipon tayo nang malaki. Rhian, sa tingin ko ay kaya ko na mag-isa. Pwede naman na sa bahay ka na lang. Magtinda-tinda ng kung anu-ano. Uso ang online selling ngayon—”
“Kenzo.” Putol ni Rhian. “Wala akong magagawa kahit hindi pa ako ready. Isa pa, mas mabilis tayong uusad kung dalawa tayong gagalaw. Mas malaki ang nakukuha nating pera sa raket natin kaya iyon ang gusto kong gawin. `Wag mo na ako masyadong iniisip. Natuto na ako sa nangyari sa akin kina Gener at hindi ko na hahayaan na maulit iyon.”
“Siyempre, ang hirap alisin sa akin na huwag mag-alala. Ilang araw ka rin na hindi nakalabas sa bahay nang dahil doon sa...” Hindi na nito itinuloy ang sasabihin. Ipinilig nito ang ulo at ngumiti. “Sige, pipilitin ko na huwag mag-alala. Ipapangako ko na lang sa iyo na hindi na iyon mauulit.”
Inihilamos ni Rhian ang palad niya sa mukha ng nobyo. “Ang drama mo naman! Ano ba? Bibilhin ko na ba iyang gown o maghahanap pa ng iba? Aba, sayang ang oras. Pupunta pa tayo sa patahian para magpa-repair. Baka nakakalimutan mo!” irap niya.
“Kung iyang gown na iyan ang magpapasaya sa iyo, bilhin mo na! Ako pala dahil ako ang magbabayad!”
Napatalon si Rhian sa tuwa. “Thank you! Best boyfriend sa buong mundo ka talaga!”