Matapos ang humigit kumulang na kalahating oras na paglalakad ay narating din nila ang isang malaking bahay. Mataas ang konkretong bakod niyon. May guwardiya sa labas ng gate at nang makita si Mattias ay agad itong nagbigay-galang.
"Sir Matt," wika nito. "Kanina pa po kayo hinahanap ng dad n'yo. Galit na galit po."
Ngumisi si Mattias saka umiling. "Si dad talaga."
Isinara ng guwardiya ang gate. Tumuloy naman ang dalawa sa main door subalit agad na hinawakan ni Mattias ang kamay ng dalaga nang marinig ang galit na tinig ng ama. Mabilis niyang hinila ang kamay ni Lady Abby at iginiya ito patungo sa likod ng mansiyon kung saan naroon ang isang malaking lubid na nakalaylay. Nakatali iyon sa malaking bakal sa terrace na nasa labas mismo ng kuwarto niya.
"Are you in for this kind of stuff?" usal ni Mattias nang nakangisi. "Mas matatagalan kasi tayo kung sa main door tayo dadaan. Natitiyak ko na sermon ang aabutin ko kay dad kapag nakita niya ang mga hitsura natin."
Napangisi na rin si Lady Abby. Gawain din niya ang ganito noong kabataan niya. Kapag hindi siya pinapayagan ng mga magulang niya na lumabas para makipagkita sa mga kaibigan ay awtomatiko na sa bintana siya dadaan.
Imbes na sumagot ay hinawakan ni Lady Abby ang malaking lubid at nagsimula na sa pag-akyat. Beterana na siya pagdating sa ganitong sitwasyon at nagpapasalamat siya na maong pants ang isinuot niya dahil malaya siyang nakagagalaw. Kahit mag-tumbling pa siya ay okay lang.
"Puwede ka ng sumali sa akyat-bahay gang," biro niya sa binata nang naroon na sila sa terrace sa labas ng kuwarto nito. Napaupo siya sa gilid saka isinandal ang likod sa railings ng terrace. Ngayon niya naramdaman ang sobrang pagod, pero kasabay niyon ay ang hindi maipaliwanag na tuwa dahil muli niyang naranasan ang tumakbo at magtago sa mga armadong lalaki.
Tumawa si Mattias saka naupo sa tabi ni Lady Abby. Nagbiro siya, "Bakit pa ako sasali kung kaya ko namang magtayo ng sarili kong grupo?"
"Nice idea." Tumango-tango siya.
"And you are the first member of my 'akyat-bahay' group." Lumuwang ang pagkakangiti ni Mattias.
Tumawa na lang si Lady Abby. Sa isip niya ay naroon ang ideya na mas magiging maayos ang bubuuin nilang grupo kung siya ang mamumuno at hindi ang lalaking katabi. Kahit nga paglangoy sa ilog ay hindi nito magawa, paano pa kung mapalaban sila sa dagat? Bahag din ang buntot nito nang paulanan sila ng bala kanina ng mga armadong kalalakihan.
Tinitigan ni Mattias ang mukha ng dalaga. Hayun na naman ang umuusbong na paghanga sa dibdib niya para dito. Tila may kung anong bagay sa maamong mukha ng dalaga ang nagtutulak sa kaniya para pagmasdan ito.
Natigilan si Lady Abby at napatitig na rin sa mga mata ni Mattias. Aaminin niya na naging suplada siya sa lalaking ito at iyon ay para itago ang kakaibang pakiramdam niya para dito. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya humanga nang husto sa isang lalaki.
Unang nagbawi ng tingin si Mattias. Tumayo siya at inalalayan ang dalaga sa pagtayo. Kailangan na nilang magbihis dahil parehas na silang giniginaw at basang-basa ang suot nilang damit.
Binuksan ni Mattias ang pinto ng kuwarto at pinauna sa pagpasok ang dalaga. Sumunod din siya agad at iginiya ito papunta sa banyo para makaligo. Tumigil si Lady Abby sa gilid ng pinto at hinarap ang binata.
"S-salamat sa pagtulong mo sa akin kanina," taos sa puso na saad ni Lady Abby. "Salamat at naroon ka." Ngumiti siya.
Nakabukas ang ilaw sa kuwartong iyon at pansin ni Mattias ang hindi nakasasawang ngiti sa labi ng dalaga. Para siyang nanghihina sa mga titig at ngiti nito. Bigla-bigla ay tila gusto na niyang sunggaban ng halik ang mala-rosas nitong labi.
"Again," muling wika ni Lady Abby habang nakatitig sila sa isa't isa. Halos hindi niya mabigkas ang mga sumunod na salita dahil unti-unting lumalapit sa labi niya ang labi ng binata. "I am sorry for what happened to your car."
"Wala 'yon," tugon ni Mattias sa mahinang tinig. Naroon ang atensiyon niya sa labi ng dalaga. "I have several cars at hindi kawalan sa akin ang sasakyan na nahulog sa ilog."
Inilapat ni Lady Abby ang kanang palad sa dibdib ni Mattias at bahagya itong itinulak. "Halata ko nga sa estado ng pamumuhay mo. You can afford to buy another expensive car." Lumayo siya kay Mattias at pinasadahan ang kabuuan ng kuwarto.
Black and white ang theme ng kuwarto. Akma para sa isang lalaki na gaya ni Mattias. Malaki ang kuwarto at napansin niya ang nakaawang na glass door sa tabi ng bedside table. Napakunot ang noo niya dahil tila may nasilip siya na mahabang baril doon.
Agad na nilapitan ni Mattias ang glass door at pasimpleng isinara. "It's my office," saad niya.
Tumango lang si Lady Abby at inilipat ang paningin sa pinto ng banyo. Itinaboy niya ang kaba sa sariling dibdib. Baka imahinasyon niya lang ang baril na iyon dahil nitong mga nakaraang araw ay palagi siyang bumibisita sa mansiyon ng ama at puro baril ang nakikita niya roon.
Nang hindi pa rin kumikilos si Lady Abby ay muli itong nilapitan ni Mattias at nagpakilala. "I haven't got a chance to introduce myself to you, yet." Inilahad niya ang sariling palad. "I am Matthew."
Bahagyang ngumiti si Lady Abby. May naisip na naman siyang kalokohan. Oo, tinulungan siya ng lalaking kaharap pero hindi siya tanga para sabihin dito ang totoo niyang pangalan.
"Gail," tugon niya. "My name is Gail." Iniabot niya ang kanang palad para makipagkamay.
"Nice to meet you then, Gail." Pinisil ni Mattias ang kamay ng dalaga. Sa utak niya ay naroon ang hinala na hindi talaga iyon ang totoo nitong pangalan. Well, bukas niya malalaman kapag inihatid niya ito sa sarili nitong bahay.
"My pleasure." Nakangiti pa rin si Lady Abby habang magkahawak ang kanilang mga kamay.
"Pleasure," ulit ni Mattias sa salitang iyon. Tila iba ang ibig sabihin niyon kaniya. Muli, ay naroon na naman ang kakaibang init na lumulukob sa buong katawan niya habang nakatitig sa mukha ng dalaga. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoong init lalo pa't hindi sinasadyang kagatin ni Lady Abby ang pang-ibaba nitong labi.