GINABI ANG apat na lalaki sa pag-uwi mula sa Brooke’s Point. Napagpasyahan ni Victoria na isantabi muna ang hiya at lapitan si Roberto kapag nakahanap siya ng tiyempo. Nais niyang makausap ang binata. He was going to be her muse. Nais niyang itanong kung maaari niya itong gawing inspirasyon para sa kanyang isinusulat na bagong nobela. Kinakabahan siya sa magiging tugon nito. Kinakabahan siya sa pagtanggi nito at waring mas kakabahan siya kapag pumayag ang binata.
Nakahanap si Victoria ng pagkakataon nang lumabas si Roberto sa hardin nang gabing iyon. Dala nito ang isang kaha ng sigarilyo at lighter. Sandali siyang nag-alangan sa paglapit.
“Come on. I’m not gonna bite,” ang sabi ni Roberto nang hindi siya nililingon. Idinutdot nito ang sigarilyo sa ashtray at nilingon siya. May nabuong ngiti sa mga labi nito.
Awtomatiko ang pagganti ng ngiti ni Victoria sa binata. Mabilis ang t***k ng puso na humakbang siya palapit. Kakatwa na gusto niya ang pakiramdam kahit na hindi komportable ang kanyang dibdib. Nag-uumapaw ang kanyang pananabik. Parang isang linggo na mula noong huling beses silang nagkita ng binata at hindi kaninang umaga lamang.
“Hi,” ang bati ni Victoria, nakangiti pa rin. Naupo siya sa katapat na metal chair.
“Hi.”
Ilang sandali na nagkatinginan lamang silang dalawa, waring nais magsalita ngunit hindi malaman kung ano ang unang sasabihin sa isa’t isa. Habang lumilipas ang bawat sandali ay mas lumalapad ang ngiti sa kanilang mga labi.
Si Roberto ang unang bumasag ng katahimikan. “You are so adorable.”
Hindi sigurado ni Victoria kung nagustuhan niya ang sinabing iyon ni Roberto. Adorable? Ginagamit iyon para ilarawan ang cute na pets at babies. Parang walang malisya kapag sinabi iyon ng lalaki sa isang babae. Gusto ba niyang magkamalisya si Roberto sa kanya? She mentally shook her head. Hindi na gaanong importante sa ngayon ang mga ganoong bagay. Ang tanging mahalaga ay mapalapit siya sa kahit na paanong paraan sa binata. May tinig na nagsasabi na hindi iyon dahil sa nais niyang maisulat ang nobela na hinihinga ni Sir Four, ngunit mas pinili niyang maniwala na ganoon nga. Baka hindi niya kayanin kung aalamin niya ang totoong rason.
“Thanks?” ang tugon ni Victoria dahil hindi niya sigurado kung ano ang sasabihin. “You are... beautiful.”
Banayad na natawa si Roberto. “That, I don’t hear often.”
“You are,” wika ni Victoria habang nakatingin sa mukha ni Roberto. “Beautiful.”
“Thanks?”
Parehong mas lumapad at mas tumamis ang ngiti sa kanilang mga labi. Habang lumilipas ang bawat sandali na nakatingin si Victoria kay Roberto ay napapansin niya na mas naninikip ang kanyang dibdib. Hindi pa naman umaabot sa punto na nahihirapan na siyang huminga. Hindi komportable ang pakiramdam ngunit parang nasisiyahan din siya sa nadarama. Buhay na buhay kasi ang pakiramdam niya. Nang mga sandaling iyon ay hindi monotonous ang tingin niya sa buhay at sa sarili.
“Kumusta ang naging araw mo?” ang kaswal na tanong ni Roberto.
Halos wala sa loob na ikinuwento ni Victoria ang nangyari sa buong araw niya, maliban sa ginawang pagkukulong sa banyo upang panoorin ang clips ng mga pelikula nito. Inisa-isa niya ang mga lugar na pinuntahan nila sa araw na iyon. Nagtunog siyang tipikal na turista ngunit wala siyang pakialam dahil tipikal naman talaga siyang turista. Ibinibigay sa kanya ni Roberto ang buo nitong pansin. Mataman nitong pinangkinggan ang kanyang mga sinasabi. Hindi nababagot kahit na malamang na napuntahan na nito ang mga lugar na napuntahan niya.
“Kayo, kumusta ang lakad?”
“It was good. Fun.”
Hindi na nag-eloborate pa ang binata. Hindi na nagpumilit pa si Victoria kahit na nais niyang sabihin na hindi ito patas. Hindi naman siya nito pinilit na magkuwento. Hindi siya nito pinilit na dumaldal kaya huwag din niyang gaanong aasahan na dadaldal din ang binata. Nadismaya siya ngunit sinabi na lang niya sa sarili na may ibang pagkakataon pa naman.
Tumango-tango si Victoria. Ilang sandali na nag-alangan siya bago napagpasyahan na sabihin ang totoo kay Roberto. “Gusto kitang mas makilala pa, Roberto,” aniya sa kimi at nahihiyang tinig. Sa nakaraan ay hindi niya kinailangan na bigkasin ang mga katagang iyon. Kusa na siyang nakikipagkaibigan, hindi na kailangang magpaalam. “Gusto kitang maging kaibigan.”
Tumango-tango si Roberto. “Masasabing ganoon din ang gusto ko.”
Maging kaibigan? Kaibigan lang? Isinantabi muna ni Victoria ang naisip o ang dahilan ng dismaya niya dahil siya naman ang pinagmulan niyon. Wala siyang karapatang magtanong o madismaya. Naisip niya na parang hindi maganda ang epekto ni Roberto sa kanyang pag-iisip. Nalilito siya sa mga damdamin, naguguluhan ang isipan. Maigi sana kung nakakaapekto rin siya rito sa ganoong paraan. Paano kaya niya malalaman?
Tumikhim si Victoria bago muling nagsalita. “G-in-oogle kita.”
Ilang sandali na natigilan si Roberto. Kapagkuwan ay napabilis ang pagkurap-kurap ng mga mata. Bahagyang nangunot ang noo nito na waring pinag-iisipan pa nito kung ano ang angkop na reaksiyon sa kanyang ipinagtapat.
“At nabasa o napanood mo ang mga kailangan mong malaman?” ang wika ni Roberto sa maingat na tinig.
“Huwag ka sanang magagalit.”
Umiling si Roberto. “Hindi ako galit.” Iyon ang sinasabi ng bibig nito ngunit nasilip pa rin ni Victoria ang banayad na pagkayamot sa mga mata ng binata. Nagkibit-balikat si Roberto sabay iwas ng tingin sa kanya. “Siguro ay natural lang na maging curious ka sa akin. Mas magtataka siguro ako kung hindi mo hinanap sa Internet ang pangalan ko.”
“Pwede mo rin akong i-Google para fair.”
Napatingin si Roberto sa kanya. Nawala na ang inis sa mga mata nito at waring nais sumungaw ng pagkaaliw. “Really?”
“That is if you’re interested.”
Inilabas ni Roberto ang smartphone nito sa bulsa ng suot na board shorts at naging abala na ang mga daliri nito nang mga sumunod na sandali. Hindi naging komportable si Victoria sa kaalamang inaalam din nito ang tungkol sa kanya sa Internet. Isinuhestiyon niya iyon ngunit ang totoo ay hindi naman niya inakala na gagawin talaga nito. Matiyaga siyang naghintay na matapos si Roberto kahit na hindi siya komportable upang maging patas na ang lahat sa pagitan nilang dalawa.
“VA Sinclair. Sikat ang mga libro mo.”
Nag-init ang mukha ni Victoria. Nagpasalamat siya na hindi gaanong maliwanag sa kanilang kinaroroonan kundi ay makikita nito ang pamumula ng kanyang mukha.
“Walang gaanong personal infos sa sss page mo. Everything’s about your books. Iilan lang ang mga picture mong naka-post at karamihan ay kinunan pa sa mga book events. You’re a very private person for a writer with good following.”
“It’s about the books, not about the writer,” ang halos wala sa loob na sabi ni Victoria. Masasabing aktibo siya kahit na paano sa social media ngunit para lamang mag-promote ng libro. May pagkakataon din na nais niyang makakuwentuhan ang mga mambabasa niya, malaman kung ano ang iniisip ng mga ito sa mga kuwento. Tumatanggap din siya ng mga suhestiyon. Ngunit hanggang doon lang. Hindi na siya gaanong nagse-share tungkol sa personal niyang buhay.
“Ah.” Waring may nais pa itong sabihin ngunit pinipigilan na lamang ang sarili.
“Hindi ka agree?”
“Kung G-in-oogle mo `ko, alam mo na kung nasaang field na ako ngayon.”
“Advertising. You have your own agency.”
Tumango si Roberto. “See, minsan ay hindi sapat na maganda lang ang kuwento. Hindi naman kasi kaagad malalaman na maganda ang kuwento. Hindi pupuwedeng maganda lang ang cover ng libro at catchy ang teasers. It’s the age of social media. Minsan, nakadepende ang sales ng libro sa ganda ng promotion. Kailangan ring maging interesting ng author. Minsan ay nabibili ang mga libro nila dahil sa karakter na nabubuo sa social media accounts nila.”
Tumango-tango si Victoria, nauunawaan ang mga nais nitong sabihin. “You’re telling me to open up more? Share more?”
“I’m telling you to be yourself. Huwag kang masyadong matakot mag-share ng mga bagay tungkol sa `yo. Open up but be your comfortable self. Hindi ko sinasabi na kailangan mong bumuo ng isang interesanteng nilalang sa social media para makaakit ng readers. Sa nakikita ko ay maganda naman ang reception sa mga nobela mo kahit na wala niyon. Hindi kailangang baguhin ang mga bagay na ganoon. Kailangan lang dagdagan.”
Napalabi si Victoria. “Puwede mo bang sabihin kay Sir Four iyan? Huwag na niyang baguhin ang mga nakasanayan?”
Nangunot ang noo ni Roberto sa pagtataka. “What do you mean? Ano ang ginawa ni Four?”
“Close ba kayong dalawa? Matagal na kayong magkakilala?” Hindi sigurado si Victoria kung kailangan niyang sabihin kay Roberto ang nangyayari.
Kailangan, ang tugon ng isang bahagi ng kanyang isipan. He’s going to your muse. Kailangan mong buksan ang usapan tungkol sa contemporary erotic romance.
“We’re good friends. Now, stop stalling and tell me. Alam ko na may ibang bagay ka pang gustong sabihin.”
“Gusto ni Sir Four na sumubok ako ng bagong genre.”
Hinintay ni Roberto ang susunod niyang sasabihin ngunit nililikom pa ni Victoria ang lakas ng loob. “And...?”
“Gusto niyang magsulat ako ng... i-ibang genre.”
“Yes, I get it. Anong genre?”
Tumingin si Victoria sa mga mata ni Roberto. “I want you to be my muse.” Bahagya siyang nagulat na nasabi niya nang deretso at walang kaba ang mga kataga.
“W-what?” Mukhang labis na nagulat si Roberto sa kanyang mga sinabi. Mukhang hindi nito inaasahan iyon.
“I want you to be my muse,” ang pag-uulit ni Victoria. Mas malakas ang tinig at mas confident.
“W-why?”
“You’re perfect.”
“You’re a young adult writer.”
“Not anymore. I mean, not for a while.”
“Not anymore?” Mas lumago ang pagtataka sa ekspresyon ng mukha ni Roberto. “What are you gonna write now?”
“Erotica.”
Ilang sandali na napatanga lang si Roberto sa kanya. Kapagkuwan ay napangiti, waring mapapabunghalit ng tawa. At pagkatapos ay bigla na lang naglaho ang ngiti. Naglaho rin ang anumang kinang ng pagkaaliw sa mga mata nito. “I don’t know what to say. Honestly. Should I be flattered?”
Nakita ni Victoria na mukhang medyo na-offend si Roberto sa nalaman. Hindi nakaligtas sa kanya ang umaapaw na sarkasmo sa tinig nito sa huling pangungusap. Ilang sandali na hindi malaman ni Victoria kung paano magpapaliwanag, kung paano papayapain ang inis na nadarama ni Roberto para sa kanya sa kasalukuyan. Dahil hindi niya malaman ang pinanggalingan niyon.
“Wala akong masamang intensiyon,” ang sabi ni Victoria, hindi niya napigilan na medyo defensive ang kanyang tinig.
Tumaas ang isang kilay ni Roberto. “Really?” Nakikita niya sa mga mata nito na ni katiting ay hindi nito pinaniniwalaan ang kanyang sinasabi.
Bahagya na ring nainis si Victoria sa reaksiyong ganoon ni Roberto. “Ano naman ang magiging masamang intensiyon ko, aber? Oo nga at hindi ka siguro dapat ma-flatter pero, I mean...” Ilang sandali na hindi niya malaman kung paano niya itutuloy ang nais sabihin nang nagiging malinaw ang ipinupunto. “Naisip ko lang na perfect kang inspiration at muse.”
“Why?” Medyo naging marahas ang tinig ni Roberto. “Dahil dati akong boldstar?”
“Oo,” mabilis na tugon ni Victoria, halos wala sa loob.
Umismid si Roberto. “I thought so. Of course ay iyon ang pinakapangunahing dahilan.”
“Bakit ganyan ang reaksiyon mo?” nagtatakang tanong ni Victoria. Hindi naman niya inasahan na magiging madali ang pagpayag nito sa hinihiling niya ngunit hindi rin naman niya inasahan na magiging ganoon ka-antagonistic ang magiging reaksiyon nito.
“Itinatanong mo pa? Ganyan naman kayong mga babae lagi. You’re fascinated because I used to shed my clothes off for living. You’re curious. You’re eager to get to know me. Pero kapag nakuha na n’yo ang gusto n’yo... kapag nag-wear off na ang fascination, ang pinakapangunahing dahilan ng attraction ang magiging pinakapangunahing dahilan kung bakit kayo mananawa. Soon, sobrang baba at dumi na ng tingin mo sa `kin. O sadyang mababa na ang tingin mo sa akin kaya mo sinasabing gusto mo akong maging muse?”
Namilog ang mga mata ni Victoria sa mga narinig. Kahit na paano ay naunawaan na niya kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon nito. Siguro ay hindi naging madali para kay Roberto ang mga bagay-bagay—ang pakikitungo sa mga babae, dahil sa nakaraan nitong trabaho.
Tumikhim si Victoria at inihanda ang sarili na magpaliwanag ngunit tumayo na si Roberto.
“Let’s not ruin each other’s night,” ang sabi ng binata, bahagya nang nakontrol ang nadaramang inis. “Good night, Victoria.”
Wala nang nagawa si Victoria kundi tumango at hayaan na lang ang pag-alis ni Roberto. May bahagi sa kanya ang nagnanais sumunod at pilit na magpaliwanag. Ayaw niyang maghiwalay sila at lumipas ang magdamag na may kaunti silang samaan ng loob. Itinuturing na niya itong kaibigan kahit na sasandali pa lamang silang magkakilala. Kailangan lang nito ng kaunting panahon para makapag-isip. Hindi siya nito kilala at kahit na unfair na paratangan siya ng mga bagay na hindi totoo, uunawain pa rin niya ang nararamdaman nito.