EXCITED na sinalubong ni Kenzo si Rhian nang lumabas ito ng opisina. Ang una niyang napansin ay ang malungkot nitong mukha kaya nagkaroon siya ng hinala na baka hindi naging maganda ang resulta ng interview dito. Ngunit baka pina-prank siya nito at nagkukunwari lang na malungkot.
“Kumusta? For requirements ka na rin ba?” Malaki ang ngiting tanong niya sa nobya.
Mabagal na umiling si Rhian. “A-ang sabi ay tatawagan na lang ako tapos hindi ako binigyan ng listaha ng requirements kagaya ng sa iyo...” Kung umaakting si Rhian ay masasabi niyang mahusay ito. Totoo kasi ang tono nito na sobrang lungkot.
“`Sus! Huwag mo nga akong niloloko! Paanong hindi ka bibigyan, e, ang galing mo. Bilib na bilib ako sa iyo!”
“Hindi ako nagbibiro, Kenzo. `Di ba, kapag sinabing tatawagan ka ay hindi ka tanggap? Naging honest naman ako sa pagsagot sa kaniya. Nang tanungin niya ako kung bakit magkaparehas tayo ng address, ang sabi ko ay boyfriend kita...”
“Excuse me.” Isang lalaking aplikante ang sumingit sa pag-uusap nila. “Dapat ay hindi mo sinabi na magkasintahan kayo. Ayaw nila ng may ganoon sa trabaho, e. Binago na lang sana ng isa sa inyo ang address para hindi nila na-question iyon.”
Nagpasalamat si Kenzo sa impormasyong sinabi ng kapwa nila aplikante.
“K-kung ganoon ay ikaw nga lang talaga ang natanggap, Kenzo. Ayos lang iyon. Asikasuhin mo na ngayon ang mga requirements para makapagsimula ka na. Ako naman ay pwede pang maghanap sa iba—”
“Hindi!” Matigas na tutol ni Kenzo. “Hindi ganiyan ang napag-usapan natin. Dapat ay magkasama tayo sa iisang trabaho. Gusto kitang mabantayan, Rhian. Naiintindihan mo ba? Ang mabuti pa ay umalis na tayo rito para mag-apply sa iba!”
Wala nang nagawa si Rhian nang hawakan niya ito sa kamay at hilahin paalis sa lugar na iyon.
SA isang malapit na convenience store muna tumambay sina Rhian at Kenzo. Bumili sila ng malaking bote ng tubig dahil kapwa sila nauuhaw. Hanggang sa sandaling iyon ay malungkot pa rin si Rhian. Pakiramdam niya ay nabigo niya si Kenzo. Malay ba niya na hindi pala tumatanggap ng magkasintahan sa kumpanyang iyon. Mahalaga rin pala talaga na nagre-research muna ng tungkol sa isang kumpanya bago mag-apply upang maiwasan ang mga ganoong kaganapan.
Sinitsitan siya ni Kenzo at nang tingnan niya ay ngumiti ito nang malaki. “O, bakit nakabusangot pa rin mukha mo riyan? `Wag ka nang malungkot. Ang importante ay magkasama pa rin tayo ngayon. Huwag kang mag-alala kasi makakahanap din tayo ng trabaho na magkasama tayo.” Alam niya na pinapalakas nito ang loob niya. Sa kanilang dalawa ay siya ang mabilis na mapanghinaan.
Sinabihan siya ni Kenzo na kapag tinanong ng mag-i-interview kung bakit magkaparehas ang address nila ay sasabihin nila na magka-boardmate sila sa iisang apartment. Magkakilala lang sila at walang anumang relasyon.
“May a-apply-an pa ba tayong kasunod?” tanong ni Rhian.
“Meron pa. Sa isang factory ng candy. Isang sakay lang ng tricycle ang opisina nila mula rito. Iyon nga lang, required na ipasa natin kasama ng bio data ang mga diploma at mga NBI clearance.”
“Meron na tayo ng mga iyon, e. Wala na iyong problema.”
“Tama. Ano, ready ka na ba? Gusto mo bang pumunta na tayo roon?”
“Oo. Tara na. Hindi dapat tayo nag-aaksaya ng oras!” Nauna na siyang tumayo.
“`Yan! Ganiyan dapat! Hindi dapat mawalan ng pag-asa!”
MATIYAGANG naghihintay sina Rhian sa labas ng opisina ng pangalawang pinag-a-applyan nila. Umaasa sila na matatanggap na silang dalawa sa naturang pabrika dahil nalaman nila sa ibang aplikante na mass hiring iyon. Ibig sabihin ay marami ang kailangan na trabahador. Sa pagkakatanda niya ay dalawang daan daw ang kailangan. Tapos sa tingin niya ay hindi sila lalagpas ng isandaan na naroon.
Naipasa na nilang dalawa ang kanilang bio data kasama ng original copy ng hinihinging requirements na meron sila. Kailangan pa pala ng SSS at PHILHEALTH number. Mabuti at pwedeng to be follow ang mga iyon kaya tinanggap pa rin ang kanilang application.
“Kenzo, matatanggap na siguro tayong dalawa, `no? Ang dami nilang kailangang tao, e!” Muling nabuhayan ng loob si Rhian.
“Tama ka. Kaya `wag ka nang malulungkot, ha. Kahit mahirap ang trabaho dito ay magtiis muna tayo. Walang susuko.”
“Walang susuko!” tugon niya.
Maya maya ay may lumabas na isang lalaki. Ito yata ang nagtatawag dahil meron itong hawak na papel na may listahan ng mga pangalan. “Nasaan sina Miss Rhian Jacinto at Mr. Kenzo Maranan?” tanong nito.
“Kami po!” Magkasabay pang sabi nilang dalawa na may kasamang pagtaas ng kamay.
“Pasok na kayo sa loob.”
“Kaming dalawa, sir? Magkasabay?” Paniniguro ni Rhian.
“Yes.” Wala na itong ibang sinabi. Muli itong pumasok sa loob.
May pagtatakang nagkatinginan silang dalawa. Magkasabay ba silang i-interview-hin?
Wala rin namang makakasagot sa kanilang dalawa kaya pumasok na rin sila sa loob. Itinuro sila sa isang pinto ng lalaki. Magkasama silang pumasok. Isang lalaki na siguro ay nasa early 30’s ang naroon para mag-interview ng mga aplikante. Umupo sila sa upuan na nasa harapan ng table nito.
“Good morning, sir...” Magalang na pagbati ni Kenzo.
“Good morning, sir,” segunda ni Rhian.
“Good morning to the both of you...” anito habang hawak ang kanilang mga diploma. “Based sa bio data ninyong dalawa ay nakatira kayo sa iisang bahay. Ano ba ito? Sarili ninyo o nangungupahan?”
“Apartment po. Magka-boardmate po kami. One week pa lang!” Mabilis na sagot ni Kenzo. Inunahan na siya nito at baka kung ano pa ang isagot niya.
“I see...” Tumango-tango ang lalaki. “Actually, walang problema sa inyong dalawa kahit pa nakatira kayo sa iisang bubong at meron kayong relasyon. Ang problema ay baka makasuhan kayo sa ginagawa ninyo. Alam niyo ba iyon?”
May kabang nagkatinginan sina Rhian at Kenzo.
“A-ano pong ibig ninyong sabihin, sir? W-wala po kaming ginagawang labag sa batas kaya bakit kami makakasuhan?” Pilit na pinapakalma ni Rhian ang sarili.
“Article 170 of the Revised Penal Code. Crime of falsification of legislative documents.” Ibinagsak nito ang dalawang diploma. “Akala ninyo siguro ay hindi ko malalaman na fake ang mga diplomang iyan? Sa dami na ng naka-engkwentro kong kagaya ninyo ay alam ko na ang totoo sa hindi! Pwedeng-pwede akong tumawag ng pulis ngayon at ipakulong kayong dalawa!”
Nanlamig si Rhian. Agad niyang naisip na nasa kulungan silang dalawa ni Kenzo at naghihimas ng malamig na rehas.
“Sir, huwag naman po! G-gusto lang po namin na magtrabaho sa kumpanya ninyo kaya kami gumawa ng pekeng diploma. Hindi po kasi kami nakatapos kahit high school kaya namin iyan nagawa. `Wag niyo po kaming ipakulong, sir. Parang awa niyo na...” Pakiusap ni Kenzo.
“Naiintindihan ko kayo. Sabihin na nating gusto ninyo na magtrabaho pero mali ang pagpepeke ng mga documents kagaya ng diploma. Papalampasi ko ito pero huwag niyo nang gawin sa iba. Baka hindi kasing-bait ko ang makabuking sa inyo. Diretso na lang kayo sa kulungan!”
“Opo, sir! M-maraming salamat po!”
Kahit paano ay nakahinga na nang maluwag sina Rhian nang makalabas at makalayo sila ng naturang opisina nang walang pulis silang nakita at humuli sa kanila. Ramdam ni Rhian na kagaya niya ay labis itong kinabahan kanina.
Nang sabihin ng lalaki na alam nitong peke ang kanilang diploma at makukulong sila ay labis ang takot niya. Sa tanang ng buhay niya ay hindi niya kayang isipin na makukulong siya. Mas gugustuhin pa niya na mamatay na lang kesa maranasan ang ganoong bagay. Hindi niya talaga kaya.
“`Buti at napakiusapan mo si sir. K-Kenzo, ayokong makulong!” Nanginginig pa ang boses ni Rhian. Nasa isang waiting shed sila at nag-aabang ng jeep.
Napagdesisyunan nilang dalawa na umuwi muna. Hindi na sila maaaring magpatuloy sa pag-a-apply sa ibang kumpanya. Pinunit na ng lalaki ang diploma para hindi na nila magamit. Binalaan pa sila na huwag nang magtangkang ulitin iyon at baka sa sunod ay makulong na silang dalawa.
“Kaya nga nagpakumbaba ako kanina. Ayoko rin na makulong ka, Rhian. Hindi ko iyon kayang makita kaya hinding-hindi ko iyon hahayaan na mangyari. Mas okay na ako lang ang makulong—”
“Kenzo, ano ba? Huwag mo ngang sabihin iyan! Kung makukulong ka, magpapakulong na rin ako!” ungot niya.
Naputol na ang kanilang pag-uusap nang may dumating ng jeep. Sumakay na silang dalawa at bumyahe pabalik ng apartment...
NAGULAT si Mariposa nang maagang umuwi sina Rhian. Ang akala yata nito ay gagabihin silang dalawa. May naabutan pa sila ni Kenzo na lalaking kasama ni Mariposa sa loob ng apartment. May inabot na isang box na nakabalot sa packaging tape ang lalaki kay Mariposa. Kasing-laki ng kahon ng sapatos ang naturang kahon.
Nagmamadaling umalis ang lalaki pagkakita sa kanila.
Inilagay muna ni Mariposa ang kahon sa aparador bago sila hinarap. “Ang bilis niyo yata. Ano? May work na ba kayong dalawa?” nakangiti nitong tanong.
Pagod na umupo sa sahig si Rhian. “Malas nga. Wala kaming napasukan na trabaho. Doon sa una, bawal ang magjowa. Sa pangalawa, nabuking na peke ang diploma namin ni Kenzo kaya umuwi muna kami para mag-isip kung ano ang kasunod na gagawin,” aniya.
“Naku, malas nga! Hayaan ninyo at makakahanap din kayo.”
“E, sino naman `yong bisita mo? Bago mong jowa, bakla?”
“Gaga! Hindi, `no! Katrabaho ko iyon. May pinabibigay sa akin na package. Ako ang pinagdedeliver sa boss namin ngayong weekend. Dito muna `yong package.”
“Ano ba laman no’n?”
“W-wala. Hindi ko rin alam, e.” Kapansin-pansin ang pagkautal ni Mariposa. “Gusto niyo ba ng juice? Bibili ako ng yelo at juice sa labas.”
“Sige. Samahan mo na rin ng banana cue. May nadaanan kami sa labas, e. Nakalimutan ko lang bumili sa sobrang lutang.”
“Ako na ang bibili sa labas. May pera pa naman ako, e...” pagprisinta ni Kenzo.
Lumabas na si Kenzo. Hindi na muna ito nagpalit ng damit.
Nang silang dalawa ni Mariposa ang maiwanan ay tumayo siya at nilapitan ang kaibigan. “Sayang talaga... Gusto ko na talagang magkaroon ng trabaho. Gusto ko nang kumita ulit ng pera kahit paano.” Pagbubukas niya kay Mariposa.
“E, bakit ba G na G ka na magkapera?”
“Gaga! Nakalimutan mo na bang birthday na ni Kenzo next week? Siyempre, gusto kong bumawi sa kaniya. Iyong mahandaan ko siya nang maayos-ayos at mabilihan ng bagong cellphone. Gift ko sa kaniya kasi basag na ang screen ng ginagamit niya ngayon. Naaawa na ako sa kaniya, bakla. Lahat na lang isinakripisyo niya para sa akin. Halos wala na siyang itinitira sa sarili niya!”
“Iba rin talaga ang ganda nitong friend ko!” Pinisil siya ni Mariposa sa pisngi.
Tinampal niya ang kamay nito. “Gaga! Love niya kasi ako kaya ganoon!”
“E, ano nang gagawin mo? Super lapit na ng birthday ni Kenzo. Makakahanap ka pa ba ng work niya na sasahod ka agad-agad?”
“Hindi ko nga alam, e. Baka may alam ka, Mariposa... Kailangan ko lang talaga.”
Umawang nang bahagya ang bibig ni Mariposa na parang meron itong isasagot pero hindi nito itinuloy. “W-wala.”
Matiim niya itong tinitigan sa mata. “Bakla ka! Nagsisinungaling ka! Meron kang alam. Hindi mo ako maloloko. Alam ko kapag nagsisinungaling ka sa tagal na nating magkasama! ANo iyon? Sabihin mo na sa akin! Bilis na!”
“E, R-rhian, m-medyo ano kasi... dangerous...”
“Ha? Bakit? Magkakabit ba ako ng billboard kaya dangerous?”
“Hindi ganoon. Basta, mapanganib. Huwag na lang. Huwag!” Umiling pa ito.
“Bakla! Sabihin mo na at baka kaya ko!”
Tinitigan siya ni Mariposa. May pag-aalinlangan sa mata nito.
Ano naman kaya ang sinasabi nitong mapanganib na trabaho at ganoon ang reaksiyon nito? Ilegal ba?
“Rhian, ang totoo niyan ay hindi talaga ako nagtatrabaho sa factory.” Pabulong na pag-amin ni Mariposa.
“Sabi ko na nga ba, e! Diyos ko, halatang hindi ka factory worker. Mas madalas ka pa dito sa bahay kesa lumalabas. E, anong work mo, bakla?”
“N-nagdedeliver ako ng...” Sandali itong huminto bago ipinagpatuloy ang pagsasalita. “Shabu!”
Labis ang panlalaki ng mata ni Rhian sa labis na pagkagulat sa tinuran ni Mariposa.