NANGINGINIG ang buong katawan at nakatulala si Kenzo nang mag-umpisang gumalaw pataas ang ferris wheel na kinalululanan niya ng gabing iyon. Hindi sa natatakot siya kundi hindi pa rin maproseso ng utak niya ang rebelasyon na pinasabog ni Mathilda. Inamin nito at nanggaling mismo sa bibig nito na ito ang responsable sa pagkasunog ng bahay na iniwan sa kaniya ng namayapang ina.
Ginawa ni Mathilda ang bagay na iyon bilang paghihiganti sa kaniya. At `di lang iyon, sinabihan pa nito ang mga kaibigan nitong matatandang babae na mayaman na iwasan siya. Siyempre, kung sinabi nito sa sampu ang tungkol sa kaniya ay mabilis iyong kakalat sa iba at malaki ang tyansang wala na siyang mabibiktimang mayayamang babae.
Oo, nagagalit siya kay Mathilda ngunit naiisip niya na baka ito na ang karma niya. Baka ito na ang kapalit ng lahat ng panloloko niya.
Pero paano na ang pangarap nila ni Rhian na yumaman? Ano na ang mangyayari sa kanilang dalawa ngayong nanganganib na hindi na sila kumita ng malaking halaga ng pera?
I’ll make sure na hinding-hindi ka na makakaahon sa hirap at isama mo na rin ang girlfriend mo! Umalingawngaw ang sinabing iyon ni Mathilda sa loob ng ulo niya. Paulit-ulit. Nakakarindi.
Magkakatotoo ba ang sinabi nito?
Napapitlag si Kenzo at napahinto sa malalim na pag-iisip nang huminto ang ferris wheel at nasaktong nasa tuktok na siya. May bumababa siguro kaya tumigil.
Mula sa kinaroroonan niya ay tanaw niya ang kalawakan ng siyudad. Ang matataas na building, mga ilaw, maliliit na tao na parang mga langgam at ang kagandahan ng Manila Bay.
Kusang tumulo ang luha ni Kenzo at wala na siyang nagawa para iyon ay pigilan. Sa ilang taon na magkasama sila ni Rhian ay parang ngayon lamang siya nakaramdam ng pagod. Noon ay determinado siya sa lahat ng ginagawa dahil alam niya na meron iyong pupuntahan. Ngunit ngayon ay bigla siyang nawalan ng pag-asa.
Tumingin si Kenzo sa ibaba at ang unang naisip niyang gawin ay ang tumalon at tapusin na ang kaniyang buhay. Kapag ginawa niya iyon ay matatapos na ang lahat ng paghihirap niya at hindi na niya kailangan pang isipin kung may kakainin pa ba siya kinabukasan. Matatapos na rin ang pagkakalugmok niya sa kahirapan. Siguro nga, minsan, kamatayan ang sagot sa problemang hindi mo kayang takasan.
Hinawakan ni Kenzo ang pinto ng bagon at inumpisahang subukang buksan iyon...
AGAD na bumukas ang mata ni Rhian mula sa pagkakatulog nang marinig niya na parang may nagbubukas ng pinto. Parang pilit na iniikot ang door knob pero dahil sa naka-lock sa loob ay hindi iyon mabuksan.
Tiningnan niya si Mariposa ngunit tulog na tulog ito. Nakanganga pa at humihilik nang malakas. Parang umuugong na barko ang tunog ng hilik ng bakla. Kung may magnanakaw pala na papasok sa apartment nito ay madali itong mananakawan. Tulog-mantika, e!
May kaba at tahimik na bumangon si Rhian. Pa-tip toe siyang naglakad at binuksan ang ilaw. Hinawakan niya ang door knob at inalis ang pagkaka-lock. Pinihit niya iyon at marahang binuksan. Maliit lang at may sapat na awang para makita niya kung may tao.
“Kenzo!” Nanlaki ang mata niya nang makita ang nobyo.
Magulo ang buhok ni Kenzo at medyo madumi ang damit. Nakayuko ito. Amoy-alak.
Nilakihan niya ang pagkakabukas ng pinto. “Anong nangyari—” Biglang yumakap si Kenzo sa kaniya at humagulhol.
Napaluha na rin tuloy siya kahit hindi niya alam kung bakit umiiyak si Kenzo. Sa ilang taon nilang magkasintahan ay ngayon niya lang ito nakita na umiiyak ng ganito katindi. Para ang ang lalim at bigat ng pinagdadaanan nito para mapahagulhol ito at yakapin siya. Nakakapagtaka rin dahil nakipag-date ito sa maaaring pumalit kay Mathilda.
Isinarado ni Rhian ang pinto nang hindi humihiwalay sa pagkakayakap kay Kenzo. Hinayaan niya itong umiyak nang umiyak. Ang tangi niyang ginawa ay ang suklian nang mahigpit na yakap ang pagyakap nito sa kaniya.
Hindi na niya alam kung gaano sila katagal na magkayakap nang mapansin niya na humuhupa na ang pag-iyak ni Kenzo. Lumuwag ang pagkakayakap nito at dumausdos paibaba. Nagtaka siya sa pagluhod nito sa harapan niya habang hawak ang dalawa niyang kamay.
“K-kenzo, a-ano bang nangyayari sa iyo?” Lumuluha at nagtatakang tanong ni Rhian.
“P-patawarin mo ako, Rhian!”
“Ha? B-bakit? W-wala ka naman kasalanan sa akin!”
“K-kanina... b-binalak kong m-magpakamatay! Sorry, Rhian! Hindi kita inisip habang tumatakbo `yon sa utak ko! Hindi ko inisip na paano ka kapag nawala ako. Patawarin mo ako!”
“Diyos ko!” Labis na nagulantang si Rhian. Lumuhod na rin siya upang magtapat ang mukha nila. Hinawakan niya ang magkabila nitong pisngi. “Kenzo, b-bakit mo naisip na gawin iyon?! Bakit?!”
Mas lalong lumakas ang balong ng luha ni Rhian.
“H-hindi ko na alam ang gagawin ko. Nawalan na ako ng pag-asang makakaalis pa ako sa pagiging mahirap. Kaya naisipan kong magpakamatay na. M-mabuti na lang at bago ko gawin ay naisip kita. I-ikaw ang nagligtas sa akin, Rhian!”
Awang-awa siya sa nobyo. Hindi man niya alam kung bakit ito biglang nawalan ng pag-asa ay alam niyang malalim ang dahilan niyon.
Umupo sila sa sahig nang magkaharap. Hawak niya ang kamay nito nang mahigpit. Sa paputol-putol na pagkukwento ni Kenzo ay nagawa nitong sabihin sa kaniya ang nangyari sa pakikipagdate nito sa nakilala nito sa Tinder. Ipinahiya pala ito ng ka-date nito dahil nalaman na manloloko siya. Nagkataon kasi na kilala pala niyon si Mathilda. Ang masaklap pa ay inamin din ni Mathilda na ito ang sumunog sa bahay nila at nagbanta na wala nang maloloko si Kenzo.
“Inisip ko na katapusan na ng mundo ko pero napagtanto kong nandiyan ka pa... Ikaw ang mundo ko, Rhian. Nangangarap ako na maging mayaman hindi lang para sa akin kundi para sa iyo rin. Ayokong habangbuhay kang nasa putik. Gusto kong makita na maginhawa ang buhay natin. Sorry kung naisip kong magpakamatay. Hindi na iyon mauulit...” Pagtatapos ni Kenzo sa kwento nito.
“Dapat lang na hindi mo na ulitin!” Kunwari ay nagagalit niyang turan. “Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka. Baka magpakamatay na lang din ako. Gusto mo ba iyon?”
Umiling ito. “Pero paano na tayo? Hindi na ako makakapanloko ng mayayamang babae dahil malamang ay kilala na nila ako.” Dama niya ang pangamba ni Kenzo.
“Pwedeng ako ang maghanap ng sugar daddy! Payagan mo na kasi ako!”
“Ayoko. Hindi!” Matigas na tutol ni Kenzo. “Ayoko nang maulit iyong nangyari sa iyo sa Gener na iyon. Kahit pa walang sabit, ayoko. Mag-iisip tayo ng ibang paraan para kumita ng pera. Negosyo... Mag-iisip tayo ng magandang negosyo.”
“E, wala nga tayong pangpuhunan.”
“Mangungutang!”
“Kanino? Saka sa tingin mo, may magtitiwala sa atin na pautangin tayo? Alam mo, mabuti pa ay maghanap tayo ng trabaho kung ayaw mo na maghanap ako ng sugar daddy. Bukas, mag-apply tayo. Sa umaga ay asikasuhin natin ang paggawa ng bio-data. May gumagawa ng fake na diploma sa computer shop sa may kanto. Pagawa tayo!”
“Siguro nga ay tama ka. Walang mangyayari kung tutunganga tayo. Mas maganda kung maghahanap tayo ng trabaho para kahit paano ay meron tayong panggastos. Tapos mag-iipon ulit tayo. Tapos magtatayo ng magandang negosyo.”
Ngumiti si Rhian sabay tango. “Ganoon na nga. Darating din tayo sa pagyaman basta magtutulungan tayong dalawa.”
“At hindi ka na magpapa-scam!” tawa ni Kenzo.
Gumaan ang pakiramdam ni Rhian nang makita ang pagtawa ng nobyo. Parang kanina ay hindi ito umiiyak at sinasabi na nagtangkang magpakamatay.
Pabiro niya itong inirapan. “Pinaalala mo pa. Kinakalimutan ko na nga, e! At ikaw, huwag ka nang magpapakamatay, ha! Kahit nasa kabaong ka, papatayin ulit kita! Double dead ka sa akin!” banta niya sabay tawa nang malakas.
“Ano ba `yan? Ang ingay niyo naman!” ungot ni Mariposa na nagising sa malakas na pagtawa ni Rhian.
“Gaga ka, bakla! `Wag kang magulo!” bulyaw niya sa kaibigan.
“Pwede bang kapag wala na ako saka kayo maglampungan?” At maya maya ay humihilik na ito agad. Ang bilis naman nitong makabalik sa pagtulog. Sana all!
HINDI nangyari ang napagplanuhan nina Rhian at Kenzo na bukas ay mag-a-apply na sila ng trabaho. Naubos ang oras nila sa pagpapagawa ng pekeng diploma at pagkuha ng mga requirements sa pag-a-apply ng trabaho kagaya ng police clearance, baranggay clearance at NBI clearance. Isang araw lamang nila iyon inasikaso at kinabukasan ng umaga ay naghanda na sila sa pag-alis.
“Wow! Talagang kahit sa paghahanap ng work ay magkasama kayo, ha! Hashtag relationship goals!” pakili ni Mariposa nang makita sila nitong nakabihis. Alam kasi nito kung ano ang gagawin nila sa araw na iyon.
“Ganoon talaga, bakla! Humanak ka ng jowang susuportahan at sasamahan ka sa bagay na gusto mong gawin!” ani Rhian.
“Hmp! Ang hirap maghanap ng ganiyan sa panahon ngayon. `Yong ex ko nga, nang maghirap ako ay iniwan ako. User ang mokong!”
“Kaya nga suriin mong mabuti bago mo jowain!” tawa ni Kenzo. Inakbayan siya nito sabay halik nang mabilis sa labi. “Parang itong Rhian ko... Nang masiguro ko na mabuti siyang babae ay niligawan ko na agad.”
Umakto si Mariposa na nasusuka. “Naku, oo na! Umalis na nga kayong dalawa at baka mamatay na ako sa inggit. Sige na. Basta, galingan ninyo at sana ay makakita na kayo ng trabaho. Road to payaman!” Ngumiti rin ito pagkatapos.
“Thanks, bakla! Sige na, aalis na kami. Dito ka lang ba sa bahay?”
“Yes. Rest day ko today kaya maghapon akong magpapahinga!”
Matapos muling magpaalam ng dalawa sa kaibigan ay umalis na sila. Kailangan ay maaga sila roon sa una nilang pag-a-applyan. Isang fastfood chain. Baka makalusot sila sa peke nilang diploma. Tumatanggap naman ang mga iyon kahit high school graduate.
Isang jeep lang ang sinakyan nila at narating na nila ang opisina kung saan sila mag-a-apply. Nagpasa sila ng bio data at naghintay sa labas. Unang tinawag si Kenzo at halos fifteen minutes na naghintay si Rhian bago ito lumabas. Nakangiti ito at mahigpit siyang niyakap.
“Ano? Kumusta? Mahirap ba ang interview?” Kinakabahang tanong ni Rhian.
“Hindi! Basic lang ang tanong. Saka kahit hindi English ang sagot mo. Okay lang! Be honest lang. Binigyan na nila ako ng listahan ng requirement. Ibig sabihin ay tanggap na ako basta maipasa ko ito!”
“Hala! Kinakabahan ako, Kenzo... P-paano kung hindi ako matanggap?”
“Huwag kang kabahan. `Di ba, ang plano natin ay dapat magkatrabaho tayo? Gawin mo ang lahat para hindi ka kabahan. Kapag kinabahan ka ay baka hindi ka makasagot nang maayos. Ikaw din...”
Huminga nang malalim si Rhian. Maya maya ay tinawag na ang pangalan niya. Upang mawala ang kaba ay niyakap muna siya ni Kenzo bago pumasok sa loob ng opisina. Malakas ang aircon kaya sobrang lamig. Isang may edad na babae ang nakita niyang nakaupo sa isang swivel chair. Tinawag siya nito at pinaupo sa bakanteng upuan sa harapan ng table nito na may desktop computer at mga papel.
Noong una ay puro nasa bio data niya ang itinatanong ng babae. Kagaya ng edad, birthday at ang huli ay ang address. Mukhang sinisiguro nito na alam niya ang mga inilagay niya sa bio data niya.
“Your address, Miss Jacinto... Kaparehas siya sa address ng sinundan mong aplikante na si Mr. Kenzo Maranan. It means, nakatira kayo sa iisang bahay?” tanong nito na may kasamang mapanuring tingin.
“Yes po! Apartment lang po iyon, ma’am. Boyfriend ko po kasi si Kenzo.” Naalala ni Rhian ang sinabi ni Kenzo na dapat ay maging honest siya sa pagsagot.
“Okay. Thank you for your honesty. Our interview is done. We’ll just call you.”
Napamaang siya. “A-ano po? Tapos na? T-tatawagan niyo na lang ako?”
“Yes. You may go now.”
“E, ma’am, hindi niyo ba ako bibigyan ng listahan ng mga requirement? Iyong boyfriend ko po kasi ay binigyan ninyo.”
“We’ll call you. Bye, Miss Jacinto!”
Sa takot na baka makulitan sa kaniya ang nag-i-interview ay tumayo na siya at lumabas ng opisina. Bagsak ang balikat niya. Naguguluhan siya at natatakot na baka hindi siya natanggap. May nasabi ba siyang mali sa interview nila?