CHAPTER 31

1600 Words
       HALOS hindi makapaniwala si Kenzo sa sinabi ni Rhian noong una ngunit nang tingnan niya ito nang diretso sa mga mata ay nalaman niya na hindi ito nagbibiro. Totoo na na-scam ito ng isang investment company at ang masaklap pa ay natangay niyon ang kalahating milyon na ilang taong nilang iniipon. Bumalik sa alaala niya ang lahat ng matatandang mayayaman na binola niya, niloko niya at hiningan ng pera. Iyong kinidnap siya ni Mathilda at muntik na siya nitong pagsamantalahan. Iyong ilang beses siyang nagtitiis na hindi bumili ng mga gusto niyang gamit para meron siyang maidagdag sa ipon nila. Palagi niyang inuuna si Rhian kesa sa sarili niya. Nagtitiis siya sa lumang cellphone baste meron ito ng latest model ng brand na gusto nito. Lahat ng iyon... ay nauwi sa wala! At iyon ay dahil sa kapabayaan ni Rhian at hindi nito pag-iisip. Ang nakakasama pa ng loob ay parang wala siyang naging ambag sa perang iyon dahil hindi siya nito kinausap na may gagawin pala ito. Ano bang tingin nito sa kaniya? `Di ba, magkasintahan sila? Hindi niya maintindihan kung bakit hindi nito sinabi sa kaniya ang ganoong bagay lalo na’t makakaapekto iyon nang malaki sa kanilang dalawa. Ngayon, tinitingnan niya si Rhian habang umiiyak ito ay nagagalit siya. Ganoon pa man, may awa siyang nararamdaman sapagkat umiiyak ito. Pinipigilan niya lang na manaig ang awa para malaman ni Rhian na mali ang ginawa nito. “Kenzo, sorry... Sorry...” Paulit-ulit nitong paghingi ng tawad. Nanatili si Kenzo na blanko ang mukha kahit alam niyang naaaninag ni Rhian ang malaking pagkadismaya sa kaniyang mata. Humakbang ito palapit at mahigpit siyang niyakap habang umiiyak. Para siyang puno na hindi gumagalaw. Tumatakbo ang isip niya na paano na silang dalawa ngayong wala na pala silang pera. Iyon pa naman ang inaasahan niya kaya kahit nasunugan sila ay alam niya na makaka-survive sila kahit paano. Maling akala pala ang lahat. Akala niya ay meron pa silang pera, iyon pala’y wala na. Pero higit sa lahat, si Rhian ang iniisip niya. Paano na ito? Hindi sila maaaring matulog sa lansangan o sa covered court. Hindi niya kayang makita ang nobya na nasa ganoong sitwasyon...   NANLULUMONG nakatingin si Kenzo sa screen ng ATM machine sa mall habang katabi niya si Rhian. Hanggang ngayon ay namumugto pa rin ang mata nito sa pag-iyak kanina nang sabihin nito na nawalan sila ng kalahating milyon. Binigyan niya ng pagkakataon si Rhian kanina na sabihin sa kaniya nang buo ang pangyayari. Anito, si Mariposa ang nagpakilala rito ng naturang investment company na nang-scam rito. Wala rin daw alam si Mariposa dahil sa maging ito ay naging biktima rin ng scam. Sa ngayon ay nagtatago raw si Mariposa sa ibang tao na na-recruit nito. Forty-six thousand pesos—iyon ang nakalagay na amount ng pera na laman ng account nila. Parang gusto na tuloy niyang magsisi kung bakit kay Rhian pa niya ipinangalan ang bank account nang magbukas sila. Kung sa kaniya sana ay safe na safe ang pera nila hanggang ngayon. Forty-six thousand pesos... Kung iisipin ay malaki-laking halaga pa rin iyon ng pera ngunit dahil sa kailangan nila ng matitirahan ay sobrang kulang iyon. Anong bahay o lupa ang mabibili nila sa ganoong halaga? Huminga nang malalim si Kenzo at pumindot-pindot ulit sa ATM machine. Maya maya ay naunang lumabas ang ATM card at kasunod ay ang pera at resibo. “Magkano winithdraw mo?” tanong ni Rhian sa paos na boses. Maging ang pagsasalita nito ay naapektuhan na nang dahil sa pag-iyak nito kanina. “Ten thousand. Maghahanap tayo ng mauupahan.” Malamig niyang tugon. Ang galit niya ay nawala na. Tampo na lamang ang meron siya para kay Rhian. Bukod sa hindi niya kayang magalit rito nang matagal ay siya ang klase ng tao na hindi kayang magtanim ng sama ng loob. Well, depende na rin siguro sa tao. Kung si Rhian ay hindi niya kaya. Isa pa, naisip niya na walang maitutulong kung magagalit siya nang matagal. Hindi sila niyon mabibigyan ng matutulugan at mailalaman sa kumakalam na sikmura. Para sa kaniya ay mas makakabuti kung magpo-focus sila sa problemang kinahaharap nila ngayon. Kung sisisihin naman niya si Rhian ay wala ring mangyayari. Hindi na niyon maibabalik ang perang nanakaw sa kanila. “Kenzo, may suggestion sana ako,” ani Rhian nang naglalakad na sila palabas ng mall. “Ano `yon?” “Malapit dito ang apartment ni Mariposa. Baka gusto mong doon tayo umupa nang pansamantala. O pwede nating pakiusapan si Mariposa na sa kaniya muna tayo tumuloy. Makikihati na lang tayo sa bayad sa upa niya.” “Mas maganda iyong pangalawa mong sinabi. Doon tayo sa makakatipid tayo. Tapos bumili muna tayo ng mga damit sa ukay-ukay kahit ilang piraso.” Sa sandaling iyon ay suot pa rin nila ang damit nang makalabas sila mula sa nasusunog nilang bahay. Kaya bago sila magpunta kay Mariposa ay naghanap muna sila ni Rhian ng ukay-ukay.   “RHIAN! K-kenzo?” Bumakas ang pagtataka sa mukha ni Mariposa nang mapagbuksan silang dalawa ni Kenzo. Isang alanganing ngiti ang pinakawalan ni Rhian. Nakita niya sa likuran ng kaibigan ang mga magugulong kagamitin. “Pwede ba kaming pumasok?” tanong ni Rhian. Nagulat sila nang biglang isarado ni Mariposa. Nagtatakang nagkatinginan tuloy sila ni Kenzo sa ikinilos nito. Naririnig nila ang pagtunog ng mga gamit sa loob na parang inaayos at itinatago sa kung saan. Makalipas ang halos isang minuto ay muling bumukas ang pinto. Pawis na pawis ang mukha ni Mariposa. “Ano `yon, bakla?” Natatawa niyang tanong. “Inayos ko `yong mga gamit ko,” anito. “Gaga! Parang hindi kami sanay sa iyo na isang balahura, `no? Ano na? Pwede na ba kaming pumasok?” “Sure! Pasok kayo!” Nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto. Umupo siya sa sahig dahil alam niya na walang upuan si Mariposa. Tumabi sa kaniya si Kenzo habang si Mariposa ay sa harapan nilang dalawa. “Anong meron? Bakit kayo nandito?” tanong ni Mariposa. “Makikiusap sana kami na baka pwedeng dito muna kami kahit isa o dalawang buwan,” panimula ni Rhian. “Nasunugan kasi kami. Wala kaming naisalba kahit na anong gamit. Kahit iyong bahay ay hindi na mapapakinabangan, e.” “Diyos ko po! Mabuti at safe kayong dalawa!” “Kaya nga, e. Wala rin kasi kaming pera para kumuha ng isa pang unit ng apartment at kailangan naming magtipid. At oo, alam na ni Kenzo. Umamin na ako sa kaniya na nawalan kami ng k-kalahating milyon.” Napapahiyang napatingin si Mariposa kay Kenzo. “Sorry, Kenzo. H-hindi ko rin kasi alam na scam pala `yong—” “Wala na iyon.” Putol ni Kenzo. “Ang kailangan namin ay ang tulong mo. Makikihati kami sa upa at sa gastos basta patirahin mo kami rito.” “Naku! Oo naman! Keri lang sa akin!” Mabilis na pagpayag ni Mariposa. “Wala akong kasama rito kasi break na kami ni Francis. Kahit maliit itong apartment ko ay kasya tayong tatlo rito. Saka madalas din akong wala rito kaya baka kayong dalawa lang ang palaging maiiwan. May raket kasi ako at paiba-iba ang area ko.” “Bakla ka! Baka ilegal iyan, ha!” Pagbibiro ni Rhian. “Hoy! Hindi! Kakagaling ko na nga sa scam tapos gagawa pa ako ng ilegal?” Umiling si Mariposa. “No, no, no. Saka kailangan kong rumaket para mabayaran ko iyong mga na-recruit ko sa Rise And Shine para hindi na ako nagtatago at makabalik na ako sa bahay ko.” “Tama iyan. Ganiyan ang dapat mong gawin.” “Teka, baka kailangan ninyo ng cellphone? Meron akong isang extra. Kayo na ang gumamit kesa sa nakatago. Sandali, ha.” Tumayo si Mariposa at may kinuha sa aparador na touch screen na cellphone. Kay Kenzo nito iyon ibinigay. “Alam ko na importante sa inyo ang cellphone ngayon para makahanap ng raket. Kayo na bahala mag-install ng app na kailangan ninyo, ha.” Tumango-tango si Kenzo. “Wow. Ayos ito, a. Okay na ito.” Tumingin ito sa kaniya. “Ako na muna ang maghahanap, ha. Ikaw, dito ka muna sa apartment.” “Pero gusto kitang tulungan—” “Hindi na muna, Rhian. Makinig ka muna sa akin. Huwag mo na lang ulit akong bibiguin. Nagkakaintindihan ba tayo?” Napayuko siya bago sumagot. “O-oo. Sige na nga...” Napipilitan niyang sagot.   SIMULA nang ibigay ni Mariposa kay Kenzo ang cellphone nito ay hindi na niya iyon binitawan. Kahit sa pagkain ng hapunan ay hindi na niya kinakausap si Rhian dahil sa talagang sineseryoso niya ang paghahanap ng panibagong sugar mommy. Kung anu-ano nang dating app ang in-install niya. Mabuti na lang din at merong libreng wifi sa apartment ni Mariposa kaya hindi problema ang internet. “Malamig na iyang pagkain mo. Mamaya na iyan,” untag ni Rhian. Tapos na pala itong kumain habang siya ay wala pang bawas ang kanin at adobo na nabili nila sa labas. Wala si Mariposa. Umalis ito nang may biglang tumawag. “Mamaya na. May kachat na ako sa Tinder, e. Mukhang mayaman kahit sobrang tanda na,” aniya habang nakatutok ang mata sa cellphone. “Baka pwedeng maghanap na rin ako ng—” “Rhian. Ayoko. Baka maulit iyong nangyari sa iyo noong huli.” “E, bakit ikaw? Paano kung maulit iyong nangyari sa iyo kay Mathilda?” “Lalaki ako. Kaya ko ang sarili ko. Nakita mo ba? Nakatakas ako kahit walang tumulong sa akin. Ikaw, dito ka muna. Magpalamig ka muna.” Matigas na turan ni Kenzo kay Rhian. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD