CHAPTER 16

2081 Words
       KAPANSIN-PANSIN ang biglaang pagkawala ng magandang mood ni Mathilda. Nakita ni Kenzo ang pananahimik nito habang magkatabi silang nakaupo. Hindi na nila binalikan ang table kung saan nila iniwanan si Rhian dahil nakita niya na meron na itong kausap na lalaking may edad. Alam niya ang ginagawa ng nobya kaya hinayaan muna niya itong dumiskarte. Baka kasi maudlot pa kung sakaling makisali sila roon ni Mathilda. Isa pa, si Mathilda na rin ang umupo bigla sa ibang upuan. Kampante siya na tamang tao ang kinakausap ni Rhian dahil mismong sa bibig ni Mathilda nanggaling ang kumpirmasyon na mayaman at hiwalay sa asawa ang lalaking iyon. “Look at your cousin... Mukhang nagustuhan siya ng multi-billionaire na si Albert Aragon! Bihirang makipag-usap iyan sa hindi niya kilala pero iba yata ang tingin niya kay Rhian. Maglalangoy sa pera ang pinsan mo kung suswertihin siya. Hiwalay na sa wife niya iyang si Albert...” Iyon ang eksaktong sinabi ni Mathilda nang makita nila ang lalaking kausap ni Rhian. Sunud-sunod ang subo ni Kenzo sa masasarap na pagkain habang ang kinuha niya para kay Mathilda ay hindi nito ginagalaw. Puro wine lang ang iniinom nito. “Baka malasing ka niyan. Ang dami mo nang naiinom tapos wala ka pang kinakain.” Hindi napigilang puna ni Kenzo sa katabi. Bahagyang namumungay na ang mata ni Mathilda na indikasyong tinatamaan na ito ng espiritu ng alak. “Do you think I will get drunk sa champagne?!” asik nito. “Whoa! Bakit parang galit ka? May nagawa ba ako na ikinagalit mo nang hindi ko alam? Kanina ka pa ganiyan, e. Parang may nagawa ako sa iyo na hindi maganda. Saka kahit champagne iyan, nakakalasing pa rin iyan. Mas mabilis pa nga makalasing ang ganiyan lalo na at ang bilis mong uminom.” Kahit paano ay may pag-aalala pa rin siya kay Mathilda. “At ano namang alam mo sa mamahaling alak, Kenzo? This is Louis Roederer Cristal Vinotheque Edition Brut Rose Millesime! Roughly a hundred thousand pesos per bottle! Wala kang alam sa luxurious things dahil isa kang basura. Kung hindi dahil sa akin ay hindi ka makakatikim ng karangyaan sa buhay kaya huwag mong susubukan na lokohin ako! Makikita mo ang sungay at buntot ko!” Nakakainsulto ang mga salitang binitiwan ni Mathilda. Sa pagkakatanda niya ay iyon ang unang pagkakataon na nagsalita ito ng ganoon sa kaniya. Ganoon pa man, pilit niya iyong binalewala. Ayaw niyang sabayan ang init ng ulo nito na hindi niya alam kung saan nanggagaling. “Mas maganda siguro kung umuwi na tayo—” “No! Uuwi ako kapag gusto ko! And you, Kenzo! Inuulit ko. Don’t dare to fool me!” “Mathilda, ano bang pinagsasabi mo? Hindi kita niloloko. Saka hinaan mo ang boses mo at may mga nakakarinig.” “Wala akong pakialam sa iisipin ng iba. Bakit? Sila ba ang naglalagay ng pera sa bank account ko? May ambag ba sila kung bakit ganito ako kayaman at—” Upang matahimik na si Mathilda ay kinabig niya ito sa batok at siniil ng halik ang labi nito. Marahas niyang pinagalaw ang kaniyang bibig at dila. Pikit-mata niya itong binigyan ng halik na nakakapugto ng hininga. Sa umpisa ay nakatikom ang bibig ni Mathilda pero makalipas ang ilang segundo ay nilabanan na rin nito ang kaniyang mga halik. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay kapwa sila hinihingal. “Tumahimik ka na. Hahalikan ulit kita!” banta ni Kenzo kahit sa labag sa loob na ginawa niyang halikan si Mathilda.   “PASENSIYA ka na po kung sinisiguro ko kung may asawa ka kasi nagkaroon na ako ng trauma sa ganiyan. Iyong last boyfriend ko kasi ay may asawa pala nang hindi ko alam. Ayon, nagkagulo tuloy. Naging kabit ako nang wala akong kaalam-alam!” Mahinhin na tumawa si Rhian. Kahit paano ay nagiging magaan na ang usapan nila ng lalaking kasama sa table. “May mga lalaki talaga na sinungaling pero hindi ko nilalahat. Meron pang matitino na kagaya ko,” anito. “By the way, my name is Albert Aragon. And you are?” “Rhian Jacinto!” Nauna si Rhian sa paglahad ng kamay at hindi siya napahiya nang agad iyong kunin ni Albert at makipag-shake hands. Malambot ang kamay nito. Hindi magaspang. Karamihan kasi sa mga naging sugar daddy niya ay magagaspang na parang liha ang kamay. May naging sugar daddy na rin siya na hindi nalalayo sa edad ni Albert pero lahat ay mukhang matanda na talaga. Si Albert kasi ay papasa pa sa pagiging forty years old. Sa tikat at tindig nito ay talagang hindi nakakapagtaka kung may mga babae pa na nagkakagusto rito. Albert Aragon. Tunog-mayaman ang pangalan, ha... Kailangan niyang tandaan ang pangalan ng lalaki. Magre-research sila tungkol dito upang makasiguro sila na may maibibigay itong pera sa kaniya. Kapag sigurado na sila ni Kenzo ay saka siya tuluyang kikilos upang mahulog ito sa bitag ng kaniyang alindog at kagandahan. Iyong tipong patay na patay ito sa kaniya para lahat ng gusto niya ay agad nitong ibibigay. Akmang magsasalita pa sana siya nang tumunog ang cellphone ni Albert. Kinuha nito iyon sa bulsa ng pantalon at may binasa. Napansin niya ang pagbakas ng pagkabahala sa mukha ng lalaki na parang hindi maganda ang nababasa nito. “May problema ba?” tanong niya. Bumuntung-hininga si Albert sabay iling. “Gusto pa sana kitang makakwentuhan, Rhian, but I really have to go.” Tumayo na ito. “Ha? Bakit?” “Too personal. Bye, Rhian. It’s nice meeting you!” “Same here.” Ngumiti si Albert bago ito nagmamadaling naglakad palayo. Nakanganga siya habang sinusundan ito ng tingin hanggang sa may bigla siyang naalala. Nakalimutan niyang kunin ang contact number nito! Paano sila magkakaroon ng communication kung hindi niya iyon nagawa? “Naku, Rhian! Nakalimutan mo ang pinaka importanteng bagay!” Naiiling niyang turan sa sarili. Pero `di bale, may internet naman. May impormasyon pa rin silang makukuha ni Kenzo. Speaking of Kenzo... Nasaan na kaya ang boyfriend niya? Kanina pa niya ito hindi nakikita. Akala niya ay sandali lang itong mawawala kasama si Mathilda pero natapos na lang siya sa pagkain ay hindi pa rin ito bumabalik. Gusto nga sana niyang magbalot ng mga handa para meron siyang maiuuwi kaya lang ay inuunahan siya ng hiya. Saka ang ganda ng suot niya tapos may bitbit siyang plastik o tupperware na may pagkain. Hindi yata bagay! Iginala ni Rhian ang mata sa paligid. Sa dami yata ng tao ay imposible na niyang makita pa sina Kenzo at Mathilda. Tumayo pa siya at nagpalakad-lakad hanggang sa matagpuan niya ang hinahanap. Huling-huli ng dalawa niyang mata ang pagkabig ni Kenzo kay Mathilda. Naghalikan ang dalawa na akala mo ay walang tao sa paligid. Iyong halik na hindi basta-basta. Halos higupin na ng mga ito ang kaluluwa at lamang-loob ng isa’t isa. Nakaramdam siya ng bahagyang paninikip ng dibdib kasunod ang pag-iinit ng gilid ng kaniyang mata. Nilamon siya ng selos. Iba kasi ang nakita niya sa uri ng paghalik ni Kenzo sa matandang iyon. Para bang gusto talaga nito ang ginagawa! Hindi na niya iyon kayang panoorin pa. Tinotorture niya lang ang sarili! Mabilis na tumalikod si Rhian at tinungo ang daan palabas ng function room. Walang lingon-likod niyang tinahak ang exit. Nang makalabas ng hotel ay saka niya pinakawalan ang luhang kanina pa niya pinipigilang bumagsak. “Acting pa ba iyon? Nagpapanggap pa ba `yon?!” Hindi niya napigilan ang pagbuhos ng matinding emosyon. Nanghihina siyang napaupo sa pinaka huling baitang ng hagdan ng hotel. Pakiramdam niya ay hindi na niya kaya pang maglakad. Nanginginig ang buong katawan niya at tila wala siyang kontrol para pahintuin iyon. Talagang selos na selos siya! Nasa ganoon siyang posisyon nang isang magarang sasakyan ang huminto sa tapat niya. Kulay puti iyon at may kahabaan. Hindi niya alam kung anong klaseng sasakyan iyon ngunit sa hitsura pa lang ay alam niyang milyones ang presyo niyon. Marahang bumaba ang bintana sa may driver’s seat at nagulat siya nang malamang si Albert ang nagda-drive! “A-albert?” Pilit na tumayo si Rhian. Inayos niya ang sarili at pinunasan ang luha sa mata at pisngi. Ngumiti siya kahit napipilitan. “Akala ko ay nakaalis ka na. Nagmamadali ka pa nga kanina.” “Actually, paalis na talaga ako pero nakita kita. May problema ba? Umiiyak ka.” “Anong umiiyak? Ako?” Itinuro niya ang tapat ng dibdib sabay iling. “Napuwing lang ako. Lumakas kasi ang hangin kanina tapos may pumasok na kung ano sa mata ko. Alikabok siguro o insekto. Hindi ko alam.” “Lumang palusot na iyang napuwing. Wala bang bago?” Natatawang sabi ni Albert at bumaba na ito ng sasakyan. “Anong nangyari?” Umiling siya. Hindi niya maaaring sabihin na nagseselos siya dahil malalaman nito na meron na siyang boyfriend. “Tumawag kasi iyong nanay ko. Nangungumusta. E, matagal ko na siyang hindi nakikita kaya naging emotional ako. Napaiyak tuloy ako.” Mabuti at sanay na siyang magsinungaling. “I see... Ihatid na kita sa inyo.” “Naku, Sir Albert! Huwag na po. Kaya kong umuwi mag-isa. Promise!” “Parang hindi ko yata kayang hayaan na umuwi ka ng mag-isa nang ganiyan ka. Sige na. I insist. Ihahatid na kita.” “Nakakahiya po. Tapos alam ko nagmamadali rin kayo kasi may pupuntahan yata kayo.” “Uuwi rin ako sa bahay pero makakapaghintay iyon. Ang mahalaga ngayon ay makauwi ka ng ligtas.” Tumalikod na si Albert at binuksan ang pinto sa unahan. “Get inside, Rhian. Hindi ako aalis hangga’t hindi ka sumasakay.” Ang totoo ay nag-aalinlangan siyang sumama kay Albert dahil hindi pa niya ito gaanong kakilala. Oo, mayaman ito pero paano kung ito iyong mayayaman na may kakaibang trip sa buhay. Iyong mga killer. May napanood siyang pelikulang ganoon, e. Tapos hindi man lang siya nakapagpaalam kay Kenzo. Mag-aalala ito kapag nalaman nitong nagpahatid siya sa isang lalaki na estranghero pa sa kaniya. Bakit ko pa ba inaalala ang Kenzo na iyon? For sure, enjoy na enjoy siya sa bunganga ni Mathilda na lasang lupa sa paso! Naiinis niyang wika sa sarili. Nanaig ang inis ni Rhian na siyang naging dahilan para pumayag na siyang ihatid ni Albert sa bahay. Sumakay siya sa mamahalin nitong sasakyan. Talagang sa tabi pa siya nito sa unahan nakapwesto. Nang sabihin niya kay Albert kung saan siya nito ihahatid ay pinaandar na nito ang sasakyan. “Ang ganda-ganda po ng sasakyan ninyo, Sir Albert! Magkano po ang ganito?” Namamangha talaga siya sa sasakyan ni Albert. “This is Lexus LS 500. Nasa four million pesos lang ito.” Nanlaki ang mata niya. “Lang?! Four million lang?! Hindi po lang ang apat na milyong piso! Kahit siguro magtrabaho ako buong buhay ko ay hindi ako magkakaroon ng ganoon pera!” “Bakit? Ano bang trabaho mo?” “Waitress lang po ako, sir.” Pagsisinungaling niya. “Hindi lang ang waitress. Walang magse-serve ng pagkain sa mga restaurants kung walang waitress. And besides, marangal na trabaho iyan. Atleast, hindi ka nagnanakaw at nanloloko ng kapwa.” Napalunok ng laway si Rhian. Aray ko naman! Ang sakit. Tinamaan ako do’n, ah! “T-tama po kayo. Hindi dapat tayo nagnanakaw at nanloloko ng ibang tao. Bad po iyon...” Siyempre kailangan niya itong sang-ayunan kahit ginawa niya ang bagay na sinabi nito. “As long as hindi mo ginagawa ang mga iyon ay wala kang dapat ikahiya sa trabaho mo. Isa pa, mahirap ipakain sa pamilya mo o kahit sa iyo ang perang nanggaling sa hindi maganda. May karma tayong tinatawag. Babalik at babalik sa atin ang masasamang ginagawa natin sa kasalukuyan!” Talagang ayaw magpaawat ni Albert. Pakiramdam niya tuloy ay pinaparinggan siya nito. “I agree po, Sir Albert.” Iyon na lang ang isinagot niya. Baka kapag nagbigay pa siya ng opinyon ay humaba pa ang pag-uusap nila tungkol sa panloloko ng kapwa. “Kanina ko pa napapansin na panay ang po at opo mo sa akin. Mas lalo mong ipinaparamdam sa akin na matanda na ako!” “Ay, sorry po—I mean, sorry, Sir Albert.” “Saka iyang pag-sir mo sa akin. Alisin mo na rin. Hindi mo ako boss. Okay?” Marahang tumango si Rhian. Ibig sabihin ay nais ni Albert na maging magkaibigan sila. Gusto nitong isipin niya na magka-edad sila at isa iyon magandang senyales na interesado ito sa kaniya. Mukhang hindi magiging mahirap sa kaniya ang lahat!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD