CHAPTER 39

2144 Words
       KINABUKASAN ay nagising si Rhian na wala pa rin si Mariposa. Hindi pa rin ito umuuwi simula nang umalis ito. Ang hinala niya ay nalaman na nito ang pagkakahuli kay Kenzo at baka sa mga oras na ito ay nagtatago ulit ito. Ngunit sa pagsapit ng tanghali ay napanood niya sa telebisyon na may isang natagpuang bangkay sa talahiban sa Calamba, Laguna. Tadtad ito ng tama ng bala ng baril sa dibdib at mukha. Nakapiring ang mata at nakatali ang mga kamay. May nakasabit sa leeg nitong karatula na may nakalagay na: p****r AKO! ANG KAGAYA KO AY PINAPATAY! Ayon sa deskripsyon ng nag-uulat ng balita ay may hinala na si Rhian na si Mariposa iyon. Hanggang sa binanggit na nga na ang pangalan ng biktima ay “Maximo Serna”. “M-mariposa!” bulalas niya kasunod ang pag-agos ng luha. Ilang segundo siyang nakatulala sa telebisyon at hindi makapaniwala na ang kaibigan niya ang natagpuang bangkay sa talahiban. “Sa ngayon ay dinala na ang bangkay sa Safe Haven Funeral sa Calamba at sa kasalukuyan ay wala pa ring kamag-anak ang nagki-claim.” Tinandaan ni Rhian ang pangalan ng funeral homes na pinagdalhan sa katawan ni Mariposa. Kahit hindi pa naliligo ay umalis na siya ng apartment at pumara ng tricycle. Nagpahatid siya sa Safe Haven Funeral at sinabi niya na kaibigan siya ni Maximo Serna at nais niya na ikumpirma kung iyon nga ang kaniyang mga kaibigan. Dalawang lalaking pulis ang nag-escort sa kaniya papunta sa kinaroroonan ng katawan na natagpuan ng mga ito. Takot man siyang makakita ng patay na tao ay nilakasan na lang niya ang loob. Kailangan niyang malaman kung si Mariposa nga iyon o baka napagkamalan lang. Dinala si Rhian ng mga pulis sa isang silid kung saan inilalagay ang mga bangkay na eembalsamo na. Naka-schedule na raw na eembalsamo ang katawan mamayang ala-siyete ng gabi. Tapos na raw ang pag-a-autposy rito. Isang katawan ang nakalatag sa mahabang lamesa sa gitna. Nanginginig na ang katawan niya. Huminto sila sa may gilid at walang babalang inalis ng isang pulis ang puting kumot. Nakita niya ang kalunus-lunos na hitsura ng mukha ng bangkay na may maraming butas dahil sa bala ng baril. Napaiyak si Rhian. Tumalikod na siya dahil hindi na niya iyon kayang makita nang mas matagal pa. “Siya ba ang kaibigan mo, miss?” tanong ng pulis. “O-opo, sir. Siya po si Maximo Serna—si Mariposa!” Pagkumpirma niya.   MAKALIPAS ang dalawang araw ay ibinurol na ang abo ni Mariposa sa bahay nito sa squatter’s area. Si Rhian ang nag-asikaso ng lahat dahil hindi siya sigurado kung meron pa ba itong kamag-anak dahil hindi naman ito nagkukwento sa kaniya ng tungkol sa pamilya nito. Siya na rin ang nagpasyang ipa-cremate ang katawan ni Mariposa sapagkat ayaw niya itong iburol na may tama ng bala ng baril ang mukha. Ayaw niya rin ng closed casket dahil may paniniwala na kapag sarado raw ang kabaong sa burol ay hindi makakatawid ang kaluluwa sa kabilang buhay. Inayos ni Rhian ang maliit na salas ni Mariposa. Bumili siya ng mga bulaklak at ilaw dahil kilala niya ang kaibigan na mahilig sa makukulay na bagay. Halos mga kapitbahay lang din nila ang pumunta sa unang gabi ng burol. Ang karamihan pa ay nais lamang makikain ng libreng sopas at biskwit. Wala iyong kaso sa kaniya dahil pakiramdam niya ay nakatulong na rin siya kahit paano sa mga kalugar nila. May ilan din na nagsusugal. Nang wala nang masyadong tao ay nilapitan ni Rhian ang urn ni Mariposa. Hinaplos-haplos niya iyon at kinausap. “Bakla, napakadaya mo talaga. Namatay ka nang biglaan! Grabe ka talaga... Ang dami mo palaging pasabog! Oo nga pala, iyong pera mo ang ginamit ko para sa cremation mo pati sa mga flowers at ilaw, ha. Iyong natitira ay ipambabayad ko na sa mga pinagkakautangan mo. `Wag kang mag-alala, kung kulang ay ako na ang magdadagdag. In-encash ko na kasi iyong natitirang savings namin ni Kenzo. Tulong na namin iyon sa iyo. Alam ko na ganoon din ang gagawin ni Kenzo kung nandito siya. Bakla, sana maging happy ka na riyan, ha. Hindi ka kasi naging masaya rito sa lupa dahil sa mga boylet mong manggagamit. Basta, bantayan mo na lang kami ni Kenzo, ha!” Nag-init ang gilid ng mata ni Rhian. Tutulo na sana ang luha niya nang may marinig siyang nag-iingay sa labas ng bahay ni Mariposa. Lumabas siya upang malaman kung ano iyon. Baka kasi may nagkakagulo na sa mga nagsusugal. Limang babae ang nasa labas at nagsisisigaw. “Hoy! Baklang Mariposa! Ibalik mo ang pera naming scammer ka! Namatay ka na lang nang hindi nababalik ang pera namin. Baklang scammeeer!!!” Kulang na lang ay mapatid ang ugat nito sa leeg. Tumiim ang bagang ni Rhian. May mga tao talagang hindi marunong makisimpatya! Bumalik sa loob si Rhian upang kunin ang isang brown envelope at matapang niyang hinarap ang limang babae. “Hoy, Aling Mameng!” bulyaw niya rito. “Huwag mo ngang tinatawag na scammer ang kaibigan ko. Patay na iyong tao pero hindi mo pa rin iginagalang!” “Bakit, Rhian? Ano ba ang dapat itawag sa kaibigan mo? Anghel? E, totoo naman na scammer siya kasi—” “Hindi scammer si Mariposa! Biktima lang din siya. Ang totoo niyan ay balak niyang ibalik ang pera ninyong lima at sinabi niya sa akin ang plano niyang iyon kaya alam ko. Magkano ba ang utang sa inyo ng kaibigan ko?” “Tig-kinse mil kaming lima. O, may pera bang iniwan sa iyo ang bakla mong kaibigan?” “Meron, Aling Mameng!” Inilabas niya ang isang bungkos ng pera sa brown envelope at inabot iyon kay Aling Mameng. “Sakto na po iyan. Seventy-five thousand. Kayo na ang maghati-hati. Tapos iyong utang ninyo sa akin na tatlong libo noong isang taon na ang sabi mo ay babayaran mo agad, kalimutan mo na iyon. Abuloy ko na iyon sa iyo kapag ikaw naman ang pinaglalamayan!” Mataray niyang turan sa talakerang babae. “Aba’t—Hoy, Rhian! p****r ang jowa mo! Tarantada kang babae ka! Ang lakas mong mamahiya!” sigaw pa ni Aling Mameng ngunit hindi na niya iyon pinansin pa. Alam niya ang katotohanan kaya bakit siya masasaktan o maaapektuhan, `di ba? Taas-noong hinarap ni Rhian ang ilang tao na nakikiusyuso. “At kayong lahat! Gusto kong alisin ninyo sa utak niyo na scammer si Mariposa. Biktima rin siya ng punyetang investment company na iyon!” Tumalikod na siya at muling bumalik sa loob ng bahay. Nakangiti niyang nilapitan ang urn ni Mariposa. “O, bakla, nalinis ko na ang pangalan mo. Baka naman multuhin mo pa akong bakla ka!” Natatawa niyang bulong.   DALAWANG gabi lamang na ibinurol si Mariposa at inilagak na ni Rhian ang labi nito sa isang himlayan. Kahit paano ay masaya siya na nabigyan niya ng magandang burol at libing ang namayapang kaibigan. Tapos nabayaran pa niya ang pinagkakautangan nito gamit ang perang naiwanan nito na dinagdagan niya mula sa savings nila ni Kenzo. Siguro naman ay masaya na si Mariposa kung nasaan na ito ngayon. Sa huling pagkakataon ay ipinagtanggol niya pa rin ito sa mga taong may sinasabing hindi maganda tungkol dito. Speaking of Kenzo, inilipat na pala ito sa kulungan sa San Pablo City. Doon na ito pinuntahan ni Rhian ng umagang iyon upang dalawin. Tatlong araw din silang hindi nagkita. Naging abala kasi siya kay Mariposa. Ang dami palang dapat asikasuhin kahit patay na ang isang tao. Sinadya niyang tapusin muna iyon bago niya puntahan si Kenzo sa kulungan. Mas malaki na ang kulungan na kinaroroonan ni Kenzo. Kapag dadalaw ay nasa isang malaking area siya maghihintay na maraming lamesa at upuan. May ilan doon na may mga kausap na preso. Nagluto kanina si Rhian ng kalderetang baka. Sinakto niyang tanghalian para sabay silang kakain ni Kenzo. Miss na miss na rin niya kasi iyon magkasama silang kumakain habang nagkukwentuhan. Masaya na sila kahit tuyo at kamatis ang ulam. Lahat kasi ng ulam ay sumasarap basta sila ang magkasalo. Sandali lang na naghintay si Rhian. Maya maya ay dumating na si Kenzo habang ini-escort-an ito ng isang pulis. Nakaposas ang mga kamay nito at nalungkot siya nang makita iyon. Pagkaupo ni Kenzo sa harapan ni Rhian ay umalis na rin ang pulis. “Bakit may ganiyan ka?” Iyon ang agad niyang tanong nang mapansin na may pasa sa gilid ng labi si Kenzo. Meron din itong itim na parang pasa rin sa ilalim ng kanang mata. Iniwas ni Kenzo ang mukha sa kaniya. “G-ganoon pala ang ginagawa kapag pinapaamin. Binubugbog. Sinasaktan...” Napatda si Rhian. “A-ano?” Hindi makapaniwalang bulalas niya. “Mga hayop sila! Pwede natin silang idemanda!” “Huwag na. Mas lalo lang nila akong pag-iinitan dito sa loob, e. Okay na. Alam nila na wala silang mapipiga sa akin. Sinabi ko na hindi ko kilala kung sino ang pinuno ng grupong kinabibilangan ko dahil hindi ko nakakaharap ang boss. Sinabi ko na pangalawang beses ko pa lang na magtrabaho sa kanila...” pilit na ngiti ni Kenzo. Hindi maiwasan ni Rhian ang maluha. “Ako dapat ang nandiyan, e. Hindi ikaw...” “`Ayan ka na naman, e. Ako ang dapat na nandito. Gusto ko ito. Tigilan mo na ang paninisi sa sarili mo, Rhian. Mas lalo akong malulungkot kapag ganiyan. Teka, ano ba iyang dala mo?” Pagbabago nito sa usapan. Inginuso nito ang green eco bag na nakapatong sa lamesa. Mabilis na pinunasan ni Rhian ang luha gamit ang mga kamay. “Kaldereta,” sagot niya. “Ikaw ang nagluto? O pinaluto mo?” “Grabe ka sa akin, ha. Ako ang nagluto! Anong palagay mo sa akin? Masarap iyan. Tinikman ko na, e. Gutom ka na ba? Gusto mo na bang kumain?” “Hindi pa pero kumain na tayo. Pagkakaalam ko, thirty minutes lang ang dalaw dito.” Nang malaman ni Rhian na maikling oras lang silang magkakasama ni Kenzo ay agad niyang inilabas ang ulam, kanin at mga pinggan. Binigyan niya ng kubyertos si Kenzo at nilagyan niya ng kanin at ulam ang pinggan nito. “Hmm! Ang sarap nga!” pakli ni Kenzo matapos sumubo ng isa. “Sabi ko sa iyo, e! Wala kang bilib sa akin!” pagmamalaki niya. Agad na nagbago ang ekspresiyon ng mukha niya nang may maalala. “Ah, Kenzo... Pasensiya ka na pala kung tatlong araw kitang hindi napuntahan. Alam mo na ba ang nangyari kay Mariposa?” May lungkot na tumango si Kenzo. “Napanood ko sa balita. Nakakalungkot na sa ganoong paraan siya pinatay...” “Sa tingin mo, sino kaya ang gumawa niyon sa kaniya?” “Ang mga pulis siguro o baka ang kagrupo niya mismo. Hindi ko rin alam. Pero magpasalamat na lamang tayo na buhay tayo hanggang ngayon. May pag-asa pa tayo na itama ang mga maling nagawa natin.” “Ano ba ang dapat nating itama?” Huminga nang malalim si Kenzo. “Ang buhay natin, Rhian. Alam mo, nang makulong ako ay ang dami kong narealize nang may mga makausap ako na preso. Iyong iba, sobra ang pagsisisi. Kung may pagkakataon daw sila na makabalik sa nakaraan ay hindi na sana sila pumatay o nagnakaw. Naisip ko rin na hindi natin matatakasan ang lahat ng kasalanan natin. Sisingilin tayo sa kahit na anong paraan,” litanya nito. “Gusto mong magbagong-buhay na tayo?” “Oo. Gusto kong paglabas ko ay tumira na lang tayo sa probinsiya. Magsisimula tayo ng panibagong buhay. Pero hindi pa rin natin aalisin ang goal na yumaman pero sa pagkakataong ito ay sa maganda at tamang paraan na. Hindi na tayo manggagamit ng ibang tao para lokohin sila at magkaroon ng pera.” Sumang-ayon si Rhian sa gusto ni Kenzo. Napapagod na rin siya sa ginagawa nila noon. “Oo nga pala, nagalaw ko iyong kalahati ng natitira sa savings natin. Idinagdag ko kasi sa pinambayad ko sa utang ni Mariposa. Naaawa kasi ako sa kaibigan ko na kahit patay na ay sinisingil pa rin nila.” “Ayos lang. Tama ang ginawa mo. Kaya lang ay paano ka? Wala nang thirty thousand ang perang meron ka. Tama ba?” “May naitabi naman ako na kaunti. Pagkakasyahin ko na lang iyon. Tapos maghahanap na rin muna ako ng trabaho. Hindi ako pwedeng tumunganga at ako rin ang kawawa. Tapos hihingi na rin ako ng tulong sa mayor natin kung ano ang dapat gawin para makalabas ka. Gagawin ko ang lahat para makalabas ka, Kenzo!” “Maraming salamat, Rhian! Napakaswerte ko dahil ikaw ang girlfriend ko. Huwag mo akong iiwanan, ha. Huwag kang magsasawa sa paghihintay hanggang sa makalabas ako rito.” Umiling si Rhian. “Hinding-hindi, Kenzo. Pangako, hihintayin kita kahit gaano katagal.” Matapat niyang turan habang nakatingin sa mata ng kaniyang nobyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD