CHAPTER 37

1938 Words
       “BUKAS na iyong transaction na sinasabi ni Big Boss kaya dapat ay maghanda ka. Ala-sais iyon ng hapon sa likod ng iMall sa Canlubang. Alam mo naman iyon, `di ba? Doon tayo tumatambay dati kasi maraming murang damit doon. Magsuot ka ng hindi ka makikilala. Humiram ka ng damit kay Kenzo. Teka, paano pala si Kenzo? Nandito ba siya ng ganoong oras? Wala ba siyang lakad bukas?” Napaisip si Rhian sa tanong ni Mariposa. Oo nga pala, si Kenzo... Magtataka ito kapag umalis siya ng bahay ng ganoong oras tapos nakabihis pa siya ng iba sa madalas niyang isuot. Hindi kasi nito maaaring malaman ang gagawin niya dahil paniguradong magagalit ito at pipigilan siya. Wala na itong atrasan. Pinayagan na siya ng Big Boss nina Mariposa na gawin ang trabaho ng kaibigan niya. Isa pa, tumataginting na dalawampu’t limang libong piso ang kikitain niya sa transaction na iyon. “Rhian!” untag ni Mariposa. “Sandali at nag-iisip ako!” Matiim siyang nag-isip. “Aalis na lang siguro ako nang maaga. Sa mall na ako magpapalit ng damit. Kung dito kasi ay baka magtaka siya bakit nakasuot ako ng damit niya. Sa tingin mo, keri kaya `yon?” aniya. “Hmm. Mabuti pa nga na ganoon. Dapat talagang iba ang outfit mo. Iyong tago ang mukha at pagkatao mo para walang makakilala sa iyo. Mabuti na ang nag-iingat, `no. Saka hindi ko kasi pwedeng samahan si Kenzo dito kasi binigyan ako ni Big Boss ng ibang trabaho. Kaka-text niya lang sa akin, e. Sa Maynila iyon kaya malayo-layo rito sa Laguna. Gabi pa. Aalis ako rito ng tanghali bukas. Sabay na tayo?” “Sige, sige. Sabay na tayo. Wala kasing lakad si Kenzo kaya dito lang siya bukas. Sabihin ko na lang na isasama mo ako sa raket mo. Kunwari, may parlor na nangangailangan ng taga-walis ng buhok for a day lang!” “Naku, Rhian! Natututo ka nang magsinungaling, ha!” “Gaga! Ngayon lang. Saka para ito kay Kenzo kaya okay lang siguro...” “Balik na tayo sa gagawin mo bukas. Pagdating mo sa meeting place, may lalaking lalapit sa iyo na nakasuot ng itim na jacket at itim na cap. Ibibigay mo ang package at aabutan ka niya ng pera. Aalis ka na. Wala kang sasabihin na kahit ano.” “Hindi ako pwedeng mag-hello?” “Hindi!” “Okay. Kuha ko na. Hindi ako magsasalita ng kahit ano. Kahit isang salita!” “Korek ka diyan! Pagkakuha mo ng pera, pupunta ka na sa parking area ng iMall. Hanapin mo ang black van na may plate number na XYZ 123. Huwag mong kakalimutan. Isulat mo para matandaan mo. Baka magkamali ka ng mapapasukan na van. Nakakahiya! Kakatok ka ng tatlo sa pinto sa likuran at papasok ko. Naroon si Big Boss. Iaabot mo ang pera at saka ka niya babayaran. Pagkabayad niya, mag-thank you ka at alis na agad. Umuwi ka na at tapos na ang trabaho mo.” “Ang dali lang pala...” Nakangiti ngunit kinakabahan na bulalas ni Rhian. “Madali pero nakakatakot din.” “Sige, ako na ang bahala bukas. Kayang-kaya ko na iyan!” “Mag-iingat ka, Rhian, ha! Sa totoo lang, ayokong ipasok ka sa ganitong trabaho pero mapilit ka kasi!” “Ano ka ba? `Wag ka nang ma-feel bad diyan. Madrama ka na masyado, bakla! Kagustuhan ko ito at dapat pa nga akong magpasalamat sa iyo kasi tinutulungan mo ako.” “Ikaw talagang babae ka!” Natatawang turan ni Mariposa.   BAGSAK ang balikat na pumasok ng apartment si Kenzo. Pagod na pagod siya sa maghapon na paghahanap ng trabaho kung saan pwede sila ni Rhian o iyong mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Marami siyang napuntahan na hiring pero nire-required na kahit high school graduate. Ayaw na nilang gumamit ng pekeng diploma sa takot na iyon ang maging sanhi ng mas malaking problema. Tiniis niya ang init at gutom sa paghahanap ng trabaho. Mahapdi na nga ang braso at batok niya sa tindi ng init ng araw. Kung hindi siguro dahil kay Mathilda ay baka meron na siyang bagong sugar mommy ngayon. Hindi na sana siya mahihirapan na kumita ng pera. Iyong natitirang pera nila ni Rhian ay iniipit nila. Ipon nila iyon at gagamitin lang kapag talagang kailangan. Ang budget niya sana para sa pagkain ay hindi niya ginastos. Ibinili niya ng burger si Rhian. Iyong buy one take one na paborito nilang kainin kapag nagugutom sila sa gitna ng gabi tapos wala silang maisip na kainin. Sa pagpasok ni Kenzo ay agad siyang sinalubong ni Rhian ng isang mahigpit na yakap. Nawala agad ang pagod at gutom niya dahil doon. Ginantihan niya ang yakap ng nobya. “Kumusta ang lakad mo? May nakita ka bang hiring na pwede tayong dalawa?” salubong nitong tanong. “Sorry pero wala, e. Puro high school dapat. Meron naman pero magiging macho dancer ako tapos ikaw ay waitress. Ayoko na magtrabaho tayo sa ganoon. Babastusin ka lang ng mga manyak na lalaki roon!” “Tama. Hindi natin kailangan na magtrabaho sa ganoon.” “May pasalubong nga pala ako. `Eto...” Bahagya niyang iniangat ang isang plastik na may laman na dalawang piraso ng burger. Nagningning ang mata ni Rhian at agad nitong kinuha ang plastik. “Thank you! I love you!” Isang matunog na halik ang iginawad nito sa labi niya. Tuluyan nang nawala ang pagod ni Kenzo. Makita niya lamang na masaya si Rhian ay masaya na rin siya. Lahat ay gagawin niya para sa ikakasiya nito kahit siya pa ang mahirapan. Ganoon niya ito kamahal. Sa pag-ikot ng mata ni Kenzo ay napansin niya na meron nang lamesa na kainan at apat na upuan. Yari ang mga iyon sa makapal na plastic. “Bumili na pala si Mariposa ng kainan natin. Ang hirap kasing kumain sa sahig, e!” Napansin yata ni Rhian na nakita niya ang bagong lamesa. “Mabuti at meron nang lamesa. Mas kumportable na tayo kapag kumakain. Magpapalit na pala ako ng pambahay. Amoy-pawis na ako, e. Kainin mo na iyang burger mo, ha. Binili ko talaga iyan para sa iyo.” “Thank you ulit!” Nagpunta na si Rhian sa lamesa dala ang burger. Habang siya ay kumuha ng damit sa kahon. Hinubad niya ang sapatos, damit at pantalon. Brief lang ang itinira niya. Saka siya nagbihis ng preskong itim na sando at boxers shorts. Nakita niya si Rhian na nakaupo na sa upuan at nakatingin sa kaniya. “Ikaw, ha! Sinisilipan mo ako!” tudyo niya. “Baliw! Hinihintay kita na matapos sa pagbibihis. Halika na. Kainin na natin itong burger,” anyaya ni Rhian. “Binili ko nga `yan para sa iyo, e. Sa’yo lahat iyan...” Umupo na siya sa katapat ni Rhian. Nakakataba ng puso na inaalala pa rin siya nito. “Alam kong nagugutom ka. Tingnan mo nga iyang labi mo. Ang putla na!” Inilabas nito ang dalawang burger at ibinigay ang isa sa kaniya. “Kainin mo iyan. Hindi ko kakainin itong sa akin kapag hindi ka kumain!” Napangiti si Kenzo. “`Sus! Oo na. Kakainin ko na ito. Takot ko na lang sa’yo!”   MAAGANG nagising si Rhian ng umagang iyon. Sinakto niyang natutulog pa si Kenzo upang makapuslit siya ng damit nito. Isang denim jacket at baseball cap ang kinuha niya sa gamit ng nobyo. Inilagay niya iyon sa bag ni Mariposa para hindi malaman ni Kenzo na meron siyang dalang ganoon kapag umalis na sila ni Mariposa. Iyon ang mga susuotin niya mamaya kapag nakipagkita siya sa pagbibigyan niya ng “package”. Kung kahapon ay malakas ang loob niya, ngayon ay kinakabahan na siya nang husto. Parang gusto na niyang umatras pero hindi na pwede. Mamaya na iyon at baka pag-initan siya ni Big Boss kapag hindi natuloy ang transaction nang dahil sa kaniya. Nakakatakot kalaban ang mga drug lord. Baka bigla na lang siyang itumba at makitang walang buhay sa talahiban! Maya maya ay bumili na siya ng almusal. Pandesal, pancit bihon at margarine bilang palaman. Pagbalik niya sa apartment ay gising na sina Mariposa at Kenzo. Nagkukwentuhan ang dalawa habang nakaupo sa may hapag-kainan. “Wow! May pa-almusal ang BFF ko! Tamang-tama, gutom na ako!” pakli ni Mariposa. Tumayo ito at kumuha ng mga mug at iyong kape, asukal at creamer. Ipinagtimpla siya ng kape ni Kenzo. Pagkaupo niya ay napatulala siya nang hindi niya namamalayan. Iniisip niya ang gagawin niya mamaya. Kung anu-ano nang tumatakbo sa utak niya kagaya ng baka magkaroon ng problema. Baka biglang may pulis na makatunog tapos mahuli siya. Makulong at hindi na makalabas habangbuhay. Huwag naman sana... “Rhian? Rhian!” Tila nagising mula sa pagkakatulog si Rhian nang marinig ang pagtawag ni Kenzo. Kumurap-kurap siya at may pagtatakang tumingin sa nobyo. “Bakit?” tanong niya. “Bakit nakatulala ka kanina pa? Inaabot ko sa iyo ang kape mo pero hindi mo ako pinapansin. May problema ka ba?” “H-ha? W-wala. M-may bigla lang akong naiisip. K-kung makakahanap pa ba tayo ng trabaho. B-baka kasi magalaw natin iyong natitira nating pera sa banko, `di ba?” Mabuti at nakaisip agad siya ng palusot. “Ano ka ba? Huwag mong kaisipin iyon. Sa Lunes ay maghahanap ulit ako. Hindi tayo susuko. Tayo ang talo kapag sumuko tayo.” “Tama ka... Salamat nga pala sa kape.” Kinuha niya ang mug at uminom nang kaunti dahil mainit pa. Palihim siyang pinandilatan ng mata ni Mariposa. Parang sinasabi nito na umayos siya at huwag magpahalatang kinakabahan. “Kenzo, isasama ko pala si Rhian sa raket ko, ha. May e-extra kasi ako sa parlor sa bayan. Kailangan ng taga-walis. Seven hundred din iyon tapos eight hours lang,” singit ni Mariposa. “Walang problema sa akin. Pero iyon ay kung papayag si Rhian.” Tumingin si Kenzo sa kaniya. “Okay lang ba sa iyo na magwawalis ka ng mga buhok?” Mabilis siyang tumango. “Oo naman, `no. Buhok lang iyon. Saka sayang ang pitong daan. Pandagdag din sa pambayad ng upa. Sasama na lang ako kay Mariposa. Anong oras ba, bakla?” Kunwari ay wala pa siyang alam pero ang totoo ay pinag-usapan na nila iyon. “Sige. Edi, ako pala maiiwanan dito nang mag-isa. Mga anong oras balik ninyo?” “Siguro ay gabi na. Doon na kami magdi-dinner ni Rhian. Mamayang pagkatapos ng tanghalian kami aalis. Ikaw na muna ang bahala rito, ha.” Tumango-tango si Kenzo. “Samahan ko na lang kaya kayo? Maiinip ako rito, e. Wala naman akong gagawin dito.” “Huwag na!” Magkasabay na tutol nila ni Mariposa. Nagtataka na natatawang nagtanong si Kenzo. “Sabay pa talaga kayo, ha. Bakit parang ayaw ninyo akong isama?” “Maiinip ka lang doon. Dito ka na lang. Maglinis ka ng apartment. Ang daming dapat linisin dito, e. Ang daming ipis sa ilalim ng lababo kasi sobrang daming kalat. Baka magkasakit tayo rito. Mahirap na...” ani Rhian. “Sabagay. Ang dumi na nga dito. Panay ang bahing ko kahapon pa, e. Sige, maglilinis na lang ako dito habang wala kayo. Saka magandang maglinis kapag mag-isa ka lang. Madali akong makakakilos.” Kahit papaano ay nakahinga nang maluwag si Rhian at Mariposa. Buong akala niya ay ipipilit ni Kenzo ang kagustuhan nitong samahan sila. Siyempre, hindi ito pwedeng sumama. Malalaman nito ang totoong gagawin nila lalo na siya. Sorry, Kenzo... `Eto na naman ako. Kailangan ko na namang magsinungaling sa iyo. Pero para ito sa iyo. Gusto lang talaga kitang maging masaya... turan ni Rhian na tanging sarili lang niya ang nakakarinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD