CHAPTER 21

1971 Words
       MAKALIPAS ang ilang minuto matapos tawagan ni Rhian si Mathilda ay isang tawag ang kaniyang natanggap. Ang buong akala niya ay si Mathilda na agad iyon at nakakuha na ito ng impormasyon kung nasaan si Kenzo ng ganoon kabilis. “Hello?” Nanginginig ang boses na sagot niya sa tawag. “Hello, ma’am. Is this Rhian Jacinto?” Isang lalaki ang nasa kabilang linya at hindi pamilyar ang boses nito. “Ako nga po. Sino po sila?” “This call is from Calamba Doctors Hospital, ma’am. Kayo po kasi ang nakalagay sa contact person in case of emergency ni Mr. Kenzo Maranan...” Pagkarinig pa lang ni Rhian sa lugar kung saan tumatawag ang kausap ay kinabahan na siya nang husto. “Right now po ay nasa emergency room po si Mr. Kenzo Maranan at kailangan po kayo rito, ma’am.” “Diyos ko!” Naglaglagan ang luha ni Rhian sa nalaman. Biglang nablanko ang utak niya at parang hindi na siya makapag-isip nang maayos. “A-anong nangyari kay Kenzo? B-bakit siya nandiyan?” “Based po sa concerned citizen na nagdala sa kaniya rito ay may nambugbog at nanaksak po sa kaniya—” Hindi na tinapos ni Rhian ang pagsasalita ng lalaki sa kabilang linya dahil in-end na niya ang tawag. Kinuha niya ang wallet at ini-lock ang kanilang bahay. Halos tumakbo na siya sa paglalakad sa sobrang pagmamadali na mapuntahan si Kenzo sa ospital na kinaroroonan nito.   NAKAUSAP si Rhian ang tricycle driver na nagdala kay Kenzo sa ospital nang makarating siya roon. Nasa labas sila ng emergency room habang ginagamot sa loob ang kaniyang nobyo. Ayon sa tricycle driver ay may dalawang lalaki at isang babae ang umatake kay Kenzo. Binugbog daw muna ito bago sinaksak ng isa sa may tagiliran. Mabuti at napadaan ang tricycle driver at nakita nito ang duguang si Kenzo sa isang waiting shed. Hindi raw talaga matao ang lugar na iyon at may kadiliman na kaya wala agad nakakita kay Kenzo. Puno na ang unang ospital na pinagdalahan nito kaya natagalan pa bago ito nadala sa ospital na kinaroroonan nila sa ngayon. “Kuya, maraming salamat, ha! Kung hindi dahil sa inyo ay baka naubusan na ng dugo ang boyfriend ko. Salamat po talaga!” Namumugto ang mata ni Rhian. “Walang anuman, ma’am. Hindi ko naman siya pwedeng pabayaan, e.” Kumuha ng dalawang libong piso si Rhian sa wallet at inabot sa lalaki. “Pasensiya ka na, kuya. Iyan lamang ang maibibigay ko sa iyo. Huwag mo nang tanggihan, please.” Isiniksik niya ang pera sa kamay nito. “Naku, ma’am! Maraming salamat!” Natuwa siya sa taos-puso nitong pasasalamat. “Sobrang liit na bagay lang po niyan kumpara sa ginawa ninyo, kuya! Ako po ang dapat na magpasalamat sa inyo!” “Oo nga pala, ma’am. Ikaw siguro si Rhian. Noong binababa ko kasi siya sa tricycle ay may tinatawag siyang pangalan. Rhian daw. Paulit-ulit siya. Hanggang sa ipasok siya sa emergency room ay Rhian siya nang Rhian.” Muling nangilid ang luha ni Rhian sa nalaman. Kahit pala malaki ang galit ni Kenzo sa kaniya ay siya pa rin ang iniisip nito.   MATAPOS ang mahigit isang oras sa emergency room ay inilabas na si Kenzo at inilipat sa recovery room ng ospital. Doon na ito pinuntahan ni Rhian. May ibang kasama si Kenzo sa kwarto na pasyente. Bale anim na pasyente ang naroon. Hindi niya kasi kaya na sa private room ito ilagay dahil sa kapos ang hawak niyang pera. Naabutan ni Rhian na wala pang malay si Kenzo. May pasa ito sa mukha pero hindi nabawasan ang kagwapuhan nitong taglay. Merong nakakabit na dextrose rito na nakakonekta sa may kamay. Ayon sa doktor ay ligtas na ito sa kahit anong kapahamakan at pahinga na lang ang kailangan. Natahi na rin ang sugat nito sa tagiliran at wala namang natamaan na internal organs. Maswerte pa rin daw si Kenzo kung tutuusin. Kung may nangyari pang mas matindi kay Kenzo ay baka habangbuhay niyang hindi mapapatawad ang sarili. Ang kailangan na lang nilang gawin ay sampahan ng kaso ang kung sino mang tarantado ang gumawa niyon kay Kenzo. Sino kaya ang gagawa ng ganoong bagay sa boyfriend niya? Mabait ito at hindi basag-ulo. Sa tagal nito sa lugar nila ay wala pa itong nakakaaway kahit isa sa sobrang bait nito. Ang naiisip niya ay baka nakursunadahan ito ng kung sinong demonyo. Awtomatiko ang paglaglag ng luha ni Rhian pagkalapit niya kay Kenzo. May awang humaplos sa puso niya habang hinahaplos ang mukha nito. Hindi niya pa rin maiwasang sisihin ang sarili sa nangyari sa nobyo. Siya ang ugat ng lahat. “Kenzo, sorry...” bulong ni Rhian. Matapos niya iyong sabihin ay napansin niya ang paggalaw ng talukap ng mata ni Kenzo. Marahan iyong bumukas at pumaling ang ulo ni Kenzo sa kaniya. Nagulat siya dahil ang akala niya ay hindi pa ito magigising. Isang nanghihinang ngiti ang gumuhit sa labi nito. Para bang pinipilit nitong ngumiti para sa kaniya. “G-gising ka na! Sandali at tatawag ako ng nurse!” Akmang aalis siya nang hawakan siya ni Kenzo sa kamay. May pagtatakang napatingin siya sa kamay ng nobyo. “M-may kailangan ka ba? K-kaya mo na bang magsalita?” “Nasaksak lang ako pero hindi ako naputulan ng dila.” Nagawa pa talaga nitong magbiro. “Gago ka! Pinag-alala mo ako!” Parang batang umatungal si Rhian sabay hampas kay Kenzo. “Aray!” igik nito sabay sapo sa braso na tinamaan ng kamay niya. “Naku! Sorry! Sorry! Hindi ko sinasadya!” Kulang na lang ay mawalan na rin ng ulirat si Rhian sa pagkataranta at pag-aalala. “Joke lang! Hindi naman masakit, e!” tawa ni Kenzo. “Baliw ka talaga kahit kailan!” “Baliw na baliw sa iyo!” hirit nito. Sandaling tumahimik si Rhian. Pinupunasan niya ang luha sa kaniyang mukha gamit ang baon na panyo. Matapos iyon ay muli siyang nagsalita. “Sorry ulit, ha. Hindi iyan mangyayari sa iyo kung hindi dahil sa akin. Kung nilawakan ko sana pang-unawa ko ay hindi tayo mag-aaway. Hindi ka sana aalis at hindi ka masasaktan.” Puno ng pagsisising turan niya. “Wala kang kasalanan sa nangyari sa akin. Ang may kasalanan ay `yong gumawa nito.” “Sino ba ang gumawa niyan sa iyo? Nakilala mo ba?” Umiling ito. “Hindi. Wala na rin akong balak na kasuhan sila. May babae kasing lumapit sa akin sa bar at tinanggihan ko. Hindi niya matanggap na tumanggi ako sa kaniya kaya nagalit. Pinabugbog ako sa mga kasamahan niya yata sa bar nila.” “Gusto mo ako na ang gumanti para sa iyo? Kahit doon sa babaeng iyon!” Biglang nag-init ang ulo ni Rhian. “Ano ka ba? Huwag na... Ang importante ay ligtas ako. Buhay ako.” “Kahit na! Tarantada siya! Gusto ko siyang balatan ng buhay!” “Tapang naman ng girlfriend ko...” Mahinang tawa ni Kenzo. “Pero seryoso ako, hahayaan ko muna sila ngayon. Pero kapag naulit ay hindi ko na sila papalampasin ulit. Ayoko lang muna ngayon ng gulo at iisipin.” Pumayag na rin sa huli si Rhian sa kagustuhan ni Kenzo upang hindi na ito ma-stress. Kahit labag iyon sa kaniyang kalooban. Kahit ang gusto niya ay maparusahan ang mga taong responsable sa pagkaka-ospital ni Kenzo. Aba, hindi biro ang babayaran nila. Mabuti na lang din at hindi niya inubos iyong savings nila. Kasya na siguro iyon sa pambayad dito sa ospital. Iyong tungkol nga pala sa pag-invest niya ng pera nila sa Rise And Shine ay hindi muna niya sasabihin kay Kenzo. Saka na kapag naging triple na ang pera nila. “Kenzo, galit ka pa ba sa akin?” tanong ni Rhian. “Hindi naman ako nagalit sa iyo. Nainis, pwede pa. Nagtatampo pa rin pero wala na ang inis ko. Masyadong malalim ang salitang galit at never akong magagalit sa iyo.” “S-salamat, Kenzo!” “O, baka maiyak ka ulit. Yakapin at kiss mo naman ako para mawala na rin ang tampo ko!” anito sabay nguso. Natatawang niyakap ni Rhian ang nobyo. Maingat dahil baka masanggi niya ang sugat nito sa tagiliran. Bagong tahi iyon at baka biglang magdugo. Matapos ang pagyakap ay hinalikan naman niya ito sa labi. Mabilis lang. “Okay na ba iyon?” Nakangiti niyang tanong. “Parang gusto ko nang mas matagal!” pilyong saad ni Kenzo. “May ibang tao, Kenzo! Mahiya ka!” “Wala iyan sa kanila. Sige na. Mabilis gagaling ang sugat ko kapag kiniss mo ako ng kahit five seconds.” “Five seconds lang, ha...” Tumango si Kenzo. Marahang inilapit ni Rhian ang labi sa labi ng nobyo at sinakop ng labi niya ang labi nito. Ang buong akala niya ay hihiwalay na si Kenzo matapos ang limang segundo ngunit hinawakan nito ang batok niya at ipinagpatuloy pa rin ang halik. Masuyong gumalaw ang labi nito. Alam niya na sobrang siyang na-miss ni Kenzo kaya ganoon na lang ang paghalik nito. Hindi na niya alam kung gaano sila katagal na naghalikan pero nang maghiwalay sila ay parehas silang hinihingal nang bahagya. Pinamulahan ng mukha si Rhian dahil malamang ay nakita iyon ng ibang pasyenteng kasama nila sa kwarto. “Namiss kita...” anito. “Mukha nga. Kulang na lang ay kagatin mo ako, e!” Natatawang pakli ni Rhian. “Teka, maiba ako. Alam mo na ba kung magkano ang babayaran natin dito?” “Hindi pa, e. Gusto mo bang itanong ko muna para alam natin kung magkano ang ihahanda nating pera?” “Sige. Mabuti pa nga. Pero may pera ako sa ilalim ng kutson natin. Nakalagay sa envelope. Nasa thirty thousand yata iyon. Hindi na ako sigurado. Bukod sa savings natin sa banko ay nagtatabi rin ako para kapag may ganitong emergency ay meron tayong magagamit. Hindi natin magagalaw `yong savings natin...” Natigilan si Rhian. Bigla siyang nahiya nang lihim dahil walang kaalam-alam si Kenzo na na-withdraw na niya ang pera nila sa banko. Nagtatabi pa pala ito ng pera upang hindi magalaw ang savings nila tapos siya ay kinuha ang lahat nang ganoon na lang. `Di bale, babalik rin naman ang pera nila sa banko matapos ang isang linggo. Hindi lang basta babalik kundi magiging triple pa. Nai-imagine na niya tuloy ngayon ang magiging reaksiyon ni Kenzo kapag ipinaalam niya na lumaki ng ganoon kabilis ang kanilang savings. “Ganoon ba? Okay. Iwanan muna kita rito ng sandali, ha. Babalik ako agad,” ani Rhian. “Mag-iingat ka. Pa-kiss pala ulit!” request pa ni Kenzo. “Naku! Kapag ikaw, hindi ka pa gumaling sa dami ng kiss na request mo, ha!” “E, namiss lang kita kahit isang araw tayong hindi nagkita. Hayaan mo na.” Muli niyang hinalikan sa labi si Kenzo bago siya naglakad palabas ng silid. Sana ay hindi ganoon kalaki ang babayaran nila. Wala pa naman silang health card kaya kapag ganitong may naoospital sa kanilang dalawa ay siguradong malaki ang binabayaran. Pagkalabas ni Rhian ng recovery ay natigilan siya nang may makita siyang isang babae na nakatalikod at nagmamadaling naglalakad sa hallway. Palayo ito at bahagyang nakayuko. Kumunot ang noo niya dahil tila pamilyar ang babaeng iyon kahit pa nakatalikod. Parang si Mathilda! “Si Mathilda ba iyon?” Mahinang sabi ni Rhian. Hindi naman siguro. Isa pa, ang sabi ni Mathilda kapag alam na nito kung nasaan si Kenzo ay sasabihan agad siya. E, hanggang ngayon ay wala pa rin siyang natatanggap na tawag o text mula sa babae kaya imposibleng ang sugar mommy ni Kenzo ang nakikita niya. Tiningnan lang niya ang babae hanggang sa nawala na ito sa kaniyang paningin sa pagliko nito sa pasilyo. Ipinagpatuloy na ni Rhian ang paglalakad para alamin kung magkano ang babayaran nila sa ospital.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD