CHAPTER 4

1000 Words
THALIA POV “Hindi pwede ito, Thalia. Kumbinsihin mo ang mapapangasawa mo na isama ang tita at ate mo,” madiing sabi ni Dad pagkauwi namin sa bahay. Kita ko ang tensyon sa mukha niya, halatang takot na masira ang plano niya kapag hindi sumama ang pamilya niya sa kasal. Napabuntong-hininga ako at napairap na lang. Laging sila na lang. Laging inuuna ang ate Maris ko at ang tita ko kaysa sa akin. “Dad, siya na ang nagdesisyon. Baka kapag tumutol ako, hindi matuloy ang kasal na gusto mo. Well… ok lang naman sa akin kung hindi,” walang ganang sagot ko habang nakayuko. Totoo naman. Hindi ako takot na mawala ang kasal, mas takot akong tuluyang hindi makita kung ano ang pwedeng mangyari kapag natuloy ito. “Oh, poor sis,” narinig kong panunudyo ni Ate Maris. Nasa tuktok siya ng hagdanan, pababa na kasama ang nanay niyang bruha. “Hindi pa kayo kasal pero sunod-sunuran ka na sa kanya,” dagdag pa nito, sabay tawa na parang nanalo siya sa laban na hindi pa nagsisimula. Napatingin ako sa kanya, pinigilan kong gumanti ng salita pero ramdam ko ang apoy na umaakyat sa dibdib ko. Kung alam mo lang, Ate, na ang lalaking tinanggihan mo ay siya ring lalaking handa palang ibigay ang lahat, baka ikaw ang maunang lumuhod para makuha siya. “Ano nga ba ang aasahan mo sa anak mong yan, Joaquin?” sabat ni Tita, sabay tingin sa akin na parang wala akong silbi. Parang may tumusok sa dibdib ko. Laging gano’n lagi nilang minamaliit ang halaga ko. “Hayaan mo na, Dad,” sabi ni Ate Maris habang pababa siya ng hagdan, nakataas ang baba at punong-puno ng kayabangan. “Kung hindi kami makakasama sa kasal ni Thalia, mas mabuti. Ayoko ring masaksihan ang nakakadiri nilang kasal.” Tumawa ang nanay niya, malakas, halos dumagundong sa buong sala. Para bang tuwang-tuwa silang dalawa sa pagbagsak ng pagkatao ko. Pinikit ko ang mga mata ko at pilit kong pinakalma ang sarili ko. Matandang lumpo, malapit nang mamatay… iyon ang tingin ninyo sa kanya. Sige, paniwalaan ninyo muna ang ilusyon ninyo. Pero kapag nalaman ninyo ang katotohanan na kabaliktaran ng iniisip ninyo ang realidad baka kayo mismo ang maghabol sa kanya na parang mga aso. Pero syempre, hindi ko iyon pinalabas. Sa halip, nanahimik lang ako. Pinanood ko si Dad na nakaupo sa sofa, tahimik lang, walang imik. Para bang kahit isang salita lang ng asawa niyang bruha ay agad na siyang napapasunod. Napapailing ako. Baka nga totoo… baka nga nahulog na siya sa gayuma ng babaeng ‘yon. At ako, si Thalia, ang natitirang nakulong sa gulo ng pamilya ko na ngayon ay haharapin ang kasal na hindi ko alam kung magiging sumpa o kaligtasan ko. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo at panunukso nina Ate Maris at Tita, agad akong umakyat sa kwarto ko. Ramdam ko ang bigat ng mga mata ko, hindi dahil sa antok kundi dahil sa pagod pagod sa lahat ng naririnig ko sa bahay na ito, pagod sa paulit-ulit na panlalait, at higit sa lahat, pagod sa pakiramdam na para bang wala akong halaga sa mata ng pamilya ko. Humiga ako sa kama, tinitigan ang kisame. Tahimik ang paligid pero sa loob ko, parang may malakas na ingay na paulit-ulit na bumubulong. “Hindi ka sapat, Thalia. Ikaw ang reserba. Ikaw ang pangalawa.” Napapikit ako at napahawak sa dibdib ko. Kung iisipin, lahat ng pangyayari ay parang isang laro para sa kanila. Una, si Ate Maris ang ipinaubaya kay Caspian. Pero nang malaman niyang lumpo raw ito at hindi kayang ibigay ang kaligayahan na hinahanap niya, umatras siya kaagad. Para bang isang damit lang na hindi nagustuhan ang kulay at ako ang ipinalit, ako ang tinulak para magsuot ng hindi niya gusto. Nakakainsulto. Pero heto ako, pumayag. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil wala akong laban. Sa bahay na ito, kapag tumutol ka, parang wala kang karapatang mabuhay. Nilingon ko ang bintana, kita ko ang ilaw ng mga poste sa labas. Naramdaman ko ang lamig ng gabi. Pero bakit parang hindi ako natatakot kay Caspian? Kanina sa café, oo, masungit siya, maawtoridad, at walang pasensya. Pero sa bawat salitang binitawan niya, ramdam kong may laman—hindi tulad ng mga sinasabi nina Ate Maris at Tita na puro panlalait at pangmamaliit. At nung sinabi niya kay Dad na final ang desisyon niya, nakita ko sa mga mata niya na hindi siya madaling manipulahin. At sa totoo lang, iyon ang unang pagkakataon na may tumayo laban sa kanila. At bago pa man tuluyang lumubog ang mga mata ko sa antok, bigla kong naalala ang mukha ni Caspian kanina sa café. Ang matalim niyang mga mata, ang presensya niyang kayang magpatahimik ng buong paligid, at ang paraan ng kanyang pagsasalita na hindi nagpapadala sa kahit kanino. May kung anong kakaibang karisma doon na kahit pilitin kong iwaksi, nananatili sa isip ko. Napangiti ako nang kaunti. Isang pilit na ngiti, pero sapat para magbigay ng kaunting pag-asa. “Baka… baka si Caspian na ang magiging kakampi ko,” mahina kong bulong sa sarili. “Baka siya na ang kailangan ko para manindigan laban sa pamilya ko. At kahit hindi pa ako sigurado kung kaya kong mahalin siya… baka sapat na muna na hindi niya ako tinitingnan na parang wala akong silbi.” Naramdaman ko ang unti-unting pagluwag ng dibdib ko. Matagal na panahon ko nang gustong maramdaman na may kakampi ako, kahit isa lang. Pumikit ako, at bago tuluyang nakatulog, iisang tanong ang tumatakbo sa isip ko Paano kung sa bandang huli, si Caspian nga ang magiging sandalan ko laban sa lahat? At paano kung… siya rin ang maging dahilan para makita ko ang tunay kong halaga? At sa gitna ng mahimbing kong pagtulog, muli kong narinig sa alaala ang tinig ni Caspian mabigat ngunit buo, parang may kapangyarihang hindi ko maipaliwanag. Parang sinasabi niyang kaya niyang maging sandalan ko. Sa isip ko, baka nga ito na ang simula ng pagbabago ng buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD