MINABUTI ni Rhian na matutong mag-budget ng perang meron siya. Kinuwenta niya kung hanggang kailang iyon aabot. Mabuti at nagbayad si Mariposa ng upa nila para sa buwan na ito kaya ang bayad sa susunod na buwan na ang iisipin niya.
Pumunta siya sa opisina ng mayor sa lugar nila pero tumanggi itong tulungan si Kenzo dahil hindi raw ito nagbibigay ng tulong sa mga taong sangkot sa ilegal na droga. Ang kasunod na ginawa niya ay nagpunta siya sa Public Attorney’s Office sa Maynila upang kumuha at may makausap na abogado nang libre. Doon ay pinayuhan siya ng dapat nilang gawin pero hindi nangako ang abogadong babae na nakausap niya na makakalabas si Kenzo lalo na at matindi ang pagsugpo ng kasalukuyang administrasyon sa droga.
Pagkabalik ni Rhian sa Laguna ay naghanap na siya agad ng trabaho kahit wala pang pahinga. Natanggap siya sa isang maliit na eatery. Siya iyong kumukuha ng order ng mga customer at nagse-serve na rin.
Hindi malaki ang sahod dahil below minimun pero pinatos na niya. Kesa wala siyang ginagawa. Saka pansamantala lang naman iyon dahil sa sandaling makalabas ng kulungan si Kenzo ay sa probinsiya na sila maninirahan.
Tuwing tanghali ay abalang-abala si Rhian sa eatery. Marami ang kumakain kapag ganoong oras at karamihan ay mga tricycle at jeepney driver. Nasa likuran kasi sila ng malaking terminal ng mga pampublikong sasakyan.
“Rhian, dalhin mo ito sa table number five!” Basta na lang inilagay ng isang babaeng tauhan sa kitchen ang isang tray na may laman na ginisang munggo, dalawang kanin at isang pritong tilapya.
Walang imik na kinuha niya iyon at sandaling iniwan ang counter. Maingat niya iyong dinala sa table number five at isa-isang inilapag ang pagkain sa lamesa. Tatlong lalaki ang naroon na sa hula niya ay mga drivers. Nagtatawanan ang mga ito bago siya dumating pero biglang tumigil nang naroon na siya.
“May kailangan pa po ba kayo? Baka po gusto ninyong magdagdag ng order?” Magalang niyang tanong.
“Ikaw ba, miss, pwedeng orderin?”
Inisip ni Rhian na baka binibiro lang siya ng lalaking malapit sa kaniya kaya ngumiti siya. “Hindi po ako kasama sa menu. Tubig po?”
“Ah, sige. Tubig,” anito.
Pagtalikod niya ay biglang may pumalo sa puwitan niya. Mabilis siyang humarap sa tatlong lalaki habang nanlilisik ang mga mata. “Bastos ka!” Isang malakas na sampal ang iginawad niya sa lalaking malapit sa kaniya.
Alam niya na iyon ang pumalo sa pwet niya dahil nakangisi ito at nahuli pa niya na inaamoy ang kamay.
Naiinsultong tumayo ang lalaki. “Bakit mo ako sinampal?!” bulyaw nito. Tumayo ito at nakakatakot siyang tiningnan.
Hindi siya nagpasindak. Nilabanan niya ang tingin ng lalaki. “Manyak ka! Pinalo mo ako sa pwet!” Nanginginig ang buong katawan niya sa sobrang galit.
Agad naman na lumapit ang may ari ng eatery na si Aling Chona. Salamat at meron na siyang magiging kakampi. “Anong nangyayari rito?! Rhian! Bakit inaaway mo si Bentong? Regular customer natin iyan! Ano ka ba naman?” Pinanlakihan pa siya nito ng mata.
“Aling Chona, `yan po kasi! Binabastos ako. Hinampas ako sa pwet!” sumbong niya.
“Akala ko kasi ay okay lang sa kaniya, Aling Chona. Ngumiti kasi siya sa akin, e!” Wala sa hulog na katwiran ng bastos na lalaki.
“Hinampas ka lang pala sa pwet kung makasigaw ka ay para kang ginagahasa. Hindi ka naman mabubuntis sa hampas, Rhian! Diyos ko ka!” sigaw ni Aling Chona.
Naningkit ang mata ni Rhian sa sinabi ni Aling Chona dahil hindi siya makapaniwala na ganoon ang sasabihin nito. Inaasahan niya na ipagtatanggol at kakampihan siya nito hindi dahil sa empleyado siya sa eatery nito pero dahil sa parehas silang babae. Nakakasuka na mas kinampihan nito ang mga lalaking nambastos sa kaniya.
“O, anong tinitingin-tingin mo? Bumalik ka na sa trabaho! Ang dami nating customer!” sigaw pa ni Aling Chona.
Pinagtitinginan na sila ng mga kumakain. Parang gusto na rin niyang sampalin si Aling Chona. Mabuti at nakakapagpigil siya kahit paano.
Tumiim ang bagang ni Rhian. “Hindi na po. Salamat na lang sa lahat, Aling Chona. Ayoko nang magtrabaho tapos iyong amo ko ay kinukunsinte ang mga demonyo niyang customer!” Hinubad niya ang apron at ibinagsak iyon sa paanan ni Aling Chona. Hindi na niya ito hinintay na makapagsalita at naglakad na siya palayo.
Kahit kaunti ay wala siyang nararamdaman na pagsisisi sa kaniyang ginawa. Hindi niya kayang magtagal sa ganoong environment.
“Wala kang utang na loob na babae ka! Pasalamat ka at tinanggap kita kahit wala kang pinag-aralan! Tanga ka! Bobo!” Pahabol pa nitong sigaw na hindi na lang niya binigyan ng pansin.
Masakit man ay kailangan niyang magbingi-bingihan dahil totoo naman na wala siyang pinag-aralan.
“MGA hayop sila! Kung nandoon lang ako hindi lang sampal ang aabutin nila sa akin. Susuntukin ko sila sa mukha at bubuhusan ng mainit na sabaw! Tapos iyong Aling Chona? Ingungudngod ko nguso niya sa pwet ng mga lalaking iyon hanggang sa manghimatay siya sa sobrang baho! Bwisit sila! Inaapi nila ang prinsesa ko!”
Tawang-tawa si Rhian sa reaksiyon at mga nasabi ni Kenzo matapos niyang ikwento ang nangyari sa inalisan niyang trabaho kahapon. Nagsumbong siya rito dahil nangako sila sa isa’t isa na wala nang lihiman.
“Bakit nagtatawa ka? Nagagalit ako, Rhian! Ayoko nang binabastos ka. Alam mo `yan!”
Itinigil na ni Rhian ang pagtawa. Dinalaw niya ito ng umagang iyon sa kulungan.
“Ang cute mo kasi kaya natatawa ako. Nakakakilig kaya na sobrang protective ka sa akin,” aniya. “Oo nga pala, dito ka na nag-birthday, `no? Hindi man lang tayo nakapaghanda. Pasensiya ka na, ha. Hindi ko natupad iyong best birthday celebration ever mo. Tapos nakulong ka pa nang dahil sa akin.”
“`Ku! Wala iyon sa akin. Ang importante ay buhay!”
“Oo nga pala, may nakausap akong abogado. Ang sabi niya, mahirap daw ilaban ang kaso mo kasi sa entrapment ka nahuli. Kenzo, ang totoo ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Pero `wag kang mag-alala. Hindi ako susuko. Hindi ako titigil hangga’t hindi ka nakakalabas dito. Ngayon pa lang ay excited na ako sa magiging buhay natin sa probinsiya...”
Tumahimik si Kenzo at napansin niya iyon. Alam niya, may nais itong sabihin pero nagdadalawang-isip ito.
“Ang tahimik mo bigla? Magsalita ka. Thirty minutes lang tayo kaya dapat ay sulitin natin. Mag-usap tayo nang mag-usap.”
“Rhian...” seryosong hinawakan ni Kenzo ang isa niyang kamay na nakapatong sa lamesa. “Ano kaya kung... doon ka muna sa inyo. Sa m-mama mo.”
Nawala ang ngiti ni Rhian. Binawi niya ang kamay at tumingin sa malayo. “Bakit mo nasabi iyan?” Nawala ang maganda niyang mood. Sa dami ng pwede nitong isaling tao sa usapan nila ay bakit ang nanay pa niya?
“Ang totoo kasi ay nag-aalala ako sa iyo sa labas. Wala kang kasama. Mag-isa ka lang. Baka pwede ka munang bumalik sa mama mo. Mas mapapanatag ako kung nandoon ka.”
“Kaya ko ang sarili ko. Wala kang dapat ikatakot kahit mag-isa ako. Saka mas gugustuhin kong mag-isa ako kesa may kasama nga ako pero mga demonyo naman!”
“Alam ko na malaki ang tampo mo sa nanay mo pero—”
“Kenzo, aalis na ako. Sorry pero nawalan na ako ng gana na makipag-usap sa iyo ngayon. Babalik na lang siguro ako bukas o sa makalawa. Maghahanap pa rin kasi ako ng trabaho. Mas pipiliin kong mahirapan kesa bumalik sa impyerno. Sana bago mo sabihin sa akin na bumalik ako sa nanay ko ay inalam mo muna ang buong kwento kung bakit ako lumayas sa poder niya!”
“Rhian—” Hindi na niya pinatapos sa pagsasalita si Kenzo at tumayo na siya.
Sinamsam niya ang gamit na dala at mabilis iyong inilagay sa dalang eco bag. Mabigat ang loob na iniwanan niya si Kenzo kahit meron pa silang natitirang minuto para makapag-usap.
PAGKALABAS ng kulungan ay umupo muna si Rhian sa gilid ng kalsada. Biglang sumikip ang dibdib niya at medyo nahirapan siyang huminga nang maalala niya ang kaniyang nanay at ang naging buhay niya sa piling nito. “K-kinalimutan ko na iyon, e... Bakit ipinaalala mo pa, Kenzo?” Pinipilit niyang ibalik sa normal ang paghinga.
Ipinikit niya ang mga mata. Nakita niya ang imahe ng kaniyang nanay. Nagpupumilit sumiksik sa utak niya ang masasakit na alaala na matagal na niyang ibinaon sa limot.
Hindi na makontrol ni Rhian ang abnormal na paghinga. Nakahawak na siya sa dibdib at parang anumang sandali ay mawawalan siya ng ulirat.
Tumayo siya. Kailangan na niyang makauwi para makapagpahinga. Kahit hindi ayos ang pakiramdam ay naglakad siya. Sa kabila kasi ang sakayan ng jeep pauwi kaya kailangan pa niyang tumawid.
Nasa gitna na siya ng kalsada nang mas nahirapan siyang huminga. Nanginig ang tuhod niya at napaupo siya dahil wala na siyang kakayahan na maglakad pa.
Isang puting kotse ang huminto sa gilid ni Rhian. May lalaking bumaba at nagmamadali siyang dinaluhan. Tiningnan niya sa mukha ang lalaki. Pamilyar ito. Parang nakita na niya ito sa kung saan pero hindi niya matandaan.
“Miss, you’re not okay! May kailangan ka ba? Hospital?” Nag-aalala nitong tanong.
Umiling siya. Ospital pa talaga. Dagdag gastos lang. Wala na nga siyang pera.
“Miss?” tawag ulit ng lalaki. Hindi na niya narinig pa ang iba nitong sasabihin dahil bigla siyang nawalan ng ulirat. Napahiga siya sa kalsada at matapos iyon ay wala na siyang matandaan pa sa sumunod na nangyari.
“FINALLY. You’re awake!”
Isang boses ng lalaki ang unang narinig ni Rhian nang bumalik ang kaniyang malay. Napabalikwas siya ng bangon. Sa pag-ikot ng mata niya ay nalaman niyang nasa ospital siya. May nakakabit pa na dextrose sa isa niyang kamay. Nakita niya ulit iyong lalaki na lumapit sa kaniya nang matumba siya sa gitna ng kalsada. Nakaupo ito malapit sa hospital bed kung saan siya nakahiga.
“Bakit mo ako dinala rito?! Wala akong pambayad! Binigyan mo pa ako ng problema!” inis niyang sabi. Aalisin sana niya ang dextrose pero naging maagap ang lalaki para pigilan siya.
“Don’t! Ang tapang mo pala! Parang hindi ganiyang `yong Rhian na nakilala ko that night...”
Umangat ang mukha niya at nagtatakang tiningnan ang lalaki. May edad na ito pero gwapo pa rin. Matikas ang tindig at halatang mayaman. Sa Rolex watch na suot pa lang nito ay nagsusumigaw na marami itong pera. Unless, niregalo lang iyon dito.
“Sino ka ba? Anong pinagsasabi mong nagkakilala tayo? Hindi nga kita matandaan!” Mataray niyang sambit kahit ang totoo ay kanina pa niya inaalala kung saan niya nakilala ang lalaki. Pamilyar kasi talaga ang mukha nito at boses.
Saan ko nga ba nakita ang lalaking ito? Tanong niya sa sarili.
“Ang bilis mo palang makalimot. Sabagay, hindi naman siguro ako tumatak sa isip mo kaya ganoon,” tawa ng lalaki.
Hindi muna nagsalita si Rhian. Talagang pinipilit niya ang utak niyang alalahanin kung saan niya nakilala ang lalaking kasama. Hanggang sa bumalik ang utak niya noong isinama siya ni Kenzo sa isang pangmayamang birthday party ng kaibigan ni Mathilda. Naalala niya na may isang mayamang matandang lalaki ang lumapit sa kaniya at nakipag-usap. Inihatid pa nga siya niyon malapit sa kanilang bahay nang maaga siyang umuwi nang dahil sa nagselos siya sa paghalik ni Kenzo kay Mathilda.
Nanlaki nang sobra ang mata ni Rhian nang sa wakas ay maalala na niya kung sino ang lalaki. “A-albert Aragon!” bulalas niya.