“`WAG lang talagang magku-krus ang landas namin ng Gener at Veronica na `yon! Talagang babasagin ko pagmumukha nila!” Himutok ni Rhian habang hinihimay ng kutsara’t tinidor ang karne ng baka mula sa bulalo.
Nagdesisyon sila ni Kenzo na huwag munang umuwi pagkaalis nila sa Okada Manila para ma-refresh ang utak nila lalo na siya. Nagkasundo silang bumyahe papuntang Tagaytay upang magbulalo. May kinontrata silang taxi driver na binayaran nila ng medyo malaki. Bigla kasi siyang nag-crave sa mainit na sabaw.
Iyong mga pagkain pinabalot niya sa kinainan nila ni Gener ay ipinamigay nila sa mga pulubi na nakita nila sa daan. Kesa mapanis iyon dahil hindi pa naman sila uuwi ay mas magandang mapakinabangan iyon ng iba. Gumaan naman ang loob ni Rhian sa pasasalamat ng mga pulubi. Isang pamilya iyon na nakatira sa gilid ng kalsada. Isang nanay, tatay at dalawang maliliit na batang babae.
Mabuti at binigyan ng pera ni Mathilda si Kenzo kaya meron silang pamasahe at pangkain dito sa Tagaytay. Ang kauna-unahang bulaluhan ang agad nilang pinili. Bigla kasi silang nagutom sa mga nangyari.
Maganda ang restaurant na kanilang napuntahan. May kataasan ang kinatatayuan kaya maganda ang view at malamig pa. Yari sa kawayan ang dingding at mga lamesa’t upuan kaya pakiramdam nila ay nasa malaking kubo sila. Nakaka-relax ang ambience. Ang maganda pa ay kakaunti ang tao kaya tahimik. Late na rin kasi kaya ganoon.
“Hayaan mo na ang dalawang iyon. Sana ay hindi sila makatulog. Saka hindi sila magiging masaya sa buong buhay nila,” ani Kenzo. Nauna na itong matapos sa pagkain at pinapapak na ang dessert na leche flan.
Nagpapasalamat pa rin si Rhian na pinuntahan siya ni Kenzo sa hotel room na pinag-iwanan sa kaniya. Ito talaga ang superhero ng buhay niya. Ilang beses na ba siya nitong iniligtas? Hindi na niya mabilang sa sobrang dami.
Aba, kung hindi ay mga staff ng hotel ang makakakita sa kaniya ng hubo’t hubad. Ayon kay Kenzo ay nakabukas ang pinto ng hotel room kaya malaki ang chance na kahit sino ay makakapasok nang walang kahirap-hirap. Edi, ibang tao pa ang makakakita sana sa kaniyang katawan! Nakakahiya kapag ganoon!
Sumandal si Rhian sa upuan at nahulog sa malalim na pag-iisip. “Pero alam mo, iniisip ko talaga kung anong ginawa nila sa akin habang wala akong malay. Bakit nila ako kailangang patulugin?” Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin ang lahat.
Bago sila umalis ng hotel room ay mabusising chi-neck niya ang sariling katawan sa banyo upang makasiguro na walang ginawang kababuyan sa kaniya at isandaang porsiyentong sigurado siya na wala talaga.
“Mukhang may sayad ang mag-asawang iyon kaya baka trip lang nila na iwanan ka ng ganoon na walang damit. Mabuti at ako ang nakakita sa iyo. Baka kung iba iyon ay kukunan ka pa ng picture o video tapos ipo-post sa—” Biglang natigilan si Kenzo.
Nahihintakutang nagkatinginan sila at alam niya na iisa sila ng nasa isip.
“Kenzo, h-hindi kaya...” Nanuyo ang lalamunan niya sa kaba.
Nagmamadali niyang kinuha ang cellphone at nang makita niyang sobrang dami ng notification ng f*******: account niya ay agad na siyang kinabahan. Lahat ay tina-tag siya sa isang post. Pagtingin niya sa post ay nanlamig siya nang malaman na pi-nost ng isang dummy account ang picture niya na nakahiga sa sahig at walang kahit na anong saplot. Naka-blur ang maseselang parte ng kaniyang katawan ngunit sa caption ay naroon ang isang link.
Nanginginig ang kamay na ipinakita niya ang post kay Kenzo. Napamura ito sa galit.
“Pinicturan nila ako ng walang suot at pinost nila sa Facebook...” Pakiramdam ni Rhian ay walang laman ang ulo niya.
Karamihan pa sa naka-tag sa post ay mga friends niya sa f*******:.
“Mga hayop sila! Ipapakulong natin ang baliw na mag-asawang iyon!” gigil na bulalas ni Kenzo. Malakas nitong naihampas ang kamay sa lamesa.
“M-may link pa...”
Pikit-matang pinuntahan ni Rhian ang link. Halos gumuho ang mundo niya nang mapunta siya sa isang website kung saan lahat ng video na naroon ay maseselan. Nagulantang siya nang mapanood ang video niya roon habang namumulot ng pera sa sahig. Matapos iyon ay iyong nakahiga na siya sa sahig at walang kahit na anong suot.
“Diyos ko!” Naitutop niya ang kamay sa bibig.
“Ire-report ko iyan para mabura ang post!” Nagmamadaling kinuha ni Kenzo ang cellphone nito. “Hayop sila! Hayop!”
“M-marami nang nakakita. Ang dami na rin views no’ng video. Nakakahiya!” Tuluyan na siyang napaiyak at napahagulhol.
Lumipat si Kenzo sa tabi niya at mahigpit siyang niyakap. “Tahan na... Makakaganti rin tayo sa mga hayop na iyon!”
“Kasalanan ko ito... Hindi na dapat ako nagpasilaw sa pera ni Gener. H-hindi ako nag-isip. Kasalanan ko kung bakit nangyari ito!”
“`Wag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan. Okay?”
“Anong gagawin natin? Ang dami nang nakakita sa katawan ko!”
Pakiramdam niya ng sandaling iyon ay wala na siyang mukhang maihaharap sa kahit na sino. Malamang, bago pa mabura ang post at video ay marami na ang makakapanood niyo. Kitang-kita pa ang mukha niya kaya kung may nakapanood na makikita siya sa personal ay paniguradong makikilala siya agad.
“RHIAN, ikaw muna magbayad, ha. Treinta lang naman lahat sa akin!” Ang pagtapik ni Mariposa sa balikat ang tila gumising kay Rhian mula sa pagkakatulala.
Nasa gilid sila ng kalsada ng hapon na iyon habang kumakain ng fishball, kikiam at kwek-kwek. Galing sila sa simbahan dahil Linggo. Naisipan nila na magsimba sa pag-asa na mababawasan ang kanilang kasalanan. Sa paglalakad pauwi ay may nakita silang nagtitinda ng fishball at kung anu-ano. Si Mariposa ang nag-aya na kumain at gutom na raw ito. Kanina pa nga siya nito inaaya na lumabas para kumain kahit sa gitna ng misa.
Isinubo ni Rhian ang huling kikiam sa hawak na plastic cup bago humugot ng pera sa wallet. Isang buong isandaang piso ang inabot niya sa tindero. “Keep the change na, kuya.” Nanlalambot niyang sabi at naglakad na sila ni Mariposa.
Tulala siya at parang tamad na tamad sa pagkilos. Bigla niya kasing naalala iyong kumalat niyang maselan na video sa isang adult website. Nabura na naman ang post at ang mismong video dahil sa pagre-report nila pero ang trauma ay nasa dibdib niya pa rin. Parang habangbuhay na iyong naroroon. Grabe talaga itong ginawa sa kaniya nina Gener at Veronica!
Isang linggo na ang nakakalipas simula ng mangyari iyon at ngayon lang ulit siya lumabas ng bahay. Nilamon siya ng kahihiyaan at palagi niyang naiisip na ang makakasalubong sa kaniya ay napanood ang video scandal niya.
Mabuti at palaging nasa tabi niya si Kenzo at hindi siya pinabayaan. Lahat ng lakad nito at ni Mathilda ay kina-cancel nito para hindi siya maiwanang mag-isa. Baka raw kung anong gawin niya. Akala yata ni Kenzo ay magpapakamatay siya dahil sa scandal. Hindi niya iyon gagawin, `no! Kapag ginawa niya iyon ay para na rin niyang binigyan ng kasiyahan sina Veronica. Parang nagpatalo na rin siya sa dalawang baliw na iyon.
“Hoy, Rhian! Malayo pa ang Araw ng mga Patay pero pang-Undas na iyang fez mo! Akala tuloy ni kuya na nagfi-fishball ay labag sa kalooban mo ang pagbibigay ng sukli!” Maarteng itinirik ni Mariposa ang mga mata. Dala-dala nito ang isang baso ng samalamig.
“Painom nga.” Inagaw niya ang inumin ng kaibigan at uminom. “Naisip ko na naman kasi iyong video scandal ko, bakla.”
“Hmp! Huwag mo nang isipin iyon. Saka ang ganda mo kaya roon! Charing lang! Pero seryoso, magpasalamat na lang tayo at nabura na. Atleast, hindi na kakalat. At kailangan mong mag-move on kasi kapag inihinto mo ang buhay mo ay matutuwa lalo `yong mag-asawa na iyon kasi nagawa nilang miserable ang buhay mo!”
“Nakakagigil din kapag naaalala ko sina Gener at Veronica! Gusto ko silang tirisin na parang garapata!”
“Bakit kasi hindi ka magsampa ng kaso sa mga iyon? Pagkaka-perahan mo pa iyon kasi babayaran ka nila ng danyos. Help kita. May kilala akong abogado.”
Sumimangot si Rhian sabay iling. “Hindi na. Hahayaan ko na lang ang karma ang maningil sa kanilang dalawa! Saka alam ko na ang mangyayari kapag kinasuhan ko sila. Maaabswelto sila kasi mapera sila. Kaya nilang gawin iyon kasi marami silang pera. Ayoko na rin na ma-involve sa buhay ng dalawang baliw na iyon!” Hindi niya maiwasang makaramdam ng galit sa tuwing naaalala ang lahat.
Kahit sino namang babae ay ganito ang mararamdaman kapag nangyari iyon dito. Maswerte na lang siguro siya na kahit natakot siya ay matatag pa rin ang kaniyang loob.
Kinuha ni Mariposa ang samalamig sa kaniya. “Ano ba iyan?! Inubos mo na! Uhaw na uhaw?” itinapon nito iyon sa basurahan sa gilid ng daan.
“Gaga ka! Ako nagbayad no’n!”
“Ay, oo nga pala. Sorry na!” At pabiro siya nitong hinimas sa likuran. “Pero maiba ako. `Di ba, wala kang raket ngayon?”
“Wala. Sana nga meron na. Ready na ako pero sisiguruhin ko na hindi na mangyayari `yong nangyari sa akin kay Gener. Ayoko kasi talaga ng may sabit. Bakit may irereto ka ba? Make sure na walang sabit, ha!”
“Wala akong ireretong sugar daddy sa iyo. Iba ito!”
“E, ano ba iyan? Dami mo pang pasakalye, bakla! `Di mo pa sabihin.”
“`Eto na nga! Sasabihin na nga, `di ba? May bago kasi akong nalaman na pagkakakitaan.”
“Gaga! Baka scam iyan, ha!”
“Gaga ka rin! Hindi ito scam. Si bebeboy ko ang nagpasok sa akin. O, `di ba?! Hindi na pabigat sa akin ang jowa ko kasi may work na siya habang nag-aaral! I am very proud tuloy sa kaniya!” Kumurap-kurap pa si Mariposa na akala mo ay nangangarap.
Napaismid si Rhian. “Wala akong tiwala sa bebeboy mo.”
“Ito naman. Why don’t you give it a try? Masyado kang judgement!”
“Judgemental kasi iyon, bakla!” Natatawang pagtatama niya sa sinabi ni Mariposa. “Ano ba iyang work na sinasabi mo? Bakla, malapit na tayo sa bahay pero hindi mo pa rin nasasabi kung ano! Inuna mo pa pagbibida sa jowa mo!”
“Investment company!”
“Ha? Ano `yon? Baka kung ano iyan, bakla. Ayoko!”
“Hindi mo pa nga alam, ayaw na agad? Pwedeng sabihin ko muna?”
“Okay. Ano `yang investment company na iyan?”
“Actually, kahapon lang ako nag-start dahil kahapon lang din sinabi sa akin ni bebeboy ko. Ang pangalan ng investment company ay Rise And Shine Investment Company! Mag-iinvest ka sa kanila ng pera at sila ang bahalang magpalago. Ako, nag-invest ako ng five thousand at ang promise sa akin ay dodoble iyon sa loob ng isang linggo! Bongga, `di ba?! May binigay sila sa akin na ATM card at doon nila ide-deposit iyong pera ko.”
“Bakla, nakakatakot naman iyan. Talagang maglalabas ng pera?”
“Investment nga, e. Maglalabas dapat talaga ng datung! Saka legit naman iyon kasi si bebeboy ko ang nag-recommend sa akin. Aba, subukan niya akong lokohin at parehas kaming maghihirap!”
“Pag-iisipan ko, bakla.”
“Ano ba iyan? Huwag mo nang pag-isipan. Wala ka bang tiwala sa akin?”
“Pera kasi ang usapan, bakla. Mahirap maglabas ng pera ngayon lalo na at si Kenzo lang ang may raket sa amin. Basta, pag-iisipan ko iyang sinabi mo. Siguruhin mo lang na hindi iyan scam at talagang mayayari ka sa akin!”
“Diyos ka, Rhian! Ako pa ba? Hindi kita ipapasok sa mapapahamak ka. Saka kasali rin ako sa Rise And Shine. Ano ito, ipapahamak ko self ko?!”
“Oo na! Oo na! Pag-iisipan ko!” Pabalewang-sagot niya dahil ang totoo ay hindi siya interesado.