CHAPTER 6

1170 Words
CASPIAN POV “Oh, this is really true Caspian? Magpapakasal ka na?” tanong ni Troy habang iniikot-ikot ang baso ng alak sa kamay niya. Kita ko ang pagtataka sa mga mata niya, halatang hindi pa rin siya makapaniwala sa balita. Humigop ako ng alak, ramdam ko ang pait nito sa lalamunan, ngunit hindi iyon kasing tapang ng pait na nararamdaman ko sa loob. “I don’t have a choice, Troy. Hindi ko makukuha ang mga mana ko kapag hindi ako nagpakasal.” Malamig ang tono ng boses ko, para bang binibigkas ko lamang ang isang kasunduang wala akong damdamin. Troy leaned back sa upuan, tumawa nang mapait. “So, it’s all about the inheritance… again. Hindi ko lubos maisip na ikaw, Caspian, na may sariling pangalan at kayang itayo ang sarili mong imperyo, ay hahantong pa rin sa dikta ng pamilya mo.” Natahimik ako saglit. Totoo naman lahat ng sinabi niya. Matagal na akong kayang tumayo sa sarili kong paa, kaya kong mamuhay nang hindi nakadepende sa yaman ng pamilya ko. Pero… ibang usapan kapag ang nakataya ay hindi lamang ang sarili ko, kundi ang karapatan ko rin sa lupang pinagpaguran ng yumaong ina ko. “This marriage is not about love, Troy. It’s about security. About claiming what’s rightfully mine,” mariin kong sagot, saka ko ibinaba ang baso ng alak sa mesa. Ramdam ko ang bigat ng bawat salita. “Pero babae pa rin ang nadadamay, Caspian,” giit niya. “Na kahit sabihin mong pakitang-tao lang ito o kontrata, may taong masasaktan. Alam mo bang pwede ka ring maloko sa bandang huli?” Natawa ako nang mahina, pero walang bakas ng saya. “I’ve been fooled before, Troy. And I swore to myself, never again. This time, I’ll be the one in control. Kung may masasaktan man, siguradong hindi ako iyon.” Tinitigan ako ni Troy, halatang gusto pa niyang magsalita, pero sa huli ay napabuntong-hininga lang siya at uminom muli ng alak. “Then I hope, Caspian… that you know what you’re doing. Because sometimes, the very thing we thought we controlled ends up controlling us.” Nagtagpo ang aming tingin. At sa kaloob-looban ko, kahit anong tigas ng paninindigan ko, hindi ko maikakaila ang kaunting pangamba lalo na’t sa tuwing pumapasok sa isip ko ang mukha ng babaeng ipapakasal sa akin. Si Thalia. Ang babaeng walang kamalay-malay na isa lang siyang piyesa sa laro ng kapalaran. Tahimik kaming uminom ni Troy ng ilang sandali, tanging lagaslas lang ng yelo sa baso ang maririnig sa pagitan namin. Maya-maya, ibinaba niya ang hawak niyang alak at seryosong tumingin sa akin. “Caspian… paano naman ang tungkol sa paa mo?” dahan-dahan niyang tanong, para bang nag-aalangan kung dapat ba niya talagang itanong iyon. “May sinasabi na ba ang doktor kung makakalakad ka pa? O hanggang d’yan na lang talaga sa wheelchair?” Para akong tinamaan ng malamig na hangin sa narinig ko. Napahinto ako sa pag-inom, mariin kong ipinikit ang mga mata bago tumikhim. “Hindi ko alam, Troy.” Umiling ako nang marahan, ramdam ko ang bigat ng bawat salitang lumalabas sa bibig ko. “Sa bawat check-up, iba-iba ang sinasabi nila. May ilan na nagsasabing may pag-asa, na baka sa tamang therapy at tiyaga, muli akong makatayo. Pero… may ilan din na nagsasabing huwag na akong umasa.” Nagtagal ako sa paghawak ng baso, pinaglalaruan ang natitirang alak sa loob. “At sa totoo lang, minsan naiisip ko… baka mas mabuti nang huwag na akong umasa. Kasi mas masakit ang bumangon ng pag-asa, tapos sa huli ay babagsak lang ulit.” Nakita kong napayuko si Troy, hindi niya alam kung paano ako sasagutin. Pero narinig ko rin ang mabigat niyang buntong-hininga. “Kaibigan, alam kong mahirap para sa’yo… pero hindi ka pwedeng sumuko. Hindi ikaw ang tipong sumusuko, Caspian. Kung dati nakayanan mong labanan ang lahat pamilya mo, negosyo, kahit ang mga taong gustong pabagsakin ka huwag mong hayaang talunin ka ng sarili mong katawan.” Napangisi ako ng mapait, sabay inikot ang baso sa pagitan ng mga daliri ko. “Minsan kasi, Troy, hindi katawan ang talagang kalaban. Minsan, ang utak natin mismo. Ang takot. Ang pangamba. At iyon ang pinakamahirap labanan.” Tinitigan niya ako, kita ko ang pag-aalala sa mga mata niya. “At kung sakaling hindi ka na nga makalakad? Paano ang kasal na ‘yan? Paano si Thalia?” Natahimik ako. Hindi agad ako nakasagot. Ang totoo, hindi ko rin alam. Hindi ko alam kung paano magiging tingin niya sa akin isang lalaking limitado ang kilos, nakaupo sa gulong, walang katiyakan kung kailan muling makatayo. Ngunit sa likod ng lahat ng pag-aalinlangan, isang bagay ang malinaw sa akin: hindi ko hahayaang makita ng kahit sino, lalo na ng magiging asawa ko, ang kahinaan kong ito. Kaya matapos ang ilang segundo, diretso kong sinabi: “Kung makakalakad man ako o hindi… hindi na mahalaga. Basta makuha ko ang mga mana ko, at maisara ang kasunduang ito, iyon lang ang kailangan. At si Thalia kailangan niyang tanggapin iyon. Dahil wala siyang ibang pagpipilian.” Muli akong uminom ng alak, pilit tinatabunan ang lungkot na pilit sumisiksik sa dibdib ko. Pagkatapos ng ilang oras ng pag-uusap namin ni Troy, umuwi na siya at naiwan akong mag-isa sa malaking kwarto ko. Tahimik. Walang ibang ingay kundi ang mahina at tuloy-tuloy na ugong ng aircon. Sa unang pagkakataon ngayong gabi, ramdam ko ang bigat ng pagod hindi lang sa katawan, kundi pati sa isipan. Pinilit kong pumikit, subalit sa halip na madilim lang ang makita ko, muling sumulpot sa alaala ko ang mukha ni Thalia. Iyong paraan ng pagkakatitig niya kanina sa cafe… may halo ng inis, kaba, at pagtataka. Ngunit sa ilalim ng lahat ng iyon, nakita ko rin ang kakaibang tapang. Hindi siya tulad ng iniisip kong mahina, sunod-sunuran lang sa pamilya niya. Napabuntong-hininga ako at napailing. Bakit ko nga ba naiisip ang babaeng iyon? Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na ang kasal na ito ay walang halong damdamin isang kasunduan lamang, isang paraan para makuha ang mana na matagal ko nang pinaghirapan. At lalo akong nainis sa sarili ko nang maalala ko ang mga mata niya kung paanong saglit siyang natigilan nang banggitin ko na ayokong makasama sa kasal ang tita at ate niya. Para bang… nakahanap ako ng kakampi. “Hindi…” mahinang bulong ko sa sarili, mariing kinuyom ang kamao. “Hindi ko kailangan ng kakampi. Hindi ko kailangan ng kahit sino.” Pero kahit anong pilit kong itaboy, nanatili ang imahe niya sa isip ko. Ang manipis na ngiti, ang mga mata niyang parang nagsusumigaw ng paghihiganti laban sa pamilya niya. At sa isang iglap, biglang sumagi sa isip ko ang tanong: Paano kung siya ang totoong magiging sandigan ko? Napahiga akong muli, nakatitig sa kisame, pilit nilulunok ang bigat sa dibdib. Hindi ko alam kung bakit, pero ngayong gabi… mas malinaw kaysa dati na hindi lang basta isang kasunduan ang kasal na ito. May kung anong kakaiba si Thalia at iyon ang kinatatakutan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD