TAPOS NANG mag-agahan si Roberto nang makita uli ni Victoria pagsikat ng araw. Kasama nito ang tatlong lalaki na naaalala niyang kasama rin nito sa restaurant kahapon. Hindi na siya gaanong nagulat. Hindi niya maiwasang mamangha sa kaguwapuhan ng apat na lalaki. Mas tumingkad ang kanya-kanyang panghalina ng bawat isa ngayong napagmasdan niya ang mga ito nang malapitan. Mukhang mababait naman ang mga ito.
Ipinakilala siya kina Thor, Kale at Harry. Ipinakilala rin siya kay Roberto. Bahagya pa siyang nahihiya sa itinakbo ng usapan nila sa balkonahe kaya kiming ngiti lamang ang naibigay niya.
Kinausap siya sandali ni Harry ngunit hinahanap-hanap ng kanyang mga mata si Roberto. Kahit na medyo na nahihiya ay nais pa rin niyang makausap uli ang binata. Napakarami niyang nais malaman. Gusto niya ang pakiramdam na magkalapit silang dalawa. Gusto niya ang epekto nito sa kanya. Mas lumalago ang kanyang interes sa bawat paglipas ng mga sandali.
Dahil sinusundan niya ang bawat galaw ni Roberto, banayad siyang natawa nang itulak nito si Harry patungo kay Dream. Nakikita ni Victoria ang interes ng dalawa sa isa’t isa. Kung sana ay gumanti si Harry at itinulak din si Roberto patungo sa kanya.
Pagkaalmusal ay naghanda na silang apat para sa kanilang city tour. Kinapalan niya ang inilagay na sunblock sa katawan at mukha. Hindi naman siya takot na mangitim, mas takot siya sa skin cancer. Excited siyang ikutin ang magandang lungsod. Sa araw na iyon ay magtutungo sila sa Plaza Cuartel, Immaculate Conception Cathedral, Crocodile Farm, Baker’s Hill at souvenir shops. Mabait ang tour guide/driver na napunta sa kanila, si Kuya Pete. Madaldal at waring siyang-siya sa ginagawa. Sa paraan ng pagsasalita nito ay mapapansin kaagad na mahal nito ang Palawan.
Hindi history buff si Victoria ngunit namangha pa rin siya sa kuwento ng mga Amerikanong sundalo na pinahirapan ng mga Hapon. Namangha rin siya sa survivors. Inisip niya kung paano nabuhay ang mga ito pagkatapos. Paano napakitunguhan ang trauma? Paano napakitunguhan ng mga mahal sa buhay ng mga ito ang pangyayari? Naitanong din niya kung maaari pa kayang maulit ang ganoong karahasan o natuto na ang tao sa aral ng nakaraan?
Nahiling ni Victoria na sana ay mapangalagaan ang parke at sana ay patuloy ang pagkukuwento ng kasaysayan lalo na sa mga kabataan.
Ang turo ni Mamu kay Victoria, kapag nakakapasok sa isang simbahan sa unang pagkakataon ay maaari siyang humiling. Hindi naman sinabi ng matanda kung natutupad ang hiling basta maaari lang siyang humiling. Pareho lang naman lagi ang hiling ni Victoria sa tuwing nakakapasok siya sa simbahan. Ipinagdarasal niya na sana ay bigyan ng lakas ng pangangatawan at kaisipan ang kanyang Mamu at Papu. Sana ay maging maayos ang kalusugan ng mga ito. Sana ay bigyan pa siya ng maraming taon upang maibigay ang isang komportableng buhay sa dalawa.
Kinaaliwan din ni Victoria ang mga buwaya sa Crocodile Farm. Naisip pa niya na kayang-kaya siyang lunukin ng mga malalaking buwaya sa isang ngangahan lang dahil sa liit niya.
Nang dumaan sila sa souvenir shop ay namili na si Victoria ng cashew nuts para kay Angel at T-shirts para sa mga kamag-anak niyang siguradong may masasabi kung wala man lang siyang pasalubong. Ibinili rin niya ng mga bagay sina Mamu at Papu. Alam niya na sasabihin ng mga ito na hindi na kailangan ang mga ganoong bagay ngunit kasiyahan na niyang magbigay sa dalawang matanda.
Masarap ang hopia sa Baker’s Hill kaya naman ipinangako ni Victoria na bibili siya ng ilang kahon para kina Mamu at Papu bago sila umuwi.
Nang matapos ang kanilang city tour ay nagpahinga na sila sa bahay. Masyadong mainit ang araw at kahit na nakakatuwa ang lahat ng lugar na pinuntahan nila, nakakaubos pa rin ng lakas. Nang makapagpahinga nang kaunti ay nagkulong sa banyo si Victoria bitbit ang tablet at earphone.
Kahit na abala sa paglilibot kanina, hindi mawaglit sa isipan ni Victoria si Roberto. Kaya naman napagpasyahan niyang mag-research tungkol sa binata. Nagsimula siya sa Google. Nalaman niya na chief creative officer ng sarili nitong ahensiya si Roberto Falcon. May nakita siyang larawan habang tinatanggap nito ang Clio statue. Nalaman niya na ang Clio Awards ang pinaka-big deal na award sa mundo ng advertising.
Namangha si Victoria sa mga nalaman sa kasalukuyang Roberto. Hindi niya sigurado kung ano ang inaasahan niya ngunit sigurado siya na hindi katulad ng kanyang mga nalaman. Hindi naman sa minamaliit niya ang pagiging artista nito noon o ang uri ng mga pelikula na ginawa nito. Sadyang nakakamangha lamang ang mga achievements nito sa advertising world. Ang ahensiya pala nito ang lumikha ng ilang nakakatuwa at nakakaiyak na patalastas sa telebisyon.
Nakita ni Victoria ang ilang larawan nito sa events bilang Roberto Falcon. Walang hindi magandang anggulo ang binata. Lahat ng kuha ay nagpapakita ng kakisigan nito. Isang larawan nitong naka-suit ang tinitigan niya nang matagal. He was sophisticated and very suave. Sa palagay ni Victoria ay hindi na nito kailangang mag-effort pa upang maging kaakit-akit at bahagya niyang ikinaiinggit ang bagay na iyon. Ang paraan ng pagngiti. Ang bawat galaw ng katawan.
Inalam din ni Victoria ang dating buhay nito, ang simula ng karera nito bilang artista. Hindi naman itinatago ni Roberto ang bagay na iyon. Nababanggit nito sa ilang panayam ang dating propesyon. Nalaman niya na mayroong Best Actor award na natanggap ang binata bago naghinay-hinay sa paggawa ng mga pelikula.
Marami-rami ang naging pelikula ni Roberto bilang Bob Falcon. Ang karamihan ay low budgeted adult movie. Nakagat niya ang ibabang labi nang mahanap ang isang nude photo nito sa Internet. Mabilis niyang inalis ang larawan sa kanyang screen ngunit nang maalala na siya lamang ang nasa loob ng banyo ay binuksan niyang muli ang link at pinakatitigan ang katawan nito. Habang nagtatagal ay mas namimilog ang kanyang mga mata. Waring nagsisimula na rin siyang mahirapang huminga. More than ten years old na marahil ang larawan ngunit napakaganda pa rin ng hubog. Perpekto.
Tinandaan ni Victoria ang mga pelikula na ginawa ni Roberto. Sinubukan niyang humanap ng kopya upang mapanood niya. Hindi siya tumingin sa YouTube dahil baka katulad ng unang pelikula na pinanood niya ay pinutol ang mga s*x scenes. Pinanood niya ang ilang clips. The guy could kiss. Napalunok-lunok siya nang makita niya kung paano nito hagkan ang mga kaparehang artista. Ramdam niya ang pagtaas ng temperatura ng kanyang katawan, pati ng kanyang mga balahibo. May punto na inilayo ni Victoria ang tablet upang payapain ang sarili. Makailang beses niyang pinaypayan ang mukha habang pinapanood ang lovescenes na ginawa nito.
Ang huling pelikula na ginawa ni Bob Falcon ay True Love na medyo mapangahas. It was a gay erotic movie. Nang mabasa ang description ng pelikula ay nagkaroon ng alinlangan si Victoria na panoorin ang kahit na clips lang niyon. Hindi niya sigurado kung ano ang mararamdaman niya. Hindi siya against sa homosexuality. Sa palagay niya ay bukas ang isipan niya pagdating sa mga ganoong bagay. Hindi lang niya sigurado kung nakahanda siyang makita na nakikipaghalikan at nakikipagniig si Roberto sa kapwa lalaki.
Paano kung ang makisig at guwapong si Roberto ay makisig at guwapo rin ang hanap? Parang mahirap yatang tanggapin ang bagay na iyon. Ang unfair lang sa mundo.
Napagpasyahan niyang ipagpaliban ang panonood ng mga clips ng True Love. Isa sa mga araw ay panonoorin pa rin niya ang pelikula. Ang pelikula na iyon ang dahilan ng pagkakaroon ni Roberto ng Best Actor Award.
Roberto was an amazing person. A very sexy and attractive male.
He would be a perfect hero for erotic romance.
Napakurap-kurap si Victoria sa naging realisasyon. Bumilis ang t***k ng kanyang puso. Ramdam niya ang pag-ahon ng pananabik sa kanyang dibdib at pagkalat niyon sa buo niyang sistema. Mula noong ibigay sa kanya ni Sir Four ang assignment ay nakadama siya ng pananabik na simulan ang pagsusulat sa unang pagkakataon. Bigla ay hindi na siya natatakot at nagdududa. Nakalikha siya ng ilang eksena sa kanyang isipan. Nabura ang duda niya sa kakayahan bilang manunulat. For the first time, she felt like she could ace this. She could be good at this.
Hindi siya lumabas sa banyo hanggang sa hindi siya katukin ni Belle.