CHAPTER 43

1930 Words
       NAGISING si Rhian mula sa pagkakahiga sa gilid ng kalsada dahil sa pagkalam ng kaniyang sikmura ng umagang iyon. Parang ayaw na niyang tumayo kahit pa nalalakaran na siya ng mga taong dumadaan. Nanghihina siya dahil sa gutom. Kahapon kasi ay minalas na naman siya. May nagnakaw yata ng cellphone at wallet niya sa kaniyang bag dahil nawala iyon doon. Wala na tuloy siyang kapera-pera kahit piso. Ang tanging meron siya ngayon ay ang mga damit na dinala niya sa apartment. Hindi rin niya madalaw si Kenzo sa kulungan dahil wala siyang pamasahe papunta roon. Saka ayaw niyang dalawin ito nang wala siyang dalang pera o pagkain. Kung sino man ang nagnakaw ng pera niya, sana ay masaya ito at huwag sanang gamitin iyon sa hindi maganda. Sa huli ay pinili ni Rhian na bumangon para maghanap ng makakain. Mamamalimos siguro siya kahit hindi siya mukhang pulubi. Marumi ang damit niya dahil sa hinigaan ngunit maayos naman ang hitsura niya. Iniwanan muna niya ang bag sa likuran ng isang basurahan. Bahala na kung may kumuha niyon. Masyado kasi iyong mabigat para dalhin pa niya. Naglakad-lakad si Rhian. Kapag may nakakasalubong siya ay iniisip niyang manghingi ng pera pero inuunahan siya ng hiya. Hanggang sa pagliko niya sa isang kalye ay may nakita siyang isang maganda at mukhang mayamang babae na bumaba sa isang magarang sasakyan. May kausap ito sa cellphone at mukhang nagmamadali. Agad niyang naisip na hablutin ang shoulder bag na nakasukbit sa balikat nito. Mas maganda siguro na dukutan na lang niya at baka kapag hinablot niya ang bag ay magsisigaw ito. Siyempre, kapag ganoon ay makakakuha ito ng atensiyon ng ibang tao. Hahabulin siya at sa kulungan ang bagsak niya kapag nagkataon. Wala nang ibang nasa utak si Rhian kundi ang magkaroon ng pera para makabili siya ng makakain kaya halos hindi na siya makapag-isip nang maayos. Nilakasan niya ang loob at naglakad pasalubong sa babae. Sa tingin niya ay madali itong mabibiktima lalo na at nasa kausap sa cellphone ang atensiyon nito. Para sa pagkain. Para sa pagkain... Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Rhian sa sarili. Nang ilang dipa na lamang ang pagitan nila ng magandang babae ay napansin niya na bahagyang nakabukas ang shoulder bag nito na para bang iniimbita siya na kunin ang nakasungaw na wallet sa loob. Sinadya niyang banggain ang babae. Mabilis niyang ipinasok ang kamay sa loob ng bag at nang mahawakan ang wallet ay isinuksok niya agad iyon sa harapan ng kaniyang pantalon. “Aray!” daing ng magandang babae. Agad na humingi ng paumanhin si Rhian para isipin ng babae na aksidente ang pagkakabangga niya rito. “Sorry po! Hindi ko po sinasadya!” May pagyuko pa talaga siya. Kinausap nito ang nasa cellphone at inalis iyon sa tenga nito para kausapin siya. “Sa susunod ay mag-iingat ka. Okay?” Ang bait naman nito. Akala niya ay tatarayan siya nito dahil ganoon ang tingin niya sa mayayaman. “Okay po. Salamat po. Pasensiya na po ulit!” aniya at nagmamadali na siyang naglakad palayo. Jackpot! Hindi pa man niya nakikita ang laman ng wallet na nadukot niya ay alam niya agad na marami iyong laman na pera. Ang kapal kasi, e. Binilisan pa ni Rhian ang paglalakad at baka makita na ng babae na wala na ang wallet nito. Hanggang sa maramdaman niya na parang may nakasunod sa kaniya. Lumingo siya at ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang malaman na nakasunod sa kaniya iyong magandang babae! Tatakbo na sana siya pero mas naging mabilis ang babae na akala mo ay isang ninja! Mahigpit siya nitong hinawakan sa braso. Hinila siya nito sabay pilipit. “Aray ko po! Araaay!!!” sigaw ni Rhian. Parang mapuputol ang braso niya sa labis na sakit. Kulang na lang ay mapaiyak siya ng sandaling iyon. “Nasaan ang wallet ko? Ibalik mo!” Matapang na tanong ng babae. “W-wala po sa akin. Hindi po ako ang— Araaay!!!” Mas lalong pinilipit ng babae ang braso ni Rhian. “Hindi mo ako maloloko! Ikaw lang ang bumangga sa akin!” “Aray ko! I-ibabalik ko na po! Sorry!” Pagkasabi niya niyon ay pinakawalan na siya ng babae at ibinalik na niya rito ang wallet. Mas gugustuhin niyang magutom kesa mabalian ng braso. “Alam mo bang mali ang ginawa mo? Pwede kitang ipahuli sa pulis, alam mo ba `yon?” anito matapos tingnan kung kumpleto ang laman ng wallet. “Huwag po! Ayokong makulong! Please! Nagawa ko lang po iyan dahil sa kahapon pa ako hindi kumakain. Gutom na po kasi ako...” Kumuha ng buong five hundred pesos sa wallet ang babae at inabot sa kaniya. “Here. Bumili ka ng pagkain mo. At sa susunod, manghihingi ka. Mas mabuti iyon kesa sa magnakaw ka,” anito. Lumiwanag ang mukha ni Rhian. “Naku! Thank you po! Ang bait po ninyo!” Yayakapin sana niya ito pero siya mismo ang umatras. “Ay, madumi pala ako. Saka ang ganda po ng suot mo baka marumihan kapag niyakap po kita. Pero, salamat po talaga!” “Walang anuman. Sige na, kailangan ko nang umalis. Basta, ibili mo iyan ng pagkain.” “Oo naman po! Promise!” “Ano nga palang pangalan mo?” tanong nito na para bang magaan na ang loob nito sa kaniya. “Rhian po.” Matamis niya itong nginitian. “Okay, Rhian. Mag-iingat ka at sana sa susunod na pagkikita natin ay hindi na ganiyan ang hitsura mo. Bye!” Kinawayan pa siya ng babae na may kasamang pagngiti. Ang bait naman niya kahit mayaman. Saka ang ganda! Sana maging kagaya niya ako balang araw... bulong ni Rhian habang mahigpit ang hawak sa limang daang piso.   TINAPAY at isang bottled water ang binili ni Rhian. Marami pang sukli ang five hundred pesos pero kailangan niya iyong tipirin. Hindi siya pwedeng maging ubos-biyaya lalo na at wala na siyang pera kundi iyon na lang. Maswerte pa rin siya na may mabubuting loob kagaya ng babaeng dinukutan niya. Aba, pwede sana siya nitong dalhin sa presinto pero hindi nito ginawa. Bagkus ay binigyan pa siya nito ng pera. Siguro ay naramdaman ng babae na hindi talaga siya magnanakaw at nagawa lamang niya iyon nang dahil sa gutom. Binalikan ni Rhian ang kaniyang bag. Naroon pa rin iyon sa pinag-iwanan niya. Binitbit na niya iyon dahil kahit paano ay may lakas na siya. Pumasok siya sa isang public CR at nagpalit ng damit. Naligo na rin siya kahit walang shampoo at sabon. Matapos iyon ay sa simbahan siya nagtungo para magdasal. “Lord, tulungan Mo naman ako. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko. Grabe naman kasi itong kamalasan ko. Sana po ay bigyan Ninyo ako ng matutulugan ngayong gabi. Hindi ko na kasi kayang matulog pa sa kalye. Nakakatakot po kasi... O kahit magpadala po kayo ng taong tutulong sa akin. ASAP.” Mataimtim na dasal ni Rhian. Nag-sign of a cross siya bilang tanda ng pagtatapos ng panalangin. Tumayo na siya at pagharap niya sa likuran ay nagulat siya nang makita si Albert na naglalakad papasok. Bigla niyang naalala ang offer nito. Lord, siya na ba ang ipinadala Mong tutulong sa akin? Piping tanong ni Rhian. Bakit parang kung nasaan siya ay naroon rin ito? Pero paano kung si Albert nga ang ipinadala ni Lord na sagot sa paghihirap niya ngayon? Kapag tinanggap niya ang offer nitong trabaho ay meron na siyang tirahan at susweldo pa siya. Sa tingin niya ay hindi naman mahirap ang magiging trabaho niya. Kapag daw nasa bahay lang ito saka niya ito aalagaan o aasikasuhin. “Rhian?” Napapitlag si Rhian nang tawagin siya ni Albert. Lumapit ito nang nakangiti. “You’re here. Small world!” “Oo nga, e. Parang palagi na lang tayong pinagtatagpo.” “Napapansin ko nga rin. Anyway, kumusta ka na?” “Hindi okay.” Matapat niyang sagot. “Albert, hindi na ako maghihintay ng one week para mag-isip. Tinatanggap ko na ang offer mo. Magtatrabaho na ako sa iyo.”   GANOON kabilis ang lahat ng pangyayari. Kung ng mga nakaraang araw ay nasa lansangan si Rhian, ngayon ay nasa marangyang bahay na siya ni Albert. Binigyan siya nito ng kwarto na katabi ng kwarto nito sa second floor para kapag meron itong kailangan ay madali siyang matatawag. Napakalaki ng bahay ni Albert. Hindi sapat ang salitang “bahay” para roon. Mas tamang sabihin na isa iyong mansion o kaya ay palasyo! Ang daming pinto at natatakot siya na baka maligaw kapag inikot niya iyon. Ipinaliwanag ulit ni Albert sa kaniya ang trabaho niya. Wala siyang ibang pagsisilbihan kundi ito lang. Libre ang pagkain niya at paggamit niya sa lahat ng kagamitan sa pamamahay nito. May budget siya para sa toiletries bukod pa ang sahod niyang twenty thousand pesos kada buwan. Malaki na rin iyon kesa sa wala. Saka para sa trabaho niya na hindi siya mapapagod ay maswerte na siya. Nakangiting iginala ni Rhian ang mata sa kabuuan ng kaniyang kwarto habang nakaupo sa malambot na kama. Para sa isang tao ay napakalaki niyon. Ang ganda pa ng design. Kulay pink ang karamihan ng kulay na nakikita niya kaya pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa. “Hayaan mo, Kenzo... Mag-iipon ako ng pera para meron akong pambayad sa mahusay na abogado. Makakalabas ka rin sa kulungan at magkakasama tayo ulit,” turan niya na para bang kaharap ang nobyo.   PAGKAGISING sa umaga ay naghilamos at toothbrush lang si Rhian. Dumiretso na siya agad sa kwarto ni Albert para ihanda ang susuotin nito. Wala na ito roon at mukhang nag-aalmusal na. Nakakahiya na mas nauna pa itong nagising sa kaniya. Bumaba na siya sa dining area at doon ay naabutan niya si Albert na kumakain ng almusal. Agad niya itong binati at tinanong kung may kailangan pa ito. Nakatingin lang sa kanila ang tatlong kasambahay na may edad na. “Wala na akong kailangan, Rhian. Umupo ka na at sabayan ako sa breakfast,” ani Albert. “H-ha?” Hindi siya makapaniwal sa sinabi ni Albert. “Aida, ikuha mo si Rhian ng pinggan at kubyertos,” utos nito sa isang kasambahay. “Naku, huwag na. Nakakahiya—” “I insist. Sabayan mo ako sa pagkain.” Wala na siyang nagawa kundi ang maupo sa tapat ni Albert at nang mailagay ang pinggan sa harapan niya ay kumuha na siya ng pagkain. Amo na niya ang nagsabi na kumain siya kaya dapat ay sundin niya ito. Kahit nakakahiya sa ibang kasambahay dahil kung tutuusin ay magkakaparehas sila ng trabaho roon. “Gusto mo bang mag-aral, Rhian? Pwede kitang pag-aralin o kumuha tayo ng personal teacher mo.” Muntik nang masamid si Rhian. “Albert, huwag na. Nakakahiya. Iyong pagbibigay mo sa akin ng trabaho ay malaking bagay na. Saka baka hindi na kita maasikaso kung mag-aaral pa ako,” tanggi niya. “Okay. Basta kapag gusto mo ay magsabi ka sa akin. Ako ang bahala sa lahat. Boyfriend? Meron ka ba?” “Wala.” Hindi niya alam kung bakit siya nagsinungaling. Parang ang naisip niya kasi ay inaakit niya pa rin si Albert. Huli na para mabawi niya iyon. “Good. Walang distraction sa trabaho mo sa akin. Sa akin lang ang atensiyon mo.” Mabuti na rin pala na sinabi niyang wala siyang boyfriend. Mukhang ayaw ni Albert ng may nobyo ang magsisilbi rito. Baka kung sinabi niya ang totoo ay tanggalin siya nito agad. “Oo naman. Nasa iyo ang lahat ng oras ko.” Nakangiti niyang turan. Sorry, Kenzo. Kailangan muna kitang itanggi. Sorry...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD