ROOM 1305. Hindi maiwasang kabahan ni Rhian nang nasa harapan na siya ng hotel room na kinaroroonan ni Gener. Malakas ang kabog ng dibdib niya dahil may kutob talaga siya na meron itong binabalak. Kung hindi nga lang sobrang laki ng perang ibibigay nito ay hahayaan na lang niya ito pero ibang usapan na kapag one hundred fifty thousand pesos. Malaki ang maitutulong niyon sa kanila ni Kenzo lalo na ngayong gusto niyang maging mabilis ang kanilang pag-iipon.
Inihanda na rin niya ang sarili sa mga maaaring mangyari. Maya maya ay kumatok na siya sa malaking pinto. Hindi niya alam kung may buzzer ba iyon o kung ano pero mas gusto niyang kumatok. Nilakasan niya. Sunud-sunod.
Pakiramdam niya tuloy ay impyerno na ang nasa likod ng pintong iyon.
Sa pagbukas ng pinto ay bumungad sa kaniya ang nakangising si Gener. Agad siyang nairita sa pagmumukha nito.
“Basta talaga pera, hindi ka umaatras!” May pang-iinsultong turan nito.
“Wala kang pakialam! `Yong pera ko?”
“Pasok ka sa loob. Ang pangit kung diyan kita aabutan.”
“Gener, hindi na ako nakikipaglokohan sa iyo. Kanina ka pa, ha! Sinasayang mo ang oras ko!” bulyaw ni Rhian.
“Kunin mo rito ang pera o kung ayaw mo ay umalis ka na lang.” Tumalikod si Gener at pumasok sa loob.
Malakas niya itong minura. Ang inis ay naging galit na. Wala na siyang nagawa kundi ang pumasok at nakita niya ang isang nakakalat na pera sa sahig malapit sa kama.
Naniningkit ang mata na tiningnan ni Rhian si Gener na pinipigil ang pagtawa. “Tarantado ka! Bakit nakakalat?! Anong gusto mong gawin ko? Pulutin iyan isa-isa?!”
“Ganoon na nga! Aba, ikaw na nga ang binibigyan ng pera. Ganiyan ka pa. Hindi ka makakapulot ng ganiyang kalaking halaga kahit lakarin mo ang buong Maynila!”
“Napaka hayop mo!”
“Ang gusto mo kasi ay madalian ang harap. Kahit naman sa huling pagkakataon ay paghirapan mo ang perang kinukuha mo sa akin. Pulutin mo na iyan at bilisan mo!”
“Ulol!” Nilapitan ni Rhian ang pera at isa-isa iyong pinulot.
Habang namumulot ng pera ay dinig niya ang nakakalokong pagtawa ni Gener. Nahuli niya itong kinukunan siya ng video gamit ang cellphone. Hinayaan niya lang ito. Alam niya na hindi nito kayang ipagkalat ang video na makukuha nito dahil takot ito sa asawa nitong dragon.
“Sige! Pulutin mo iyan lahat! Tutal mukha kang perang babae ka!” Tawa pa rin nang tawa si Gener.
Nakakapangliit ang ginagawa niya. Nakakababa ng pagkatao ngunit wala siya sa posisyon para mag-inarte at magreklamo. Kailangan niya ang pera ni Gener at wala siyang magagawa sa kung anong klaseng paraan nito nais iyon ibigay.
Nang ilang piraso na lamang ang nasa sahig ay narinig niya ang pagbukas ng pinto ng banyo. Ang tunog ng takong ang nagpaangat sa mukha niya at ganoon na lang ang gulat niya dahil nakita niyang naglalakad palapit sa kaniya si Veronica!
Anong ginagawa ng dragon na ito rito?! Tili ng utak ni Rhian. Sinadya ba ito ni Gener? Plinano ba nito ang lahat? Pinapunta yata talaga siya ng lalaking iyon para magkaharap sila ni Veronica.
“V-veronica!” Hindi makapaniwalang bulalas niya.
Binilisan nito ang paglapit sa kaniya at nang akmang tatayo siya ay bigla nitong inapakan ang kamay niya sa sahig. Napangiwi siya sa sakit.
“Kung makikita mo lang ang sarili mo ngayon ay siguradong matatawa ka, Rhian!” Pang-iinsulto ni Veronica. Kung tingnan siya nito ay para siyang isang maliit at nakakadiring daga. “I am still wondering kung bakit ka pinatulan ng asawa ko. You’re nothing! Worthless! Walang class at breeding!”
Mas lalong dumidiin ang pagkakatapak ni Veronica sa kaniyang kamay. Tiniis niya ang sakit at hindi ipinakita na siya ay nasasaktan. Malakas niyang itinulak ang binti nito. Muntik pa nga itong matumba kung hindi pa ito nasalo ni Gener.
“How dare you?!” Nanlilisik ang matang singhal ni Veronica.
Marahang tumayo si Rhian. Buong tapang niyang tiningnan si Veronica. Ang akala yata nito ay magpapasindak siya. Nagkakamali ito!
“Talagang nagtataka ka pa kung bakit pumatol `yang asawa mo sa akin? Bakit hindi mo tingnan ang sarili mo? Ang dami mong pera pero napabayaan mo na ang sarili mo. Ang dami mong wrinkles sa mukha, ang gaspang ng balat mo kagaya ng ugali mo! Saka akala mo ba ay ikinaganda mo `yang fashion mo na akala mo ay si Cruella ka? Hindi, Veronica! Mukha kang matandang matrona na uhaw at kulang sa dilig!”
Napatda si Veronica. Hindi naman malaman ni Gener kung paano siya papatigilin sa pagsasalita. Sa mangiyak-ngiyak na reaksiyon pa lang ni Veronica ay panalo na siya. Talagang tinapak-tapakan at dinurog niya ito nang husto. Aba, sanay yata siya sa bardagulang pagsasalita. Hindi yata nito alam ang lugar na kaniyang kinalakihan!
“You have no right to—”
“Shataaap!!!” Putol niya kay Veronica na mas lalo nitong ikinausok ng ilong.
“Masyado kang matapang na babae ka. Iyan ang ikakapahamak mo!” Nahuli niya ang pasimpleng pagsenyas ni Veronica kay Gener.
Nilapitan siya ni Gener at pumwesto ito sa likuran niya. Bago pa siya makaharap sa lalaki ay nagawa na nitong hawakan ang dalawa niyang mga kamay. Inilagay nito iyon sa kaniyang likuran. Nagpumiglas siya ngunit mahigpit ang pagkakahawak ni Gener.
“Bitiwan mo ako! Tatadyakan kita!” sigaw ni Rhian. Kinakabahan na siya.
Naglakad papalapit si Veronica. May hawak na itong puting panyo. “Akala mo yata ay papalagpasin ko ang pinagsasabi mo sa akin noong isang araw! Masyadong matabil ang dila mo sa akin, Rhian! I just want to get... even!” Biglang isinalpak nito ang panyo sa kaniyang ilong.
Hinawakan ni Veronica ang likod ng kaniyang ulo at ipinagdiinan ang panyo sa kaniyang ilong at may naamoy siyang matapang na amoy. Naging sanhi iyon ng pagsakit ng ulo niya. Nahilo siya at nakaramdam ng panghihina. Nang bitawan siya ni Gener ay dire-diretso siyang bumagsak sa sahig. Tila naubos ang lakas niya.
Habang unti-unting nanlalabo ang paningin ni Rhian ay naririnig pa niya ang halakhak ni Veronica na akala mo ay ito ang reyna ng impyerno!
KULANG na lang ay tumakbo si Kenzo palabas ng Okada Manila. Nagmamadali na siya dahil alam niya na kanina pa naghihintay si Rhian sa kaniya. Ang dami pa kasing seremonyas ni Mathilda kaya hindi niya ito agad naiwanan. Matapos na mag-withdraw ng pera ay binigyan siya nito ng sampung libong piso. Ang akala niya ay papakawalan na siya nito pero humirit pa ito na ihatid niya sa sasakyan nito. Mabuti at nasa kabilang parking lot ang sasakyan ni Mathilda at hindi sa kung nasaan si Rhian.
Matapos niya itong ihatid ay saka lang siya nakawala kay Mathilda.
Pagdating sa meeting place nila ay nagtaka siya nang hindi niya makita si Rhian.
Naisipan niya na tawagan ito at nakita niya na may text message ito.
RHIAN: Bwisit si Gener. Sa hotel room niya pinapakuha iyong pera. Pupunta muna ako doon. Room 1305, executive suite. Kapag kalahating oras at wala pa ako sa meeting place natin ay puntahan mo ako. Hindi maganda ang kutob ko sa damuhong iyon!
Pagkabasa niya ng text ni Rhian ay tinawagan niya ito. Bahagya siyang kinabahan nang malaman na patay ang cellphone ng kaniyang nobya. Imposibleng magpapatay ito ng cellphone gayong magkikita sila.
Tiningnan ni Kenzo ang oras kung kailan sinend ni Rhian ang huling text nito. Lagpas kalahating oras na. Kung ganoon ay pupuntahan na niya ito sa hotel room na sinabi nito. Hindi na rin kasi siya mapapalagay nito kung maghihintay siya sa kaniyang kinaroroonan.
Wala nang inaksayang sandali pa si Kenzo. Patakbo na niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng hotel sa lugar na iyon. Subukan lang talaga ni Gener na galawin si Rhian at mapapaaga ang pakikipagkita nito kay Satanas!
HUMAHANGOS na lumabas ng elevator si Kenzo at patakbong hinanap ang Room 1305 na agad naman niyang nakita. Nakakapagtaka dahil bahagyang nakaawang ang pinto ng naturang hotel room. Hindi na siya kumatok. Malakas niya iyong binuksan at pumasok.
“Rhian!” Nag-aalalang sigaw niya nang makita ang nobya na nakahandusay sa sahig at walang kahit na anong saplot sa katawan. Nakatihaya ito kaya kitang-kita ang kahubdan nito. Nagkalat ang damit nito sa sahig.
Agad na nilapitan ni Kenzo si Rhian at pinulsuhan. Laking pasasalamat niya sa Diyos dahil buhay pa ito. Maingat niya itong binuhat at inilipat sa kama. Binalot niya ng kumot ang katawan nito.
Inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng malaking hotel room. Sa tingin niya ay wala na roon si Gener. Ang tarantadong iyon! Anong ginawa nito kay Rhian?!
Naluluhang tinapik-tapik niya ang malambot na pisngi ni Rhian habang nagdadasal na sana ay magising ito. “Rhian? G-gising na. Nandito na ako...” Hindi maalis-alis ang kaba sa kaniyang dibdib.
Gusto niya tuloy sisihin ang sarili sa nangyari sa nobya. Sana pala ay hindi na niya ito pinayagan na makipagkita kay Gener. O kaya ay hindi na siya sumama kay Mathilda at binantayan na lamang niya ito. Kung isa sana roon ang ginawa niya ay hindi ito sasapitin ni Rhian.
Nagpatuloy siya sa paggising kay Rhian at makalipas ang ilang minuto ay gumalaw-galaw ang talukap ng mata nito.
“Rhian? Ako ito—si Kenzo...”
Bumukas ang mata ni Rhian. “A-ang sakit ng ulo ko...” daing nito.
“Anong nangyari sa iyo? Anong ginawa sa iyo ni Gener?! Ginalaw ka ba niya?!”
Sandaling tumingin sa kawalan si Rhian. Maya maya ay umiling ito. “H-hindi. Wala akong nararamdaman sa katawan ko na nilapastangan ako ng demonyong iyon. Isa pa, hindi niya iyon magagawa sa akin dahil kasama niya si Veronica—ang asawa niyang dragon!” Bumangon ito at sumandal sa headboard. Panay ang daing nito ng p*******t ng ulo.
Awang-awa tuloy siya kay Rhian.
“B-bakit? Anong ginagawa rito ng asawa ng hayop na iyon?”
“Pinagplanuhan nila ako. Gustong gumanti ni Veronica kasi inaway ko siya sa covered court noong namigay sila ng groceries at pera. Hindi pala madaling makalimot ang babaeng iyon! Aray ko...”
“Sigurado ka bang ayos ka lang? Mas maganda siguro na dalhin kita sa ospital!”
“`Ku! `Wag na. Nahihilo ako kasi may pinaamoy sa akin si Veronica. Tapos nakatulog ako at—” Biglang naitutop ni Rhian ang isang kamay sa bibig. Nanlalaki ang mata na tumingin ito sa kaniya. “A-ano kayang ginawa ng dalawang iyon sa akin habang wala akong malay?”
“Sigurado ka ba? H-hindi ka...” Inginuso niya ang nasa pagitan ng dalawang hita ni Rhian. Matagal na silang magkasintahan ngunit nahihiya pa rin siyang banggitin sa harapan nito ang salitang iyon.
“Sigurado ako. Katawan ko `to kaya alam ko kung ginalaw ako ni Gener. Bakit kaya nila ako pinatulog? May ginawa sila sa akin! Hindi pwedeng wala!” Kinapa-kapa ni Rhian ang sariling katawan at pagkatapos ay napatulala.
Nagulat si Kenzo nang nagmamadaling bumaba ng kama si Rhian. Nakatapis pa rin dito ang kumot. Nakayuko ito at parang may hinahanap sa sahig. Inililis pa nito pataas ang laylayan ng kama at sumilip sa ilalim.
“Ano bang hinahanap mo? Iyong mga damit mo? Nandiyan sa—”
“Hindi ang mga damit ko! Iyong pera! `Yong one hundred fifty thousand pesos! Nakita mo ba? Nakakalat iyon sa sahig kanina, e!” Labis ang pagkabahala ni Rhian. Maging ang mga cabinet at drawer ay pinagbubuksan nito ngunit wala kahit piso itong nakita.
Umiiyak na naglupasay si Rhian sa sahig. “Mga hayop sila! Niloko nila ako! Mga demonyo sila! `Yong pera ko! `Yong pera ko!!!” Akala mo ay isang batang nag-iiyak ito. May kasama pang pagsipa.
Naiiling na dinaluhan ni Kenzo si Rhian. Niyakap niya ito at ikinulong sa kaniyang mga bisig. “Hayaan mo na. May karma rin ang dalawang iyon. Ang mahalaga ay ligtas ka. Tahan na...” Pag-alo pa niya.