SA isang hindi kalayuang night bar dinala si Kenzo ng tricycle driver. Maliit iyon at may babaeng panty lang ang suot habang nagsasayaw sa maliit na entablado sa unahan. Nakabuyangyang ang dibdib nito habang pinagpipiyestahan ng mga lalaki na naroon.
Sa may pinakasulok siya pumwesto at umorder ng isang bote ng hard drinks. Sinamahan na rin niya ng isang platitong mani para may pulutan siya kahit paano. Pagkadating ng alak at pulutan ay mag-isa niyang inumpisahan ang pag-inom. Halos laklakin na nga niya ang bote sa kagustuhan niyang malasing agad. Hindi na rin siya nag-abala na mag-chaser pa.
Gusto niyang parusahan ang sarili sa pamamagitan ng mainit at mapait na guhit ng alak sa lalamunan.
Bihira lang siyang mag-inom. Kapag meron lamang na okasyon kagaya ng piyestahan o kaya ay birthday-an. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na mag-inom siya nang mag-isa at iyon ay dahil sa sobrang sama ng loob niya kay Rhian.
Tahimik si Kenzo na umiinom at mabilis siyang nangalahati sa bote nang may isang babae ang umupo sa kaniyang harapan. Tiningnan niya ito at matamis itong ngumiti. Hanggang batok ang buhok nito na may diretsong bangs. Makapal ang make up at sobrang tapang ng gamit na pabango. Maliit ang mukha at masasabi niya na maganda. Ngunit milya-milya ang layo ng ganda ni Rhian dito.
Para sa kaniya ay wala nang mas gaganda pa sa kaniyang nobya kahit pa topakin ito nitong mga huling araw.
Sandali lang na tiningnan ni Kenzo ang babae at muli niyang itinuon ang pansin sa alak. Napatingin nga lang siya rito dahil sa bigla itong umupo roon, e.
“Hello! My name is Samantha!” Inilahad nito ang kamay para makipag-shake hands ngunit hindi niya iyon pinansin. Wala siyang balak na makipag-usap sa kahit na sino sa mga oras na ito.
“Ang gwapo mo naman! Crush kita. Unang kita ko pa lang sa’yo, bet na kita!”
Hindi niya pa rin pinapansin ang babae. Para sa kaniya ay isa itong hangin na hindi niya nakikita. May interesado pa siya sa pagsasalin ng alak sa baso.
“Wala ka bang kasama? Mag-isa ka lang?”
Hindi na nakatiis si Kenzo. “May nakita ka bang kasama ko?” Pambabara niya para tigilan na siya nito. Siguro naman ay hindi ito manhid para maramdaman na wala siya sa mood na makipag-usap.
“Ay, ang sungit mo naman! Alam mo, may alam akong paraan para mawala iyang kasungitan mo...” Akala mo ay nahihirapan ito sa pagsasalita. Paanas na akala mo ay may naipit rito na kung ano. “I-take out mo ako. Motel na lang ang bayaran mo kahit hindi na ang serbisyo ko. Bet kasi kita talaga, e!”
“Sige, babayaran ko ang motel.”
“Talaga?!” Napatayo ang babae sa saya.
“Oo. Pero ikaw mag-isa mag-check in! Para lubayan mo na ako rito!”
“Ang yabang mo naman! Bakla ka siguro. Bakla! Diyan ka na nga! Baklang `to!” Masama ang loob na tinalikuran siya ng babae.
Napailing na lamang si Kenzo. Kadalasan talaga kapag may babaeng nagpapapansin sa kaniya o kaya ay tahasan na nagpapakita ng interes at ni-reject niya ay palagi siyang sinasabihan na bakla. E, ano bang magagawa niya kung wala siyang interes sa ibang babae? Kahit pa galit siya ngayon kay Rhian ay hinding-hindi niya ito magagawang pagtaksilan. Kahit sa hinagap ay hindi niya naisip na tumikim ng ibang putahe kahit pa may prinsipyo si Rhian na hindi pa sila magtatalik hangga’t hindi sila kasal na dalawa.
Upang mawala ang ingay sa paligid ni Kenzo ay inilabas niya ang cellphone at bluetooth earphones. Inilagay niya ang earphone sa magkabilang tenga at nakinig ng music habang umiinom. Mas okay iyon kesa sa ang naririnig niya ay ang mga hiyawan ng mga lalaking parang mga nauulol sa panonood sa babaeng nagsasayaw.
Blanko na ang utak ni Kenzo ng oras na iyon. Sa bilis niyang uminom ay naging mabilis din ang pagtama ng epekto ng alak sa kaniya. Bahagyang namamanhid ang mukha niya at nahihilo na rin siya.
Nagulat siya nang may biglang tumapik sa kaliwang balikat niya. Ang una niyang inakala ay bumalik iyong babae ngunit nagkamali siya. Isang lalaking pulis na naka-uniporme ang nasa tabi niya. Ipinakita nito ang tsapa sa kaniya.
Nagtatakang inalis niya ang earphone at sa pagtingin niya sa paligid ay doon niya napagtanto na nire-raid pala ng mga pulis ang bar na kaniyang napuntahan.
“Boss, customer lang po ako rito!” Katwiran ni Kenzo. Tumayo na siya.
“Sumama ka na lang sa presinto.”
“Pero, boss...” Hindi na niya itinuloy ang pagsasalita. Tumango siya at pumayag na sumama sa mga pulis.
THE subscriber’s cannot be reached. Please try again later...
Naiinis na ibinagsak ni Rhian ang cellphone sa lamesa. Nasa hapag-kainan siya habang may malamig na kape sa harapan. Kaninang ala-sais pa niya iyon tinimpla pero kahit isang higop ay hindi niya nagawa.
Alas-onse na ng umaga pero hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik si Kenzo. Wala pa siyang tulog dahil hinintay niya itong bumalik. Inakala niya na magpapalipas lamang ito ng init ng ulo at babalik din kaagad. Ngunit nagkamali siya. Kahit ang cellphone nito ay hindi niya matawagan.
Nag-aalala na siya para sa kaniyang nobyo. Ngayon lang nito ginawa ang ganito. Kahit nagtatampo ito ay hindi ito umaalis ng bahay.
“Nasaan ka na ba, Kenzo?” Puno ng pag-aalalang tanong niya habang nakatingin sa kawalan.
Kasalanan niya ito, e. Kung nilawakan niya sana ang pang-unawa ay hindi magagalit si Kenzo sa kaniya. Edi, sana magkasama sila ngayon dito sa bahay at masaya. Walang iniisip na kung anong ka-nega-han!
“Rhiaaan!!!” Ang malakas na sigaw ni Mariposa ang bumulabog sa pag-iisa niya. “Rhian?! Where are you? Yuhooo!!!” Dire-diretsong pumasok ito at nagpaikot-ikot sa maliit na salas.
“Bakla ka! Ang ingay mo. Nandito ako!”
Pakendeng-kendeng na pumunta ito sa kaniyang kinaroroonan. “Ay, `andiyan ka pala!” Humila ito ng upuan at umupo sa katapat niya.
“Anong ginagawa mo rito? Wala ako sa mood na makipag-bardagulan sa iyo, Mariposa!”
“Gaga! Dinalhan kita nitong laing. Nagluto ako. Favorite ito ni Kenzo, `di ba?” Luminga-linga ito. “Wait, nasaan ang jowa mo? May raket ng ganito kaaga?”
“Iyan ang problema ko. Nag-away kasi kami kaninang madaling araw tapos umalis siya. Hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik.” Namumroblemang saad ni Rhian.
“What?! Nag-aaway rin pala kayo? Pero ano bang pinag-awayan ninyo?”
“Nagselos kasi ako sa sugar mommy niya, e. Kasalanan ko naman kasi kahit alam kong wala iyong malisya para kay Kenzo ay nagselos pa rin ako. Inaway ko siya tapos `yon na nga... Umalis siya!” Halos maiyak na siya sa pagkukwento.
“`Ayan! Selos pa more! You know naman na ikaw lamang ang love ni Kenzo tapos nagselos ka pa. Of course, iisipin niya na wala kang tiwala sa kaniya!”
“Alam ko na iyan, bakla! Ang gaga ko kasi, e! Nasaan na kaya siya?”
“Ako pa talaga tinanong mo? E, wala akong alam sa mga tambayan ng jowa mo. Pero don’t worry kasi sure ako na okay lang siya kung nasaan man siya. Nagpapalamig lang iyon ng ulo. Kapag keri na niya ay babalik din iyon. Ikaw pa ba? Hindi niya kayang tiiisin ang alindog ng isang Rhian Jacinto! O, `di ba?!” Pumalakpak pa ito nang malakas na may kasama pang pagtawa na akala mo ay isang kabayong humahalinghing.
Hindi niya magawang matawa kay Mariposa. Nangalumbaba siya at malungkot na tumingin sa kawalan na akala mo ay wala na sa sariling katinuan.
Lumipat si Mariposa sa tabi niya upang haplusin siya sa likod. “Ano ka ba? `Wag ka nang malungkot...”
“Gaga! Sa tingin mo kaya kong hindi maging malungkot sa nangyari?”
“Sungit yarn?! Ay, naku! Change topic na lang tayo. Kaya rin pala ako nandito ay dahil sa panibagong offer ng Rise And Shine!”
“Talagang ngayon mo ako le-lecture-an ng tungkol diyan, bakla?”
“Sayang kasi, e. Kapag pala five hundred thousand pesos ang in-invest mo sa company na iyon ay one hundred percent sure na triple ang babalik sa iyo sa loob ng one week! Bale, kung five hundred thousand tapos triple...” Nag-isip pa si Mariposa at nagbilang sa mga daliri.
“One million five hundred!” Siya na ang sumagot at baka abutin sila ng isa pang linggo.
“`Yon na nga. One million five hundred thousand pesos! `Di ba, sabi mo ay may ganoon kang pera? Kung ako sa iyo ay i-invest mo na sa Rise And Shine. Dadami agad ang pera mo. Tapos kapag nalaman pa ni Kenzo na napalago mo ang pera ninyo ng ganoon kabilis ay matutuwa iyon. Mawawala ang galit niya sa iyo at baka sambahin ka niya na parang isang santo!”
Biglang napaisip si Rhian. Oo, legit ang Rise And Shine na sinasabi ni Mariposa. Nakita mismo niya ang ebidensiya sa pamamagitan ng bank account ng kaibigan niya. Isa pa, matagal na nilang kilala si Mariposa at hindi sila nito ipapasok sa isang bagay na maaari nilang ikapahamak.
Sa ganitong sitwasyon ay parang gagawin niya ang lahat upang mapatawad siya ni Kenzo. Hindi siya sanay na tumatagal ang galit o tampo nito sa kaniya. Madalas pa nga na kahit kasalanan niya ay ito pa rin ang sumusuyo.
“Sa t-tingin mo talagang mawawala ang galit niya sa akin kapag ginawa ko iyan?”
“Yes na yes! Aba, sinong hindi matutuwa kung magiging times three ang pera niya sa loob ng one week?! Ano, go na?”
Kahit nagdadalawang-isip ay tumango pa rin si Rhian. Bahala na. Kapag naging triple na siguro ang pera nila ay saka niya aalisin sa investment company na iyon.
NANG araw din na iyon ay inasikaso ni Rhian ang lahat ng requirements para makapag-invest sa kumpanyang sinasabi ni Mariposa. Meron naman siyang passport at postal ID. Dalawang ID kasi ang kailangan. Baranggay Clearance at bank passbook. Dahil sa cash lang ang tinatanggap sa Rise And Shine Investment Company ay kinailangan pang magpunta ni Rhian sa banko para mag-withdraw ng five hundred thousand pesos. Sa kaniya nakapangalan ang account kaya hindi siya nahirapan na gawin iyon.
Mabuti na lamang at tinulungan siya ni Mariposa kaya pagsapit ng alas tres ng hapon ay natapos na niya ang lahat ng requirements.
Para matapos na rin ang lahat ay bumyahe na sila ni Mariposa papunta sa Sta. Rosa, Laguna. Naroon kasi ang main office ng Rise And Shine Investment Company. Habang sakay sila ng jeep ay panay ang pagbibida ni Mariposa na talagang lumalaki ang pera nito sa bank account na nanggaling mismo sa investment company. Ayaw daw muna nitong galawin ang pera dahil pinapalaki pa nito.
“Biruin mo, nakaupo lang tayo sa bahay tapos lumalaki ang pera natin kasi may ibang tao na nagpapalago niyon para sa atin. `Di ba, bongga?” turan pa ni Mariposa. “Ay, nandito na pala tayo. Nawala sa isip ko sa sobrang happy ko for you! Finally, magkakaroon na ako ng friend na milyonarya!”
“Gaga! Tumigil ka nga. Ang lakas ng bunganga mo. Mamaya maholdap ako dito!” Siya na ang pumara at bumaba na silang dalawa.
Bagaman at may saya at excitement na nararamdaman si Rhian ay hindi pa rin niya maiwasan ang kabahan. Malaking pera kasi ang iinvest niya sa naturang kumpanya. Ang pera na iyon ay ang inipon nila ni Kenzo ng ilang taon. Mas malaki ang parte ni Renzo sa perang iyon. Lagpas kalahati. Ang natira na lang ay nasa twenty thousand pesos na lang. Eksaktong limang daang libong piso ang kinuha niya at ngayon ay nakalagay sa shoulder bag na dala niya.
Pagkababa sa jeep ay naglakad sila ng ilang metro sabay liko sa isang kalye. Kaunting lakad pa at narating na nila ang isang office building. Ayon kay Mariposa ay nasa fourth floor ang opisina ng Rise And Shine. Pagpasok sa building ay sumakay sila ng elevator.
Sa hindi malamang dahilan ay mas tumindi ang kaba ni Rhian. Hindi niya alam ngunit tila may bumubulong sa kaniya na huwag nang ituloy ang gagawin...