CHAPTER 20

1928 Words
       NAPABALIKWAS ng bangon mula sa malamig na sahig ng kulungan si Kenzo nang marinig niya ang pagbukas ng bakal na pinto. Isang pulis ang nagbukas niyon. “Pwede na kayong lumabas at umuwi. Sa susunod, huwag na kayong magpupunta sa ganoong lugar dahil talagang madadamay kayo. Maging leksiyon na ito sa inyong lahat!” Malakas ang pagsasalita nito para marinig nilang lahat ng naroon sa maliit na kulungan sa presinto kung saan sila dinala kaninang madaling araw. Ipinaliwanag sa kanila na kailangan silang ikulong ng labing-dalawang oras ngunit hindi naman sila magkakaroon ng kaso. Paraan na rin iyon para hindi sila umuwing lasing at magkaroon pa ng hindi inaasahang disgrasya. Masakit ang ulo na lumabas ng kulungan si Kenzo. Panay ang masahe niya sa noo habang naglalakad. Alas-kwatro na pala ng hapon at ang tagal na niyang nawala sa bahay. Alam niya na sa mga sandaling iyon ay labis na ang pag-aalala ni Rhian. Hindi na niya ito nagawang tawagan o i-text kung ano ang nangyari sa kaniya at kung nasaan siya sa kadahilanang nawalan ng baterya ang cellphone niya. Sa sobrang pagkabigla sa pag-raid sa bar ay nakalimutan na niyang i-off ang music niyon habang naka-connect sa kaniyang earphone. Naglakad-lakad lang si Kenzo habang tinitingnan ang mga sign board ng jeep na dumaraan para alam niya kung ano ang paparahin niya. Tumayo muna siya sa isang waiting shed na walang tao upang magpahinga saglit. Wala pang isang minuto ay may lumapit na isang babae at dalawang lalaki na may kalakihan ang katawan. Natatandaan niya iyong babae. Ito `yong bigla na lang lumapit sa kaniya sa bar at kinausap siya. Ano naman kaya ang gagawin nito at mukhang sa kaniya papalapit ito? “Iyan! Siya iyong mayabang na nambastos sa akin!” Nagulat si Kenzo nang ituro siya ng babae. Sa pagkabigla ay wala na siyang nagawa nang pumwesto ang isang lalaki sa likuran niya at mahigpit na hinawakan ang dalawa niyang kamay. “Hoy! Ano `to?!” gulat na react ni Kenzo. “Akala mo siguro makakalimutan ko ang ginawa mo sa aking pambabastos! Nagkamali ka ng kinalaban!” Akala mo ay isang dragon na bubuga ng apoy ang babae sa galit. Sa dilim lang pala ito may hitsura pero kapag nasa liwanag kagaya ngayon ay parang aswang na nasobrahan sa pulbos ang mukha. “Anong pinagsasabi mong binastos kita? Ikaw nga itong bastos na bigla na lang lumapit sa akin kahit hindi kita kilala—” Isang malakas na suntok sa nguso ang natanggap niya mula sa lalaking nasa harapan na katabi ng babae. Nasundan pa iyon ng isa at sa kaliwang tenga siya tinamaan. May tumining na tunog sa loob ng ulo niya at sandali siyang walang narinig. Napaluhod si Kenzo nang bitawan siya ng lalaki sa likuran. Malakas siya nitong sinipa sa ulo na naging dahilan para mapasubsob siya sa gilid ng kalsada. “Deserve mo `yan! Akala mo kung sino kang gwapo!” sigaw ng babae. Napaubo si Kenzo at napadaing sa sakit ng suntok at sipang natanggap. Ang lalakas pa naman niyon at pakiramdam niya ay mawawalan siya ng ulirat. “Walang pwedeng bumastos sa baby girl ng bar namin!” turan ng isang lalaki. Ang buong akala niya ay hanggang doon na lang ang gagawin ng mga ito sa kaniya ngunit laking pagkabigla niya nang inundayan siya ng isa sa mga lalaki ng saksak sa tagiliran. Naramdaman niya ang pagbaon ng patalim sa kaniyang balat hanggang sa pagdaan niyon sa laman. “Tara na! Okay na iyan!” Narinig niyang sabi ng isa sa mga lalaki at kasunod niyon ay mga papalayong yabag ng sapatos. Hindi na niya nagawang makabangon mula sa pagkakasubsob. Unti-unting nagdilim ang paningin niya hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay.   “BAKLA, huwag na kaya akong tumuloy. Kinakabahan ako!” turan ni Rhian kay Mariposa pagkalabas nila ng elevator. Nasa fourth floor na sila kung saan naroon ang opisina ng Rise And Shine Investment Company. Napahinto sa paglalakad si Mariposa at nakanganga siyang tiningnan. “What?! Nandito na tayo, Rhian! Alam mo, ganiyan din ako noong una. Sobrang kaba ko pero tingnan mo ngayon... Lumalago na ang pera ko!” anito. “E, ang laki kasi ng perang iinvest ko, bakla. Hindi biro ang kalahating milyon!” “Hindi rin biro ang isa’t kalahating milyon na makukuha mo after one week.” Muli siyang nag-isip. Tama nga naman si Mariposa. Ilang taon nilang pinag-ipunan ang kalahating milyon at kung magiging triple iyon sa loob ng isang linggo ay sobrang ginhawa ang maibibigay niyon sa kanila ni Kenzo. Siguro nga, may mga pagkakataon na kailangan niyang sumugal at isa ang ngayon sa mga pagkakataon na iyon. Tumango si Rhian nang ilang ulit. “Sige. Tara na!” Matapang niyang bulalas. “`Ayan! Sinasabi ko sa iyo. Hindi mo ito pagsisisihan!”   “CONGRATULATIONS, Miss Rhian Jacinto! And welcome to Rise And Shine family!” “Maraming salamat po, Ma’am Grace!” Masayang tinanggap ni Rhian ang pakikipagkamay ng CEO ng Rise And Shine Investment Company na si Grace matapos niyang pirmahan ang kanilang kontrata. Ang CEO mismo ang kumausap sa kaniya at nagpaliwanag ng mangyayari sa perang iinvest niya sa kumpanya nito. Ayon kay Grace ay papalaguin ng mga ito ang pera niya at magiging triple iyon sa loob lamang ng isang linggo. Binigyan rin siya ng isang ATM card kung saan nakalagay ang pera niya at pwede niya iyong i-check sa bank app ng naturang banko gamit ang kaniyang cellphone. Mahusay magsalita si Grace at naniniwala si Rhian sa mga ipinangako nito. Ngayon pa lang ay hindi na siya makapaghintay na makitang lumobo nang sobra ang pera nila ni Kenzo. Paniguradong matutuwa si Kenzo sa ginawa niyang ito at baka biglang mawala ang galit at tampo nito sa kaniya. Binabalak na rin niya na mag-invest pa kapag naging triple na ang pera nilang dalawa sa Rise And Shine. Baka ito na ang hinihintay nilang paraan upang huminto sa panloloko ng ibang tao para magkaroon ng pera. Atleast, legal at sa malinis na paraan sila kikita. “Hay! Super excited na ako sa paglago ng datung mo, Rhian! Naku, matutuwa talaga ang jowa mo sa ginawa mong `to!” ani Mariposa pagkalabas nila ng building. Mahigpit niyang hawak ang ATM card. “Sana nga, bakla. Ang laki rin kasi ng kasalanan ko sa kaniya at ito ang paraan ko para makabawi...” “Matutuwa iyon, `no! Huwag mo na siyang kaisipin for now. For sure, nasa bahay niyo na iyon pag-uwi mo.” “Wish ko lang...” buntung-hininga ni Rhian. “Ito na nga siguro iyong sagot sa pagyaman ninyong dalawa. Basta, `wag mo akong kakalimutan kapag may mansion ka na, ha! Saka kapag may swimming pool ka na, paligo naman ako. Para hindi na ako nagpupunta sa Pansol para mag-swimming!” “Oo naman, `no! Gaga ka talaga! Paano kita makakalimutang bakla ka?” “Aba, naniniguro lang ako!” “Tara, libre kita sa McDo!” aya niya. Namilog ang mata nito. “Ay, sige! Bet ko iyan!” Masayang sigaw ni Mariposa na akala mo ay sa mamahaling kainan niya ililibre. Malaking bagay ang nagawa ni Mariposa sa kaniya kaya nais niyang makabawi kahit sa maliit na paraan. May komisyon man itong nakuha sa pagpasok nito sa kaniya sa Rise And Shine ay iba pa rin iyong effort na mailibre niya ang kaibigan. Kung hindi nito sa kaniya sinabi ang tungkol sa investment company na iyon ay mananatili sa ganoong halaga ang pera nila ni Kenzo.   UMAASA si Rhian sa sinabi ni Mariposa na pagbalik niya sa bahay ay madadatnan niya si Kenzo pero nabigo siya. Katahimikan ang sumalubong sa kaniya sa pagpasok niya sa bahay. Walang naiba sa puwesto ng mga gamit at ang higaan ay maayos pa rin at walang bakas na merong umupo o humiga roon. Indikasyon na hindi pa rin talaga bumabalik si Kenzo. Hindi niya maiwasan ang mangamba sapagkat gabi na ay wala pa rin ang nobyo. Ganoon ba talaga kalaki ang galit nito para makaya nitong tiisin siya ng ganito? Wala naman siyang alam na meron itong kaibigan na maaari nitong puntahan. Hindi kaya kasama nito si Mathilda? Tanong niya sa sarili. Malaki ang posibilidad na magkasama nga ang dalawa. Ang babaeng iyon lamang ang alam niyang maaaring puntahan ni Kenzo. Sa naisip niyang iyon ay agad niyang inilabas ang cellphone. Hinanap niya sa contacts ang number ni Mathilda. Si-nave niya iyon noon pa. Hindi nga niya alam kung bakit niya inilagay ang number ng sugar mommy ni Kenzo pero ngayon ay mukhang alam na niya kung bakit. Walang pagdadalawang-isip na tinawagan ni Rhian si Mathilda. Bahala na kung ano ang mangyayari. Ang importante ay malaman niya na ligtas si Kenzo para mapanatag na siya. Ilang beses na nag-ring ang kabilang linya hanggang sa may sumagot na. “Hello? Who’s this?” Alam niya na si Mathilda iyon. Kilala na niya agad ang boses ng matandang babae. “M-mathilda?” “Yes? Who are you?” “Ako ito—si Rhian. Iyong pinsan ni Kenzo. Natatandaan mo pa ba?” Isang mahabang pause ang namagitan sa kanila. “Yes. Ikaw ang kasama niya sa party. Why did you call me? Did you got my number kay Kenzo?” “Oo. Pina-save niya kasi sa akin. Ano kasi... may itatanong lang ako sa iyo.” “Ano iyon?” “Magkasama ba kayo ni Kenzo? O alam mo ba kung nasaan siya?” “No. Ipinahatid niya ako sa driver ko after the party. Pagkatapos ay umuwi na siya. Bakit? Is there a problem?” “Meron, e. H-hindi pa kasi siya umuuwi simula no’ng umalis siya sa party. Hindi kami magkasabay na umuwi kaya hindi ko alam kung nasaan siya. Patay naman ang cellphone niya kaya hindi ko siya matawagan. Nag-aalala na kasi kami dito sa bahay. Ngayon niya lang ito ginawa na hindi umuwi nang matagal.” Kinailangan niyang magsinungaling upang mapanindigan ang paniniwala ni Mathilda na magpinsan sila ni Kenzo. “Actually, he called me an hour after the party. I don’t know kung nasaan siya kasi naputol iyong tawag. It seems that someone get his phone from him—Oh, my God!” Nahihintakutang bulalas ni Mathilda. “Hindi kaya nasa danger si Kenzo?!” Alam ni Rhian ang tinutukoy nito na tila may umagaw sa cellphone ni Kenzo habang kausap si Mathilda. Siya ang umagaw niyon rito. “Hindi ko rin alam, Mathilda. Wala talaga akong idea kung nasaan siya. Kung hindi mo siya kasama ay wala na akong ibang alam na pwede niyang puntahan. Baka pwede mo akong tulungan na mahanap siya?” “Sure. I’ll do my best para malaman kung nasaan si Kenzo. Sasabihan kita kapag may balita na tutal pinsan ka naman niya. `Di ba?” Binigyan ng diin ni Mathilda ang salitang “pinsan” na parang meron itong nais ipahiwatig. “O-oo naman. Mag-pinsan kami ni Kenzo.” “Okay. Bye.” At naputol na ang tawag. Napaupo na lang si Rhian pagkatapos. Napatulala ulit siya habang pilit na hinahalukay ang utak sa maaaring kinaroroonan ni Kenzo. Sinubukan niya itong tawagan ulit pero nakapatay pa rin ang cellphone nito. Gulong-gulo na ang utak niya. Hindi na niya alam ang gagawin. Parang gusto na tuloy niyang magpunta sa pulis para tulungan siya sa paghahanap kay Kenzo. Pero hahayaan muna niya si Mathilda na kumilos. Kapag hindi pa rin nahanap si Kenzo ay saka siya hihingi ng tulong sa mga kapulisan. “Nasaan ka na ba kasi? Sana ay okay ka lang, Kenzo...” Naiiyak niyang bulong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD