NAGMULAT NG mga mata si Victoria. Madilim pa ang paligid. Ilang sandali na inalala muna niya kung nasaan siya. Nahihimbing sa kanyang tabi si Belle at ganap nang naiproseso ng kanyang isipan ang lugar kung saan siya naroon. Nasa bahay sila ni Sir Four sa Millionare’s Village, sa Palawan. Ipinikit niyang muli ang mga mata at sinubukan niya kung makakabalik siya sa pagtulog dahil wala naman siyang gagawin. Hindi niya kailangang maghanda ng almusal nang ganoon kaaga.
Habang nakapikit ay binalikan ni Victoria ang naging panaginip. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Binalikan niya sa panaginip ang ilang sexy scenes na napanood niya. Sa kaiisip niya sa e*****a ay dala niya iyon hanggang sa pagtulog. Isang partikular na hubad na katawan ng maskuladong lalaki ang nabuo sa kanyang isipan.
Biglang nagmulat ng mga mata si Victoria. Gising na gising na ang kanyang diwa. Naaalala na niya kung saan niya nakita ang guwapong lalaki kahapon sa Ka Inato. Sa YouTube niya unang nakita ang binata. Isa itong artista. Isang boldstar. Isa ang lumang pelikula nito sa mga sinubukan niyang panoorin bilang research. Hindi niya kaagad nakilala ang binata dahil di hamak na mas bata ito sa mga video clips kaysa sa kasalukuyan nitong hitsura. Sexy nang maituturing ngunit parang totoy na maituturing kumpara sa hitsura nito ngayon. Makinis ang mukha nito sa pelikula. Poging-pogi lalo na kapag ngumingiti. Mayroon kakaibang panghalina ang lalaki. Ngayon ay medyo scruffy na ang mukha ng lalaki. Mas tumingkad ang kakaibang panghalina na taglay nito dahil sa mga buhok sa mukha. Mas maganda rin ang hubog ng katawan.
Luma na ang pelikula na napanood niya at alam niya na hindi na gaanong aktibo ang artistang lalaki ngayon. Pilit niyang inalala ang pangalan ng aktor ngunit nahirapan siyang muli. Napagpasyahan niyang lumabas muna at maghanap ng kape. Tahimik ang buong kabahayan. Tulog na tulog pa marahil ang mga kasamahan.
Nang makapaghanda siya ng kape ay dinala niya iyon sa balkonahe. Dala niya ang cell phone at maaari siyang mag-research habang wala pang kaluluwang gising. Nasa bulsa niya ang aparato. Kamuntikan nang mapasinghap si Victoria nang makakita ng anino sa may balkonahe. Isang bulto ng lalaki. Maagap niyang natutop ang bibig. Maigi at hindi niya nabitiwan ang mug sa kanyang kape. Napatingin siya sa lalaki na walang kamalay-malay sa kanyang presensiya. Isang bombilya na naka-dim effect yata ang nakasindi sa may balkonahe kaya hindi niya gaanong mabistahan ang mukha nito. Ngunit naramdaman na naman niya ang pamilyaridad. Ang lalaki sa restaurant. Ang aktor sa bold movie na pinanood niya.
Naninigarilyo ang lalaki habang nakasandal sa nakabukas na glass door. Parang napako si Victoria sa kinatatayuan. Nagpasalamat siya na nasa bahaging madilim siya at hindi gaanong makikita ng sinuman. Mukhang malalim ang iniisip nito kaya hindi rin marahil gaanong namamalayan ang paligid.
Hindi sigurado ni Victoria kung bakit ganoon ang kanyang naging reaksiyon. Hindi ba dapat ay mag-panic siya dahil may estranghero sa bahay na tinutuluyan? Hindi ba dapat ay sumisigaw na siya? Hindi ba dapat ay tinatanong niya kung ano ang ginagawa nito sa bahay na iyon?
Ngunit sa halip ay hindi mapuknat ang mga mata ni Victoria sa binata na kahit na walang ginagawa ay sexy pa rin. Karaniwan na hindi niya nagugustuhan ang mga lalaking naninigarilyo ngunit nais magbago ng kanyang opinyon habang pinapanood ang partikular na lalaking ito. Wala na sigurong ibang lalaki na mas magiging kaakit-akit habang humihitit sa stick katulad nito.
Bumaba ang mga mata ni Victoria sa braso ng lalaki. Nakasuot ng itim na sando at shorts na abot hanggng sa tuhod ang lalaki. Maganda ang hubog ng braso nito. Mukhang mapuwersa. Parang kayang-kaya siya nitong buhatin at ihagis sa kama. Kagaya ng ginawa nito minsan sa isang kapareha sa pelikula.
Nanlaki ang mga mata ni Victoria nang mabatid kung saan nagtungo ang kanyang isipan. Talaga bang nabuo sa kanyang isipan ang larawan na iyon? Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mukha at leeg. Siguro ay masyado niyang isinaisip ang sinabi ni Belle kahapon. Fantasies. She was making an effort to create some fantasies.
Bahagya mang nagdududa si Victoria ay mas hinayaan niya ang sarili na maniwala na ganoon nga. Tumalikod na siya bago pa man kung saan mapunta ang kanyang isipan, bago pa man siya makabuo ng iba pang pantasya sa isang lalaki na hindi niya kilala.
“Had your fill?”
Napaigtad si Victoria nang marinig ang tinig ng lalaki. Tumapon ang kaunting lamang kape ng hawak niyang mug. Mariin niyang nakagat ang ibabang labi dahil sa balat niya tumalimsik ang natapong mainit na likido.
“You are...?”
Dahan-dahan na muling hinarap ni Victoria ang lalaki. Hindi niya sigurado kung ngingiti siya o ano. May munting ngiting nakasilay sa mga labi ng binata. Waring naaaliw sa kanya at nagtataka rin.
Tumikhim si Victoria. Pilit niyang kinalap ang mga natitirang kalat-kalat na matinong kaisipan. Bakit pati ang tinig nito ay sexy? Halos wala sa loob na humakbang siya palapit. Tumigil siya nang magsalubong ang mga kilay ng lalaki. Pinagtatakhan din marahil nito ang kanyang reaksiyon.
“A-ako yata ang dapat na magtanong niyan,” ani Victoria sa munting tinig. “Sino ka? Bakit ka narito sa bahay na ito?”
“Roberto. Kaibigan ako ni Four. Pinayagan niya kaming manuluyan dito habang narito kami. At sino ka?”
Ganap na napayapa si Victoria sa kaalaman na kaibigan ni Sir Four ang lalaki. May munting tinig na nagtatanong kung paano naging kaibigan ng publisher nila ang isang artistang katulad nito ngunit saka na marahil niya aalamin ang sagot sa tanong na iyon.
“Victoria. Isa ako sa mga writer ni Sir Four.” Itinuloy na ni Victoria ang paglapit sa binata. Hindi naman siya siguro nito gagawan nang masama. Mas naiilang kasi siyang makipag-usap sa binata sa dilim. Nais din niyang mas mabistahan ang mukha nito.
Inilahad ni Roberto ang kamay nang makalapit siya. Inilipat niya ang hawak na mug sa kabilang kamay ngunit napansin niyang nanlalagkit ang kanyang kamay sa natapong kape.
“I’m sorry about that,” ang sabi ni Roberto na napansin din ang natapong kape. Imbes na makipagkamay ay kinuha nito mula sa kanya ang mug at humigop.
Napatanga lang si Victoria sa binata. Everything the guy did was sexy. Ni hindi na yata naglalaan ng conscious effort si Roberto. Parang matutunaw din siya sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Nababasa niya sa mga mata nito ang curiosity at fascination. Kahit na hindi niya nakikita ang sarili, alam niyang nasa mga mata rin niya ang fascination.
Noon lang nakaramdam ng ganoon si Victoria sa isang lalaki. Siguro ay curious din siya dahil sa alam niyang bold star ito. Dating boldstar.
“Tell me about yourself,” ang banayad na hiling ni Roberto, hindi siya nilulubayan ng tingin.
Hindi kaagad naiproseso ni Victoria ang sinabi nito. Muli siyang tumikhim at binawi ang mug ng kape na hawak pa rin ni Roberto at humigop. Kailangan niyang magising. Hindi naman masasabing nahihibang na siya ngunit sa palagay niya ay malapit na. Bahagya rin niyang idinistansiya ang sarili.
“Bakit? Interesado ka?” ang tugon ni Victoria.
“Yeah?” Inabot ni Roberto ang mug at humigop. Ibinalik nito iyon sa kanya pagkatapos.
Napatingin si Victoria sa mug ng kape na hawak na uli niya. Noon lang tumimo sa kanya na nagse-share sila ng kape. Bakit parang gusto niyang kiligin? Ano ang nakakakilig sa ganoon? Pilit na lang niyang itinuon ang pansin sa usapan nila kaysa maghanap ng sagot sa tanong na iyon. “Hindi ka sigurado?”
Nagkibit ng balikat si Roberto. “Well, narito na tayong dalawa. Bakit hindi natin kilalanin ang isa’t isa?”
“Line ba `yan? At umeepekto sa mga babae?”
Natawa si Roberto. Hindi naisip ni Victoria na posible pa ngunit mas naging kaakit-akit sa kanyang paningin ang binata habang tumatawa. Parang nanlambot ang kanyang mga binti.
“Line? Hindi ka marunong mag-distinguish ng line, ano? You don’t meet a lot of guys.”
Kaagad nag-init ang mukha ni Victoria. Labis siyang napahiya. Totoo yatang hindi siya marunong mag-distinguish ng line dahil wala siyang gaanong nakikilala na opposite s*x. Ang kapal din yata ng mukha niya na mag-assume na interesado ang lalaking kaharap para paglaanan siya ng effort sa isang “line.” Ang ganoong mukha at pangangatawan ay hindi na nangangailangan ng “line.” Ang kailangan lang nitong gawin ay ngumiti at parang langgam na lalapit sa asukal ang mga babae.
Napapitlag si Victoria nang banayad na pisilin ni Roberto ang kanyang ilong. Nakangiti ang binata at mababakas ang labis na kaaliwan sa mukha. “I wanna know you.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Victoria. “Bakit?”
“Dahil mukhang interesting ka. So tell me about yourself?”
Hindi nagtitiwala si Victoria sa mga bagong kakilala kahit na gaano pa siya ka-fascinated sa mga ito. Idagdag pang hindi siya likas na madaldal. Natagpuan pa rin niya ang sarili na ibinubuka ang bibig upang magsalita. “Wala akong gaanong masasabi tungkol sa sarili ko. Masasabing monotonous ang buhay ko.”
Umiling si Roberto. “I don’t think so. Alam ko na medyo alangan lalo na at ito ang una nating pag-uusap. Saka alanganin ang oras. Hindi ka lang ba makatulog o sadyang early riser ka? Morning person?”
“Early riser. Morning person. Mas nakakapagsulat ako sa umaga kaysa sa gabi.”
“Hindi ako makatulog. Siguro ay naninibago ako sa bahay. My great ideas come to me during the night.”
Napalagay kahit na paano ang loob ni Victoria sa kaaalaman na hindi lang siya ang nagbabahagi tungkol sa kanyang sarili, maging si Roberto. Mas madaling makipagkuwentuhan kahit nga madilim pa.
“So you write for Four?”
Tumango si Victoria. “I write about the complicated lives of young adults.”
“Pen name?”
“VA Sinclair.”
“VA stands for...?”
“Virgilio and Aurelia. Ang Papu at Mamu ko.”
Nagsayaw sa kaaliwan ang mukha ni Roberto. “Papu? Mamu?”
Matamis ang naging ngiti ni Victoria. “Grandparents ko. Sa kanila ako lumaki. Baby pa lang ako ay ulila na ako. Technically, hindi ulila kasi wala akong ideya kung nasaang lupalop ang tatay ko at kung buhay pa siya o ano. Pero gets mo na siguro. Anyway, gusto nina Mamu at Papu na lumaki akong normal at tipikal kahit na papaano. Ayaw nilang maramdaman ko na wala akong mga magulang kaya inutusan nila ako na tawagin silang Papu at Mamu. Papa at lolo—Papu.”
Titig na titig si Roberto sa kanya na bahagyang ikinailang ni Victoria. “See? Akala mo lang walang interesting sa buhay mo.”
Nagkibit ng balikat si Victoria. Sandali siyang nag-alangan ngunit sa bandang huli ay napagpasyahan niyang magsabi ng totoo. “Kilala kita.”
“Huh?” Nagsalubong ang mga kilay ni Roberto sa pagtataka.
“I mean, hindi talaga kilala. Nakita. Napanood.”
Base sa ekspresyon ng mukha ni Roberto ay kaaad nitong nabatid kung ano ang sinasabi niya. Nabura ang ngiti sa mga labi nito at kinang sa mga mata. Kaagad na pinagsisihan ni Victoria ang pagiging tapat.
“Which movie was it?”
“Hipag.”
Tumango-tango si Robert. Sinubukan nitong ibalik ang ngiti ngunit hindi na katulad ng kanina. Kulang na ng sigla. Maging ang mga mata nito ay waring nagkulang na sa interes sa kanya. Parang nais na nitong iwanan siya roon. “Not my best but... okay...”
“Sa YouTube ko siya pinanood. Inalis lahat ng s*x scenes at saka blurred ang nudes.”
Napakurap-kurap si Roberto sa kanya habang nakatingin sa kanya. “Bakit mo sinasabi ang mga bagay na iyan sa akin?” tanong nito, puno ng pagtataka ang tinig.
“Hindi ko rin alam,” ang matapat na tugon ni Victoria. “Gusto kong sabihin na dibdib at braso mo lang ang nakita ko?” Ano ba ang sinasabi niya? Ano ang nais niyang ipakahulugan? Nababaliw na ba siya?
“Wala akong full-frontal sa pelikula na iyon. Kahit na walang cut at blur.”
“Oh...”
“You sound disappointed.”
“Hindi!” Kahit na sa pandinig ni Victoria ay masyadong matinis at mataas ang kanyang tinig.
“You wanna see... my junk?”
“Oh, my God!” bulalas ni Victoria, naeeskandalo. Wala na siyang ibang masabi. Kahit na nababaghan ay hindi nakaligtas sa kanya ang bahid ng inis at sarkasmo sa tinig nit Roberto.
“I think we should stop talking,” suhestiyon ni Roberto na kaagad na sinang-ayunan ni Victoria sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagtango. “Bumalik na lang muna tayo sa kanya-kanyang kuwarto at subukang matulog. Baka pagsikat ng araw ay mahimasmasan tayo. We could maybe start again.”
Dahil labis nang nahihiya ay muling tumango si Victoria at nagpatiuna na sa paglabas sa balkonahe. “See you in the morning.” Technically, morning na ngunit hindi na lumingon si Victoria. Umalis na siya bago pa man mas maging awkward ang usapan na iyon.