THALIA POV
Mahimbing na sana ang tulog ko, pero biglang may kumatok sa pinto ng kwarto ko. Napaigtad ako at mabilis na bumangon.
“Ma’am Thalia, may dumating pong kahon para sa inyo… gown daw po,” sigaw ng isang kasambahay mula sa labas.
Gown? Agad akong napatayo, ramdam ang kaba at kakaibang pananabik. Baka ito na ang isusuot ko sa kasal. Napatakip ako ng bibig, hindi ko alam kung matutuwa ba ako o kinakabahan.
Naglakad ako palabas ng kwarto at dahan-dahang bumaba sa hagdan. Ngunit bago pa man ako tuluyang makarating sa sala, narinig ko na ang kilig at tawang pamilyar ang boses ni ate Maris at ng tita ko.
At hindi nga ako nagkamali. Pagdating ko sa sala, nadatnan ko silang pareho, nakatayo sa gilid ng mesa kung saan nakapatong ang isang malaking kahon na kulay puti na may gintong ribbon.
“Wow, Maris, ang ganda ng tela! Tingnan mo, imported yata ito!” natatawang sabi ni tita habang hinahaplos ang laylayan ng gown na nakalabas na mula sa kahon.
“Aba, parang para sa akin yata ito. Bagay na bagay sa akin, hindi sa kanya,” irap ni ate Maris, sabay sukat ng gown sa katawan niya gamit ang salamin.
Napahinto ako sa may hagdan at mariing pinikit ang mga mata. Of course. Hindi na nga ako nagtataka na sila na naman ang unang makikialam.
Huminga ako ng malalim at saka bumaba. “Excuse me, bakit niyo binuksan ang kahon ko?” malamig kong tanong, sabay tingin diretso kay ate.
Agad akong nilingon ni Maris, nakataas pa ang kilay at may pilyang ngiti sa labi. “Oh, ikaw na pala, sis! Aba, hindi mo pa nga nabubuksan ang regalo ng magiging asawa mo, kami pa tuloy ang unang nakakita. Sayang naman kung masisira ang excitement.”
Sumabat si tita, pinagdikit ang kamay sa dibdib na parang inosente. “Huwag ka namang masyadong magalit, Thalia. Concerned lang kami. Siyempre gusto naming masigurado na tama ang gown na ipapasuot sa ‘yo. Baka naman hindi bagay sa ‘yo at mapahiya ka pa sa kasal.”
Napakagat ako sa loob ng pisngi ko para hindi sumabog ang inis. Lumapit ako at marahan kong kinuha ang gown mula sa kamay ni ate Maris. Magaan ang tela, halatang mamahalin. Ivory white na may mga detalyeng lace sa laylayan at maliit na perlas na nakaburda sa dibdib. Simple pero elegante tama lang para sa isang pribadong kasal.
Ngunit hindi ko napigilang mapansin kung paano tinititigan ni Maris ang gown parang siya ang totoong ikakasal at hindi ako.
“Maganda,” mahina kong sabi, saka napatingin sa kanila. “At kung hindi niyo mamasamain, akin ito. Ako ang ikakasal, hindi kayo.”
“Relax ka lang, sis,” ngisi ni Maris. “Saka huwag kang magpaka-sigurado. Baka sakaling magbago ang isip ni Caspian kapag nakita niya ako.”
Tila ba nanlamig ang dugo ko sa sinabi niya. Ngunit imbes na magalit, ngumiti lang ako ng mapakla. Bahala ka, Maris. Hindi mo alam kung ano ang nakikita ko sa likod ng anyo ni Caspian. At mas lalong hindi mo alam na kaya kong tiisin ang lahat, basta’t hindi na ikaw ang makakamit ng pagkakataong ito.
Dahan-dahan kong tiniklop ang gown at muling ibinalik sa kahon. “Salamat sa pag-check,” sabi ko nang may diin, sabay irap. “Ngayon, pwede na ba kayong umalis at hayaan akong maghanda sa kasal ko?”
Akala ko, kapag nagsalita na ako nang diretso, ay aalis na sina Ate Maris at tita. Pero mali ako. Sa halip na umalis, mas lalo pa silang umupo sa sofa na parang sila pa ang may-ari ng bahay.
“Hoy Thalia,” panimula ni ate Maris habang paikot-ikot sa daliri niya ang perlas na kwintas niya. “Kung private wedding lang naman ang gagawin mo, bakit pa kailangang magpagawa ng mamahaling gown? Hindi ba’t sayang lang?”
Sumabat agad si tita, kunwari nagtataka pero halatang nang-uuyam. “Oo nga naman. Kung kayong dalawa lang ni Caspian at ilang tao lang ang makakasaksi, bakit pa magastos ng ganito? Hindi ba’t pwedeng simpleng damit lang? O baka naman… pinipilit mo lang na magmukhang prinsesa kahit hindi ka bagay?”
Naramdaman kong kumirot ang panga ko sa sobrang pagpipigil. Heto na naman sila. Lahat na lang may puna.
Tahimik akong huminga ng malalim bago ako umupo sa kabilang sofa, diretso silang tinitigan. “Alam niyo, hindi lang sa dami ng tao sinusukat ang halaga ng kasal. Gown ang simbolo ng kasal ng isang babae kahit private man o grand, iyon ang magiging alaala. At higit sa lahat, gusto ni Caspian ng gown para sa akin. Kung siya ang nag-request, susundin ko.”
Napatawa si ate Maris, pilit at malisyoso. “Wow, parang totoo ang sinasabi mo, sis. Pero baka naman iniisip mo lang na kapag nakasuot ka ng ganyan, matatakpan ang totoo mong itsura. Kahit kasi anong ganda ng gown, hindi naman nababago ang pagiging pangalawa mong choice, diba?”
Parang tinusok ang puso ko sa sinabi niya. Alam kong may bahid ng katotohanan iyon ako lang ang ipinalit sa kanya dahil siya ang unang napili ni Caspian pero umatras. Pero hindi ko hinayaang ipakita sa kanila na natamaan ako.
Ngumiti ako ng mapait at marahan kong hinaplos ang tela ng gown. “Hindi bale nang maging pangalawa, ate. Ang mahalaga, ako ang pipiliin niya sa huli. At ako ang magiging asawa niya hindi ikaw.”
Nakita kong naningkit ang mata ni ate, halatang nasaktan. Ngunit bago siya makasagot, muling nagsalita si tita.
“Pero Thalia,” ani niya habang nakakunot ang noo. “Hindi ka ba natatakot? Private wedding? Halos wala kayong bisita? Parang… ang dali namang ikansela o itago. Paano kung hindi totoo ang lahat ng ‘to at ginagamit ka lang?”
Para bang may malamig na dumaloy sa ugat ko, pero agad kong sinagot, “Kung ginagamit man ako, at least ako ang pinili niya. Kung may tinatago man siya, malalaman ko rin sa tamang panahon. Hindi ninyo ako kailangang sabihan kung ano ang dapat kong gawin.”
Tahimik silang pareho, pero halata ang inis sa mukha nila.
Umiling ako at tumayo, sabay kinuha ang kahon ng gown. “Sa ngayon, kung wala na kayong ibang sasabihin, iiwanan ko na kayo dito. Kailangan kong magpahinga. Sa dalawang araw na darating, kailangan kong maging handa. At wala akong balak sayangin ang oras ko sa paninira ninyo.”
Dumeretso ako paakyat sa kwarto, bitbit ang kahon. Ngunit habang naglalakad, naririnig ko pa ang mahinang bulungan nila tila may binabalak na naman.
Hindi bale na. Ang mahalaga, sa araw ng kasal ko, ako ang nakatayo sa tabi ni Caspian. Hindi sila.
lppp