MULI akong napatalikod, hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung papasok ba ako o haharap sa kanya. Para akong ibon na naipit sa pagitan ng dalawang pinto. Kay Alex na pilit kong tinatakasan at kay Conrad na pilit kong kinakalimutan ngunit parehong wala akong kalayaan.
“Ate…” mahina ang boses ni Mack, hawak pa rin niya ang ilang basahan.
“Ate pinakyaw ni sir pogi ang mga panindan natin. Tamang-tama dahil huling saing na ‘yong bigas kanina.”
Napakagat ako sa ibabang labi. Bakit kasi napakadaldal ng kapatid ko lahat naririnig ni Conrad ang kahirapan namin. Pero hindi ko naman puwedeng sisihin si Mack dahil bata pa naman siya. Hindi pa niya masyado naiintindihan ang mga bagay-bagay.
“Ate harapin mo naman si sir pogi. Binili na niya ito lahat.”
Doon na ako humarap at nagtama agad ang mata namin ni Conrad. Ako ang unang umiwas at tumingin sa kapatid ko.
“Pumasok ka na sa loob. Maghugas ka nga ng paa mo napakadumi!” sinadya kong taasan ang boses ko upang ikubli ang hindi ko maintindihan ang kabang aking nararamdaman.
“Sabing pumasok ka sa loob!” ulit ko.
“Bakit naman ako sa loob papasok ate eh wala naman doon ang tubig. Sa banyo ang tubig kung maghuhugas ako ng paa.”
“He’s right, Cass. Walang tubig—”
“Anong ginagawa mo dito?!” putol ko agad sa sasabihin niya. Hindi ko lang gusto kung paano niya ako tawagin sa palayaw na siya lang ang nagtatawag sa akin ng ‘Cass’ gusto kong kalimutan namin ang lahat dahil ‘yon ang tama pero paano ko ‘yon magagawa kung pinapaalala niya pa sa akin kahit ang simpleng pagtawag niya sa akin.
“All those years… I expected you to be successful by now, Cassandra. But look at you—”
“Pumunta ka lang ba dito para laitin ako? pagtawanan?”
“No, no, no. Of course not. I’m just wondering why your life turned out like this. Hindi ito ang buhay na nararapat para sa ‘yo—"
“Ah, talaga? At sino bang may sabi kung ano ang buhay ang nararapat para sa’kin? ikaw?” ngumisi pa ako. Siya ang tumapos sa pagsasama naming dalawa. Nagulat na nga lang ako noon may dumating ng annulment paper at pirmado na niya. Kaya hindi ko maintindihan kung anong dinadrama-drama niya ngayon.
Napabuntong-hininga siya. Lumapit ng isang hakbang pero umatras rin ako ng isa.
“Hindi kita iniwan para maghirap ka. May iniwan akong pera. Sapat para makapagsimula ka ulit.”
“Hindi ko kailangan ng limos, Conrad.” Sagot ko at kahit na nanubig na ang mata ko ay mas lalo kong tinapangan.
“Hindi ‘yon limos!” bahagyang tumaas ang boses niya.
“Responsibilidad ko ‘yon Cass—”
“Mula no’ng ginalaw mo si Antonia wala ka ng responsabilidad sa akin. At kung ano man ang nakikita mo sa buhay ko ngayon, wala ka ng pakialam. Hindi kita ginulo, Conrad, hindi ako nagmakaawa sa ‘yo at hinding-hindi ko ‘yon gagawin. Kaya umalis kana, hindi kita kailangan.”
“May asawa ka na ba?” bigla niyang tanong sa malumanay na boses.
Nagulat ako sa biglaan niyang tanong. Hindi ko alam kung bakit biglang sumiksik sa dibdib ko ang pangalan ni Alex.
“Hindi ko kailangan sagutin ang tanong mo.”
“May nananakit ba sa’yo?” muli niyang tanong.
Napatingin siya sa braso ko. Doon sa bahagyang nakalitaw ang mga pasa sa ilalim ng kupas na daster ni Lola.
Awtomatiko kong hinila pababa ang manggas.
“Wala,” sagot ko.
Hindi siya naniwala. Kita ko sa mga mata niya.
“Cassandra—"
“Umalis ka na, Conrad,” sabi ko nang mas mahinahon.
“Kung talagang may natitira ka pang respeto para sa akin umalis ka na.”
Hindi siya kumibo. Matagal niya akong tinitigan. Para bang hinahanap niya ang dating ako. Iyong babaeng madaling ngumiti sa kanya. Iyong babaeng handang maniwala.
“Sumama ka na lang sa’kin. Kumain tayo sa labas,” sagot niya na para bang napakasimple lang ng lahat.
“Kahit sandali lang, Cassandra.”
“Hindi. Umalis kana!” mariin kong sagot sabay turo sa gate ng sementeryo.
“Aba’y may bisita pala tayo! apo, Cassandra may bisita tayo mukhang naligaw ho kayo, Sir.”
“Lola!” malakas na boses ni Mack at dali-daling lumapit ang kapatid ko kay Lola at kinuha niya ang dalang sako bag ni lola at plastic na may binili siya.
“Noodles ang ulam natin ngayon, lola?”
Ramdam ko ang lungkot ni Mack.
“Oo. May malunggay riyan lagyan natin para mas masustansya.”
“Noodles na naman. Diba sabi n’yo Lola bibili tayo ng pansit ngayon? noong nakaraang birthday ko noodles ngayon noodles na naman.”
“Anong magagawa ko wala tayong pera. Saka pansit rin naman ‘yang lucky me beef na ‘yan apo. Lagyan lang natin ng maraming sabaw para mas marami. Pasensya ka, ‘yan lang ang nadelihinsya ko sa pangangalakal. Hindi pa nasahod sa Tupad.”
“Birthday mo pala?” Tanong bigla ni Conrad kay Mack na umiyak bigla at kumaripas ng takbo papasok sa barong-barong.
“Hay naku! Pambihira talaga ang batang ‘yan, oh, oh! Akala yata ay mayaman tayo. Hindi pa nasanay!”
“Bili na lang tayo ng pansit, La. May pera naman po dito.” Saad ko na lang. Bukod sa naawa ako sa kapatid ko na birthday niya pala ngayon ay naawa rin ako sa kanya.
“Ay naku ‘wag na. Apo. Sandali, sino ba ‘tong magandang tindig na bisita mo?”
“Itago n’yo na po ito lola.” Mabilis akong lumapit kay Lola at binigay ko sa kanya ang 500 pesos.
“Good afternoon po.” Magalang na pagbati ni Conrad kay Lola.
Hindi alam ni Lola na si Conrad ay ang apo ni Donya Estelita. Hindi ko na rin pa sinabi.
“Good afternoon naman sa ‘yo hijo. Anong atin? May mahal ka ba sa buhay na nakalibing rito?” Tanong ni Lola.
“Hindi po… pero dito na po talaga kayo nakatira? Paano kayo nagkakasya diyan sa loob? Hindi po ba kayo natatakot? Paano po kapag dumadalaw ang mga mahal sa buhay ng mga namatay na ‘yan?”
Yumuko na lang at tumalikod. Kinuha ko ang mga dala ni Lola pero ang buong atensyon ay sa kanilang dalawa. Pero tumingin pa rin ako kay Conrad. Pinagmamasdan niya ang barong-barong namin at kahit naman sino ay maawa talaga sa sitwasyon namin. Ang lapida ng taong hindi naman namin kilala ay may sapin lang na karton. Nagkataon na dalawang puntod ‘yon magkadikit siguro ay mag-asawa ang namatay kaya tig-isa si Mack at si Lola ng higaan. Tas ang mga gamit namin ay nakalagay lang sa mga eco bag at pinagsasabit-sabit lang sa dingding ng mga tagpi-tagping trapal at yero.
“Dalawang taon na kaming nakatira dito, hijo. Sa dalawang taon na ‘yon wala naman bumisita na kamag-anak ng namatay. Duda ko ay baka nasa Amerika na ang mga kamag-anak niyan. Hindi rin kami natatakot, dahil mas nakakatakot ang buhay kaysa sa patay.” May halong tawa pa ni Lola. Tumango lang si Conrad alam kong sang-ayon rin siya sa sinabi ni Lola.
“Paano po kayo nagkakasyang tatlo diyan?”
“Kaming dalawa lang ng apo kong si Mack. Itong si Cassandra kasi ay bumisita lang. May asawa ‘yan si Cassandra bumibisita lang talaga siya dito sa akin.”
Biglang lumakas ang tahip ng dibdib ko. Kahit hindi ako tumingin sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong lumingon sa akin si Conrad.
Tumalikod at nagkunwaring busy rito at hindi sila naririnig.
Hindi na rin pa nagtanong si Conrad natahimik ito bigla. Lumabas na si Mack at umiiyak pa rin.
“Huwag ka na umiyak diyan. Bibili tayo mamaya ng pansit mo saka tinapay.” Sabi ko.
“Pero ayaw ni Lola ate kasi malaki daw ang gastos. Pinipilit niya ang lucky me.”
“Hin—”
“Cassandra.”
Napatingin ako kay Conrad na humakbang palapit sa akin.
Si Mack naman ay tinawag ni Lola at inutusan kaya kami na lang dito ni Conrad sa labas.
“Bakit? ‘diba sinabi kong umalis kana!”
“So… nag-asawa ka nga uli.” Tanong niya na hindi pinansin ang sinabi ko.
“Oo.” Sagot ko. Tumango-tango siya at mula sa aking mukha ay napatingin siya sa lupa, o sa paanan ko. Hindi ko sigurado, saka siya muling nag-angat ng tingin sa akin.
“Nice. I hope you’re happy.”
Tumingin rin ako sa kaniya na nakatutok siya sa mga mata ko. Napakurap ako dahil pakiramdam ko ay may namumuong luha sa mata ko.
Kung alam mo lang Conrad. Kung alam mo lang ang totoo kong kalagayan. Pero hindi ko ‘yon sasabihin sa ‘yo para ano pa,
Matagal na tayong hiwalay… tatlong taon na ang nakalipas at nakaya ko ‘yon lahat… at isa pa, labas kana sa buhay ko…