Masakit ang ulo ni Rick kinabukasan pagkagising. Sapo-sapo niya ang ulo nang bumangon at nanatiling nakaupo sa kama. Hinilot niya ang sentido at nanatili sa ganoong posisyon nang pumasok naman si Alex sa kanyang silid at may dala-dalang tray ng pagkain, mainit at kaluluto pa iyon dahil nakikita niya ang puting usok na galing sa bowl.
"Masakit ba ang ulo mo? May dala akong kape at mainit na sabaw para maibsan ang pananakit ng ulo mo," ika nito sa mahinang boses.
Matalim niyang tinitigan si Alex. Nagbabanta ang tingin niya ditong huwag lumapit sa kanya ngunit, tila balewala iyon sa babae. Wala itong nakita at nagpatuloy sa paglalakad papasok hanggang sa makalapit siya sa side table. Inilapag ang pagkain saka tumalikod para iwanan si Rick.
"Kainin mo habang mainit pa ang sabaw. Makakatulong iyan sa hang-over mo," saad pa nito bago tuluyang isara ang pinto.
Lalong napasabunot si Rick sa kanyang buhok habang nakatitig sa pagkaing dala ni Alex. Hindi pa rin niya ito maintindihan, ginagawa na niya ang lahat para ito na mismo ang lumayo sa kanya pero pinagsisiksikan pa rin nito ang sarili sa kanya.
Tumayo si Rick at pinilit ang sarili na pumunta sa banyo para maligo kahit pa nga sobra ang pagpitik ng kanyang batok dahil sa pananakit ng ulo. Ni hindi niya pinansin ang pagkaing dala sa kanya ni Alex.
Pagkatapos maligo at makapagbihis, kinuha niya ang selpon at pinindot ang numero ni Atty. Romueldez at tinawagan.
"Attorney, ready na ba ang pinapagawa kong papeles?" Walang paligoy-ligoy na tanong ni Rick sa kausap. Ni-loudspeak niya ang selpon at ibinato iyon sa kama. Nagsimula niyang ayusin ang kurbata.
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Rick?" Balik-tanong ng Attorney sa kanya. "Hindi mo kaya pagsisihan ang ginagawa mong ito?"
Napatigil si Rick at napa-isip. Tumahimik siya saglit bago sagutin ang Attorney.
"I am very sure of it. Ayaw kong makulong sa isang relasyong hindi naman ako sasaya. Alam mong isang babae lang ang maaring magbibigay sa akin ng kaligayahang hanap ko, Attorney. Nag-uumpisa pa lang ito kaya kailangan nang tapusin agad." Puno ng determinasyon saad niya.
Naringgan ni Rick ang matandang Attorney ng malalalim na buntong hininga. Kilala siya nito kaya kahit anong tutol na gagawin nito, hindi mag-iiba ang desisyon niya.
"Sige, ipapadala ko sa opisona mo, Rick. Sana lang talaga ay hindi mo pagsisihan ang ginagawa mo kay Alex. I just met her once, at masasabi kong nakahanap ka ng mabuti at mapagmahal na babae. Iilan na lamang sila, Rick and it's a shame na pinapakawalan mo lamang ang gaya niya," mahabang litanya nito na ayaw na niya sanang mapakinggan pa. Kinuha niya ang selpon sa kama. Pinindot muli niya iyon at tinanggal ang loudspeaker. Pagkatapos ay inilagay niya iyon sa kanyang tainga. Tumalikod at naglakad patungo sa may bintana.
"I want out, Attorney..."
Bigla siyang napatigil at naibaba ang selpon. Agad siyang napalingon sa may pinto kung saan nakita niya si Alex na nakatayo at titig na titig sa kanya. Sa paanan nito ay ang tray na nahulog. May basong nasa sahig at nabuhos ang tubig na laman.
Napalunok siya sa nakitang lungkot at sakit sa mga mata ni Alex.
"Hindi ka ba marunong kumatok? Basta-basta ka na lamang pumapasok! " Imbes na maawa ay mas lalo siyang nagalit. Pinaningkitan pa niya ito ng mata dahil halos hindi tuminag ang asawa sa pagkakatitig sa kanya. "Kanina ka pa riyan?" sigaw na tanong niya kay Alex.
Tila naman natauhan si Alex at agad na tumalima para pulutin ang laman ng tray sa kanyang paanan. Basag na ang basong naglalaman ng tubig. Ang gamot ay basa na rin.
"Just get out of here! Hayaan mo na lamang iyan at si Nanay Mering na lang ang bahala!" sigaw niyang muli kay Alex ngunit tila hindi siya narinig.
Mabilis ang mga hakbang niyang nilapitan si Alex. Padarag na itinayo at hinila paalis sa kanyang kuwarto. Pabagsak niyang sinarhan ito ng pinto nang akmang may sasabihin pa.
Napasabunot siya sa kanyang buhok. Alam niyang may narinig si Alex sa usapan nila ni Attorney Romueldez.
"Para naman sa amin iyon. Masasaktan lamang siya kung ipagpatuloy niya ang kahibangan sa akin. Inililigtas ko lamang siya sa mas matinding sakit na maari kong ibigay sa kanya," sabi niya sa sarili.
Mabilis naman na nagtungo si Alex sa kanyang kuwarto. Doon ay tuluyan niyang pinakawalan ang kanina'y pinipigilang luha. Para siyang kandilang nauupos sa sakit na nararamdaman. Napaupo siya sa kanyang kama habang pumapalahaw ng iyak. Malinaw na malinaw sa kanya ang narinig, gusto na siyang hiwalayan ni Rick. Gusto na nitong kumawala sa kanya. Ni hindi siya binigyan ng pagkakataong maipadama ang kanyang pagmamahal.
Napahiga siya sa kanyang kama na hinang-hina habang sapo ang dibdib. Tila may dumadagan sa kanyang dibdib na mabigat na bagay.
"Bakit ka umiiyak, Alex? Hindi ba at inaasahan mo na ito? Bakit nasasaktan ka pa rin? Bakit iniiyakan mo pa rin siya?" kuwestiyon niya sa sarili.
"Mahal na mahal ko siya. Hanggang maaari, ayaw ko siyang pakawalan. Ayaw ko siyang mawala sa akin," salungat ng puso niya sa kanyang isip. Si Rick lang ang lalaking minahal niya ng husto pangalawa sa kanyang ama.
Nanatili si Alex sa kanyang kuwarto kahit pa naulinigan na niyang umalis si Rick sa bahay. Ayaw niyang magpakita sa mga kasamahan sa bahay na mugto ang mga mata dahil kahit anong pigil niya, hindi maampat ang paglabas ng luha roon. Hanggang sa makatulugan niya ang pagod at labis na pag-iyak.
Pupungas-pungas na nagmulat ng mga mata niya si Alex nang marinig ang tunog ng kanyang selpon. Inapuhap niya iyon sa ilalim ng kanyang unan. Napapindot agad siya para sagutin iyon nang makitang si Annie, na kanyang bestfriend ang tumatawag.
"Hello, Annie," bati niyang pilit pinapasaya ang boses. Ayaw niyang makahalata ito sa pinagdadaanan niya at mag-alala.
"Baby, how are you? Bakit matagal naman ng honeymoon stage mo? Kailan ka babalik sa shop?" tanong nitong mahahalata sa boses ang tampo. Lalo pa at hindi ito nakadalo kahit sa Maynila naman dinaos ang kasal.
Napanguso siya dahil parang nakikita niya ang itsura ngayon ng kaibigan. Malamang ay napakahaba ngayon ng nguso nito at napapairap sa ere. Natawa siya ng bahagya.
"Baby, soon. Give me a month at least," sagot niya rito saka pinaglaruan ang kumot sa kanyang higaan. Pinaikot-ikot niya roon ang kanyang hintuturo. Gumuguhit ng kung ano-ano.
"Oh siya, enjoy the honeymoon stage. Dalhin mo rito minsan si Mister nang makilatis ng maganda mong best friend."
Tumawa siya ngunit pilit. Lalo na sa pagbanggit nito sa kanyang asawa. Sigurado siyang hindi na makikilala ni Annie si Rick. Ngayon pang balak na nitong hiwalayan siya.
"Anong klaseng tawa iyon? Masaya ka ba?" Napalunok si Alex dahil may pagkamanghuhula si Annie, lalo na sa buhay niya. Napakagat labi tuloy siya at hindi ito diretsang masagot. "Okay ka lang ba talaga riyan?"
"Ano ka ba? Masaya ako siyempre, I married the man of my dreams! Pagod lang ako," sagot niyang pilit pinapasaya na naman ang boses. Alam niyang hindi na siya gaya ng dati. Nakalimutan na niya yatang tumawa ng natural. Ngumiti ng walang tinatago. Hanggang pagkukunwari na lamang ang kasiyahan niya. Sa dinanas niya sa buhay, naging mapagkunwari siya. Naging peke siya sa harap ng iba maliban sa mga taong lubos na nakakakilala sa kanya.
Tahimik lamang si Annie sa kabilang linya kaya kinabahan siya. Alam niyang hindi siya makakapagkaila sa kaibigang naging takbuhan niya simula pa noong mamatay ang kanyang ama.
Rinig na rinig ni Alex ang pagbuntong hininga ni Annie. Lalong dumiin ang pagkakakagat niya sa kanyang labi dahil doon.
"Oh siya! Sinabi mo eh. Basta, kung hindi ka na masaya riyan, balik ka agad dito. Narito ako bilang pamilya mo."
Muli, mapait na ngiti ang pinakawalan niya. Muling nagbadya ang luha sa mga mata niya
"Sige, salamat, Annie," paalam niya bago pa man muling maiyak.
Muli siyang napabuga ng hangin pagkatapos niyang maibaba ang tawag. Suwerte siyang nagkaroon ng kaibigang gaya ni Annie. Ngunit ayaw na niya itong hilain pa sa kanyang sitwasyon. Kahit gaano niya kaawaan ang sarili at ang pangangailangan ng isang masasandalan, hindi niya puwedeng isali ang mga taong mahalaga sa kanya sa gusot na kinasasangkutan niya. Pinili niya ang bagay na iyon para sa buhay niya. Lulusutan niya iyon mag-isa.
Napabaling siya sa pinto nang maulinigan niya ang mahihinang katok. Agad siyang nagpahid ng luha bago pa man iluwa ng pinto si Nanay Mering na may dala-dalang pagkain.
"Nay?" Napatayo siya ngunit sinenyasan siya ng matanda na manatili sa kinaroroonan. Kaya muli siyang napaupo.
"Dinalhan kita ng pagkain. Alam kong gutom ka, hindi na kita ginising kanina dahil sa tulog na tulog ka."
Napaiwas ng tingin si Alex sa matanda nang may kung anong tingin ang ipinukol sa kanya.
"Salamat, Nay..."
Nagulat si Alex nang yakapin siya ng matanda. Niyakap siya ng ilang saglit bago tuluyang bitiwan at umalis na walang ibang sinasabi.
Pinigilan niya ang sariling humagulgol muli. Ramdam niya ang pagmamahal ng lahat sa kanya. Maliban na lamang sa lalaking gusto niyang magpakita sa kanya ng pagmamahal, si Rick, ang lalaking mahal na mahal niya.
Wala siyang ganang kumain kaya halos hindi niya nagalaw ang dalang pagkain ni Nanay Mering. Hindi na siya nakapag-umagahan, late na rin nakapag-tanghalian, ngunit hindi niya talaga maramdaman ang gutom.
Palabas na siya ng kanyang kuwarto nang makasalubong niya si Nanay Mering.
"Pupunta na sana ako para kunin..." Nabitin sa ere ang sasabihin nito nang magawi ang tingin sa tray na hawak niya. Bumakas ang matinding pag-aalala sa mukha nito nang iangat muli ang tingin sa kanya. "Ayos ka lang ba, Alex? Hindi ka kumain ah," tanong nito. Tipid siyang ngumiti ngunit agad na napawi iyon nang dumaan si Rick papunta sa kuwarto nito. Nagtama ang mga mata nila nang lumingon ito sa kanila. "Namumutla ka, Alex," dagdag ni Nanay Mering kaya muli siyang bumaling dito.
"Okay lang ako, Nay. Salamat po sa pagkain," ika niya at tuluyang lumabas sa kanyang kuwarto. "Magluluto ako, anong gusto mong ulam," tanong niya kay Rick kaya napatigil ito sa pagsara ng pinto.
"Don't bother, hindi ako kakain dito. Umuwi lamang ako para magpalit!" sagot nito at padabog na sinara ang pinto.
Napatitig na lamang si Alex sa pinto ni Rick. Na tila sa pamamagitan ng pagtitig niyang iyon ay maiibsan ang sakit na nararamdaman. Na mawawala ang patong-patong na bigat sa kanyang dibdib.
"Alex?"
Muli siyang naglagay ng ngiti sa labi bago lingonin ang matandang tumapik sa kanyang balikat. Sinigurado niyang malawak ang ngiting iyon para maitago ang sakit na nararamdaman. Patuloy niyang sinasabi sa sariling maayos lang siya. Kaya pa niya. Kakayanin pa niya kahit balewalain siya.