“RHIAAAN!!!”
Muntik nang maibuga ni Rhian ang iniinom na kape nang marinig ang malakas at matinis na pagtawag ni Mariposa. Nag-aalmusal siya habang nakataas ang isang paa. Dire-diretsong pumasok si Mariposa at kumuha ng isang piraso ng pandesal.
Matalim niya itong inirapan. “Bakla ka! Aatakihin ako sa puso dahil sa bunganga mong `yan! May sunog ba? Daig pa ng bunganga mo ang wangwang!”
“Sunog agad? Wala naman. I am very excited lang na sabihin sa iyo na tatanggap tayo ng grasya!” Nag-pose pa ito na akala mo ay isang modelo.
“Grasya?” Kumunot ang noo niya.
“Korek! Grasya. Biyaya. Pagpapala!”
“Alam ko kung ano ang grasya. Ang ibig kong sabihin ay saan at paano?”
Humila si Mariposa ng upuan at umupo sa katapat niya. “E, may mamimigay ng grocery mamaya sa covered court. Nag-house to house na kanina si kapitana at inilista ko na ang name mo. Dala ka na lang ng ID mo. Mamayang alas-tres pa naman ng hapon.”
“Malayo pa ang eleksiyon, a. Ang aga yata nila mangampanya?”
“Mali ka, `day! Hindi mga politician ang mamimigay. Private people raw, e. Rich family na nag-cha-charity. Napili yata ang area natin na bigyan.”
Tumango-tango siya. Maganda pala kung ganoon. Akala niya kasi ay mga politiko na magagaling lang kapag papalapit na ang eleksiyon. Pagkatapos ng eleksiyon ay mga hindi mo na mahagilap kapag kailangan ng tulong. Madalas talaga na may namimigay ng tulong sa lugar nila at sinasamantala nila iyon. Aba, hindi mapupulot kahit isang piraso ng sardinas at isang kilo ng bigas. Kahit maliit na grasya ay gina-grab at ipinagpapasalamat!
“O, ano? Gora ka ba?” Muling tanong ni Mariposa. Nakiinom na ito sa kape niya.
Ganoon ito ka-at home kapag nandito sa bahay nila ni Kenzo.
“Tinatanong pa ba iyan? Malamang, sasama ako sa iyo. E, alam mo ba kung ano ang ibibigay sa atin?”
“Grocery at cash daw! Bonggacious, `di vah?!”
“Ay, may pa-cash! Sige, sige! Sama ako. Kailangan ko rin ng kaperahan ngayon at nabulilyaso ang raket ko kagabi.” Hindi lingid kay Mariposa ang ginagawa nila ni Kenzo. Minsan pa nga ay ito ang nag-i-inform sa kanila kapag may alam itong tao na pwede nilang biktimahin.
“Iyong kinukwento mo na si Mr. Villanta ba `yon?”
“`Yon nga! Malas. Buhay pa pala ang asawa. Giniyera ako roon sa sosyaling restaurant. Nakakahiya, bakla! Napahiya ako ng sobra!” Hindi niya maiwasan ang mainis kapag naaalala ang nangyari kagabi.
Iniiwasan talaga nila ni Kenzo ang makabiktima ng may sabit o iyong may asawa. Wala silang balak maging kabit kaya mga single o namatayan ng asawa ang palagi nilang target.
“Aba! Tarantada naman ng asawa no’n! Alam mo ba kung saan nakatira? Gusto mo puntahan natin?”
Tumaas ang isa niyang kilay. “At anong gagawin natin? Igaganti mo ba ako? Sasabunutan mo ba ang bruhang iyon o pagsasampal-sampalin hanggang sa mabura ang pagmumukha?”
“Hindi, `no. Magdo-doorbell lang tayo sa gate nila tapos tatakbo!” Malakas na tumawa si Mariposa. “O, sige na. Aalis na ako at iniwan ko pa tindahan ko para lang iinform ka.”
“Bakit kasi hindi ka na lang nag-text?”
“Wala akong load.”
“Magkano lang ang load, bakla. Wala ka?”
“E, nagbayad ako ng tuition fee ni Francis, e.” Tukoy nito sa boyfriend nitong bagets.
Umasim ang mukha ni Rhian nang marinig ang pangalan ng nobyo ni Mariposa. “Hmp! Bakla, nagsasayang ka lang ng pera sa jowa mong iyon. Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin na hindi nag-aaral si Francis? Dinadala lang niya sa barkada niya ang pera niya saka doon sa babaeng nakita namin na kasama niyang pumasok sa motel!” Totoo ang sinasabi niya. Nahuli nila si Francis na may kasamang ibang babae.
“Hay, naku! Hindi totoo iyan. Maraming kamukha si Francis ko kaya hindi siya iyon. Saka anong hindi nag-aaral? May uniform nga siya, e. Next year ay ga-graduate na siya at maghahanap na ng work. Makakatulong na rin siya sa akin.”
“Bahala ka na nga sa buhay mo. Basta, hindi kami nagkulang ni Kenzo ng paalala sa iyo.”
“Oo na. Saka love naman ako ni Francis kaya hindi ako lolokohin no’n. Sige na. Bye na!” Malandi itong kumaway at kumuha pa ng isang pandesal bago umalis.
THIRTY minutes bago sumapit ang alas-tres ng hapon ay nagkita na sina Rhian at Mariposa sa may labas ng squatter’s area. Walking distance lang ang covered court kaya hindi na nila kailangang gumastos para sa pamasahe. Tirik pa rin ang araw kaya nagpayong na lang silang dalawa.
May mangilan-ngilan na kakilala nila ang papunta na rin kaya meron silang nakakwentuhan habang naglalakad.
Pagdating sa covered court ay binigyan sila ng number. Number 20 ang sa kaniya habang 19 ang kay Mariposa. Ayon sa isang tanod ay sampung tao lang ang pinapapasok sa loob ng covered court para bigyan. Iyon ay upang hindi na magkagulo sa pila. Saka nakakahiya raw sa pamilyang mamimigay kung magkakagulo pa sila.
Hindi nila makikita ang nasa loob dahil mataas ang pader ng covered court.
Pinapasok na ang unang sampu. Matiyagang naghintay sina Rhian.
“Next na tayo, Rhian. Nakaka-excite naman!” ani Mariposa.
“Alam ko, bakla! Marunong ako ng Math!”
Halos kinse minuto rin ang hinintay nila bago lumabas ang naunang batch.
Hinila ni Mariposa ang isang kakilalang babae upang usisain. “Anong ipinamigay sa loob?” Nanlalaki ang matang tanong nito.
“Isang bag ng grocery saka dalawang libo!”
“Sige na! Umalis ka na!” itinulak pa ito ni Mariposa.
Nakangiting nagkatinginan silang dalawa. Aba, malaking bagay na ang dalawang libong piso at grocery. Ilang araw din silang mabubuhay dahil doon. Tapos libre pa nilang makukuha. Mabuti na rin na inagahan nila at hindi eksaktong alas-tres ng hapon sila nagpunta. Kundi ay baka gabihin na sila bago makakuha ng biyaya.
“Number 11 hanggang 20! Pila na kayo tapos pasok na sa loob!” sigaw ng tanod na nakabantay sa entrance ng covered court.
Ang batch na nila ang tinatawag. Pumila silang sampu ng naaayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang numero. Maayos silang pumasok sa covered court. Merong isang mahabang lamesa kung saan naroon ang mga bigas, de lata at noodles. Isa-isa silang binigyan ng malaking eco bag at sinabihan na lumapit nang maayos sa may lamesa. Doon ay lalagyan ng grocery ang kanilang eco bag.
Bukod sa mga namimigay ay meron din na kumukuha ng litrato. Hindi niya makita ang mukha ng mga namimigay dahil sa malayo pa sila. Saka nakaharang iyong mga nasa unahan nila. Pero wala naman siyang pakialam sa hitsura ng mga namimigay. Ang importante ay makakuha siya ng ayuda.
Nang siya na ang nasa harapan ng lamesa ay nilagyan ng isang mestisong binatilyo na halatang mayaman ang eco bag niya ng bigas. Siguro ay tatlong kilo rin iyon. Ang kasunod na naglagay ay lalaki na siguro ay nasa late 20’s. Mga de lata naman ang inilagay sa eco bag niya. Ang kasunod na inilagay ay maraming noodles.
“Thank you—” Napahinto sa pagsasalita si Rhian nang malaman niyang si Gener pala iyon. Kahit ito ay nagulat nang makita siya.
Ang hinayupak! Sa dinami-dami ng magbibigay sa kanila ay bakit ito pa?
Naningkit ang mata niya. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nakakalimutan ang ginawa nitong panloloko sa kaniya kaya siya ipinahiya ng asawa nito. E, kung alam naman niya na buhay pa ang asawa nitong dragon ay hindi niya ito papatulan kahit pa bigyan siya nito ng house and lot plus one million pesos!
Nanggigigil tuloy siya. Kumukulo ang dugo niya. Kung wala lang ibang taong ay baka kanina pa niya ito nasampal. Iyong sobrang lakas. Iyong hihiwalay ang ulo sa leeg nito!
Itinaas na lang ni Rhian ang isang kilay at tiningnan ito nang matalim. Pinagpawisan tuloy ito nang malapot. Halatang natakot. Aba, dapat lang na matakot ito sa kaniya dahil isang buka lang ng bibig niya ay lalabas ang baho nito.
Nilagpasan na niya si Gener at sumunod na siya sa huling magbibigay.
Isang puting envelope ang inabot sa kaniya. Bago niya iyon tanggapin ay tiningnan muna niya ang mukha ng nagbibigay at parang sasabog ang ulo niya nang malaman na iyong dragon na asawa pala ni Gener—si Veronica!
Ang babaeng dragon... Akala niya yata ay ikinaganda niya ang pulang eye shadow! Mukha siyang Bratz! Panglalait ni Rhian rito na tanging siya lang ang nakakarinig.
Isang nakakainsultong ngiti ang sumilay sa labi ni Veronica. “O, bakit hindi mo pa kunin itong pera? Maliit na halaga lang ito pero alam ko na malaking bagay na ito para sa kagaya mo. Sige na, take this...” Kahit parang anghel sa bait ang tono ng boses nito ay alam niyang pang-iinsulto pa rin iyon.
Talagang ipinapamukha nito sa kaniya kung gaano siya kahirap.
Isang pekeng ngiti ang pinakawalan ni Rhian. “Ay, tatanggapin ko po talaga iyan, manang!” Kinuha niya ang sobre.
“There... Ang sarap talagang tumulong sa mahihirap!”
“Pandagdag na rin ito sa mga ibinigay sa akin ng mister mong mukhang bull frog.” Siniguro niyang tanging si Veronica lang ang makakarinig. Kahit paano ay meron pa siyang pagpipigil sa sarili.
Napanganga si Veronica. Hindi nito akalain na magagawa niyang magsalita ng ganoon.
Nagpatuloy si Rhian sa pagbulong. “Anak mo ba iyong dalawang lalaki? Gusto mo bang sabihin ko sa kanila kung ano ako dati ng daddy nila? Walang mawawala sa akin pero sa iyo... meron.” Lihim siyang nagdiwang nang matigalgal si Rhian.
“Umalis ka na! Mahirap ka pa sa daga at isinusumpa kong ganiyan ka na habangbuhay!” gigil na bulong ni Veronica.
Maarte niyang itinirik ang mga mata. “Okay, fine! Thanks dito, ha!” Nag-flying kiss pa siya kay Veronica para mas lalo itong maasar bago siya nagdesisyon na umalis na sa harapan nito.
Pagtalikod ni Rhian ay saka niya naramdaman ang labis na tensiyon. Nanginig ang buong katawan niya sa inis. Agad naman siyang nilapitan ni Mariposa. Hinaplos siya nito sa likod dahil alam nitong hindi siya okay.
“Anong nangyari doon? Kilala mo ba `yong babaeng iyon?”
“Oo. Asawa ni Gener Villanta!”
“What?! Iyong asawa no’ng kagabi? Diyos ko naman! Sa dami ng tao, sila pa talaga? Naku, Rhian, sorry. Hindi ko alam na sila ang mamimigay dito. Promise!”
“Ano ka ba? Huwag kang mag-sorry! Atleast, napakinabangan ko sila sa huling pagkakataon. Ako pa rin ang panalo. Saka marami pang mayamang lalaki riyan na walang sabit. Sa kanila na lang ako kesa kay Gener na mukhang matabang palaka!”
“`Wag kang mag-worry. Kapag ako may nakilalang mayaman na madaling maloko, irereto agad kita!”
Hindi na lang nagsalita si Rhian. Hanggang ngayon kasi ay naiinis pa rin siya sa nangyari. Talagang tinapak-tapakan siya ni Veronica. Isinampal sa kaniya nito kung gaano siya kaliit na tao kumpara rito. Nagtapang-tapangan na lang siya kanina dahil isa sa ayaw niya iyong nagmumukha siyang kaawa-awa.
Sana talaga ay dumating na ang araw na maging mayaman na siya. Iyong hindi na parang isang langaw ang tingin sa kaniya ng karamihan. Napapagod na rin siyang manloko ng ibang tao. May konsensiya pa rin naman siya kahit paano kaya lang ay talagang wala siyang pagpipilian. Iyon ang tanging alam niyang paraan upang magkaroon ng pera.