PAGSAPIT NG HATINGGABI ay lumipat sina Victoria at Belle sa silid nina Dawn at Dream. Nakipagkuwentuhan sila. Ikinatuwa ni Victoria ang ganoong girl bonding dahil hindi talaga niya nakakahahalubilo nang madalas ang mga babaeng kaedad niya. Hindi siya kasundo ng mga kaedad niyang pinsan dahil sa kanya lang daw napunta ang atensiyon ng mga matatanda noon. Mas kasundo niya ang mga nakababata niyang pinsan.
Napag-usapan nilang apat ang magiging lakad nila kinabukasan. May naikuwento sa kanilang maganda at tahimik na lugar ang nasakyan nilang tricycle driver. Isa iyong meditation garden, ang Kuyba Almoneca. Wala iyon sa tour package nila ngunit libre naman sila bukas kaya pinag-usapan nila kung sisilipin nila iyon. Ang sabi ng driver, bukod sa meditation ay maaari rin silang maligo sa pool na may spring water sa loob ng kuweba. Magbaon daw sila ng pamalit.
Mukhang gusto rin ng katahimikan ng mga kasama dahil kaagad silang umayon na magtungo.
“Isama natin ang mga boys,” ang biglang suhestiyon ni Victoria.
Napatingin sa kanya ang mga kasama, waring hindi inasahan ang mga sinabi niya. Bahagyang nag-init ang mga pisngi ni Victoria ngunit hindi niya binawi ang suggestion. Hindi na rin niya gaanong sinubukang magpaliwanag. Sa palagay niya ay nahuhulaan na nina Belle, Dream at Dawn kung bakit iimbitahan niya ang kanilang mga housemate. Nais niyang makasama si Roberto. Naisip niya na maaari nilang maayos ang anumang hindi nila pagkakaunawaan sa tahimik na lugar na pupuntahan nila.
Isa-isang tiningnan ni Victoria ang mga kaibigan. Si Dream ay waring hindi mapagpasyahan ang magiging reaksiyon. Namimilog ang mga mata nito, awang ang mga labi.
Biglang tumayo si Belle, waring medyo galit. “Isama na ang lahat, `wag lang si Doctor Octopus,” ang mariin nitong sabi. Masasabing hindi nito gaanong kasundo si Kale. Sa hindi niya malamang kadahilanan ay mainit ang dugo nito sa guwapong binata na may blond na buhok at abong mga mata.
Alam ni Victoria na medyo inis si Dawn kay Thor ngunit kakatwa na walang objection mula sa dalaga. Waring ayos na ayos lang dito na makasama ang “mahangin” na binata. “Kung saan ang bet ng group, go ako,” sabi ni Dawn sa magaang tinig.
Kulang na lang ay mapapalakpak si Victoria sa katuwaan. Magkakaroon siya ng pagkakataon na mas makilala si Roberto kinabukasan. Safe ang environment at safe ang mga kasama. Tiwala siya na maaayos niya ang anumang hindi nila pagkakaunawaan ni Roberto kanina. Maipapaliwanag niya nang husto ang sarili.
Kailangan niya si Roberto. Kung gusto niyang maisulat ang ipinapagawang nobela sa kanya ni Sir Four, kailangan niyang kumbinsihin ang binata na maging muse niya. Hindi pinansin ni Victoria ang munting tinig na tumutuya sa kanya. Sino ba ang niloloko niya? Nais niyang mapalapit kay Roberto hindi lang upang makabuo siya ng erotic romance novel. Hindi niya kailangan ng permiso nito upang maging muse niya o maging inspirasyon kung tutuusin. Makailang beses na ba niyang naging inspirasyon at muse si Zac Efron? Hiningi ba niya ang permiso nito?
SINUBUKANG IWASAN ni Roberto si Victoria nang umagang iyon ngunit waring pursigido ang dalaga na makausap siya. Maaga siyang nagising nang umagang na iyon upang makatakbo. Hindi pa niya sigurado kung saan sila magtutungo sa araw na iyon. Sigurado siyang hindi muna siya magtutungo sa Iwahig, gayunpaman. Hindi pa siya handang makita ang mga alitaptap.
Gising na si Victoria pagpunta niya sa kusina upang kumuha sana ng tubig na babaunin sa pagtakbo. Kaagad siyang nitong nginitian nang makita siya. Sinubukan ni Roberto na makaramdam ng inis at huwag nang pansinin pa ang dalaga ngunit hindi niya mapagtagumpayan. Hindi niya maalis ang mga mata sa maganda nitong mukha. Mas pinatitingkad ng masiglang ngiti at makinang na mata ang kagandahan nitong taglay. Hindi rin nakatulong na mukhang maligaya ang dalaga na makita siya nang umagang iyon.
May kung anong humaplos sa puso ni Roberto. Sinikap niyang huwag din iyong gaanong pansinin ngunit hindi niya mapigilan. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang epekto sa kanya ng dalaga. She was like a breath of fresh air. Parang kaya nitong pawiin ang lahat g sakit at hindi magandang pakiramdam sa kanyang kalooban.
“Good morning,” ang masiglang bati ni Victoria.
Tumango lang si Roberto at tinungo ang refrigerator. Pagbukas niya ng pintuan niyon ay ilang sandali muna niyang inalala kung ano ang kukunin niya roon bago niya inabot ang isang bote ng malamig na tubig.
“Galit ka pa ba sa akin?”
Isinara ni Roberto ang ref at hinarap ang dalaga. Pinigilan niya ang pagkawala ng buntong-hininga nang maaalala ang inasal niya nang nagdaang gabi. “Hindi ako galit sa `yo,” aniya sa munting tinig. “I’m sorry I lashed out.”
Mas lumapad at mas tumamis naman ang ngiti ni Victoria sa mga narinig mula sa kanya. Mas lumago ang guilt na nadarama ni Roberto. Hindi patas ang naging reaksiyon niya kagabi. Maging ang kanyang mga sinabi ay hindi rin patas.
Nang makarating si Roberto sa kanyang silid matapos niyang iwan si Victoria kagabi ay saka lang niya naitanong kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon niya. Matagal-tagal na mula nang maapektuhan siya nang ganoon. Matagal-tagal na mula nang mainis siya nang labis dahil nalaman niyang nilalapitan lamang siya ng isang babae dahil sa pagiging boldstar niya dati. May pagkakataon na mas nagiging interesado ang isang babae sa tuwing nalalaman ang dating trabaho niya. Waring nagiging boring ang kasalukuyan niyang trabaho sa sandaling malantad ang dating paghuhubad niya sa harap ng camera. Mas nagiging object siya sa paningin ng mga ito. Isang s*x symbol.
Wala siyang pakialam sa mga ganoong reaksiyon dahil nga hindi naman niya ikinakahiya ang dating ginagawa. Nagiging bentahe pa nga iyon sa kanya sa ilang pagkakataon. He wanted to get rid of those girls after the interest wore off. Hindi rin niya alintana ang mga babaeng elitista na hindi na pumapansin sa kanya matapos maranasan kung paano makipagtalik ang isang dating boldstar. Hindi mahalaga kung hindi na ang trabaho niya sa kasalukuyan at mas matagumpay siya sa larangan na pinili.
Ngunit iba pagdating kay Victoria. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang ayaw niyang mas makilala nito si Bob Falcon. Ang nais niyang makilala nito ay si Roberto Falcon, Clio awardee.
Totoong hindi galit o naiinis si Roberto kay Victoria. Mas naiinis at nagagalit siya sa kanyang sarili dahil naroon pa rin pala ang dating Roberto. Ang Roberto na medyo ikinakahiya ang pagiging Bob. Ang insecure na Roberto. Naiinis siya dahil medyo pamilyar sa kanya ang ganoong pakiramdam. It felt like Tanya all over again.
Mataman na pinagmasdan ni Roberto si Victoria na bahagyang nailang. She really was adorable and pretty. Sinabi niya sa sarili na hindi si Tanya ang kaharap. Wala na si Tanya sa kanyang buhay. Ibang-iba si Victoria sa dati niyang nobya. Siguro ay naaalala lang niya ang babaeng dati niyang minahal dahil nasa Palawan uli siya. Iniiwasan niya ngunit sumusuot pa rin ang mga alaala, ang mga pakiramdam na ayaw na sana niyang alalahanin pa.
Tinungo niya ang pintuan palabas ng kusina. Siguro ay kailangan lang niyang dumistansiya kay Victoria, habang hindi pa niya sigurado ang nadarama niya para sa dalaga. Fascinated ba siyang talaga rito o paraan niya iyon upang ma-distract ang sarili sa mga kailangan niyang harapin at gawin?
Madali sanang magagawa ni Roberto ang gusto ngunit kaagad na nakasunod sa kanya si Victoria. Napabuntong-hininga siya dahil mabilis niyang nabatid na hindi ang pagdistansiya ang talagang nais niyang gawin.
“Roberto...” ang banayad na pagtawag ni Victoria habang nakasunod sa kanya. May kaunting pag-aalinlangan sa tinig nito.
Hinarap ni Roberto si Victoria. “Hindi ako galit o naiinis sa `yo,” aniya sa malumanay na tinig. Sinalubong niya ang mga mata ng dalaga. “Kailangan ko sigurong humingi uli ng sorry dahil sa inasal ko kagabi. I guess, I was just tired.” Tatalikod na sana siya ngunit natigil siya sa planong gawin dahil nagsalita ang dalaga.
“P-pwede ba akong mag-explain?”
Maaaring sungitan ni Roberto si Victoria. Maaari niya itong tanggihan. “Magdya-jogging ako,” ang kanyang pagdadahilan. Nang bumalatay ang dismaya sa maganda nitong mukha ay kaagad niyang dinagdagan ang sinabi. “May running shoes ka bang dala?” Sandali niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan nito. Isang puting T-shirt at maluwang ngunit may kaikliang short ang suot nito. Kung papalitan nito ng running shoes ang suot na pulang flip flops ay maaari silang tumakbo upang hindi masayang ang panahon nila roon. Mababaling din marahil niya sa iba ang kanyang atensiyon kapag nasa labas sila at tumatakbo.
“Meron,” ang nagtatakang tugon ni Victoria, bahagyang nangunot ang noo nito. “Isuot mo. Hihintayin kita sa labas.”
Hindi kaagad kumilos si Victoria, puno ng pagtataka ang ekspresyon ng mukha. Pinigilan ni Roberto ang pagguhit ng naaaliw na ngiti sa kanyang mga labi. Habang lumilipas ang bawat sandali ay mas nagiging adorable ang dalaga. Hindi niya alam na posible pa ang bagay na iyon.
“Mag-explain ka habang sinasamahan mo akong tumakbo.”
“Hindi ako sure... pero, sige.” Bago pa man makapagsalita si Roberto ay nakatalikod na si Victoria at patakbong tinungo ang silid nito.
Nakangiting lumabas na si Roberto at naghintay.