HINDI makapaniwala si Rhian sa nalaman niya kay Mariposa. Umamin na ito sa kaniya na kumikita ito ng pera sa pagde-deliver ng ipinagbabawal na gamot kabilang na ang shabu.
Ayon dito, nang magipit ito ay may kaibigan si Mariposa na nagrekomenda rito sa isang drug lord sa kanilang lugar. Wala nang makakapitan noon si Mariposa kaya tinanggap na nito ang ganoong klase ng pagkakaperahan kahit pa ilegal. Desperado na kasi si Mariposa na makaipon ng pera upang mabayaran ang mga ni-recruit nito sa Rise And Shine na naging biktima rin ng scam. Ayaw nitong magtago habangbuhay.
Sabi pa ni Mariposa ay wala itong balak na gawing habangbuhay ang ganoong klase ng trabaho. Kapag nabayaran na nito ang mga na-scam ay babalik na ito sa squatter’s area dahil naroon ang negosyo at bahay nito.
Mabilis daw kasi ang pera sa pagde-deliver ng ipinagbabawal na droga. Kapag naging “smooth” o maganda ang transaksiyon ay bibigyan ka pa ng bonus ng tinatawag ng mga ito na “Big Boss”. Sa isang transaksiyon ay pwede raw siyang kumita ng sampu hanggang dalawampung libong piso!
Napakalaking halaga ng pera para sa ilang oras na trabaho. Hindi niya iyon kikitain sa walong oras sa pagtatrabaho sa fastfood o sa pabrika.
“Anong pinag-uusapan ninyo? Ang seryoso niyo yata...”
Kapwa sila nagulat ni Mariposa nang marinig ang boses ni Kenzo. Dumating na pala ito nang hindi nila namamalayan. May dala itong isang yelo, isang sachet ng powdered orange juice at tatlong banana cue.
Masyado silang naging pokus sa pag-uusap. Sinasabihan niya kasi si Mariposa na baka mapahamak ito ngunit patuloy nitong ginigiit na protektado ang grupong kinabibilangan nito ng ilang kapulisan. Kaya pala malakas din ang loob nito na gawin ang ganoong trabaho.
“W-wala. Pinagsasabihan ko kasi itong si Mariposa. May nilalandi na namang bagets. Sabi ko, baka kagaya lang ni Francis na manloloko at mangagamit kaya mag-ingat siya. `Di ba, bakla?” Pinanlakihan ni Rhian ang kaibigan upang sang-ayunan ang pagsisinungaling niya.
“Ah, e... oo! Super concern talaga itong BFF ko sa akin kahit kailan!” Tawa ni Mariposa. “Thank you, Rhian! Don’t worry, natuto na ako sa ex ko at hindi na ako mabibiktima ng mga kagaya niya. I am smarter now!”
“Aba, tanga ka na talaga kung magpapaloko ka pa, Mariposa. Bakla ka at huwag mong iisipin na bakla ka lang kaya pwede ka nilang loko-lokohin! Kung nagtagpo lang kami ng ex mo, bibigwasan ko iyon ng isang suntok sa nguso, e!” Nang umupo si Kenzo sa sahig ay sumunod na sila upang kumain ng banana cue.
Kinuha naman ni Mariposa ang yelo at powdered juice para timplahin. “Aww... Ang sweet talaga nitong jowa mo, Rhian. Pwede bang siya na lang jowain ko?” Humagikhik ito na parang kinikiliti ang singit.
“Gaga ka! Diyan na tayo mag-aaway. Gusto mong kalbuhin ko lahat ng buhok mo sa katawan?” Pabirong pananakot ni Rhian.
“Ouch! `Wag na nga lang. Hahanap na lang ako ng sarili kong Kenzo!” anito at itinuloy na nito ang pagtitimpla ng juice.
“Asa ka pa, Mariposa! Walang katulad ang Kenzo ko. Nag-iisa siya!” Tiningnan ni Rhian si Kenzo at buong suyo siyang nakatanggap ng matamis na ngiti mula rito.
KINABUKASAN ay mag-isang umalis si Kenzo para maghanap ng pwede nilang mapag-apply-an ni Rhian. Hindi na nakasama si Rhian dahil sumasakit ang puson niya nang dahil sa buwanang dalaw. Buong maghapon iyon kaya mas minabuti niyang magpahinga muna. Hindi naman mag-a-apply si Kenzo. Maghahanap at magtatanong lang ito kung saan merong hiring na pwede silang matanggap kahit hindi sila tapos ng pag-aaral.
Habang mag-isa sa apartment at nakahiga sa manipis na kutson ay nakatulala si Rhian sa kisame. Uminom na siya ng gamot kaya kahit paano ay nabawasan ang p*******t ng kaniyang puson. Wala rin si Mariposa. Madaling araw ay umalis na ito. Alam na niya kung ano ang gagawin nito.
Maraming tumatakbo sa isip ni Rhian. Isa na roon si Kenzo at ang lahat ng nagawa nito para sa kaniya. Hindi niya matandaan kung kailan niya ito nabigyan ng regalo. Sa tuwing monthsary nila ay ito ang palaging may ibinibigay. Kahit sinasabi ni Kenzo na masaya na ito na sila pa rin kahit wala na siyang regalo ay hindi pa rin iyon sapat sa kaniya. Sa mga nangyari nitong nakaraan lalo na ang pagkawala ng bahay nila ay magandang pagkakataon ang kaarawan ni Kenzo para pasayahin niya ito.
Rumaket kayo ako sa raket ni Mariposa? Tanong niya sa sarili.
Simula nang malaman niya na pwede siyang kumita ng hanggang twenty thousand sa isang transaksiyon ay parang gusto na niya iyong subukan. Isang beses lang naman, e. Ang sabi ni Mariposa ay pupunta siya sa lugar kung saan magkakaabutan. Ibibigay niya sa taong naroon ang “package”. Tatanggapin niya ang pera at aalis na. May kukuha ng pera sa kaniya at babayaran na siya. Doon na magtatapos ang trabahong iyon.
Sa tantiya niya ay wala pa iyong isang oras at kikita na siya ng malaking pera.
Nakakatukso pero nakakatakot din.
Ngunit kung hindi niya iyon gagawin ay saan naman siya kukuha ng pera para sa birthday ni Kenzo? Lilipas na lang ba iyon nang wala siyang nagagawang espesyal para sa kaniyang nobyo? Parang napakawalang kwenta naman niyang girlfriend kung ganoon.
Naputol ang pag-iisip ni Rhian nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Nakita niya si Mariposa na pumasok. Malaki ang ngiti at halatang maganda ang mood. Tumayo siya mula sa pagkakahiga at nilapitan ang kaibigan.
“Kumusta na ang feeling mo?” Naunahan siya nitong magsalita.
“Medyo hindi na masakit.” Hinimas niya ang puson. “Ang saya mo yata. Anong nangyari? May transaksiyon ka, `no?”
“Shhh! Ang ingay mo. Baka may makarinig sa labas. Hindi sound proof itong apartment natin. And yes, successful ang transaction ko kaninang madaling araw. Sulit na sulit ang paggising ko nang maaga kasi nagkaroon ako nito!” May hinugot si Mariposa sa likurang bulsa ng pantalon nito.
Halos malaglag ang panga ni Rhian nang makita ang hawak ni Mariposa na isang bungkos ng pera. Isinampal-sampal pa nito iyon sa magkabila nitong pisngi na parang iniinggit siya. May pagkurap-kurap pa ito na akala mo ay napupuwing.
“Bakla ka! Ang dami mong pera!” Masaya niyang turan.
“E, big transaction kanina. Malaki ang bayad kasi malaki rin ang perang ibinayad doon sa idi-neliver ko. This is thirty thousand kyaw!”
“Ang laki! Tapos saglit ka lang nawala!”
“Ganoon talaga sa work kong `to. Mapanganib pero worth it. Hay... Kaunti na lang talaga at makakaipon na ako. Mababayaran ko na ang mga pinagtataguan ko. Punyetang Rise And Shine kasi iyan, e. Sila ang nakinabang sa pera tapos ako ang nagdurusa ngayon! Peste!”
Napapalunok ng laway si Rhian habang nakatingin sa pera ni Mariposa. “Bakla, b-baka pwedeng tulungan mo akong magdeliver diyan sa raket mo. One time lang naman. Para lang sa birthday ni Kenzo next week!” Tuluyan nang nagpadala sa tukso ng salapi si Rhian. Wala na talaga siyang naiisip na ibang paraan kundi ang ginagawa ni Mariposa.
Nawala ang ngiti ni Mariposa. Parang hindi ito makapaniwala sa narinig. “Ha? Seryoso ka ba?” tanong pa nito.
Tumango siya. “Seryoso ako, bakla. Gusto ko talagang kumita ng madaliang pera kahit ngayong weekend. Pwede ako. Sige na...”
“Rhian, sure ka? Paano kapag nalaman ni Kenzo? Naku! Papatayin ako no’n kasi dinala kita sa panganib!”
“Hindi `yon. Hindi niya malalaman. Wala akong sasabihin. Sasabihin ko na umutang ako sa iyo kasi meron kang ipon.”
“Very dangerous ito, Rhian. Illegal drugs ang dala mo!”
“Alam ko. Sinabi mo na sa akin iyan kahapon, `di ba? Bakla, desperada na talaga ko. Gusto ko na maging special ang birthday ni Kenzo. Makabawi man lang ako sa kaniya at hindi iyong puro ako tanggap tapos wala akong ginagawa para mag-give back sa kaniya.”
“Pero, Rhian... ano kasi... Ako ang natatakot para sa iyo...”
“Bakit ka matatakot para sa akin? E, ikaw nga nagagawa mo!”
“Nagagawa ko pero natatakot din ako. Baka kasi makatiyempo ako na mga pulis ang katransaksiyon ko. Iyong mga nagpapanggap na buyer tapos pulis pala. Huli ka nang walang kalaban-laban!”
“Sabi mo protektado kayo ng kapulisan? Saka isang beses lang naman, e. Imposibleng matiyempuhan ako ng mga pulis. Sige na, bakla! Isang beses lang. Kailangan ko lang talaga ng pera...”
“Pautangin na lang kita!” suhestiyon ni Mariposa.
“Ayoko.” Tanggi niya. “Anong ipambabayad ko? Wala nga akong trabaho. Saka iyang pera mo ay pambayad mo sa mga na-scam ng Rise And Shine kaya hindi mo iyan dapat bawasan. Para makabalik ka na sa squatter. Ano, bakla? Go na ako?”
Napangiwi si Mariposa. Pinagpapawisan nang malapot. “R-rhian...”
“Bakla, pumayag ka na!” Nakakagigil na si Mariposa. Hindi ba nito nakikita na desperada na siya na magkaroon ng pera?
“Oo na! Sige na nga! Ipagsasabi kita kay Big Boss!” Parang napipilitan nitong pagpayag.
“Yes!” Napapalakpak sa kasiyahan si Rhian. Sa labis na tuwa ay niyakap pa niya ang kaibigan. “Thank you, bakla! Ikaw talaga ang best bestfriend sa buong mundo!”
Nandidiri siyang ipinagtulakan nito. “Yuck! Dumidikit sa akin `yong dede mo!”
“Gaga ka! Dede lang iyan!”
“E, ayoko niyan! Pero, Rhian, mag-iingat ka. Hindi ako patatahimikin ng konsensiya ko kapag may nangyaring hindi maganda sa iyo. Ako ang mananagot kay Kenzo!”
“Puro ka agad ka-negahan, wala pa nga! Sige na, tawagan mo na ang Big Boss ninyo para mabigyan niya agad ako ng transaction. Bilis na!”
“Oo na! Masyado ka naman atat, e!”
Inilabas na ni Mariposa ang cellphone nito at may kinausap gamit iyon. Halos hindi na humihinga si Rhian habang pinapanood ang kaibigan. Ang tanging dasal niya ay pumayag ang Big Boss ng mga ito na pa-extra-hin siya kahit isang beses lang.
“Sigurado ka ba na hindi tayo sasabit diyan, Mariposa?” Naka-loudspeaker kaya naririnig niya ang boses ng isang lalaki sa kabilang linya. Malaki at puno ng awtoridad ang boses niyon. Iyong boses na talagang susundin mo dahil nakakatakot.
“Sure na sure ako, Big Boss! Kilala ko kasi talaga siya. Saka ako po ang mananagot kapag sumabit po tayo. Ganoon po ako kasigurado sa isang `to. One time lang naman po niya gagawin kasi gipit po.”
“Payag ako. Sa kaniya mo na ipatrabaho iyong package na pinatabi ko sa iyo. Iyong ibinigay ni Romero sa iyo noong isang araw. Malaki-laki iyon. Kikita siya ng twenty-five thousand doon.”
Twenty-five thousand?! Tili ng utak ni Rhian. Wala pa man sa kamay niya ang pera ay iniisip na agad niya kung ano ang gagawin niya roon. Makakabili na siya ng bagong cellphone para kay Kenzo tapos iyong matitira ay panghanda. Okay na ang halagang iyon para sa kaniya.
“Okay, boss. Bukas po iyon, `di ba? Sa Canlubang?”
“Tama. Ipatrabaho mo iyon sa kaibigan mo. Alam mo na ang gagawin doon kaya ikaw na ang magbigay sa kaniya ng instruction.”
“Okay po, Big Boss! Maraming salamat po! Bye po!”
Pagkatapos ng pakikipag-usap ni Mariposa kay Big Boss ay masaya silang nagtatalon habang magkahawak ang mga kamay. Hindi siya makapaniwala na papayag agad ang Big Boss nina Mariposa. Ganoon lang pala kadali.
“Thank you, bakla! Ang galing-galing mo talaga! Hulog ka talaga ng langit!” Masayang pasasalamat ni Rhian nang bahagyang humupa ang kanilang kasiyahan. “Huwag kang mag-alala. Gagalingan ko at sisiguruhin kong hindi ka mapapahiya sa Big Boss na iyon. Promise!”