10

1627 Words
“ANO ANG EXERCISE MO?” Tumikhim si Victoria bago niya sinagot ang tanong ni Roberto. “Maglinis ng bahay. Maglaba.” Nagpasalamat siya na hindi siya nautal at tama ang mga salitang binigkas niya. Bahagya kasing nanlalabo ang kanyang isipan. Waring nahihirapan siyang ipunin ang matitinong kaisipan sa kanyang utak. Wala namang makakasisi sa kanya. Kahit na sino marahil na babae ay mahihirapan kung masyadong malapit ang isang lalaking guwapo at makisig. Mabilis ang t***k ng kanyang puso at dalangin niya na sana ay hindi iyon umabot hanggang sa pandinig nito. Kasalukuyan siya nitong tinutulungang mag-stretch properly. Akala niya ay tatakbo na kaagad sila pagkatapos niyang magsuot ng running shoes. Kailangan daw ng proper stretching at warm up upang hindi mabigla ang katawan, upang hindi siya panakitan ng muscles mamaya. “`Tapos nakaupo ka na sa harap ng computer pagkatapos?” “Hoy, `wag mong minamaliit ang paglilinis at paglalaba. Magandang cardio exercise iyon. Nakakapagod kaya. Saka grabe magpapawis.” “Mas maigi pa rin na tumatakbo o naglalakad ka. Maganda rin na na-e-exercise nang tama ang core mo. Mas magiging maganda ang daloy ng dugo. Mas magiging madali ang pag-iisip.” “Sige, `pag may time ako.” Sinasabi lamang ni Victoria ang bagay na iyon ngunit hindi niya sigurado kung kaya niyang gawin. Wala siyang time para sa ganoong elaborate exercise. Magiging tama na muna ang paglalaba at paglilinis. Kung daragdagan pa niya ng pagtakbo ay baka matulog na siya imbes na magsulat. “Okay, let’s go.” Binitiwan na siya nito at sinimulan ang mabilis na paglalakad palabas ng malaking gate ng bahay ni Sir Four. “Stretching palang pagod na ako,” ani Victoria ngunit sumunod pa rin kay Roberto. Hindi naman totoong pagod na siya. Eager pa nga siya sa gagawin nila. Hindi dahil mag-e-explain siya kay Roberto kundi sa simpleng kadahilanan na magkakasama silang dalawa. Magkakaroon sila ng pribadong panahon at maaari nilang makilala ang isa’t isa. Sinabi ni Victoria sa kanyang sarili na para lang iyon sa susulating nobela ngunit alam din niya na hindi siya gaanong nagiging tapat sa kanyang sarili. Kailangan niyang aminin kahit na paano na may kakaibang epekto sa kanyang sistema si Roberto. Hindi niya ito ma-resist. Hindi niya mapigilan ang kagustuhang lumapit. Ang mabilis na lakad ay naging pagtakbo. Hindi sanay sa pagtakbo si Victoria ngunit sinubukan niyang umagapay. “Simulan mo na ang pagpapaliwanag habang kaya mo pang magsalita,” ang sabi ni Roberto. Nakangiti bagaman nakatingin sa kanilang unahan. Magandang ideya. Baka nga mamaya ay lawit na ang dila niya. “Wala talaga akong intensiyong ma-offend ka,” ang paninimula ni Victoria. “Masyado lang akong nahihirapan sa bago kong genre. Hindi ko alam kung paano sisimulan. Wala akong maisulat na kahit na isang letra. Ni title ay wala akong maisip. Walang nagiging malinaw na plot sa akin.” Sandaling niyang nilingon ang binata bago siya nagpatuloy. “Hanggang sa makilala kita at makita ang ilang video clips mo. How should I say this? You’re a sensual man. Sexy. Umaapaw sa s*x appeal. Lalaking-lalaki. Gusto kong mailapat sa papel ang mga nakita ko sa `yo. Alam ko na epektibo kang inspirasyon kasi epektibo ka sa screen. Ang husay mo sa mga naging pelikula mo.” Natawa si Roberto. “Okay na sana hanggang sa narinig ko ang huling sentence mo.” Nagsalubong ang mga kilay ni Victoria. “Sa palagay mo ay hindi ka mahusay sa mga naging portrayal mo?” “May pinanood ka bang buo sa mga naging pelikula ko? Bukod sa Hipag. Medyo maganda ang materyal n’yon.” “Wala pa akong gaanong time. Mga clips lang. Ang dami nila. Nagkalat.” Bahagya nang hiningal si Victoria hindi pa man sila gaanong nakakalayo. Sa palagay niya ay maaari pang bilisan ni Roberto ang pagtakbo ngunit mas pinili na umagapay sa kanya. “Walang kuwento ang karamihan sa mga pelikulang iyon,” ang sabi ni Roberto, naaaliw ang ngiting nakapaskil sa mga labi. Kahit na paano ay ikinagaan ng loob ni Victoria ang ngiting iyon. Nakangiti ang binata kahit na ang tungkol sa dati nitong trabaho ang kanilang pinag-uusapan. Kahit na paano siguro ay naging epektibo ang naging eksplinasyon niya. “Hindi iyan totoo. May pelikula bang walang kuwento?” ang tugon ni Victoria. “Ano ang saysay ng pag-produce niyon?” Lalong natawa si Roberto. Bahagyang namangha si Victoria na nagagawa nitong tumawa nang ganoon habang patuloy sa walang effort na pagtakbo.  “My first adult movie was entitled Bob. That’s how I got my screen name. BOB as in battery operated boyfriend. Isang araw ay naging tao ang isang vibrator. Me. I was the human vibrator. For almost two hours, wala akong ibang naging role kundi ang magbigay ng ‘kasiyahan’ sa mga babae. Tell me, anong klaseng kuwento iyon?” Hindi makasagot kaagad si Victoria. Ang totoo ay ni hindi niya sigurado kung ano ang iisipin sa sinabi nito. Alam na niya iyon siyempre mula sa naging research niya sa banyo. “May kuwento pa rin naman,” ang sabi na lang niya. “Wala nga lang kuwenta.” Iyon din ang naisip ni Victoria nang mabasa ang blurb ng pelikula. Ngunit unang pelikula iyon ni Roberto. “Hindi naman siguro lahat ay walang kuwenta ang mga naging kuwento.” “Yes, hindi lahat. May mga ginawa ako na proud naman ako. May magandang kuwento. Maganda ang materyal. At maganda rin ang pagkakabuo ng mga karakter. Pero dahil nga sensitibo ang paksa ay hindi gaanong napag-usapan. Hindi gaanong nabigyan ng papuri. All that they saw was the filthy part. Pero masasabi ko ngayon na may iilan namang akong naging pelikula na maipagmamalaki ko kahit na paano.” “Hindi ka naman magiging mahusay at effective kung hindi ka... kung hindi mo talaga gusto ang ginagawa mo.” “Mahusay? Effective?” “You’re a sensual man,” ang sabi ni Victoria sa pagitan ng paghingal. Bakit si Roberto ay hindi man lang nahihirapan? “You don’t even have to try.” Ilang sandali muna ang lumipas bago nagawang sumagot ni Roberto. “Makailang beses ko na iyang narinig mula sa ibang tao pero sa hindi ko malamang dahilan ay kakaiba sa pandinig ko dahil galing sa `yo. I have to be honest, hindi ko sigurado kung ano ang mararamdaman. Mapa-flatter ba ako o mahihiya o medyo maiinis? Sana ay hindi lang ang pagiging ‘sensual’ ko ang nakikita mo.” “Of course. You seem like a nice man.” “Seem? Wow.” Napangiti si Victoria. “You’re a nice guy.” “Kahit na hindi naging maganda ang inasal ko kagabi?” “Hindi mo naman sinasadya. Nagulat ka lang siguro.” “Yeah. Hindi pa ako gaanong handa na ipakilala sa `yo si Bob. Mas gusto kong makilala mo si Rob. Mas gusto kong mag-focus ka kay Rob. Mas siya ang gusto kong maging inspirasyon mo kaysa kay Bob.” “Bob and Rob. Pareho lang naman na ikaw iyon, `di ba? Sa palagay ko ay hindi naman sila masyadong magkaibang tao.” “May mga pagkakataon na pakiramdam ko ay masyado silang magkaiba pero mayroon din namang pagkakataon na parang magkaparehong-magkapareho lang sila.” “Which do you like more?” Hindi kaagad nakasagot si Roberto. “Kailangan ko pa ba talagang sagutin iyan? Hindi pa ba obvious?” “Kung obvious ay hindi ko na tatanungin. Kung obvious ay derekta mong sasagutin ang tanong ko.” “Hmn. Smart. I like.” “You’re digressing.” “Am I?” Banayad na natawa si Victoria. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Roberto. “Okay lang ba na maging muse kita?” tanong ni Victoria pagkatapos lumipas ang ilang sandali ng katamikan. Maingat ang tinig niya. Umaasa siya na maging positibo ang maging tugon nito. “Bakit?” Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Victoria sa naging tugon ni Roberto. Waring labis na nagtataka ang binata sa kanyang hinihiling, hindi katulad kagabi na labis na nainis. “Akala ko nai-explain ko na kanina?” “I’m sexy. That’s it? Saka ano ang gagawin ko bilang muse mo? Hayaan kang titigan ako?” “You’re not just sexy. Iyong klase ng sexiness mo ay may substance. Basta mahirap ipaliwanag. Ang sigurado ko lang ay magiging perfect kang hero para sa gagawin ko. Puwede na hayaan mong titigan kita. You can tell me things about yourself. Yes, baka mailagay ko sa nobela pero susubukan kong huwag gaanong panghimasukan ang personal mong buhay. Hindi ko pa gaanong sigurado kung paano ang talagang gagawin.” Ang sigurado lang niya ay kailangan niya si Roberto sa puntong ito ng kanyang buhay. “You can maybe teach me.” Biglang natigil si Roberto sa pagtakbo. “What?” Umatras si Victoria. Pinagtakhan niya ang ekspresyon ng mukha ni Roberto. Mukhang nababaghan at hindi makapaniwala ang binata.  “Teach you what exactly?” Ilang sandali na napakurap-kurap si Victoria. Bahagya na niyang naintindihan kung bakit ganoon na lang ang naging reaksiyon ni Roberto. “Uhm...” Ano nga ba ang maaari nitong ituro sa kanya? Napangiti na si Roberto. Waring ikinaaaliw na ng binata ang nakikitang reaksiyon ng kanyang mukha. “Teach you everything about sensuality? Seduction? Ano, lecture lang ba o kailangan mo ng demonstrations? Gusto mong sumayaw-sayaw ako sa harap mo? Maghubad?” Tumakbo na si Victoria dahil hindi niya sigurado kung paano pakikitunguhan ang panunudyo ni Roberto. Nahihiya siya na hindi niya malaman. Namumula ang kanyang mukha ngunit may munting ngiti rin na sumilay sa kanyang mga labi. Naging malinaw kasi sa isipan niya ang hitsura ni Roberto na nagsasayaw sa kanyang harapan. Nais din niya maghubad ang binata sa kanyang harapan. Nababaghan na naaaliw siya sa itinatakbo ng kanyang isipan sa kasalukuyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD