CHAPTER 10

1995 Words
       NAKASALUBONG ni Rhian si Kenzo sa hallway papuntang restroom. Medyo nagulat pa siya. Sinundan ba siya rito ni Kenzo? “Nandito ka rin pala. Akala ko ba ay dinner date lang kayo ni Gener.” Iyon ang agad na ibinungad ni Kenzo. Blanko ang mukha nito. Hinawi ni Rhian ang ilang hibla ng buhok na nasa pisngi at inipit iyon sa likod ng tenga. “Dito talaga tayo mag-uusap tungkol diyan? Hindi ka ba natatakot na baka makita tayo ni Mathilda?” Nilagpasan niya si Kenzo. “Sumunod ka sa akin. Sa labas tayo mag-usap.” Malalaki ang hakbang ni Rhian. Iniwasan niya na makita sila nina Mathilda at Gener. Sa kabilang exit ng casino sila lumabas hanggang sa makarating sila sa The Fountain. Walang show ng oras na iyon kaya hindi na ganoon karami ang tao na naroon. Sumandal siya sa railings sa gilid ng napakalaking fountain habang hinahangin ang buhok niya. Tumayo si Kenzo sa harapan niya at nakatingin sa kaniya na parang naghihintay ng sagot sa tanong nito kanina. “Nag-request si Gener na samahan ko siya na mag-casino. Fifty thousand. Sayang din. One hour lang tapos aalis na ako,” ani Rhian. “Ang sweet ninyo ni Mathilda, ha. Enjoy na enjoy ka.” “Selos ka?” Ikinibit niya ang balikat. “Ako? Magseselos sa hukluban na `yon? Hindi, `no! Unless, hindi ka na umaarte at bet mo na si Mathilda. Malay ko ba na nagbago na ang taste mo.” “Baliw! Trabaho lang iyon. Saka napag-usapan na natin ito bago tayo pumasok sa ganitong bagay. Isa pa, ikaw lang ang babaeng nasa puso ko. Mayaman lang si Mathilda pero kahit point one ay wala siyang pwesto dito.” Itinuro ni Kenzo ang tapat ng puso. Humagikhik si Rhian. “Mais. Ang corny! Sige na, aamin na ako. Nagselos ako ng very, very light. Pero wala na `yon. Mabuti at kinausap mo ako kasi nawala ang agam-agam ko.” “Ang lalim ng agam-agam!” tawa ni Kenzo sabay kabig sa kaniya at yakap. “Mahal na mahal kita, Rhian. `Wag kang mag-alala kasi darating ang araw na hindi na natin ito gagawin.” “Mahal na mahal din kita...” buong pusong tugon niya. Kumalas rin agad siya ng pagkakayakap upang gawaran ng mabilis na halik ang labi ni Kenzo. “Anong oras nga pala uwi mo?” tanong ni Kenzo. “Siguro mga fifteen minutes na lang ako. Bakit?” “Gusto mo sabay na tayo?” “Ipapahatid ako ni Gener sa driver niya, e. Pero mas gusto kong mag-commute na lang na ikaw ang kasabay.” “Sige. Tawagan mo na lang ako. Kayang-kaya kong magdahilan kay Mathilda!” “Balik na tayo sa loob. Baka magtaka na mga kasama natin kung bakit wala pa tayo sa tabi nila,” ani Rhian.   “ANG tagal mo yata. Talo na ako rito! Ikaw lucky charm ko sa ganito, e,” ani Gener kay Rhian nang tumabi siya ng upo rito. “Sumama ang tiyan ko. Ang sakit. `Di ko naman kontrol ang pagsakit nitong tiyan ko.” Pagsisinungaling niya. Umiling-iling si Gener sabay akbay sa kaniya. “Galit ka na naman. Sorry na—” Itinulak niya ang lalaki nang biglang tumunog ang cellphone niya. Napangiti siya. Ipinakita niya kay Gener ang nasa screen. Tumutunog iyon dahil naubos na ang isang oras na si-net niya sa timer. “Time’s up! Akin na ang bayad mo.” Nakalahad ang palad na turan niya. “Ha? Ang bilis naman!” “Anong mabilis? Nag-timer ako. Ano ito? Dadayain pa ba kita? `Yong pera! Nasaan na? Ibigay mo na para makauwi na ako. Oo nga pala, hindi na ako magpapahatid sa driver mo. Magko-commute ako at meron akong dadaanan.” “Umalis ka pa kasi. Hindi ko tuloy nasulit iyong isang oras.” Kakamot-kamot sa likod ng ulo na wika ni Gener. Halatang dismiyado ito. “Hindi ko na kasalanan kung masira ang tiyan ko! Alam mo, pinapatagal mo pa. Ibigay mo na iyong bayad mo sa akin o baka gusto mong mag-eskandalo pa ako rito?” “Oo na. Mainipin ka naman, e. Lumabas tayo at doon ko ibibigay ang pera. Baka may makakita na binibigyan kita rito. Mas mabuti na ang nag-iingat, `di ba?” Inirapan ni Rhian si Gener. Umalis na sila ng casino at lumabas ng Okada Manila. Sa exit sa likuran sila lumabas. Medyo madilim sa kinaroroonan nila at wala siyang nakikitang ibang tao. Sa harapan nila ay mga sasakyan na naka-park. Ang buong akala niya ay makukuha na niya ang pera kay Gener pero nagdahilan ulit ito. “Hindi ko pala nadala `yong pera. Naiwanan ko sa hotel room ko,” anito matapos na halughugin ang clutch bag na kanina pa nito bitbit. Napapadyak na si Rhian sa inis. “Ano?! Ako ba niloloko mo, Gener?! Kanina ka pa!” “H-hindi! Kung gusto mo ay sumama ka sa akin sa hotel room ko para ibigay ko sa iyo.” Umiling siya. “Ayoko. Dito lang ako. Ikaw ang pumunta mag-isa roon at kunin `yong pera saka ka bumalik dito. Wala akong tiwala sa iyo!” “Para namang lolokohin ka palagi—” “Talaga, Gener! Kanina mo pa ako pinapaikot-ikot. Ngayon, umalis ka na at kunin mo na ang pera ko. Dito kita hihintayin. Nagkakaintindihan ba tayo?” Walang nagawa si Gener sa pagmamatigas ni Rhian. Iniwanan na siya nito habang siya ay naiwan doon ng mag-isa. Akala yata ng damuhong iyon ay basta-basta siya nito mapapaniwala. Hindi siya magpupunta sa hotel room nito nang silang dalawa lang. Malay ba niya kung meron itong binabalak na masama. Mabuti na ang nag-iingat siya kesa magsisi sa huli. Oo nga pala, kailangan niyang sabihan si Kenzo na pauwi na siya. Magkasabay nga pala silang uuwi. Kung wala silang masasakyan na pauwi ay baka mag-check in muna sila sa maayos-ayos na hotel. Huwag lang dito sa Okada at hindi pa nila kaya ang presyo ng pinaka murang kwarto rito. Saka na kapag lumalangoy na sila sa pera. Inilabas ni Rhian ang cellphone at tinawagan si Kenzo. Hindi ito sumagot. Marahil ay hindi nito magawang sumagot ng tawag niya dahil kasama pa nito si Mathilda. Kaya naisipan niya na i-text na lang ito. Sinabi niya na pauwi na siya at inilagay niya rin sa text message kung nasaan siya para hindi na sila maghanapan. Makalipas ang isang minuto ay nakatanggap siya ng reply mula kay Kenzo. KENZO: Sorry. Ang hirap sumagot ng tawag. Katabi ko si Mathilda. Sige, puntahan kita riyan. Magpapaalam na ako kay Mathilda. See you! Hindi na niya ni-replyan ang text ng nobyo. Napayakap siya sa sarili dahil medyo malamig sa labas. Nakalimutan niyang magdala ng jacket o kahit na anong pampatong sa suot niya. `Di bale, kaunting tiis na lang at aalis na siya rito na may dalang one hundred fifty thousand pesos. Ngayon lang siya makakatanggap ng ganoon kalaking halaga mula kay Gener. Noon ay materyal na bagay ang madalas nitong ibinibigay. Kung pera man ay hindi malaki. Hindi pa siya makapag-demand dahil pinapaamo pa niya ito. E, biglang nalaman niya na may asawa pala ito kaya nabulilyaso ang lahat. “Ang tagal naman ng Gener na `yon!” pakli ni Rhian. Siguro ay nasa sampung minuto na nang umalis ito. Naku, subukan lang talaga siyang lokohin ng Gener na iyon at hindi siya magdadalawang-isip na isumbong ito sa asawa nito. Bahala na kung magkagulo ang mga ito basta ang importante ay makaganti siya!   “WHAT? But it’s too early, Kenzo!” ungot ni Mathilda kay Kenzo nang bulungan niya ito habang nasa harapan sila ng roulette. Nagpaalam na siya rito na kailangan na niyang umalis. Hinaplos niya ang pisngi ni Mathilda. “Kailangan ko nang umuwi sa amin, e. Emergency. Tumawag iyong pinsan ko. Iyong tito ko kasi ay dinala sa ospital. Kailangan nila ako roon.” Wala na siyang ibang maisip na idadahilan kaya gumawa na lamang siya ng kuwento. “I am planning pa naman na mag-overnight tayo dito. Magpapa-reserve na ako ng room.” Bakas ang lungkot sa mukha ni Mathilda. “Gusto pa sana kitang makasama kaya lang may nangyari sa amin, e.” “Saka parang wala ka naman nabanggit sa akin na may tito at pinsan ka na kasama sa bahay. I thought you’re living alone...” “Ah, e... Oo nga. Kakadating lang nila galing probinsiya. Walang matutuluyan kaya sa akin muna. Nakakaawa kung papabayaan ko sila.” “Okay. Mukhang wala na akong magagawa para pigilan ka. But bago ka umalis ay samahan mo muna akong maghanap ng ATM machine. Magwi-withdraw ako ng pera. For sure, kakailanganin mo ng money kasi sa ospital dinala ang tito mo.” “Huwag na. May pera pa ako. Iyong ibinigay mo.” “That’s for you. Huwag mong gagamitin iyon sa ibang bagay. Itong ibibigay ko sa iyo ay para sa tito mo. I don’t have a cash here kaya kailangan kong mag-withdraw.” Nagdalawang-isip si Kenzo dahil naghihintay na sa kaniya si Rhian pero sayang rin ang perang ibibigay ni Mathilda. “Sige. Maraming salamat!” Sa huli ay mas pinili niyang sumama kay Mathilda. Naka-angkla ito sa braso niya nang lumabas sila ng casino.   MAY kasamang inis na napabuga sa hangin si Rhian. Talagang sinasagad siya ni Gener. Kalahating oras na ngunit hindi pa rin ito bumabalik. Tinakbuhan na ba siya ng tarantadong iyon? Hindi naman ganoon kalayo ang hotel ng Okada para abutin ito ng ganoong katagal. Hindi na siya nakatiis at tinawagan na niya si Gener na agad nitong sinagot. “Rhian, bakit tumawag ka pa?” Sinundan nito iyon ng nakakalokong pagtawa kaya mas lalo siyang nainis. Kung nasa harapan niya ito ay baka sinabunutan niya ito nang matindi hanggang sa maubos ang natitirang nitong buhok. “Hayop ka! Nasaan ka na? Bakit wala ka pa? Gener, wala na akong masasakyan pauwi. Baka nakakalimutan mong sa Laguna pa ako!” Mataas ang boses niya. Hindi na niya kayang kumalma sa ganitong sitwasyon. “Ano ba kasi ang ginagawa mo riyan? Pumunta ka na dito—” “Leche kang palaka ka! Huwag mo akong pinaglalaruan, ha. Pinagbigyan ko ang gusto mo kaya ibigay mo sa akin ang perang pinagkasunduan natin!” “Ang init na naman ng ulo mo, Rhian... Ibibigay ko ang pera mo pero ikaw ang mismong kumuha rito sa hotel room ko. Room 1305. Executive suite! Puntahan mo ako rito—” “Hindi ako tanga para puntahan ka riyan! Bumaba ka rito at ibigay mo ang pera ko!” “Rhian... Rhian... Hindi ka ba nakikinig? Dito mo kukunin ang pera!” Matigas nitong turan. “Pwede rin na huwag ka nang pumunta at umuwi ka ng walang laman ang bulsa mo.” “Hayop ka—” “See you, Rhian. Bye!” “Gener!” Naghihisterikal na sigaw ni Rhian pero naputol na ang tawag. Muntik pa niyang maibato ang cellphone sa sobrang init. Hinihingal siya na akala mo ay tumakbo ng ilang libong metro. Sinubukan niyang tawagan ito pero patay na ang cellphone. “Bwisit ka, Gener!” gigil pa niyang sigaw. Napakawalang kwentang kausap talaga ng Gener na iyon! Walang isang salita. Talagang gagawa ito ng paraan para makapunta siya sa hotel room nito. Pero kung hindi siya pupunta ay hindi niya makukuha ang pera. Bahala na nga! Pupuntahan na lang niya si Gener at kapag may ginawa itong masama sa kaniya ay hindi siya mangingiming lumaban sa kahit na anong paraan. Sa tingin naman niya ay mas malakas siya kay Gener. Mabigat ang katawan nito, e. Isang malakas na suntok lang sa mukha ay paniguradong isang araw itong makakatulog. Bago umalis si Rhian sa kinatatayuan ay nag-iwan muna siya ng text message kay Kenzo. Ipinaalam niya sa nobyo ang gagawin niya. Maging ang room number ng pupuntahan niya ay kaniyang sinabi at kung lumipas ang kalahating oras at wala pa siya sa meeting place nila ay puntahan siya nito roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD