“MUNTIK nang makahalata si Kenzo sa iyo kanina. Ikaw talaga! Masyado kang nagpapahalata na kinakabahan ka. Nag-usisa tuloy `yong jowa mo. Naku, Rhian! Dapat kapag ganitong may transaksiyon ka ay `wag kang magpapahalata sa mga tao sa paligid mo ng emosyon mo. Sabagay, one time ka lang naman pala. Pero kahit na! Kita mo ako, hindi ninyo napansin na may ilegal akong ginagawa kasi magaling akong magtago ng kaba at takot ko!” ani Mariposa kay Rhian habang nasa gilid sila ng kalsada.
Naghihintay silang magkaibigan ng jeep na masasakyan niya papunta sa Canlubang kung saan naroon ang mall na kailangan niyang puntahan. Hinihintay lang ni Mariposa na makasakay siya bago ito bumyahe papunta sa totoo nitong pupuntahan.
Napabuntung-hininga si Rhian. “Ewan ko ba pero bigla akong kinabahan pagkagising ko. Kahapon, ang lakas ng loob ko. Gusto ko na nga sanang umatras pero naisip ko ang birthday ni Kenzo,” aniya.
“Uy, hindi ka na pwedeng umatras. Magagalit si Big Boss kasi walang makikipag-meet doon sa kliyente niya na kakatagpuin mo mamaya. E, binigyan niya ako ng bagong assignment kaya hindi kita masasalo. Ituloy mo na kahit ako ay kinakabahan din para sa iyo!”
“Oo na. Naisip ko lang naman pero hindi ako aatras. May jeep na pala.” May nakita na siyang paparating na jeep na ang biyahe ay sa pupuntahan niya. Pinara niya agad iyon.
Ibinigay ni Mariposa ang bag nito kung saan nakalagay ang damit ni Kenzo at ang package na kailangan niyang ideliver. “Mag-iingat ka, ha. I-update mo ako palagi,” dama ni Rhian ang tunay na pag-aalala ng kaibigan.
“Gaga! Update talaga? Jowa lang?”
“Gaga ka rin! Basta, i-update mo ako. Huwag mo akong pag-iisipin. Okay?”
“Oo na. Oo na! Sure ako na magiging successful ito kaya relax ka lang!” Kunwari ay hindi na siya kinakabahan. “Siya, sige. Gora na ako. Ingat ka rin, bakla!” Isinukbit niya ang may kalakihang shoulder bag na itim sa kaliwang balikat. Sumakay na siya sa jeep at kumaway kay Mariposa bago iyon umusad paalis.
“Thank you, bakla! See you mamayang gabi!” Pahabol na sigaw pa niya.
Panay naman ang kaway ni Mariposa sa kaniya. May pa-flying kiss pa talaga ito.
Kaya mo ito, Rhian! Lakasan mo ang loob mo at isipin mo ang magiging kasiyahan ni Kenzo kapag nabigyan mo siya ng magandang birthday! Pagpapalakas ng loob ni Rhian sa sarili.
ALA-UNA ng hapon dumating si Rhian sa iMall. May limang oras pa siyang papatayin bago sumapit ang oras ng pakikipagkita niya sa pagbibigyan niya ng package. Naglakad-lakad muna siya sa mall. Bumili siya ng ice cream at unti-unti iyong inubos sa food court.
Malamig sa kinaroroonan niya pero pinagpapawisan siya. Iyon ay dahil sa labis na kaba at tensiyon na nararanasan niya ng sandaling iyon. Nanlalamig siya na parang hihimatayin. Ngayon niya napapagtanto na hindi biro at sobrang mapanganib ang gagawin niya.
Wala na itong atrasan at kailangan na niyang panindigan ang gagawin.
Hindi niya namalayan ang paglipas ng mga oras. Halos lahat na yata ng tindahan sa mall ay napuntahan na niya. Medyo nananakit na rin ang talampakan niya sa paglalakad. Nang tingnan niya ang oras sa cellphone ay kalahating oras na lang pala at sasapit na ang ala-sais ng gabi. Kung gayon ay kailangan na niyang maghanda. Kailangan na niyang isuot ang damit ni Kenzo para hindi siya makilala ng kakatagpuin niya.
Dapat kasi ay protektahan niya ang identity niya sa ganitong transaksiyon.
Pumasok si Rhian sa pambabaeng comfort room. Eksaktong may nag-iisang bakanteng cubicle. Doon siya pumasok. Pagka-lock ay isinabit niya sa sabitan sa likod ng pinto ang bag. Binuksan iyon at inilabas ang denim jacket. Ipinatong niya iyon sa t-shirt na puti. Hindi na siya magpapalit ng pang-ibaba dahil nakasuot na siya ng maong na pantalon at rubber shoes. Itinali niya ang buhok at saka naglagay ng hair net para hindi iyong sumabog. Saka niya isinuot ang baseball cap.
This is it! Ito na talaga iyon. Para kay Kenzo! Sigaw ng utak ni Rhian bago siya lumabas ng cubicle.
HUMIKAB si Kenzo na may kasabay na pag-unat ng mga braso nang magising siya. Medyo madilim na sa labas. Siguro ay malapit nang mag-ala-sais ng gabi. Kanina, pagkaalis nina Rhian at Mariposa ay nakaramdam siya ng antok kaya humiga muna siya para umidlip. Hindi niya akalain na mapapasarap ang tulog niya at ganitong oras na siya magigising.
Tumayo siya at inumpisahan na ang paglilinis. Hindi na niya iyon nagawa kanina dahil nga sa nakatulog siya.
Nagwalis-walis muna si Kenzo. Inilipat niya ang ilang gamit para malininisan niya nang maayos ang bawat sulok.
Hindi niya maiwasang hindi isipin si Rhian. Sana ay ayos lang ito sa trabahong ginagawa nito. Sana ay hindi ito nahihirapan. `Di bale, bibili siya ng masarap na ulam sa labas para pag-uwi nito ay kakain na lang sila ng hapunan.
Napansin ni Kenzo na magulo ang kahon na lagayan ng dami ni Mariposa. Binitawan muna niya ang hawak na walis at dust pan upang ayusin iyon. Isa-isa niyang inilabas mula sa kahon ang mga damit upang tiklupin iyon nang maayos.
Napakunot ang noo niya nang may makita siyang nalaglag na tatlong maliliit na plastik sa isa sa mga shorts ni Mariposa. Dinampot niya ang mga iyon at tiningnan nang maigi. Bigla siyang kinabahan nang mapagtanto kung ano ang puting pulbos na nasa loob ng hawak niyang mga plastik!
NAKAYUKONG naglakad palabas ng comfort room si Rhian. May fifteen minutes pa bago ang takdang oras kaya medyo binagalan niya. Ang malakas ay ang kabog ng dibdib niya. Para na siyang mawawalan ng ulirat sa labis na kaba at takot. Gusto sana niyang sumigaw upang mailabas ang kaba ngunit hindi niya iyon maaaring gawin. Pagtitinginan siya ng mga tao. Magtataka ang mga ito at mapagkakamalan pa siyang nababaliw.
Hanggang maaari ay ayaw niyang makakuha ng atensiyon ng ibang tao.
Umikot muna nang isa si Rhian sa kabuuan ng mall bago siya lumabas sa exit sa likurang bahagi. Ala-sais na ng gabi. Medyo dumidilim na. Bukas na ang mga ilaw sa poste sa paligid kaya maliwanag pa rin.
Iginala niya ang mata hanggang sa may nakita siyang dalawang lalaki na nakatayo sa ilalim ng poste ng ilaw sa pinaka sulok. Nakasuot ang dalawa ng itim na jacket at puting cap. Iyon ang description na sinabi ni Mariposa ng taong pagbibigyan niya ng package.
Muli siyang huminga nang malalim. Humigpit ang pagkakakapit niya sa strap ng bag. Palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya. Pinipilit na lang niyang lakasan ang loob at iniisip si Kenzo.
Sa wakas, nagawa na niyang lapitan ang dalawang lalaki.
“Big Boss...” bulong ni Rhian. Nilakihan niya ang boses. Gusto niyang isipin ng mga ito na lalaki siya.
Big Boss. Iyon raw ang dapat niyang sabihin ayon kay Mariposa. Iyon ang magsisilbing password para makasiguro ang dalawang lalaki na tauhan siya ni Big Boss.
“Nasaan ang package?” tanong ng isang lalaki.
Walang imik niyang inilabas ang kahon na nakabalot sa packaging tape at inabot sa mga ito. Pagkakuha ng package ay inabutan na siya ng tatlong bungkos ng pera na makakapal. Puro tig-iisang libo. Nanginginig pa ang kamay niya nang kunin iyon at ilagay sa loob ng bag. Ngayon lang kasi siya nakahawak ng ganoong karaming pera.
Tumalikod na si Rhian. Naluluha siya dahil nagawa niya ang trabaho. Nagtagumpay siya. Ang dapat na lang niyang gawin ay pumunta sa parking lot at hanapin ang sasakyan ni Big Boss. Iaabot niya ang pera at kapag nabayaran ay uuwi na siyang may dalang pera.
Lord, sorry, ha! Ngayon lang naman ito. Hindi ko na uulitin! Aniya pa sa sarili.
Habang naglalakad nang mabilis ay nagulat si Rhian nang may biglang humawak sa balikat niya. Napalingon siya sa bandang kaliwa niya at nakita niya iyong isang lalaki na pinagbigyan niya ng package. May nakalimutan ba siyang gawin? Bakit sinundan pa siya nito?
“Huwag kang kikilos ng masama. Pulis kami. Entrapment operation ang ginawa namin!” bulong ng lalaki.
Napatda si Rhian nang malaman na pulis pala ang nakatransaksiyon niya. Ang unang pumasok sa utak niya ay makukulong siya at habangbuhay na roon. Hindi na siya makakalabas. Titigil ang buhay niya at mawawalan siya ng kalayaan na magawa ang gusto niyang gawin sa buhay. Sa kulungan na siya tatanda at mamamatay.
Hindi! Ayoko! Ayokong makulong! Tili ng utak ni Rhian.
Mabilis at kusang kumilos ang katawan ni Rhian. Isang malakas na pagsiko sa tagiliran ng lalaki ang ginawa niya. Humarap siya rito at buong puwersang tinuhod ito sa p*********i. Napaluhod ito sa sobrang sakit. Nakangiwi ito at hindi maipinta ang mukha. Malakas niyang inihampas ang bag na may lamang pera sa mukha ng lalaki. Napahiga ito.
Nahawakan ng lalaki ang bag kaya binitiwan na niya iyon sabay takbo nang mabilis!
Walang lingon-likod na tumakbo si Rhian palayo. Kahit sinisigawan na siya ng lalaki na tumigil ay hindi niya ito sinunod. Inalis muna niya ang takot upang makapag-isip nang maayos. Nang makalayo sa mall ay pumunta siya sa isang talipapa na puno ng tao. Itinago niya ang sarili sa kumpol ng mga tao.
Malikot ang mata niya sa paligid lalo na sa mga tao. Baka nasundan siya roon ng dalawang pulis. Kapag nagkataon ay katapusan na niya. Tapos na ang maliligayang araw niya!
Sinasabi na nga ba niya! Kaya siya kinakabahan ay dahil may mangyayaring ganito. Pulis pala iyong pagbibigyan niya ng package. Sa tingin niya ay talagang hinuhuli na ng mga pulis ang grupo ng Big Boss na iyon at sadyang minalas siya na siya ang nakatransaksiyon ng mga pulis na nagpapanggap na buyer.
Grabe naman itong nangyari sa kaniya. First and last nga niya itong gagawin tapos ganito pa. Mahuhuli pa yata siya ng mga pulis!
Takot na takot siya at hindi niya alam ang gagawin. Ngunit kahit paano ay nagpapasalamat siya na nakasuot siya ng cap. Sigurado siya na hindi siya nakilala o namukhaan ng dalawang pulis. Lalo na at nakayuko siya palagi para itago ang mukha. Malaki rin talaga ang naitulong ng mga gamit ni Kenzo sa kaniya.
Biglang pumasok sa utak ni Rhian si Kenzo...
Oo nga pala, si Kenzo. Ano na lang ang sasabihin nito kapag nalaman nito na may ganito siyang ginawa? Kilala niya si Kenzo na taong galit sa droga. Marami kasing gumagamit ng ganoon sa lugar nila at nakikita nito ang epekto niyon sa tao at sa pamilyang kinabibilangan ng taong gumagamit niyon. Hindi maganda. Nakakasira ng pagkatao.
Kung napatawad siya ni Kenzo noong na-scam ang pera nila baka sa pagkakataong ito ay hindi na. Baka tuluyan na itong makipaghiwalay sa kaniya.
Kenzo, sorry... Hindi na naman ako nag-iisip...
Teka, si Mariposa! Kailangan niya itong tawagan. Sigurado siya na alam nito ang gagawin sa nangyari. Isa pa, naiwanan niya iyong pera at hindi niya naibigay kay Big Boss. Kailangang malaman ni Big Boss ang nangyari at baka siya ang mapag-initan nito. Siguro naman ay alam ng Big Boss na iyon na maaaring may mangyari na ganito at maiintindihan siya nito kung bakit hindi niya nakuha ang pera.
Kinapa niya ang cellphone sa bulsa sa gilid ng denim jacket. Napamura siya nang hindi niya iyon nakita. Mukhang nahulog kanina habang nakikipagpambuno siya sa pulis.
Nanlaki ang mga mata ni Rhian nang makita niya ang dalawang pulis na papunta sa talipapa. Iniisa-isa nitong tanungin ang mga taong naroon. Malamang, siya ang hinahanap. Hindi na siya pwedeng manatili pa rito. Kailangan na niyang umalis. Uuwi na muna siya at saka pag-iisipan kung ano ang gagawin. Sobrang gulo pa ng utak niya sa ngayon.
Malalaki ang hakbang na naglakad si Rhian. Tinanggal niya ang cap at hair net. Iniladlad niya ang buhok. Maging ang denim jacket ay hinubad na rin niya para hindi siya maituro ng kahit na sino.
Nang makalabas ng talipapa ay sumakay agad siya ng jeep pabalik sa apartment ni Mariposa. Ganoon na lang ang pagpigil niya sa paglaglag ng luha habang umaandar ang jeep. Takot na takot siya. Natatakot siya sa mga susunod na mangyayari. Alam niya na makatakas man siya ngayon sa dalawang pulis ay hindi roon natatapos ang lahat. Pilit siyang hahanapin ng mga iyon hanggang sa mahuli at maikulong siya.
Anong kamalasan ba itong nangyayari sa kaniya? Pinaparusahan na ba siya ng Diyos dahil sa ang dami niyang nilokong matatandang lalaki na pinagkaperahan niya? Ito na ba ang karma niya sa lahat ng kasalanan na kaniyang nagawa?
Makalipas ang ilang minuto ay bumaba na si Rhian ng jeep. Natataranta siya at panay ang lingon sa likod habang naglalakad. Natatakot siya na baka nasundan siya ng mga pulis. Malay ba niya kung nakita siya ng mga ito at pasimple na siyang nasundan nang hindi niya namamalayan.
“Mukhang wala namang nakasunod sa akin...” bulong ni Rhian.
Mas lalo na niyang binilisan ang paglalakad hanggang sa makarating siya sa apartment. Naabutan niya si Kenzo na nakaupo. Mukhang nagpapahinga ito sa paglilinis ng apartment ni Mariposa. May mga kalat sa sahig na hindi pa nawawalis at nailalagay sa basurahan. Medyo wala sa ayos ang ibang gamit. Nasa paanan nito ang walis at dust pan.
Pawisan at hinihingal niyang nilapitan ang nobyo. “Hello, Kenzo! Umuwi na ako. H-hindi na pala ako kailangan doon sa trabaho ni Mariposa.” Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. Humila siya ng isang upuan at pumwesto sa katapat nito.
Seryosong nagsalita si Kenzo. “Alam mo bang meron niyan si Mariposa?”
“Alin?” Walang ideya niyang tanong.
May itinuro ito sa ibabaw ng lamesa na noong niya lamang napansin. Tatlong maliliit na plastic na may kulay puting pulbos sa loob. Parang dinurog na tawas. Noong una ay hindi niya alam ang bagay na iyon ngunit nang maglaon ay napagtanto niyang shabu iyon.
“Nakita ko iyan sa damitan ni Mariposa. Imposibleng sa akin iyan o sa iyo, Rhian. Alam mo ba na gumagamit niyan ang kaibigan mo?” May halong galit ang tono ni Kenzo.
Nalilito siyang umiling. “H-hindi ko a-alam... Pero kung gumagamit man niyan si Mariposa, hayaan na lang natin siya—”
“Aalis na tayo rito. Delikado ang ganiyang tao na gumagamit. Hindi natin alam ang pwedeng gawin ni Mariposa kapag nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na droga. Mabuti pala at naglinis ako rito kung hindi ay hindi ko malalaman ang kawalanghiyaan ng kaibigan mo!”
Tututol sana si Rhian para ipagtanggol si Mariposa pero hindi na niya iyon nagawa. Nahihintakutan siyang napatayo nang may marinig siyang sirena ng kotse ng pulis sa labas. Patakbo siyang sumilip sa bintana at nakita niya ang paghinto ng police car sa tapat ng apartment.
Maya maya ay lumabas ang landlady nila at kinausap ng dalawang pulis. Mabilis siyang humakbang palayo sa bintana nang itinuro ng landlady ang bintana kung saan siya nakasilip.
“N-nasundan nila ako...” takot na bulong ni Rhian.
“Sino ang sumunod sa iyo?”
Nagulat siya sa biglang pagtatanong ni Kenzo sa likuran niya. May takot sa mukha na humarap siya sa nobyo. Dapat na niyang ipaalam dito ang nangyayari. Tama na ang pagsisinungaling at pagtatago niya ng mga bagay-bagay rito. Para na rin niya itong pinagmumukhang tanga sa mga pinaggagawa niya at hindi iyon deserved ni Kenzo.
Kinuha niya ang dalawang kamay ni Kenzo at mahigpit iyong hinawakan. “K-kenzo, m-may kasalanan ako sa iyo!” Awtomatikong naglaglagan ang luha niya. “Oo! Kay Mariposa ang mga shabu na nakita mo pero hindi siya gumagamit. Nagde-deliver siya niyon at iyon ang totoo niyang trabaho!”
“Ano?! Kailan mo pa alam iyan?”
“Hindi na importante. P-pero, Kenzo, may mga pulis sa labas at ako ang kailangan nila!”
“Ano bang sinasabi mo? Bakit ikaw? Si Mariposa ang—”
“Nakiusap kasi ako kay Mariposa na bigyan niya ng raket. Pinagdeliver niya ako ng shabu sa kliyente nila. T-tapos pulis pala iyong mga lalaki na pinag-abutan ko ng shabu kanina. Hinabol nila ako pero nakatakas ako. Pero nasundan pala nila ako. Huhulihin nila ako! Ikukulong nila ako!”
Hindi makapaniwalang napailing si Kenzo. “B-bakit mo ginawa iyon? Para lang sa pera? Pera na naman?” May disgusto sa mukha nito na labis na ikinawasak ng kaniyang puso.
“Oo! Dahil sa pera! Dahil gusto kitang mabigyan ng magandang regalo at selebrasyon sa birthday mo. G-gusto kitang pasiyahin. Gusto kitang maging masaya...” Tuluyan nang napahagulhol si Rhian. “Pero maling paraan ang ginawa ko. Ngayon, makukulong na ako!”
“Rhian... Hindi mo na kailangang gawin iyon. Hindi mo na ako dapat pinapasaya dahil iyong magkasama lang tayo ay sobrang saya ko na!”
“K-kenzo...”
Kapwa sila nagulat nang may malakas na kumatok sa pinto. Alam nila na iyon na ang mga pulis na huhuli sa kaniya.
“A-ayokong makulong. Ayoko! Tulungan mo ako, Kenzo!” Halos mabaliw na si Rhian sa pag-iyak. Iniisip pa lang niya na makukulong siya ay para na siyang mawawala sa sarili.
“A-ako ang bahala. Hindi ako makakapayag na hulihin ka nila at ikulong!”
“P-paano?”
“Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa iyo na gagawin ko ang lahat para sa iyo at hindi kita hahayaan na masaktan?” Naguguluhan siyang tumango sa sinabi ni Kenzo. “Totoo ang pangako kong iyon, Rhian. At ngayon, papatunayan ko sa iyo kung gaano kita kamahal.”
“Kenzo—”
“Iyan ba ang suot mo kanina nang makita ka nila?” tanong nito. Hinawakan siya nito sa balikat.
Patuloy ang malalakas na katok sa labas ng pinto.
“O-oo. Saka itong hawak ko. Bakit?”
“Hubarin mo ang suot mo. Magpalit ka!”
Naguguluhan man ay sinunod na lang ni Rhian ang sinabi ni Kenzo. Hinubad niya ang lahat ng damit at nagpalit ng pambahay. Isinuot naman ni Kenzo ang T-shirt at denim jacket. Maging ang baseball cap. Hindi nga lang nito maisuot ang pantalon niya dahil sa maliit iyon sa beywang nito.
Nang suotin ni Kenzo ang damit niya ay doon niya napagtanto ang gagawin nito. Kinilabutan siya at nanlamig. Aakuin nito ang kasalanan na siya ang may gawa!
“Hubarin mo `yan, Kenzo! Hubarin mo!” Pilit niyang hinihila ang denim jacket.
“Ito lang ang paraan na naiisip ko para hindi ka makulong. Kahit ako, ayokong makulong ka, Rhian. Hindi ko kayang makita na nasa loob ka ng ganoong lugar. Kaya hayaan mo na lang akong gawin ito. Kaya ko ang buhay sa kulungan at sisiguruhin kong makakalabas din naman agad ako!”
“Pero... Kenzo.”
“Mahal na mahal kita at gagawin ko ang lahat para sa iyo!” Isang halik ang iginawad nito sa labi niya. “Ipangako mo sa akin, hindi ka magsasalita sa kanila ng laban sa iyo. Ako ang nakipagkita sa mga pulis at hindi ikaw. Naiintindihan mo ba?”
“K-kenzo—”
“Naiintindihan mo ba?!”
Napatango na lamang si Rhian. Tutol man ang puso niya ay wala na rin siyang magagawa lalo na at talagang desidio na si Kenzo na akuin ang kasalanan na ginawa niya.
Sandali itong lumayo sa kaniya. Kinuha nito ang sachet ng shabu sa lamesa at inilagay sa bulsa ng suot nitong denim jacket. Tiningnan siya nito ng may lungkot sa mga mata.
“Kenzo, patawarin mo ako!” Iyak niya nang maglakad na si Kenzo papunta sa nakasaradong pinto.
“Buksan mo ang pinto kundi wawasakin na namin `to!” sigaw ng isang pulis mula sa labas ng pinto ng kanilang apartment.
Ipinikit ni Rhian ang matang tigam sa luha nang hawakan ni Kenzo ang door knob. Kasunod niyon ay ang pag-ingit ng pintong binuksan. Iminulat niya ang mata. Nakita niya ang dalawang pulis na humabol sa kaniya at sa likuran ng mga ito ay ang landlady.
Marahang itinaas ni Kenzo ang dalawang kamay at inilagay sa likod ng ulo. “Sasama na po ako sa inyo. Hindi na po ako tatakas.” Mahinahon nitong sabi sa mga pulis.
Inilabas ng isang pulis ang radio at may kinausap doon. “Confirmed. Nandito nga ang suspek! Denim jacket at baseball cap!” anito.
Kinapkapan ng isang pulis si Kenzo at hindi na siya nagulat nang may makuhang tatlong sachet ng shabu sa bulsa ng denim jacket.
Nakita siya ng isang pulis. “Ikaw, kasabwat ka ba niya?”
Hindi nakapagsalita si Rhian. Umurong ang dila niya sa takot.
“Hindi ko siya kasama. Wala siyang alam dito!” turan ni Kenzo.
“Hindi ikaw ang tinatanong ko!” Muli siyang tiningnan ng pulis.
Lumunok siya ng laway upang maalis ang tila nakabara sa lalamunan bago siya sumagot. “H-hindi po. W-wala po akong alam sa ginagawa ng lalaking iyan.” Walang emosyon niyang sabi ngunit ang luha niya ay walang patid.
WALA nang inaksayang oras si Rhian. Pagkadala ng mga pulis kay Kenzo sa presinto ay agad niya itong sinundan doon. Pagdating niya ay nanlumo siya nang makita itong nakakulong na. Nalaman niya kay Kenzo na ililipat ito sa mas malaking kulungan bukas ng umaga at wala raw piyansa sa kasong isinampa rito. Mahihirapan daw makalabas si Kenzo dahil sa nagbebenta ito ng ipinagbabawal na droga.
Nalaman din niya na kaya siya nasundan sa apartment ay dahil sa nalaglag niyang cellphone. Mabuti at wala iyong kahit na anong litrato niya dahil kundi ay masisira ang pagpapanggap ni Kenzo. Natatandaan niya na inilagay niya sa notes ang address ng apartment ni Mariposa noong nag-fi-fill up siya ng bio data upang hindi niya makalimutan.
Awang-awa si Rhian sa nobyo. Kahit nakangiti ito ay hindi nito kayang itago ang takot sa mga mata nito.
“K-kenzo, patawarin mo ako. Hindi ko na dapat iyon ginawa...” Wala nang mailuluha pa si Rhian. Tuyung-tuyo na ang mata niya sa labis na pag-iyak kanina.
“Ano ka ba? `Wag ka nang mag-sorry. Nandito na ako, e. Panindigan na lang natin ito. Saka huwag kang maingay. Baka may makarinig sa iyo. Ayos lang ako dito kaya huwag kang mag-alala. Kaya ko ito.”
“Maghahanap ako ng makakatulong sa atin. Kukuha ako ng abogado. Meron namang libreng ganoon, `di ba?”
“Salamat. Pero ang sabi sa akin ay malabo na makalabas pa ako, `di ba? Mabigat talaga yata ang kaso kapag nagbebenta ng droga. Saka narinig ko na papaaminin nila ako sa kung sino ang nasa itaas ko.” Pagak na tumawa si Kenzo. “Hindi ko alam ang isasagot sa kanila kasi wala naman akong alam.”
Mas lalong kinain ng konsensiya niya si Rhian. Napakawalang kwenta niyang girlfriend. Talagang ipinahamak pa niya si Kenzo na walang ibang ginawa kundi ang mahalin at protektahan siya.
“Hindi. Gagawa pa rin ako ng paraan. Makakalabas ka rito!” giit ni Rhian. “Kenzo, sorry talaga. Hiyang-hiya na ako sa iyo. Palagi na lang problema ang dala ko sa iyo. Siguro ay mabuti pa na makipaghiwalay ka na sa akin. B-baka sa susunod ay mas matindi pa ang—”
“Rhian! Bawiin mo ang sinabi mo!” Mataas ang boses na wika ni Kenzo. “Kahit kailan ay hindi ako nagsisisi na ikaw ang minahal ko at wala akong balak na hiwalayan ka. Wala akong pagsisisi na ako ang umako ng kasalanan mo kaya ako nandito. Ginawa ko ito dahil mahal kita... Mahal na mahal kita, Rhian. At kung mauulit ito ay ganito ulit ang gagawin ko. Hindi ako magsasawa na proptektahan ka dahil mahal kita!”
“Mahal na mahal din kita, Kenzo! Ipinapangako ko na hindi na ako gagawa ng ikakapahamak ko simula ngayon. Nagsisisi na ako. Sorry!”
“Masaya ako na naprotektahan kita...” Muling bumalik ang ngiti sa labi ni Kenzo. “Mag-iingat ka palagi. Wala muna ako sa tabi mo para bantayan ka.”
Tumango siya. “`Wag ako ang intindihin mo. Ikaw ang dapat na mag-ingat kasi nandito ka. Hayaan mo, palagi kitang dadalawin kahit ilipat ka pa nila sa pinaka malayong kulungan. Kung hindi ka napapagod sa akin ay hinding-hindi rin ako mapapagod sa iyo. Mahal na mahal kita, Kenzo!” Madamdaming pahayag ni Rhian.
At naglapat ang kanilang mga labi. Hindi naging hadlang ang rehas na bakal upang iparamdam nila sa isa’t isa ang wagas nilang pagmamahalan!