AGAD na pinalis ni Rhian ang mga luhang naglalandas sa kaniyang magkabilang pisngi nang maalala niya ang masalimuot na bahaging iyon ng kaniyang buhay.
Naglayas siya noon dahil sa pakiramdam niya ay hindi na siya ligtas sa bahay ng kaniyang stepfather at kahit ang sarili niyang ina ay hindi siya kayang kampihan at ipagtanggol. Lumayas siya dahil ayaw niyang hintayin pa na may mas masamang mangyari sa kaniya lalo na at alam niyang mas lumalakas ang loob ng hayop na si Troy para bastusin siya dahil alam nito na papaniwalaan ng nanay niya ang kasinungalingan nito.
Sobrang sama ng loob niya sa kaniyang ina at hindi siya masisisi ng kahit na sino kapag sinabi niya iyon.
Hindi alam ni Kenzo na ilang beses na siyang binabastos at muntik gawan ng kahalayan ng anak ng stepfather niya kaya nasabi nito na bumalik muna siya sa nanay niya. Kung malalaman lang nito na kapag bumalik siya sa pamamahay na iyon ay makakasama niya ulit si Troy at malaman nito ang ginagawa ng hayop na iyon sa kaniya dati ay baka ito pa ang kusang pumigil sa kaniya na gawin iyon.
Ewan ba niya, ayaw niyang malaman ni Kenzo ang bahaging iyong ng kaniyang nakaraan. Hindi sa nahihiya siya kundi dahil sa kinalimutan na nga niya iyon.
Habang nasa ganoon pag-iisip si Rhian ay nagulat siya nang biglang nag-ring ang cellphone niya. Isang hindi pamilyar na numero ang naka-rehistro roon.
Ang unang naisip niya ay si Kenzo ang tumatawag sa kaniya mula sa kulungan. Baka hihingi ito ng tawad sa kaniya. Hindi niya ito kayang tiisin kaya sinagot niya iyon agad. “Hello, Kenzo? Okay na—”
“Rhian?”
Napamaang si Rhian nang hindi boses ng kaniyang nobyo ang narinig niya sa kabilang linya. “Hello? Sino `to?” tanong niya sa kausap.
“This is Albert. Sana naman ay hindi mo agad ako nakalimutan.” Tumawa ito nang mahina. “Sorry nga pala kung kinuha ko sa information ng hospital ang contact number mo, ha. Ibinigay sa akin kasi friend ko ang owner ng hospital na iyon. Kailangan lang talaga kitang makausap. May i-o-offer kasi sana ako sa iyo.”
“Okay lang, Sir Albert. Offer? Anong offer?”
“Ang sabi mo kasi ay naghahanap ka ng trabaho ngayon. Tama ba? O baka may nahanap ka na?”
“Wala pa akong nahahanap na trabaho, e. Nahihirapan po kasi akong maghanap dahil sa hindi po ako nakatapos ng pag-aaral. Nakakahiya po pero kahit high school ay hindi ko natapos.”
“Ganoon ba? But that’s not a problem. Hindi kailangan ng college diploma sa trabaho na i-o-offer ko sa iyo.”
Nanlaki ang mata ni Rhian. “A-ano po? May ibibigay kayong trabaho sa akin?”
“Yes. Pero alisin mo muna ang paggamit ng ‘po’ sa akin. Please, Rhian... Mas lalo mo lang ipinaparamdam sa akin na malaki ang agwat ng edad nating dalawa. We talked about that before.”
“Ay, oo nga pala. Pasensiya na. Gusto lang kasi kitang igalang... Pero anong trabaho ba? Qualified ba ako riyan?”
“Ako na ang nagsasabi, you are qualified, Rhian, dahil ako ang magiging boss mo. Naghahanap kasi akong personal assistant ko pero hindi iyong tutulong sa mga office works ko kundi iyong aalagaan ako kapag nasa bahay ako. I am starting to get old at may mga bagay na hindi ko na kayang gawin at minsan ay nakakalimutan ko kagaya ng pag-inom ng medicine or maintenance ko. At ikaw ang nakikita kong mapagkakatiwalaan ko sa ganoong trabaho.”
Labis na nagulat si Rhian sa trabahong gusto ni Albert na gawin niya. “Parang personal nurse? Bakit hindi po kayo kumuha ng nurse talaga para alam talaga ang gagawin,” suhestiyon niya rito.
“Ayoko ng nurse. Pakiramdam ko ay magkakasakit talaga ako. Saka ang kailangan ko lang talaga ay companion. Palagi namang umaalis ang daughter ko kaya gusto ko rin na may makakausap kapag nasa bahay ako. Sa bahay ka lang. Kapag nandoon ako ay saka lang mag-uumpisa ang trabaho mo sa akin. Malaki ang bahay ko, Rhian, at pwede kang mag-stay in.”
Sandaling nag-isip si Rhian. Nagdadalawang-isip siya na tanggapin iyon dahil baka hindi na niya madalaw sa kulungan si Kenzo.
“Are you still there, Rhian?” untag ni Albert.
“Oo. Pasensiya na. Nag-iisip kasi ako.”
“Pwede naman kitang bigyan ng oras para makapag-isip. Gaano ba katagal ang gusto mo?”
“Kahit sana mga one week. Medyo nabigla kasi ako sa offer mo, Albert.”
“I know and I understand. Pag-isipan mong mabuti. We’ll talk about your salary kapag interesado ka na. Babalikan ulit kita after a week.”
“Salamat, Albert.”
“Bye, Rhian...”
Ilang minuto na ang nakakalipas simula nang matapos ang pag-uusap nila ni Albert ngunit nakatulala pa rin siya. Tatanggapin ba niya ang trabahong sinasabi ni Albert? Parang ang bilis naman yata nitong magtiwala sa kaniya?
“RHIAN! Rhian!” Ang malalakas na katok sa pinto ng apartment ang gumising kay Rhian ng umagang iyon. Boses iyon ng kanilang landlady.
Pupungas-pungas na bumangon si Rhian at inaantok pang binuksan ang pinto. Ang nakapameywang na landlady ang sumalubong sa kaniya. Mataray talaga ito. Masungit pa. Kahit paano ay sanay na siya sa ugali nitong iyon.
“Ate Mariz, ang aga niyo naman po mambulahaw. Ala sais pa lang, a. Bakit po ba?” Humikab siya.
“Maaga talaga ako palagi. Saka maaga rin akong magpalayas!”
Napamaang siya. “Ano po?!”
“Anong ano po ka riyan? Oo, Rhian! Aalis ka na rito sa apartment ko. Kahapon ka pa dapat magbabayad, `di ba? Pero hindi mo man lang ako kinausap. Saka may utang pa kayong isang buwan sa akin. Hindi nagbayad `yong bakla mong kaibigan sa akin last month!”
“Ate, nagbayad po si Mariposa. Sinabi po niya sa akin!”
“Hindi siya nagbayad!” giit nito. “Kung nagbayad sana siya, nakalista sana rito!” Ibinulatlat nito ang isang notebook na hindi na niya inalam ang nakasulat.
Hindi tuloy alam ni Rhian kung niloloko siya ni Ate Mariz o nagsinungaling si Mariposa sa kaniya. Baka nga hindi pa ito nagbabayad ng upa nila sa apartment noong nakaraang buwan. Ano ba naman ito? Patay na nga si Mariposa ay parang iniwanan pa siya ng problema.
“Hoy, Rhian!” Dinuro siya ni Mariz. “Umalis ka na ngayon, ha. Darating na iyong bagong uupa riyan kaya huwag ka nang magtagal pa. Lilinisin ko pa iyan.”
“P-pero wala po akong malilipatan pa. B-baka pwedeng—”
“Hindi pwede!” putol nito sa sasabihin niya. “Umalis ka na ngayon dahil kung hindi ay kakaladkarin kita paalis at itatapon ko ang mga gamit mo sa labas! Huwag mo akong subukan, Rhian!” Inirapan siya nito sabay talikod para umalis.
Tumiim ang bagang ni Rhian at naikuyom niya nang mariin ang mga kamay. Kung hindi lang siya makakasuhan kung susuntukin niya sa bunganga si Mariz ay baka kanina pa dumudugo ang bibig nito. Masyadong matalas ang dila ng babaeng iyon. Kung kailangan na talaga niyang umalis ay pwede naman siyang kausapin nang mabuti. Paalisin siya nito nang maayos at hindi sa paraan na hindi na makatao.
Huminga nang malalim si Rhian. Paulit-ulit hanggang sa medyo kumalma na siya.
Ayaw na niyang hintayin na mamumulot siya ng mga gamit sa labas kaya inempake na niya ang mga gamit. Hindi naman iyon ganoon karami kaya hindi siya nahirapan. Isang travelling bag lang ang kinailangan niya para sa lahat ng importanteng gamit na dadalhin niya sa pag-alis.
Siguro naman ay makakakita siya agad ng malilipatan ngayong araw. Kahit maliit na kwarto lang bast mura. Ang totoo kasi niyan ay limang libo na lang ang laman ng wallet niya. Iyon na lamang ang perang meron sila ni Kenzo.
Naalala niya tuloy noong panahon na nanloloko pa sila ng tao ni Kenzo. Hindi man maganda ang bahay nila ay hindi naman sila nagkukulang pagdating sa pera. Nabibili nila ang pagkain na gusto nila ang kumportable ang buhay nila. Nakakapag-ipon pa nga sila, e. Para sana sa future nila pero na-scam ang pera nilang iyon kaya para silang nagsisimula ulit sa umpisa.
Napakahirap. Tapos sunud-sunod pa ang kamalasan at pagsubok. Parang walang katapusan. Pagkatapos ng isang problema ay may darating agad na bago. Gusto na nga niyang sumuko pero hindi pwede. Siya na lang ang inaasahan ni Kenzo. Kapag siya sumuko ay kawawa ito sa loob ng kulungan. Tutuparin pa niya ang ipinangako niya na makakalabas ito at muli silang magkakasama.
Umalis si Rhian sa apartment nang hindi alam kung saan pupunta. Sumakto pa talaga na tirik na tirik ang sikat ng araw. Hindi na siya nagtanim ng sama ng loob kay Ate Mariz. Bagkus ay inintindi niya na lang na nagnenegosyo ito at negosyo ang apartment. Hindi isang charity. Kaya kapag hindi nakapabayad ay talagang papaalisin ka.
Huminto muna siya sa isang karinderya. Nag-almusal siya ng sinangag, itlog at hotdog. Matapos uminom ng tubig ay muli siyang naglakad-lakad. Hindi na niya inintindi kahit masunog siya ng araw basta ang importante ay makahanap siya agad ng matutuluyan.
Inabot na siya ng hapon pero wala pa siyang nakikita. May ilan siyang napagtanungan pero halos lahat ay hindi kaya ng budget niya.
Hanggang sa dumilim na. Mas lalong kinabahan si Rhian dahil kapag wala siyang nakitang murang paupahan ay sa kalsada siya matutulog.
Napadaan siya sa isang parke. Naalala niya na doon pala sila nagkakilala ni Kenzo. Gabing-gabi na. Sa tingin niya ay hindi na siya makakahanap ngayong gabi ng matutuluyan kaya mas maganda na bukas na niya ipagpatuloy ang paghahanap.
Pagod na pagod na pumasok sa parke si Rhian. May mga nakikita siyang ilang tao na natutulog sa ilalim ng puno at mga bench. Kagaya niya ang mga iyon na walang matutulugan ngayong gabi.
May nakita naman siyang mahabang upuan na nasa ilalim ng isang mayabong na puno. Nasa sulok na iyon ng parke at walang malapit na natutulog sa kaniya.
Ipinatong niya sa dulo ng upuan ang bag at iyon ang ginawa niyang unan. Nangangatal sa pagod at sakit ang mga paa niya nang hubarin niya ang sapatos na suot. Ikaw ba naman ang maghapon na maglakad tapos sobrang init pa.
Inilagay niya ang wallet na may pera sa bulsa na nasa gilid ng bag. Mabuti at nakapantalon at jacket siya. Ang dami palang lamok sa parkeng ito. Mabuti at ganoon ang kasuotan niya at hindi siya mapapapak ng mga iyon. Baka kapag nagkataon ay ma-dengue pa siya. Isa pang malaking problema iyon.
Tumagilid siya at napatulala. Ano na ba itong nangyayari sa buhay niya?
Nakakulong si Kenzo. Tapos siya ay natutulog sa park.
Natatakot na siya sa mga susunod pang mangyayari. Lord, sana naman ay last na ito. Sana ay ibigay Mo na sa amin ni Kenzo iyong magandang buhay na matagal na naming inaasam... Panalangin ng utak ni Rhian bago niya ipinikit ang mga mata para subukang makatulog.
ANG pagtapik sa hita ang gumising kay Rhian. Tinatamad niyang iminulat ang mga mata at nakita niya ang isang lalaking pulis. “Bakit po, sir?” Madilim pa sa paligid ngunit alam niya na malapit nang mag-umaga base sa kulay kahel sa kalangitan.
“Bawal matulog dito! Ang kukulit ninyo, a!” bulyaw nito sa kaniya sabay akmang hahampasin siya ng dala nitong batuta.
Nahihintakutang iniharang ni Rhian ang isang kamay sa mukha sa pag-aakalang itutuloy nito ang paghampas. “Sorry, sir! N-ngayon lang po ako natulog dito. Hindi ko na po uulitin!” Sa takot na baka dalhin siya sa kulungan ay agad niyang kinuha ang bag at malalaki ang hakbang na umalis ng naturang parke.
“Muntik na ako doon, a...” bulalas niya habang naglalakad. Palinga-linga siya. Napahinto siya sa paglalakad nang mapagtantong medyas lang ang suot niya. Naiwanan niya iyong sapatos sa sobrnag pagmamadali.
Pero mabuti at nakatulog siya kahit paano. Nagkaroon siya ng energy.
Inilabas muna ni Rhian ang tsinelas mula sa bag at iyon ang kaniyang isinuot.