ROSEWOOD pink na half sleeves dress ang isinuot ni Rhian ng gabing iyon. Hanggang tuhod ang haba ng kaniyang damit. Ang suot niyang sapatos ay kulay gold na four-inch stiletto na ibinigay sa kaniya noon ng kauna-unahan niyang sugar daddy na isang Australian. Lumipad na nga lang ito sa Australia kaya naputol na ang kanilang relasyon.
Hindi na siya nag-ayos nang matindi dahil napipilitan lang naman siya sa dinner date na pupuntahan. Mabuti sana kung si Kenzo ang makakasama niya at talagang paghahandaan niya ito nang malala.
Speaking of Kenzo, nauna na itong umalis kanina upang makipagkita kay Mathilda.
Alas-otso ang dinner nila ni Gener at isang oras na lang ang nalalabing oras para sumapit iyon. Wala naman siyang pakialam kahit ma-late siya. Bahala si Gener na maghintay sa kaniya roon. Makaganti man lang siya sa pagsisinungaling nito na nagdulot ng pagpapahiya sa kaniya ng asawa nito.
Maya maya ay umalis na si Rhian ng bahay. Malapit na kasi iyong susundo sa kaniya at maghahatid kung saan sila kakain. Ti-next na siya.
Ang unang plano ay magko-commute siya pero nang malaman niyang sa Okada sila magde-date ay nag-demand siya kay Gener ng susundo sa kaniya. Masyadong malayo at mapapagod siya sa biyahe. Mabuti at madaling kausap si Gener. Pumayag agad ito nang walang pagdadalawang-isip.
Habang naglalakad palabas ng squatter’s area ay ilang tambay ang sumipol sa kaniya. May nag-iinuman na pinatagay siya pero lahat ng iyon ay hindi niya pinansin. Sanay na siya sa mga ganoong senaryo. Kahit nga nakapambahay siya ay sinisitsitan pa rin siya. Nagpapasalamat pa rin siya na hanggang doon lang ang mga ito at hindi siya hinahawakan.
“Ay, ang ganda naman ng friend ko! Manika lang ang atake! Sa’an ang gora?” tanong ni Mariposa nang makasalubong niya ito sa labasan. May dala itong isang box ng cake at litson manok.
“Raraket.” Matipid na sagot ni Rhian.
“Si Kenzo? Nasa inyo?”
“Wala. Bakit?”
“Sayang. Aayain ko sana kayo sa bahay. Birthday ni bebe boy ko. Bumili ako ng mga ito.”
“Next year na lang. Happy birthday na lang sa jowa mo.”
Isang silver na Mercedes-Benz ang huminto sa gilid ng kalsada. Bumaba ang isang lalaki mula sa driver’s seat at may tinawagan sa cellphone. Nang mag-ring ang cellphone niya ay nahinuha niyang iyon na ang susundo sa kaniya.
“Sige na. Aalis na ako, bakla! `Andiyan na ang sundo ko!” Kumaway siya sa lalaki hanggang sa makita siya nito.
“Wow, ha! Ang bongga ng car! Mukhang jackpot ka, friend, ngayong gabi. Sige na, good luck!”
Nagmamadaling naglakad si Rhian papunta sa magarang sasakyan. “Hello!” bati niya.
“Good evening, Ma’am Rhian. Ako po ang susundo sa inyo. Isa ako sa driver ni Sir Gener.” Pagpapakilala ng lalaki na sa tingin niya ay nasa 40’s.
INABOT ng mahigit isang oras ang biyahe ni Rhian bago siya nakarating sa Okada. Traffic kasi. Ano pa ba ang bago?
Pagbaba niya ng sasakyan ay napasimangot siya nang makita si Gener na naghihintay sa may entrance. Akala mo ay si Penguin ito sa suot na black tuxedo. Hanggang sa makalapit ay hindi niya inaalis ang asim sa mukha. Nang akmang hahalikan siya nito sa pisngi ay umiwas siya.
“Bakit naman ganiyan ang mukha mo? Ayusin mo naman.” Malambing na utos ni Gener.
“Gusto mo ba talagang malaman kung bakit ganito ang mukha ko? Gusto mong masaktan sa sagot ko?”
“Huwag na nga! Shall we?” In-offer ni Gener ang braso nito para doon siya kumapit pero dinedma lang niya ito.
Nauna siya sa paglalakad habang pilit siya nitong hinahabol.
“Saan nga pala tayo kakain?”
“Nagpa-reserve na ako sa Catch by the Bay. Nagugutom ka na ba? Gusto mo bang mamasyal muna tayo?”
Tumigil si Rhian sa paglalakad at humarap. Matalim ang matang tiningnan niya si Gener. “Ang usapan ay dinner date. Wala tayong ibang gagawin kundi ang kumain!” Nais niyang ipaalala rito ang naging usapan nila kagabi.
“Ayaw mo bang ikaw muna ang kainin ko?”
“Ayaw mo bang suntukin ko `yang bunganga mo at ipakain iyang mga ngipin mo sa’yo?! Kung ganiyan ka lang din ay mabuti pang umuwi na ako. Sa’yo na `yong one hundred thousand mo. Hindi ka marunong sumunod sa usapan!”
Tinawanan siya nito. “Nagbibiro lang ako. Masyado ka kasing seryoso!”
“Pwes, hindi ako nakikipagbiruan sa iyo! Kumain na tayo para matapos na ito!”
DEEP fried seafood wanton, steamed barbecue buns, roasted crispy pork belly, chili chicken at crab meat fried rice ang unang in-order ni Rhian. May mga in-order pa siya na ite-take out niya. Ipapasalubong niya kay Kenzo at ang iba ay para kay Mariposa. Aba, dapat ay sulitin na niya ang gabing ito.
“Ang dami mo namang in-order. Baka tumaba ka niyan,” ani Gener na ang in-order naman ay wok-fried pork at barbecue pork honey. Mahilig talaga ito sa pork—sa kauri nito.
“Sa iyo pa talaga nanggaling ang tumaba, ha?”
“Dati kasi ang kaunti mong kumain. Sabi mo, ayaw mong tumaba at baka ipagpalit kita.” Inumpisahan niya ang pagkain. Hinayaan niya lang si Gener na magsalita nang magsalita. “Ang hinhin mo rin dati. Ngayon tinatarayan mo na ako. Nakaka-miss iyong unang Rhian na nakilala ko. Ang lambing mo pa sa akin lalo na kapag manghihingi ka ng pera o may ipapabili ko.”
Isinubo niya nang buo ang wanton at nagsalita. “`Eto talaga ang totoong ako. Iyong Rhian na nakilala mo, hindi ako iyon. Nagpapanggap lang ako para mabaliw ka sa akin. Hmm! Ang sarap pala nito!” pakli niya.
Marami pang pinagsasabi si Gener na hindi na niya naintindihan. Nakatuon ang pansin niya sa pagkain. Nagutom siya sa tagal ng biyahe. Saka para matapos na sila rito at makuha na niya ang pera. Hindi na siya makapaghintay na mahawakan ang easy money na iyon. Nabusog na siya, nagkaroon pa siya ng pera!
Sa wakas, nakaramdam na siya ng kabusugan. Huminto na siya sa pagkain. “Busog na ako.” Kinawayan niya ang isang waiter at inutusan na ibalot ang mga pagkain na hindi niya naubos. Sayang kung hindi niya iuuwi, e, bayad na ang mga iyon.
“Ang sarap mong panoorin na kumain nang marami.”
“`Yong pera?” Inilahad ni Rhian ang palad.
“Masyado ka naman excited. Sulitin natin ang gabing ito. Ipapahatid kita sa driver ko—”
“Ang pera, Gener!” giit niya.
“Samahan mo ako sa casino. Last na pagkikita na naman natin ito. Kahit isang oras lang. Dadagdagan ko ang bayad ko sa iyo. Magkano ba ang gusto mo?”
Matalim na tiningnan niya si Gener. Hindi niya masabi kung gusto lang talaga siya nitong makasama o meron itong ibang binabalak. Pero nakakatukso ang panibagong offer nito. Siya mismo ang magpe-presyo sa oras na sasama siya kay Gener.
Isang oras lang naman ang hinihingi nito. Sa tingin niya ay mabilis iyon na lilipas lalo na at sa casino. Kapag humirit pa ito pagkatapos ng isang oras ay hindi na siya papayag. Hanggang doon lamang ang ibibigay niya. Masyado na iton abusado.
“Fifty thousand pesos. Cash!”
“Sure. One hundred fifty thousand na ang makukuha mo sa akin bago tayo maghiwalay ngayong gabi,” ngisi ni Gener.
Pagkabayad ni Gener ay naglakad na sila papunta sa casino. Nag-timer siya sa kaniyang cellphone para alam niya kung tapos na ang isang oras na inihirit ni Gener. Bale, 11:30 ng gabi sila matatapos. Okay lang kahit late na dahil ipapahatid naman siya nito.
Maraming tao sa casino ng Okada Manila. Lahat ay mukhang mapepera. Hindi naman siya naging alangan dahil kahit simple ang suot niya ay mukha pa rin siyang mayaman. Nagpunta sila sa slot machine. Iyon ang tanging alam laruin ni Gener. Nakaupo siya sa tabi nito habang ito ay naglalaro.
Napahikab si Rhian. Bored na siya. Saka naiirita siya na magkalapit sila ni Gener kaya nag-isip siya ng paraan para makalayo rito kahit sandali.
“Naiihi ako. Alis lang ako saglit,” aniya kahit hindi siya naiihi.
“Ha? Saan ka pupunta?”
“Siguro sa tabi-tabi na lang ako iihi!” sarkastiko niyang sagot. “Malamang sa comfort room. Saan pa ba ako iihi?” Inirapan niya si Gener at tumayo na. Malalaki ang hakbang na lumayo siya rito.
Sa paglalakad niya papunta sa restroom ay nahagip ng mata niya si Kenzo. Akala niya namamalikmata lang siya kaya lumapit siya rito nang bahagya at doon niya nasiguro na ang nobyo nga niya ang nakita. Nakapwesto ito sa may roulette. May katabi itong matandang babae na halatang mayaman. Nakasuot ito ng eleganteng black gown. Nakaakbay ang babae kay Kenzo at masayang naglalaro ang dalawa. Mukhang nanalo na ang dalawa.
Ano itong nararamdaman ko? Bakit parang bigla akong nagseselos? Kumirot ang dibdib niya. Oo, alam niya na nagpapanggap lang si Kenzo na masaya sa babaeng iyon pero ang hirap palang hindi masaktan kapag nakikita mismo ng mata niya.
Hindi alam ni Rhian kung gaano siya katagal na nakatayo at nakatingin sa dalawa nang biglang mapatingin si Kenzo sa kaniya. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ng lalaki.
Mabilis niyang binawi ang tingin kay Kenzo at naglakad na papunta sa restroom. Agad siyang pumasok sa isang bakanteng cubicle at umupo sa bowl. Naihilamos niya ang mukha sa sariling palad.
Gaga ka, Rhian! Hindi ka dapat magselos. Ikaw ang mahal ni Kenzo at hindi ang matandang `yon! Pagpapaalala niya sa sarili.
NAGULAT si Kenzo nang makita niya si Rhian sa casino dito sa Okada Manila. Hindi niya iyon inaasahan lalo na’t ang sabi nito ay isang dinner date ang gagawin nito at ni Gener. Wala itong sinabi na magpupunta rin pala ang dalawa sa casino. Tapos nagkataon pa na sa iisang casino lang sila nagpunta. Malamang ay si Gener ang kasama nito. Sino pa ba?
Nang makita ni Rhian na nakita niya ito ay nagmamadali itong umalis. Sa tingin nito ay alam niya na nagseselos ito.
“Hey, ano `yon? Kilala mo ba iyong babaeng iyon?” untag ni Mathilda.
“H-ha? H-hindi. Anong babae? Hindi naman babae ang tinitingnan ko. May nakita akong lalaki na akala ko ay iyong kaibigan ko. Hindi pala.” Pagsisinungaling niya.
“Okay. What number ang tatayaan natin this time?” Enjoy na enjoy si Mathilda sa paglalaro ng roulette dahil palaging tumatama ang number kapag siya ang pumipili.
“Thirteen.”
“Ay! Nakakakilig. Monthsary natin. Okay, Number thirteen!” Inilagay nito ang napakaraming chips sa tapat ng numerong sinabi niya.
Malakas na tumili si Veronica nang manalo ang number thirteen. May pagyakap at halik pa ito sa kaniya. “Ang galing mo talaga, Kenzo!”
“Sabi ko naman sa iyo, e.” Mababa ang energy na sabi niya.
Nababahala si Kenzo sa ikinilos ni Rhian. May kutob talaga siya na nagselos ito nang makita sila ni Mathilda. Ang husay niya kasing magpanggap na gusto niya talaga si Mathilda kaya ganoon ang naging reaksiyon ng girlfriend niya. Tapos kung makalingkis pa si Veronica sa kaniya ay para itong isang anaconda.
Hindi niya kaya na hayaan na may hindi magandang nararamdaman si Rhian. Kailangan niya itong makausap upang parehas na mapanatag ang kanilang kalooban.
“Bakit parang hindi ka na happy? Gusto mo ba na sa ibang game na tayo?”
“Hindi. Okay nga dito, e. Nandito ang swerte natin.”
“E, bakit ka nga biglang nalungkot? Hindi ka naman ganiyan kanina.”
“M-medyo sumama kasi ang tiyan ko. Baka dahil doon sa seafoods na kinain natin kanina.”
“Oh, my God! You want to go home now?”
Umiling siya. “Hindi. Siguro ay kailangan ko lang mag-CR. Mawawala na ito.”
“Are you sure?”
“Oo,” sagot ni Kenzo na may kasamang ngiti para hindi na masyadong mag-alala si Mathilda. Pero ang totoo ay gusto niyang sundan si Rhian. Nakita niya kasi na nagpunta ito sa restroom. Kailangan niya itong makausap ngayon din.