Blossom Umaapaw
“Isda! Bili na kayo ng isda ko! Fresh na fresh pa po ito! Mas fresh pa ito sa jowa niyo ngayon at mas lalong masarap ang sabaw nito kesa sa mga jowasa niyo! Kaya bili na kayo! Mura na hindi ka pa mapapamura!” sigaw ko para makakuha ng suki. Ganito kahirap ang buhay ko simula nang magkaroon ng isang anak. Nag-iba ang takbo ng buhay ko, dati isa akong secret agent, isa ako sa myembro ng Powerpuff Girls new version, pero ngayon nagbebenta na lang ako ng isda dito sa may palengke.
Pinahid ko ang pawis na tumulo sa aking noo. Lumapit ang isang ginang na nasa late fifties. Kaya agad ko itong kinawayan.
“Ma’am! Bili na po kayo ng isda! Fresh na fresh po, at nakakapagdagdag katas!” biro ko sa ginang. Syempre kailangan kong mag sales talk sa ginang. Kumunot naman ang noo ng ginang.
“Anong katas pinagsasabi mo? May asim pa ako noh!” mataray na sagot ng ginang. Napangiwi ako sa sinabi nito. Malapad akong ngumiti rito.
“Naku! Halatang-halata ngang may asim pa kayo kahit na senior citizen ka na! Para lang po kayong sweet sixteen!” pambobola ko pa sa ginang. Sana naman bumili na ito.
“Anong senior citizen? Swengkwenta pa lang ako!” nasa boses nito ang inis. Mas lalo akong napangiwi.
“Ayyy! Akala ko talaga, sixteen pa kayo! Ang sexy niyo rin po! Kaya bili na kayo Manang! Nakakadagdag ito sa. . .” binitin ko ang sinasabi ko at agad na senenyasang lumapit sa akin ang ginang. Sumunod naman ito sa akin. Bumulong ako sa tenga ng matanda.
“Nakakadagdag po ito ng libog sa katawan, kaya bili na kayo!” bola ko ulit sa matanda.
“Talaga?” ‘di makapaniwala nitong tanong sa akin. Nagniningning pa ang mga mata nitong nakatingin sa akin. Naku! May asim pa nga si Manang at mukhang ready'ng-ready na ito. Aba! Malibog!
Sunod-sunod akong tumango rito.
“Magkano ang isang kilo niyan?” tanong nito at itinuro ang isdang benebenta ko.
“Naku! Mura lang po ‘yan para sa inyo. 220 lang po ang isang kilo niyan,” agad kong sagot dito.
“Bigyan mo ako ng limang kilo!” excited nitong saad. Natuwa naman ako at agad na kumuha ng plastic at nilagyan ng isda ang timbangan at itinapat ko ng limang kilo ang isdang binili nito.
Agad ko iyong inilagay sa plastic bag at iniabot sa ginang.
“Isang libo at isang daan lang lahat po, Manang.” Imporma ko sa matanda. Ibinigay ng ginang ang bayad sa akin at mabilis ko naman ‘yong kinuha.
“Maraming salamat po! Balik po kayo ulit!” masaya kong pasasalamat sa ginang.
“Bili na kayo sa babaeng ‘to! Nakakalibog ang isda niya! Kaya bili na!” sigaw ng matanda bago umalis. Agad akong napayuko dahil sa hiya. Pinagtitinginan na ako ng mga tao sa paligid. Ay! Grabeng matanda naman ‘yon! Biro ko lang naman ‘yon eh!
Ngunit ilang sandali pa ay dinumog na ako ng mga tao. Gustong ubusin ang isdang benebenta ko. Halos kalahating oras lang ay ubos na nga ang isdang benebenta ko. Ang dami palang malilibog! Diyos ko!
Masayang-masaya akong umuwi ng bahay. For the first time ay naubos ang isda ko.
Swerte ko nga ngayon.
Dahil naubos ang paninda ko ay bumili ako ng letsong manok. Naku! Siguradong matutuwa ang anak ko kapag nakita niyang letsong manok ang ulam namin. Mag-o-order din ako ng pancit, muntik ko ng makalimutang birthday ngayon ng anak ko. Dahil malaki ang kita ay bumili ako ng chiffon cake at isang kandila. Walang espesyal sa kandila dahil ‘yong puting kandila na nabili ko lang sa kanto ang kaya kong bilhin.
Pagpasok ko sa bahay ay nakita ko ang best friend kong si Quinn.
“Magandang buhay!” malakas kong bati sa kanila. Limang taon na ngayong araw si Blacey. Siya na lang ang tanging pamilya ko simula ng mamatay ang kapatid ko.
Kaya nga mahal na mahal ko ang anak ko.
“Mamoy!” agad na tawag ng anak ko sa akin. Agad ko siyang nilapitan at niyakap.
“Ang ganda-ganda talaga ng anak ko! Manang-mana sa akin!” nangigigil kong saad sa aking anak at pinanggigigilan ko itong hinalikhalikan sa kanyang buong mukha.
“Kumust ang baby ko?” masaya kong tanong dito.
“Okay lang naman po. Mamoy! May crush na ako sa school,” nakangiti nitong pagbabalita. Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi nito. Crush? Ang bata niya pa para magkaroon ng crush!
“Blacey! Bawal kapang magka-crush! Lokong bata ‘to! Sinong nagturo sa ‘yo niyan?” nanlalaki ang mga matang tanong ko sa aking anak.
“Si Nangnang po. Sabi niya okay lang naman na may crush. Kasi siya crush niya ‘yong security guard namin sa school, parati nga pong nagbo-byotipol eyes si Nangnang sa security guard namin, Mamoy,” tuloy-tuloy na kwento ng anak ko sa akin. Masama kong tiningnan ang kaibigan ko.
“Quinn! Anong tinuturo mo sa inaanak mo? Humanda ka talaga mamaya sa akin!” inis kong saad dito. Pero imbes na matakot ang loka-loka ay ngumisi lang ito.
“O siya! Hayaan mo na ‘yang si Nangnang mo. Ikaw bawal ka pang magka-crush kasi baby ka pa ni Mamoy okay?” masuyo kong saad dito. Tumango naman ito.
“Dahil naubos ang isdang benebenta ko, kaya masarap ang ulam natin ngayon. At dahil kaarawan ng baby kong si Blacey ay letsong manok at pancit ang ulam natin ngayon! At bumili rin ako ng chiffon cake at ice cream!” masaya kong balita sa kanila.
Agad kong itinaas ang mga dala ko.
“Yehey! Momay may kandila po ba? Gusto kong mag-blow ng candle!” masaya niyang pahayag. Napangiti naman ako.
“Syempre! Mawawala ba naman ang kandila ng prinsesa ko. Heto o, binilihan kita,” ngiti ko sa aking anak. Inilabas ko kaagad ang binili kong puting kandila, mabuti at nabili ko lang ‘yon ng dalawang piso. Nakita kong sumimangot ang anak ko.
“Momay! ‘di naman po ‘yan ang kandilang gusto ko, eh ginagamit naman ‘yan kapag napuputulan tayo ng kuryente!” nakasimangot nitong saad. Napangiwi naman ako sa tinuran nito. Bata pa ngunit ang talino na nito, maging sa pananalita ay hindi mo aakalaing limang taong gulang palang ito.
Agad ko itong nilapitan.
“Anak, pareho lang naman ‘yan eh. Makakapag-wish ka pa rin naman eh. Tapos mas malaki ‘to, kaya mas mabilis na matutupad ang wish mo,” pambobola ko rito. Nakita ko ang pagningning ng mga mata nito.
“Talaga po? Sige, Momay sindihan niyo na ‘yan at magwi-wish na ako,” masaya nitong saad.
“Kakantahan ka muna namin ni Nangnang okay?” sabi ko at pinalapit si Quinn sa akin.
“Happy birthday to you!” sabay naming kanta ni Quinn.
Sinindihan ko ang kandila at mabilis namang nag-wish ang anak ko bago hipan ang kandila.
“Anong wish mo anak?” tanong ko rito.
“Wish ko po na magkaroon na ako ng tatay. Ibibigay mo ba sa akin ang tatay, Momay?” nakikiusap ang mga mata nitong tanong. Biglang sumakit ang dibdib ko sa wish ng anak ko. Kaya ko ba talagang ibigay ang tatay na hinihingi nito? Sandali lang akong natahimik.
“Afam na this!” bulalas ni Quinn. Sinamaan ko ito ng tingin.
“Wish ko rin ‘yan, anak.” Sabi ko na lang at mabilis na hinalikan ito sa noo.
Ako si Blossom Umaapaw, single mom at madiskarte sa buhay. At sana nga matupad ko ang kahilingan ng aking anak. Ang magkaroon ito ng ama na matatawag.