“RHIAAAN!!!” Malakas na sigaw ni Kenzo sabay mulat ng mga mata. Agad niyang kinapa sa tabi ang nobya at nang mahawakan niya ang braso nito ay saka siya nakahinga nang maluwag dahil napagtanto niyang panaginip lamang ang lahat.
Nakakatakot. Parang totoo kasi iyong napanaginipan niya. Ramdam niya talaga iyong pagkatupok ng katawan niya sa naglalagablab na apoy.
Ipinaling ni Kenzo ang ulo kay Rhian at napangiti siya nang malaman na mahimbing itong natutulog.
Akmang ipipikit na sana niya ang mata para bumalik sa pagtulog nang makarinig siya ng parang nabasag na bote sa may kusina. Noong una ay naisip niya na baka may nakapasok na pusa at nasanggi ang mga bote nila roon. Normal na kasi na may nagte-tresspass na pusa sa bahay nila dahil maraming butas na maaaring mapasukan. Ngunit bigla siyang kinabahan nang may maamoy siyang parang nasusunog.
Napabangon tuloy siya at bago pa siya makababa ng higaan ay nakita na niyang nagliliwanag ang labas ng kanilang kwarto dahil sa napakalaking apoy!
Nasusunog ang bahay nila!
Pilit na pinakalma ni Kenzo ang utak at sarili upang makapag-isip siya nang maayos. Ang una niyang ginawa ay ginising niya si Rhian. “Gising! Rhian! May sunog!” Halos maalog na maging ang utak ni Rhian sa lakas ng pagyugyog niya sa katawan nito.
Umungot ito na parang tinatamad. “Kenzo, ano ba? Ang aga mong mang-prank...” Tinamaan na ng magaling. Akala pa nito ay nagbibiro siya.
Nang makita niya na gumagapang na papasok ng kwarto ang apoy at mabilis iyong gumagalaw ay hindi na siya nag-aksaya pa ng kahit isang segundo. Binuhat na niya si Rhian at doon na ito nagising.
Aapela pa sana ito pero nang makita ang napakalaking apoy na papalapit sa kanila ay napasigaw ito nang malakas. “Kenzooo!!!” Halos masira ang eardrum niya sa lakas ng tili ni Rhian dahil sa takot.
Bigla niyang naalala ang mga mahahalagang bagay kagaya ng ID at bank book na nakalagay sa isang plastic envelope. Kahit buhat niya si Rhian ay nagawa pa niya iyong kunin mula sa maliit nilang aparador. Importante ang mga iyon kaya talagang inilagay niya sa iisang envelope para madaling makukuha kapag nagkaroon ng sitwasyon na kagaya ng sunog.
Hindi na sila pwedeng dumaan sa pinto ng kwarto dahil merong apoy kaya ang ginawa niya ay buong puwersa niyang sinipa ang isang bahagi ng dingding. Hindi naman matibay iyon dahil yari lang sa manipis na uri ng plywood kaya isang sipa lang niya ay nagiba na iyon. Doon sila lumabas ni Rhian habang buhat niya pa rin ito.
Tumakbo sila at nang makalayo sa nasusunog nilang bahay ay saka niya ibinaba si Rhian. Umiiyak na ito at natataranta. “K-kenzo! `Yong bahay natin! Nasusunog! Iyong mga gamit natin! Kailangan nating balikan!” Tatakbo sana ito pabalik pero mahigpit niya itong niyakap sa beywang upang pigilan.
Marami na ring tao ang nagtatakbuhan at naglalabasan ng bahay. Nagkakagulo na ang lahat. Mabilis na kumakalat ang apoy sa ibang kabahayan dahil yari sa light materials ang karamihan ng bahay sa squatter’s area. Mula sa hindi kalayuan ay naririnig nila ang malakas na sirena ng paparating na truck ng bumbero. May mangilan-ngilan na naghahagis ng tubig mula sa timba sa apoy ngunit sa pagkakataon na iyon ay mas malakas ang apoy.
“Kenzo! Bitiwan mo ako! `Yong mga gamit natin!” Patuloy na pagpupumiglas ni Rhian.
“Delikado! Hayaan mo na!”
“Anong hayaan?! Hindi pwede! Pinaghirapan nating lahat iyon!”
Malakas niyang pinihit paharap si Rhian at mahigpit itong niyakap. “Tama na, Rhian. W-wala na tayong magagawa. Ang mahalaga ay buhay tayo at hindi nasaktan...” Pagpapakalma niya sa nobya.
Tila naging epektibo ang ginawa ni Kenzo dahil huminto na si Rhian sa pagpupumilit na bumalik sa nasusunog nilang bahay. Kahit siya ay nasasaktan nang husto sa nangyayari. Parang unti-unting dinudurog ang puso niya habang nakikitang mabilis na nilalamon ng apoy ang bahay kung saan siya lumaki at kung nasaan ang malaking alaala ng kaniyang mga magulang.
Lahat ng iyon ay nawala nang ganoon kabilis. Sa isang kisapmata ay naglaho ang bahay na matagal na nilang iniingatan...
Hindi tuloy napigilan ni Kenzo ang pagpatak ng luha sa labis na kalungkutan na kaniyang nararamdaman ng mga oras na iyon.
Patawarin mo ako, `nay... Hindi ko naprotektahan ang bahay na iniwan mo sa amin... Nanlulumong turan ni Kenzo sa sarili.
PAKIRAMDAM ni Rhian ay kalahati ng katawan niya ang namatay nang sa pagputok ng liwanag ay wala nang natira sa bahay nila ni Kenzo kundi abo at mga nasunog na bahagi. May ilang gamit pa ngunit wala nang mapapakinabangan. Wala silang naisalbang gamit kundi ang damit na suot nila habang natutulog. Meron pa pala. Iyong hawak na plastik envelope ni Kenzo na ayon dito ay mga dokumento at ID nila ang laman.
Ngayon ay nasa harapan sila ni Kenzo ng nasunog nilang bahay. Wala na ang apoy dahil naapula na iyon ng mga rumespondeng bumbero. Mabuti at mabilis na napatay ang apoy kung hindi ay baka buong squatter’s area ang nasunog. Hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng mga kinauukulan kung sinadya o aksidente ang puno’t dulo ng sunog.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Kenzo sa kamay ni Rhian. Tila doon ito kumukuha ng lakas ng loob.
“Kung sino man ang gumawa nito, sana habangbuhay siyang hindi maging masaya...” Mapait na turan ni Kenzo. “Hindi ito aksidente. May gustong sumunog sa bahay natin. Narinig ko bago kumalat ang apoy na may nabasag sa kusina. Parang bote na may gaas sa loob na itinapon sa loob ng bahay.”
“Bakit hindi mo iyan sinabi sa mga pulis?”
“Wala rin naman silang magagawa. Mahirap lang tayo at sa simula lang nila ipapakita na kumikilos sila. Pero magbilang ka ng ilang araw at makakalimutan na nila ito.”
Natahimik si Rhian sa sinabing iyon ni Kenzo. Sabagay, may punto ito. Magsasayang lamang sila ng oras kung maghahanap sila ng katarungan. Siguro kung mayaman sila o maraming pera. Talagang hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi nahuhuli o napaparusahan ang may kagagawan ng sunog.
Kailangan na siguro nilang tanggapin ang mapait na sinasapit ng mahihirap na kagaya nila.
“S-saan na tayo titira?” Malungkot na tanong ni Rhian. “Sa covered court ba? May pa-tent doon si mayor. May libre ding mga damit at pagkain mula sa mga nagdo-donate.”
Umiling si Kenzo. “Labag man sa kalooban ko pero mukhang kailangan na nating galawin iyong savings natin sa banko. Kalahati siguro niyon. Kukuha tayo ng kahit maliit na lupa at papatayuan ng maliit munang bahay. Unti-untiin natin hanggang sa mapalaki natin. Lugi tayo kung uupa tayo. Magbabayad tayo buwan-buwan pero hindi mapupunta sa atin iyong binabayaran natin. Kung hindi kaya ay pwede tayong kumuha sa mga pasalong bahay sa PAGIBIG. Meron naman ako no’n.” Mabahang wika nito.
Nanlamig si Rhian sa balak na gawin ni Kenzo. Iyong savings nga pala nila! Malamang, iyon ang maiisip nitong gamitin dahil sa walang-wala sila. Paano niya sasabihin dito na wala na ang pera nila sa banko at ilang libo na lang ang natitira?
Kagabi ay handa na sana siyang aminin dito ang lahat pero ngayong iba na ang sitwasyon nila ay parang ang hirap nang gawin. Magsisinungaling pa rin ba siya?
Gaga ka, Rhian! Aminin mo na kay Kenzo dahil mas lalo siyang magagalit sa iyo kapag pinatagal mo pa! sigaw ng isang bahagi ng utak niya.
“Mamaya ay pupunta tayo ng banko. Magwi-withdraw tayo ng pera at—”
“W-wala na tayong pera sa banko, Kenzo.” Mabilis na turan ni Rhian.
May pagtataka na humarap si Kenzo. “Anong sabi mo? Ulitin mo nga. Tama ba ang narinig ko na wala na tayong pera sa banko?” Hindi ito makapaniwala.
Nasabi na niya kaya dapat ay ituloy-tuloy na niya. Kung isumpa at magalit man si Kenzo sa kaniya ay dapat niya iyong tanggapin. Malamang ay hindi ito matutuwa sa ginawa niyang katangahan sa pera nilang dalawa.
“K-kenzo, w-wala na iyong five hundred thousand p-pesos natin sa banko. Winithdraw ko na...” Hindi mapigilan ni Rhian ang panginginig ng kaniyang pagsasalita. Para na rin siyang hihimatayin. Kung tingnan kasi siya ni Kenzo ay para siya nitong lalamunin nang buo.
“H-hindi kita maintindihan. Ano bang... Rhian? Prank ba `to? Kung, oo, hindi ako natutuwa. Hindi ito ang tamang oras para magbiro ka ng ganiyan.”
“Alam ko. H-hindi ito ang tamang oras para mag-joke. Kenzo, nagsasabi ako ng totoo. Wala na ang kalahating milyon sa savings natin. H-hindi ko sinabi sa iyo pero kinuha ko iyon dahil inilagay ko sa isang investment company na scammer pala. Tinangay nila ang pera ko—ang pera natin!” Tumulo na ang luha ni Rhian. Napakabigat sa dibdib na aminin ang katotohanan kay Kenzo lalo na’t alam niya na magiging rason iyon para magalit ito sa kaniya.
Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ni Kenzo sa kamay niya hanggang sa bitawan na siya nito. Para siyang sinaksak sa dibdib nang paulit-ulit sa nakikitang galit sa mata ni Kenzo. Akmang kukunin niya ulit ang isa nitong kamay ngunit iniiwas nito iyon at umatras ng isang hakbang.
“P-patawarin mo ako, Kenzo. Hindi ako nag-iisip ng oras na iyon! Masyado akong nasilaw sa ipinangako nila sa akin. Sorry, Kenzo!” Walang patid ang pagluha ni Rhian. Kulang na lang ay lumuhod siya.
“Rhian... Ilang taon nating inipon ang perang sinasabi mo. Halos ibenta na natin ang katawan at kaluluwa natin tapos hinayaan mo lang na mawala nang ganoon? Tapos hindi ka man lang nagsabi sa akin para hingin ang opinyon ko?” Kahit mahinahon magsalita si Kenzo ay tumatagos pa rin sa buong pagkatao niya ang pagkadismaya nito sa kaniya.
“A-alam ko! Kaya nga sobrang pinagsisisihan ko na ang lahat! Patawarin mo ako! K-kung gusto mo, gagawa ako ng paraan para ibalik iyong pera—”
“Anong ibabalik, Rhian?! Anong pinagsasabi mong ibabalik?! Paano mo ibabalik kung wala naman tayong raket at pinagkikitaan ngayon?!” Natakot siya sa biglang pagtaas ng boses ni Kenzo. “Hindi ito lahat tungkol sa pera! Alam mo ba kung bakit ako nagagalit sa iyo?! Dahil hindi ko lubos maisip na hindi mo sa akin sinabi muna bago ka gumawa ng isang hakbang! Akala ko ba ay partners tayo, Rhian? Akala ko ba ay wala tayong lihiman? Ano itong ginawa mo? Lugmok na tayo sa putik, mas lalo mo pa tayong inilubog!”